Dala marahil ng pagod at naranasang stress, nakatulugan na ni Enso ang pakikinig ng music. Ang balak niya ay mahiga lamang saglit sa kama ni Cliff pero nang magising siya ay madaling araw na at nag-iisa pa rin sa kwarto.
Nasaan si Cliff? Saan kaya natulog ang binata? Nalaman niya ang sagot nang pagbaba niya para pumunta ng kusina para uminom ng tubig ay nadaanan niyang natutulog sa sofa si Cliff na nakasando ng puti at checkered na boxer shorts na brown. Nakaunan ang ulo sa armrest at nakapatong ang kaliwang kamay sa noo habang ang isa’y nasa tagiliran at malapit ng malaglag sa upuan.
Buhay pa ang lampshade na nakapatong sa center table na mukhang ginawang study table ng binata. Naroon din ang ilang libro at notebook na nakabukas pa kasama ang scientific calculator at ballpen. Mukhang nakatulugan na rin ni Cliff ang paggawa ng assignment.
Nakaramdam si Enso ng awa sa binata. Maghapon na kasi itong nasa trabaho at hanggang gabi naman sa eskwelahan tapos kailangan pa nitong kuhanin ang oras na dapat sana’y itutulog na para sa mga assignments na dapat gawin. Idagdag pa ang kasalukuyang pressure na nararanasan nito dahil sa inang maysakit at napasama pa siya ngayon sa mga intindihin ng lalaki.
Bago pa pag-isipan ni Enso ng kung ano-anong bagay ang natutulog na si Cliff, sinabihan na niya ang sariling pumunta na ng kusina. Pagpasok niya ng kusina, nakita niya sa mesa ang isang supot na brown at may stick-it notes na yellow na nakalagay:
Sakaling magising ka at magutom. -Cliff
Napaka-thoughtful naman ni Cliff na maisip pa ito sa kabila ng dami na nitong inaasikaso. Binuksan niya ang supot at nakita ang chao-fan rice-in-a-box na nasa loob. Kahit ayaw niyang pansinin, kinikilig siya habang kinakain ang bigay sa kaniya ni Cliff. Nang maubos, uminom siya ng tubig at muling nagbalik na sa kwarto ng binata.
Naisip sana nyang gisingin si Cliff para sa kwarto na nito matulog at siya na lang ang hihiga sa sofa pero masasayang naman ang tulog nito.
Sa umaga na lang niya pasasalamatan si Cliff. Pero hindi rin niya nagawa dahil nang magising siya at makita sa desk clock ni Cliff ang oras, mag-aalas-nwebe na ng umaga. Nasa trabaho na ulit sa Cliff at tiyak iniisa-isa na nitong puntahan ang pagdedeliveran.
Nakita rin ni Enso na nakapatong na sa sidetable ang libro, notebook at calculator ni Cliff na nakita niya sa center table sa sala kaninang madaling araw.
“Good morning!”
Medyo nagulat si Enso sa paglitaw ng ulo ng isang dalagita sa medyo nakabukas na pinto ng silid. Napabangon tuloy siya saka umupo sa gilid ng kama nang tuluyan ng pumasok ng silid.
“Good morning din sa iyo,” ganting tugon ni Enso. Hinawakan niya ang buhok na tumakip sa kaniyang mata saka iniipit sa taas ng kaliwang tainga. Kapag nakalabas ulit siya ng bahay nina Cliff, unang gagawin niya ang magpagupit at nahihirapan siya sa ganito kahabang buhok.
Tumigil ang dalagita sa may paanan ng kama. Nakasuot ito ng maiksing short na pula at puting hanging shirt na sleeveless. Naka-pony tail ang maitim at mahabang buhok at aaminin niyang maganda ito kahit walang kolorete sa mukha.
“Kanina pa ako pasilip-silip dito. Inaabangan ko ang paggising mo at ibinilin ka sa akin ni Kuya Cliff na papag-almusalin.”
Wala namang nasabi sa kaniya si Cliff na may kapatid ito. Sobrang bata pa naman nito para maging iyong nurse na kapitbahay na nabanggit ni Cliff kahapon.
“Ako nga pala si Greta,” pakilala ng dalagita. “Diyan ako sa pangatlong unit ng apartment nakatira. Actually kami ng mommy ko pero nasa work na siya ngayon. Kasisimula lang niya ngayong araw. Si Mommy talaga dapat ang nandito ngayon at nagbabantay kay Nanay Irma pero iyon nga, nakapagtrabaho na siya ulit. Kaya ako muna ang proxy ngayong araw at baka sa mga susunod pang mga araw.”
“Okay,” iyon lang ang naitugon ni Enso sa dire-diretsong pagpapakilala ni Greta. Irma pala ang pangalan ng nanay ni Cliff, ngayon lang niya nalaman.
Umupo si Greta sa tabi niya, itinaas nito ang kaliwang paa sa kama at humarap sa kaniya. “So, ikaw si Enso. Enso na walang apelyido. Enso na nakilala ni Kuya Cliff dahil sa mala-romance story na scenario ng first meeting ng dalawang bida. Boy meets boy. Enso na may selective amnesia. Enso na--”
“Oo, ako nga si Enso,” sabad niya na pinigil matawa. Ganito ba talaga ang dalagitang ito, walang preno ang bibig sa pagsasalita? Imagine, nitong umaga lang ang dami na nitong impormasyong nakuha kay Cliff tungkol sa kaniya.
