6. Buhay mansion

1538 Words
Chapter Six Tutal ayaw niya akong palabasin ay susulitin ko na lang muna ang sandaling ito. Sumampa ako sa kama. Lumundag-lundag sa labis na galak. Ganito ba ang buhay ng isang bihag? Tangina! Masaya yata iyong ganito. Hindi ko proproblemahin ang tutuluyan ko. Parang sa kidnapping na ito ay hindi ako ang lugi. Parang siya. Pabagsak akong humiga sa kama. Napatitig ako sa kisame. Malayong-malayo ang lugar na ito sa kalsadang kinalakihan ko. Swerte ng mga taong ipinanganak na ganito kagarbo ang buhay. Hindi nila naranasan makipagpatentero sa kalsada para lang maka-survive. Hindi nila naranasan kumain ng pagkaing galing sa basurahan kasi iyong pagkain nila ay ise-serve na lang sa kanila. Madalas may gana pa silang mag-inarte. Sa sobrang komportable ko sa kamang iyon ay nakatulog ako. Parang ito na iyong pinakamasarap na tulog ko. Nagising ako na sobrang gaan ng pakiramdam ko. Hindi masakit ang likod o kahit ngawit man lang. Okay na okay talaga ang pakiramdam ko. Wala pa rin akong kasama sa kwarto, sarado pa rin ang pinto. Nang sumilip ako sa balcony ay madilim na. Kaya naman nagtungo na ako roon. Sinipat ang kapaligiran. Mataas ang mga bakod na abot tanaw ko kahit pa malawak ang lupang kinatitirikan ng mansion. Hindi ko alam kung saang lupalop ako ngayon. Maganda rito pero hindi ko maiwasang napaisip kung nasaan ako. Nang narinig ko ang ingay sa labas ng pinto ay agad akong lumakad patungo roon. Ngunit pagbukas pa lang ng pinto ay may baril ng nakatutok sa akin. Napakamot ako sa ulo. Pumasok ang dalawang kalalakihan at sumunod ang dalawang kasambahay na may dalang tray na puno ng pagkain. Mabilis nilang inilagay sa mesa iyon saka dali-daling lumabas. "Kumain ka na," utos ng isa saka sila lumabas na rin at muling isinara ang pinto. Napatitig ako sa tray. Puro sosyal na pagkain at mukhang masarap din ang mga iyon. Mariin akong napalunok. Napangiti na rin. "First time ko ito!" bulalas ko na agad dinampot ang friend chicken at sarap na sarap na kinain iyon. Hindi pa man naibababa ay kumain din ako ng baboy. Nilantakan ko ang mga iyon. Minsan lang sa buhay ko mangyari ito. Para pang panaginip. "What if dito na lang ako?" napatawa ako sa naisip ko pero nasamid kaya agad kong napainom sa juice. See! Mas masarap kung iniinom at hindi pinampapaligo. Ayos din ang trip talaga no'ng boss nila. Wala siguro sa tamang pag-iisip ang isang iyon. Busog na busog na ako pero hindi pa ako humihinto. Sobrang sarap ng hapunan ko. Tiyak kung narito lang si Dagul at Mak ay nilantakan na nila ito. Masisiba pa naman ang mga iyon. Pinagmasdan ko ang mga platong simot na simot. Kung masabihan man ako na patay gutom... yes! Patay gutom talaga ako. Baka rin kasi hindi na ako pakainin bukas. Mas mabuti na iyong busog ngayon. Nang natapos akong kumain ay lumapit ako sa pinto at kinatok ko iyon. Iyong nasa loob na ng silid ang kumakatok at hindi ang nasa labas. Ayos din. Bumukas iyon pero may baril muli na nakahanda. Para bang napakadelikado kong tao sa paningin nila. Balewala naman iyon sa akin. Agad ko silang tinalikuran at umupo ako sa kama. "Excuse me," kuha ko ng pansin nila. "Sino si Avione?" nagkatinginan ang mga ito. "Ulol! Hindi gagana sa akin iyang pag-arte mong hindi kilala o hindi nakakaalala. Hindi ka makakaligtas kay boss sa ganyang paraan. Malaki ang kasalanan mo. Bahala ka. Kamatayan talaga ang kahahantungan mo. Galingan mo pa. Sa laki ng kasalanan mo sa kanya ay kahit umiyak ka pa ng dugo sa harap niya ay hindi ka niya patatawarin." "Ah, okay lang iyon. Hindi naman ako si Avione. Ako si Kayne Ardee. Laking kalsada ako. Obvious naman sa itsura ko no'ng kinuha ninyo ako. Kung gusto nito'y pumunta kayo sa palengke. Sabihin n'yo lang ang pangalan ko roon. Sikat ako roon. Mapapahiya talaga kayong lahat kapag nakumpirma ninyo na ako si Kayne at hindi si Avione." Umiling ang isa. Hindi pa rin ito kumbinsido. "Madali na lang sa 'yo na pekein ang lahat. Wala kang mauuto rito." "Tsk. Bahala nga kayo. Hindi naman big deal sa akin kung nakakulong ako rito. Basta may pagkain ay ayos na sa akin." Nang iwan nila ako ay nagpasya naman ako na buksan na lang ang TV. Dahil mamahalin ay hindi ko pa alam no'ng una kung paano buksan iyon. Natiyempuhan lang ang tamang button. Nagsimula ang palabas. Humiga ako sa kama at nagsimulang nanood. Hindi ko naman naiintindihan kaya pumikit na lang ako. Sanay akong maingay ang paligid ko kapag natutulog kaya nakatulong ang maingay na TV. Kain at tulog siguro ang gagawin ko lang