Natutuwa si Enso sa kadaldalan ni Greta. Hindi niya namalayan ang paglipas ng oras sa pakikinig sa kung ano-anong kinukwento nito sa kaniya habang magkasama silang naglinis ng bahay hanggang makapagluto ng pananghalian. Nakakain na sila ng tanghalian at kabababa lang ni Greta mula sa pagpapakain kay Aling Irma sa silid nito nang humarang ang dalagita sa pinapanuod niyang noontime show.
Kahit nitong umaga lang niya nakilala si Greta, magaan na kaagad ang loob niya rito. “Baka gusto mong tumabi ng kaunti?”
“May pupuntahan tayo,” sabi nito sa kaniya na sa tono ng tinig ay hindi pwedeng hindi siya umayon.
“Saan naman?”
Kinuha nito ang remote sa kaniya at pinatay ang TV. Tiningnan siyang maigi sa mukha. Hinawakan ang buhok niyang aabot na sa balikat. “Papa-make over kita. Sa tingin ko may mala-artistang pagmumukha ang itinatago ng buhok mo at balbas.”
“Paano si Aling Irma?”
Inilabas nito ang cellphone. “Nagpaalam na ako at tatawag lang siya sakaling kailangan. Isa pa ihahatid lang naman kita sa parlor at diyan lang naman sa may kanto saka na lang kita babalikan pagkatapos.”
Iyon talaga ang gustong gawin ni Enso kaya lang naibigay niya lahat ng pera niya kahapon sa matandang lalaking nagbenta sa kaniya ng anitong kwintas. “Wala akong pera.”
“Ako ang bahala. Kahit iuutang ko na sa parloristang kakilala ko basta mapagwapo lang kita.”
Napailing siya. “At bakit mo naman iyon gagawin?”
“Trip ko lang.” Nakangiting tugon nito sa kaniya. “At huwag na huwag kang magtangkang basagin ang trip ko.”
Sa tingin ni Enso, pwedeng-pwedeng kumandidato ng konsehal si Greta sa dami nitong kakilala. Halos lahat ng makasalubong nila habang naglalakad ay kabatian ng dalagita hanggang sa loob ng Beauty Salon kabiruan niya ang mga parlorista maging ang mga naroroong parokyano.
“Boyfriend mo?” tanong kay Greta ng parloristang si Candy na siyang kinausap nito para pagupitan si Enso. Nakaupo na siya sa salon chair at nakaharap na salamin habang pinagmamasdan ng parlorista ang repleksiyon niya sa salamin.
“How I wish, bakla,” sagot naman ni Greta.
“So akin na lang siya kung ganoon,” nakangising sabi nito na lumitaw ang bunging ngipin habang hinihimas-himas ang kaniyang buhok.
“Pwede, in your dreams.”
“Hay ganun?”
Inirapan ni Greta si Candy. “Ganun nga.”
Pagkatapos siyang ihabilin ni Greta sa parlorista, nagpaalam na ang dalagita sa kaniya. Pinili niya ang manahimik at ngumiti na lang sa mga pagbibiro sa kaniya ni Candy habang ginugupitan siya nito.
Ayaw ni Enso na may iba pang tao ang humalungkat ng tungkol sa kaniya at madagdagan ang mga mag-iisip na baka may sayad ang utak niya sakaling sabihin niyang galing siya sa 2016.
Wala pang kalahating oras, tapos na siyang gupitan at nilalagyan na ni Candy ng shaving cream ang bahagi ng kaniyang mukhang may balbas nang makita niya mula sa salamin, ang pagpasok sa salon ng isang lalaki.
Tantiya ni Enso nasa mid-thirties ang edad nito. Medium built ang katawan at mala-adonis ang kagwapuhan. Daddy-type ang dating na lalong kumisig sa semi-kalbo nitong buhok.
Hindi sana mapapansin ni Enso ang lalaki kundi lang ito nakatingin sa kaniya hanggang makalapit sa may tabi ni Candy.
“Hello Sir Aldo,” bati ni Candy sa lalaki.
Hindi nito inalis ang tingin kay Enso kahit nang magtanong ito sa parlorista. “Nandiyan ba si Vanessa?”
