“So…,” nakangising sabi ni Greta pagkatapos hatakin si Enso papasok ng bahay saka isinara ang pinto. “Problem solved ka na Kuya Cliff.”
“Anong sinasabi mo?” pasinghal namang tanong ni Cliff na mukhang nakabawi na sa pagka-mesmerize kay Enso.
“Heto na ang plus one mo,” itinuro siya ni Greta. Sinadyang idikit ang dulo ng kaliwang hintuturo nito sa kaniyang dibdib. “Si Kuya Enso.”
Umiling si Cliff saka nagbalik ito sa sofa, umupo at kunwari’y nag-focus sa pinapanuod sa TV. Pakiramdam naman ni Enso parang kapapasok lang niya sa loob ng sinehan na nasa kalagitnaan na ng palabas kaya clueless sa pinag-uusapan ng dalawa. Nanatili siyang nakatayo sa walang maisip na reaksiyon o nararapat gawin.
“Hindi nga ako pupunta.” Tumingin sa kaniya si Cliff. “Huwag mong pansinin iyang si Greta, Enso.”
“Kapag hindi ka pumunta, baka kaltasan ka ng ilang oras sa sweldo mo. Kailangan mo pa naman ng kaperahan sa mga panahon ngayon. Kaya nga half day ka lang para makapag-prepare, ‘di ba?”
Nag-isip si Cliff sa sinabi ni Greta saka umiling na parang mas matimbang ang rason nito kesa katwiran ni Greta. Gusto na niyang magtanong kung tungkol ba saan ang pinagdedebatehan nila pero minabuti ni Enso ang itikom ang bibig.
“Don’t tell me na kaya ayaw mong pumunta sa birthday party ng may-ari ng company mo dahil sa kinuha nilang tutugtog ay ang CRAYONS BAND?”
Napansin ni Enso ang bahagyang paglungkot ng mukha ni Cliff. Nang hindi nagsalita ang lalaki, lumapit si Greta saka tinabihan ng upo sa sofa.
May ibinulong si Greta kay Cliff. Ilang saglit lang tumingin ang dalawa sa kaniya. Si Greta na nakangiti at si Cliff na medyo alumpihit na magsalita.
“Gusto mo bang sumama sa akin, Enso? Sa birthday party?”
“Siyempre sasama iyan. Mas masaya iyon kesa nandito lang sa bahay. Isa pa, mas gugustuhin niya siyempre ang makasama ka at maghapon na iyang natotorete sa kadaldalan ko at—”
Heto na naman po ang walang prenong bibig ni Greta. “Okay,” sang-ayon ni Enso matigil lang si Greta.
Naunang naligo si Cliff sa kaniya. Nang masiguro ni Enso na nakapasok na ng silid nito ang binata saka pa lang niya iniwan si Greta sa sala para siya naman ang maligo.
Habang hinahagod niya ng shower gel ang buong katawan, paisa-isang pumapasok sa isipan niya ang dumaraming tanong tungkol kay Cliff.
Nasaan ang Kanong sundalo na tatay ni Cliff? Nasaan na ang mukhang first love nito na si Carlo? Bakit bawal pag-usapan si Carlo? Bakit iniiwasan ni Cliff ang Crayon’s Band? Member ba ng banda si Carlo at ang lalaki ang dahilan kung bakit ito kumalas sa grupo?
Paglabas ni Enso ng banyo, nakita niyang nakatayo sa may paanan ng hagdanan si Greta. “Ang yummy mo naman Kuya Enso,” nakangiting puri nito sa katawan niyang nakatapis lang ng puting tuwalya mula beywang hanggang tuhod. Napatingin ito sa kaniyang tagiliran. “May pilat ka pala. Mukhang nag-undergone ka ng surgery dati.”
Isa ang pilat na iyon sa hindi rin maalala ni Enso kung paano niya nakuha. Nasa six inches ang haba parang alupihan na malalayo ang agwat ng mga paa na naka-slant sa kaniyang tagiliran sa ibaba ng kaniyang lowest left rib.
“Kamukha noong sa classmate ko na nag-donate ng kidney para sa kapatid niya.”
Ibig sabihin maaaring nag-donate rin siya ng kidney na pwedeng dahilan kung bakit hindi siya nainom ng softdrinks.
“Pero hindi naman siya pangit. Mas naging lalong hot ka pa ngang tingnan.”
“Binobola mo na naman ako,” natatawang sabi niya sa kinikilig na dalagita.