“Totoo bang galing ka sa future? Iyon daw kasi ang sabi mo kay Kuya Cliff pagkatapos ka niyang iligtas sa paparating na truck kahapon. Totoo ba talaga iyon o dahil lang sa amnesia mo kaya mo rin nasabing galing ka sa future?”
“Iyon ba ang sabi ni Cliff sa iyo?”
Napangisi si Greta. “Sa totoo lang pinilit ko lang si Kuya Cliff kaya nagkwento siya tungkol sa iyo. Usually hindi iyon basta-basta naimik at palaging seryoso. Kaya nagtaka ako kaninang umaga at iba ang aura niya. For the first time after two years nakita ko ulit iyong totoong saya at ngiti niya. So, totoo bang galing ka sa future?”
“Maniniwala ka ba kung sasabihin kong galing nga ako sa 2016?”
Nagkibit-balikat si Greta. “Kung noong bata pa ako baka maniwala ako pero ngayong magpi-firteen na ako mukhang hindi na.”
“Hindi ka nga naniniwala?”
Tumango ang dalagita. “Kung totoo man, nasaan ang time machine mo?”
“Wala akong ginamit na time machine. Hindi ko nga alam kung paano ko natawid ang panahong ito. Basta ang alam ko lang—”
“Tumalon ka doon sa billboard at nang bumagsak ka sinagip ka naman ni Kuya Cliff,” si Greta na ang tumapos ng sasabihin niya.
Napahimas si Enso sa kaniyang sentido. Pakiramdam niya pumintig ito sa pagsubok niyang alalahanin na naman ang nangyari.
“Habang tulog ka pa kanina, naisip kong itanong sa iyo kung ano na ang meron sa 2016 pero nasabi naman sa akin ni Kuya Cliff na wala ka ngang maalala. Isa pa baka kung sakali hindi mo rin sagutin at baka siyempre magbago ang hinaharap halimbawa kung tanungin ko kung si Kuya Cliff nga ba ang nakatuluyan ko. Naging husband ko ba siya? Nagpadala ba siya sa panunuksong ginagawa ko?”
Hindi na napigilan ni Enso ang matawa.
“Siyempre, kapag sinabi mong hindi babae ang nakatuluyan ni Kuya Enso kundi isang lalaki,” humalakhak ito ng nakakaloko bago nagpatuloy, “baka baguhin ko ngayon pa lang ang taktika para kami nga ang magkatuluyan.”
Ibig bang sabihin, bisexual o gay din si Cliff kagaya niya? Mukhang iyon ang tinutumbok ng kadaldalan ni Greta. Hindi mapigilan ni Enso ang tuwang lumukob sa puso niya dahil sa naisip.
“Pwedeng lasingin ko siya tapos kapag nakalimot kami at mabuntis ako, edi kasalan na.”
“Iyon ba ang gusto mong mangyari?”
“Joke lang iyon,” tumawa ito ng malakas. “Pero sa totoo lang, noong ten years old pa lang ako, iyon talaga ang pangarap ko. Noong mamatay kasi si Daddy at down na down ang pamilya namin, sina Nanay Irma at Kuya Cliff ang tumulong sa amin ni Mommy. Napakabit nilang mag-ina. Hindi na nga kami pinagbayad ng renta sa apartment simula noon. Tapos sila pa ang nag-provide ng mga pangangailangan namin sa araw-araw. Doon nagsimula ang paghanga ko kay Kuya Cliff. Siya ang naging ideal boyfriend ko.”
“Sorry sa Daddy mo.”
“Ok lang at matagal na naman iyon. Kaya ngayon sila namang mag-ina ang tinutulungan namin ni Mommy. It’s payback time ‘ika nga. Kaya kailangan na ring kumayod ni Mommy para hindi na kami maging pabigat pa sa kanila.”
“So, bakit biglang nagbago?”
“May nakilalang guy si Kuya Cliff at doon ko tinanggap na hindi ako o kagaya kong babae ang gusto niya. Kahit hindi aminin ni Kuya Cliff alam kong na-in love siya kay Kuya Carlo kaya lang,” tumigil ito sa pagsasalita.
“Kaya lang ano?”
Umiling si Greta. “Patay ako nito kay Kuya Cliff. Mapapagalitan pati ako ni Nanay Irma at bawal pag-usapan ang tungkol kay Kuya Carlo.”
“Bakit naman?”
Hindi siya sinagot ni Greta bagkus tumayo ito mula sa kama. “Tayo na sa kusina. Lalong lalamig ang almusal.”
Sumunod siya kay Greta at pagkalabas nila ng pintuan, hinarap siya ng dalagita. “Totoo bang magsu-suicide ka dapat at nagawang pigilan ni Kuya Cliff?”
Tumango si Enso. “Iyon ang pagkakatanda ko.”
“Naiisip mo pa rin bang ituloy?”
Hindi pa siya nakakasagot nang hawakan siya sa kamay ni Greta, bakas ang sinseridad sa mukha. “Huwag na please. Kailangan ka ni Kuya Cliff. Hindi man niya aminin, alam kong may kinalaman ang presensiya mo rito sa kakaibang saya niya ngayong umaga.”