“Naku Sir, kalalabas lang po ni Ma’am. Kung gusto ninyong hintayin, maupo muna kayo.”
“Magtatagal ba siya?”
“May pinuntahan lang po siya. Baka mayamaya nandito na rin iyon.”
Naupo si Aldo sa sofang naroon. Kinuha ang isang magazine at binuksan. Napaisip tuloy si Enso na baka kilala siya ng lalaki dahil sa nahuhuli niyang pasulyap-sulyap ito sa kaniya habang kunwaring nagbabasa.
“Sino si Vanessa?” mahinang tanong niya kay Candy.
“Si Ma’am Vanessa ang may-ari ng salon na ito.” Napangiti si Candy nang mahuli siyang nakatingin kay Aldo. “Type mo?”
Todo-iling ang ginawa ni Enso. “Nagtataka lang kasi ako at kanina pa siya tingin ng tingin.”
“Baka type ka,” pabulong na sabi ni Candy na binuntunan ng pigil na pagtawa. “Well, binata pa naman si Sir Aldo. Kaibigan siyang matalik ni Ma’am Vanessa.”
Hindi na hinintay ni Enso na balikan siya ni Greta. Pagkatapos niyang magpasalamat kay Candy, dumiretso na siya ng labas sa salon. Nakita niya sa isang sulok ng mata niya na tumayo si Aldo at lumabas din ito ng pinto kasunod niya.
“Hey, wait…”
Napilitan siyang tumigil sa paghakbang at bumaling ng tingin. Hinintay niyang makalapit sa kaniya si Aldo.
“I know this kind of sound crazy,” nag-aalangang sabi nito sa kaniya. “But do I know you from somewhere?”
Hindi pa siya nakakasagot kay Aldo nang may tumawag sa pangalan ng lalaki. Hangga’t maaari gusto niyang limitahan ang mga taong makakakilala niya sa panahong ito kaya sinamantala niya ang pagkakataon at mabilis na naglakad pabalik sa bahay nina Cliff.
Pero pumasok din sa isip ni Enso, paano kung kilala siya ni Aldo? Paano kung makatulong ito para maalala niya ang tungkol sa kaniya? Umiling siya sa sariling tanong. Do I know you from somewhere? Ibig sabihin hindi rin sigurado si Aldo na magkakilala sila. Paano kung pick up line lang pala iyon ng lalaki para makipagkilala sa kaniya?
Ilang minutolang niyang nilakad ang daan pabalik. Kumatok siya sa pinto at pinagbuksan naman siya ng nakakunot-noong si Greta.
“Bakit nandito ka na?” sa tono ng boses nito parang ayaw pa siyang makita.
“Si Enso na ba ‘yan?” boses ni Cliff ang narinig niyang nagsalita mula sa loob ng bahay.
“Siyet ang gwapo mo. Hindi ako nagkamali ng tingin sa iyo,” kinikilig na papurin ni Greta sa kaniya. “Wait ka lang diyan,” sabi nito sabay sara ulit ng pinto.
Ano ba ng nangyayari sa batang iyon? At bakit wala pa namang alas-kwatro nasa loob na si Cliff?
Pagbukas ulit ng pinto ni Greta, unang bumulaga sa kaniya ang nakatayong si Cliff, “Ano na naman bang pakana mong ito Greta—” hindi na nito naituloy ang sasabihin nang mapako ang tingin sa kaniya ng binata.
Napa-wow itong pinagmasdan ang transformation niya. Bago lumabas kanina ng salon, nakita na naman ni Enso sa salamin ang sarili at punum-puno siya ng confidence ngayon na maayos ang hitsurang nakikita sa kanya ni Cliff kumpara kahapon. Base sa reaksiyon nito ngayon at kung paano siya titigan, sigurado siyang nakuha niya ang thumbs up ng binata.
“Di ba Kuya Cliff, ang guwapo ni Kuya Enso?” todo pag-build up pa sa kaniya ni Greta.
Ilang segundong speechless si Cliff na parang namatanda bago pa nito nahanap ang sariling dila. “Super.”
Ngumiti si Enso kasabay ng naramdaman niyang pagbaha ng kasiyahan sa dibdib.