“Nasa kwarto niya si Kuya Cliff. Naroroon na rin ang isusuot mo. Ako ang pumili noon mula sa mga damit ni Kuya,” ramdam niya ang saya sa tinig nito na para bang importante sa dalagita na maayos ang magiging hitsura niya kapag naisuot na ang napiling damit nito.
Bakit ba pakiramdam niya itinutulak siya ni Greta palapit kay Cliff? Bakit ba ang pakiusap din nito kaninang umaga ay huwag na siyang magpakamatay at kailangan siya ni Cliff? Hindi ba parang baliktad? Siya ang nawawala sa sarili, siya ang walang mapuntahan kaya siya lang ang nangangailangan kay Cliff.
Tumango si Enso at balak na sanang tumalikod paakyat ng hagdan nang maalala niyang tanungin si Greta. “Paano mo nga pala nabago ang desisyon niyang pumunta sa party?”
“Ah, iyon ba?” tumayo pa ng tuwid ang dalagita na parang ipinapakitang malakas talaga ang convincing power nito. “Sinabi ko lang naman sa kaniya na kailangan mo ng matinding distraction sa panahon ngayon at ang party ang isa sa pinakanararapat.”
Napakunot-noo si Enso. “Anong distraction?”
“Distraction,” inulit lang ni Greta ang sinabi niya na kulang na lang sabihan siyang napaka-slow at hindi niya kaagad makuha ang punto nito. “Kailangang maiba ang iniisip mo para malayo sa alam mo na.”
Iniisip din pala ni Greta na itutuloy pa rin niya ang pagpapakamatay. “Hindi ko naman kailangan ng distraction, Greta. Ang kailangan ko ay mga bagay na magti-trigger ng pagbalik ng memorya ko.”
Huminga ng malalim si Greta saka exaggerated na inilabas ng bigla ang lahat ng hangin sa ilong. “Okay kung hindi tulong para sa iyo ang pagpunta sa party, isipin mo na lang na tulong mo iyon para kay Kuya Cliff.”
“Bakit ano bang kwento ng Crayons Band na yon?”
Umiling si Greta. Tumingin sa taas ng hagdanan na para bang anytime mahuhuli siya sa aktong gumagawa ng krimen ng kung sinomang bababa roon kapag nagpatuloy sa pagsasalita.
“Greta,” kunwari’y naiinis niyang tawag sa dalagita at makuha ang pansin nito. “Kung hindi ko alam ang susuungin ko, paano ako makakatulong?”
Parang bumilang pa ng hanggang sampu sa isip si Greta bago nagsalita. “Ang Crayons Band ang amateur band na binuo ni Kuya Cliff kasama ang mga katropa niya three years ago. Kaya lang, after a year umalis si Kuya Cliff sa grupo kung kailan nagkakaroon na sila ng pangalan. Kung kailan may recording company na sanang kukuha sa kanila.”
“Tapos anong nangyari?”
“Si Kuya Cliff ang lead vocals kaya naman noong umalis siya sa banda, kinancel noong recording company ang nakahanda ng kontrata na pipirmahan na lang sana nila at magsisimula na ang biggest break ng Crayons Band sa recording industry.”
“At nagalit sa kaniya ka-bandmates niya?”
Tumango si Greta, balot ng panghihinayang ang mukha. “Siyempre magagalit sila. Normal lang iyon dahil kahit naman ako ang lumagay sa katayuan nila, kung kailan abot-kamay na ang pangarap na magkakasamang binuo saka naman nag-back-out si Kuya Cliff. Pero mukhang nag-move on na naman ang Crayons eh. May nakuha na silang kapalit. Kaya lang mga small time gigs lang so far ang mga offers sa kanila.”
“Bakit siya umalis? Anong dahilan?”
“Enso,” dinig nilang tawag ni Cliff na hindi nila napansing nasa hagdan na pala at ngayo’y papalapit na sa kanila.
“Sa kaniya mo na lang itanong,” mahinang sabi ni Greta.
“Nakapatong sa kama ang damit na isusuot mo,” ani Cliff na iniiwas ang tingin sa kaniyang h***d-barong katawan.
Nakasuot si Cliff ng semi-fit na royal blue polo shirt na nagpatingkad sa light tone skin nito at semi-fit din na black jeans na mapapatakam ang kagaya niyang makakakita sa paghapit sa muscled thighs nito. Taliwas sa dati na bagsak sa noo, naka-brush up ngayon ang medyo maalong buhok nito na nangingintab sa minty scent na hair wax.
“Okay, salamat Greta,” sabi niyang tumango saka umakyat na papuntang silid.