dito. Parang ako lang ata iyong bihag na gusto na lang mag-stay sa kwartong ito. At least hindi ko proproblemahin ang pagkalam ng sikmura ko. Sa kasarapan ng tulog ko ay bigla na lang may bumalya sa pinto. Napabalikwas ako ng bangon. Tangina. Panira ng tulog. Pumasok ang lalaki na susuray-suray. Pinanood ko lang kung paano ito bumangga sa cabinet na nasa gilid. "Damn you!" galit na itinuro ako nito. "Why do you have to ruin my life?" hiyaw nito. Itinuro ko rin ang sarili ko. "Bakit ako?" tanong ko. Kasi bakit nga ba ako ang sinisisi nito. Hindi nga ako si Avione. Napatakip ako ng tenga nang ibato nito ang vase na nadampot nito. Lumikha iyon ng malakas na ingay. Pero hindi naman ako natakot. Chill pa nga ako. Sunod nitong itinumba ang cabinet. Pinagsisipa rin niya iyon nang paulit-ulit. Lasing ito. Mukhang hinayaan nitong mapunta sa utak ang Tama at hindi sa tiyan. "Tangina, Avione! Bakit kailangan mo akong saktan ng ganito?" napasalampak ito sa sahig. Kitang-kita kung gaano ito Kawasaki. Ano ba kasing kasalanan ni Avione? Anong ginawa nito para magkaganito ang lalaking ito? Napakurap-kurap ako nang narinig ko ang pag-iyak nito. Nasasaktan ang lalaki. Iyon ang tiyak ko. Ganito iyong kaibigan kong si Lila eh. Saka lang iiyak kapag nasasaktan at nahihirapan. Mukhang nasa gano'n kalagayan ang lalaki. Nasasaktan at nahihirapan sa sitwasyon niya. "Iyak yarnnn?" kaso ang bunganga ko'y palyado. Hindi naman ako pinansin ng lalaki. Parang hindi nito narinig. "I hate you!" ani nito. "I really do," nang nag-angat ito ng tingin sa akin ay ngumisi ito. "I'll make sure na naghihirap ka sa poder ko, Avione. Kung paano mong sinira ang lahat... sisirain din kita." "Bonak!" anas ko. "Paulit-ulit ka. Hindi nga sabi ako si Avione. Kayne Ardee ang pangalan ko. Kung wasakin ko rin kaya ang bayag mo para makinig ka? Tangina nito. Matutulog na ako. Linisin mo na lang iyang kalat mo," bumalik ako sa pagkakahiga. Ngunit hindi kumilos ang lalaki. Lasing na lasing talaga ito. Pero ano bang pake ko? Nakatulog pa rin ako. Masarap. Mahimbing. Walang back pain. Mag-isa ako sa silid. Sa sobrang sarap ng tulog ko'y hindi ko man lang napansin na nalinis na iyong kalat no'ng lasing kagabi. Nagtungo muna ako sa banyo. Naghilamos. Kung sa kalsada tiyak kong aabutin pa ng hapon bago ako maghilamos, dito ay hindi. Libreng-libre ang lahat kaya naman feel na feel kong gamitin. Kumuha pa ako ng malinis na tuwalya at ginamit iyong pantuyo sa mukha ko. Nang lumabas ako ng banyo ay may naghahanda na ng pagkain sa balcony. Lumakad ako palapit doon habang ngiting-ngiti ako. "Masarap na naman ang pagkain ko," bulalas ko habang hinahaplos ang aking tiyan. Biglang kumalam iyon at parang na-excite na lantakan ang mga pagkain doon. "Ma'am, sa reaction mo'y parang hindi ka pa kumain ng mga ganito," natawang ani ng kasambahay. Tinignan ko ang babae. "Anong pangalan mo?" tanong ko. "Si ma'am naman. Kilala mo ako. Ako si Ory." "Hindi kita kilala, Ory. Hindi naman kasi ako si Avione. Ako si Kayne Ardee. Saka itong mga ito... hindi pa ako nakakain ng mga ganyan... ito ano ito?" "Bacon," sagot ni Ory. "Hindi pa ako nakakain n'yan. Ito?" muli kong turo sa isang putahe. "Egg drop soup po, ma'am." "Hindi ko pa rin alam ang lasa n'yan. Bago ang lahat ng ito sa akin. Grabe! Ang sarap palang ma-kidnap ng boss n'yo," umupo ako at pinagmasdan ang mga iyon. "Tiyak tataba ako rito kasi hindi na ako nalilipasan ng gutom. Salamat sa inyo," nawe-weirdo-han sila sa akin. Iyon ang alam ko. Sa pagkakatitig nila'y parang lahat ng mga lumalabas sa bibig ko ay hindi totoo at hindi sila naniniwala. "Impossible," bulalas ni Ory. "Bahala nga kayo. Basta ako ay kakain. Salamat sa breakfast na ito," nagsimula kong tikman ang mga nakahain. Sarap na sarap ako. Nang muli kong tignan ang mga kasambahay na hindi pa umalis ay gano'n pa rin ang titig nila. Punong-puno ang bibig ko pero nakuha ko pa ring magsalita. "Kain," yaya ko sa kanila pero umiling sila. Kaya ipinagpatuloy ko ang pagkain ko. Nasimot ko ang lahat. Hindi nga sila makapaniwala dahil paano kong napagkasya sa tiyan ko ang lahat ng iyon. "May baul ka ba sa sikmura, ma'am? Paano mong naubos ang lahat ng iyon?" amaze na amaze sila. Ako naman ay hinagod ko ang busog na busog kong tiyan. "Kung naranasan ninyo ang buhay sa kalsada... tiyak hindi ninyo nanaising may matira o masayang na pagkain. Salamat sa masarap na almusal. Excited na ako para sa lunch mamaya." Ano kayang pagkain mamaya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD