"Heize... tama na," mahina kong sabi.
Tumigil na sa pambubugbog ang mga kasama niya, pero siya ay hindi pa rin tumitigil. Para siyang nasa sariling mundo niya dahil wala ni isa sa amin ang makaawat sa kanya.
"Heize! Please!" Nilakasan ko iyon. Naiyak ako lalo nang tumigil siya at lumingon sa akin.
"Hale, dalhin ka na namin sa clinic." Naglahad ng kamay si Maximus.
Hindi ko iyon tinanggap. Sa halip ay ginamit ko ang kamay ko para punasan ang sunod-sunod na luhang lumalandas sa pisngi ko. Pakiramdam ko ay aping-api ako.
Bigla ay may yumakap sa akin. Pamilyar ang amoy at ang katawan kaya mas lumakas pa ang hagulgol ko. "Shh.. it's okay." Marahan pa niyang hinaplos ang likod ko.
"Heize... akala ko mamamatay na ako." Umiyak ako nang malakas.
Ilang minuto pa kaming nanatiling gano'n. Walang ni isang umalis sa kanila. Lahat sila ay nanonood lang at nakikinig sa paghagulgol ko. At si Heize naman ay mahigpit lang ang yakap sa akin, at marahan ang haplos sa likod ko. It felt comforting. Pakiramdam ko, ligtas na ligtas na ako.
Kahit noong nakaalis kami roon ay lumilipad sa ere ang utak ko. Pinatawag ng isang 4th year ang lalaking prof nila kaya agad na nagpatawag din ng mga guards para buhatin ang mga lalaking nabugbog at dinala iyon sa clinic. Pinatawag pa kaming lahat sa Dean's Office, lahat. Magmula sa akin, kay Heize, sa 2nd year, at sa 4th year. Pagdating namin doon ay nakaabang din ang mga professor namin pati ang mga professor no'ng mga lalaki kanina.
Hindi umalis sa tabi ko si Heize. Hindi niya rin ako kinausap nang kinausap at hinayaan niya lang akong bawiin ang sarili ko. Kahit noong makarating kami sa office ay naroon lang siya, nakatayo sa tabi ko.
"Sinong unang magsasalita?" panimula ng Dean.
Agad nagtaas ng kamay si Aziel. "Ako po, Dean." Sumulyap pa ito sa akin bago nagsalita. "Nasa gym po kaming mga 2nd year at 4th year varsity. Nag-uusap po kami nang bigla naming narinig ang sigaw ni Hale na nanghihingi ng tulong. Agad po naming hinanap iyon, mula sa harap at gilid ng gym. Noong nagpunta po kami sa likod, doon po namin sila nakita. Nakapalibot po ang tatlong lalaki kay Hale, at buti na lang po ay agad din naming napigilan."
Napasapo sa noo ang mga professor samantalang napabuntong hininga naman ang Dean. Bumaling pa ito sa akin. "What about you, Miss Santiago? Can you please tell us your side?"
Nanginginig ang labi ko. Akma na sana akong sasagot nang biglang magsalita si Heize.
"Mas mabuting huwag niyo nang alamin pa ang kwento niya. Baka mas maalala niya pa ito. Alam niyo naman sigurong posibleng maging trauma ‘yun sa kanya, hindi ba?" Hinawakan ko ang kamay ni Heize kaya't napalingon siya sa akin. Sa huli ay nagbuntong hininga na lang siya at hinayaan akong magsalita.
"Nasa library po ako, Dean. Nagbabasa. Tapos lumapit po sa akin ‘yung kaklase ko at kinausap ako. Noong naging nakakatakot na po siya, agad akong tumakbo palabas ng library. Ang una ko pong naisip na puntahan ay ‘yung gym, dahil alam kong maraming tao roon na makakatulong sa akin." Nanginig ang boses ko. "Pero nahabol niya po ako bago pa man ako makapasok doon. At... at doon po lumabas ‘yung apat na lalaking kasabwat niya."
Hindi ko na naituloy pa ang kwento dahil muli na naman akong naiyak. Tanging ang paghikbi ko lang ang bumabasag sa katahimikan sa buong office. Pakiramdam ko ay lahat sila ay nakatitig sa akin.
"But Dean, hindi dapat nating palampasin ang ginawa ng mga lalaking 'yan sa mga estudyante ko." Nag-angat ako ng tingin. Siya siguro ang professor ng limang lalaking iyon. "Binugbog nilang lahat ang limang ‘yun. Hindi ba dapat sila rin ay mapatawan ng expulsion?"
Walang nakapagsalita. Lahat kami ay hinihintay ang desisyon ng Dean. Paulit-ulit na rin ang pagdadasal ko na sana ay hindi, dahil tinulungan lang naman nila ako.
"I am quite disappointed with your logic, Ms. Colliner." Napatingin kaming lahat kay Mr. Magtanong. Sumulyap pa ito sa akin bago muling nagsalita. "Kung mangyari man ito sa babaeng anak ko, baka hindi lang bugbog ang abutin sa akin ng mga lalaking iyon. Baka mapatay ko pa."
Ang babaeng professor ay kumunot ang noo, parang hindi makapaniwala sa sinabi nito sa kanya. "At anong pinaparating mo, Mr. Magtanong? Na dapat ay pinatay na nila ang mga estudyante ko?"
"Wala akong sinabing ganyan, Ms. Colliner. Ang punto ko ay kung bakit kailangang parusahan ang mga batang ito? Gayong sila pa nga ang nagligtas sa estudyante kong biktima ng harassment?"
Napatayo sa galit ang propesor. "You are being ridiculous! T-in-o-tolerate mo lang ang mga estudyanteng 'yan na kriminal!"
Tumayo rin si Mr. Magtanong at nagpagpag pa ng damit. "You call these students criminal? Am I hearing it right?" Lumapit ito sa amin. "Maybe you should also start calling yourself a criminal, Miss Colliner. Dahil ikaw mismo ang nag-to-tolerate sa mga estudyante mong mga kriminal! Babae ka, Ma'am. Inaasahan kong ikaw mismo ang higit na makakaintindi rito. Pero hindi eh, mukhang mas galit ka pa nga sa biktima kaysa sa mga suspects! Ganyan ba ang tamang asal ng guro? Maybe you should also be kicked out of this school, along with your students whom you keep on protecting."
"Enough," maawtoridad na sabi ng Dean.
Lahat kami ay umayos ang upo. Hindi ko alam na gano'n pala si Mr. Magtanong. Mabait siya, alam ko, pero hindi ko inaasahang siya pa ang magtatanggol sa amin. Nakonsensya tuloy ako sa pagiging late ko sa subject niya.
Pinalabas kami ng Dean bago pa man niya sabihin ang desisyon niya. Sana lang ay makinig siya kay Mr. Magtanong, dahil hindi kakayanin ng konsensya ko na may mapahamak dahil sa akin.
"Una na kami, pre." Nagpaalam ang mga 4th year pati ang ibang 2nd year na ka-team nila Heize.
"Ayos ka lang, Hale?" Tumango ako kay Heize. "Gusto mo na bang umuwi?"
"Salamat... Heize," sinsero kong sabi sa kanya.
Ngumiti siya at pinunasan ang takas na luha sa gilid ng mata ko. "I'm sorry kung 'di kita nabantayan."
Nakarating na kami sa apartment na tinutuluyan ko nang hindi ko namamalayan. Siguro nga ay buong araw akong lutang dahil sa mga pangyayari kanina. Mabuti na lang at tahimik lang din si Heize habang nagmamaneho, baka isipin niyang in-i-i-snob ko siya kung sakali mang 'di ko siya masagot.
"Una na ako, Heize. Salamat.." Ngumiti ako.
"Wait!" Pinigilan niya ang pagbaba ko. "Pahingi ako ng number mo."
Mahina akong natawa. Sa tagal naming nagkakausap ay ngayon niya lang hiningi ‘yun. Siguro nga ay natatakot siyang isipin ko na may masama siyang intensyon sa akin.
Agad na akong pumasok sa loob matapos maibigay iyon sa kanya. Napahiga ako sa kama nang dahil sa pagod. Sana lang ay hindi kumalat ang insidenteng ‘yun. Pero alam ko namang hindi nila ikakalat iyon, baka lang may nakakita o nakaalam.
Isang araw akong hindi pumasok nang dahil sa insidente. Mabuti na lang at excused ako sa lahat ng subject dahil alam ng mga professor ko iyon. Pero syempre, hindi pa rin nawala ang pag-aalala sa akin ni Avi. Naikwento siguro sa kanya iyon ni Augustine.
Avi:
Nandito kami sa lib ngayon. We miss you :((
Ako:
Kamusta? Anong gawa niyo dyan?
Agad siyang nag-reply:
"Nagkukwentuhan sina Maximus at Aziel. Natutulog si August. Si Heize naman ay busy sa pagtatype. Para nga siyang baliw eh."
Napakunot ang noo ko. Bakit hindi siya nagbabasa?
Ngumisi ako bago muling nagtipa. "Bakit?"
Avi:
Mag-ta-type siya, tapos biglang mag-iisip. Tapos biglang guguluhin ang buhok niya. Paulit-ulit na gano'n.
Natawa ako at hindi na nagreply pa. Naisip ko pa ngang baka kausap niya ang 'love' niya. Hopeless romantic pa naman ang isang ‘yun.
"Hale!" Noong umaga ay bumungad ang masayang mukha ni Avi. Nginitian ko siya at tinabihan. "Kumusta na?"
"Ayos lang. Kayo ba?"
Humagikhik siya. "Wala raw klase ngayon kasi may meeting para sa Acquaintance Party. Tara library tayo!"
As usual, nakabuntot na naman sa kanya ang boyfriend niya. Hindi na rin ako nagtaka nang tumabi na naman sa spot ko si Heize. Ngiting-ngiti pa siya at may hawak na tatlong libro.
"Hale, nabasa mo na 'to?" Itinulak niya papunta sa akin ang tatlong libro.
Nanlaki ang mata ko nang makita kung ano iyon. Iyon yung mga librong sinasabi ko sa kanya na gusto kong mabasa kaso wala sa library. Tatlong volume ang meron no'n at mahal ang isa kaya 'di na ako bumili pa.
"Meron na sa library?" Agad kong binuklat ang mga ito. Na-excite pa 'ko dahil matagal ko nang gustong mabasa ang series na ‘yun.
"Pinabili ko 'yan kay Mama." Humalakhak siya. "Gusto mong hiramin?"
Agad akong napabaling sa kanya, ngiting-ngiti at nanlalaki pa ang mata. "Pwede?"
Humalakhak siya at ginulo ang buhok ko. "Kaya ko nga binili 'yan para sa ‘yo..."
Binuklat ko agad ang unang libro nang marinig ko ‘yun. Kinabahan kasi ako sa hindi malamang dahilan. Biglang nanghina ang tuhod ko, at lumakas ang kabog ng dibdib ko.
Ang kailangan ko lang talagang gawin ay ang magpanggap na nagbabasa kahit na walang naiintindihan. Gano'n naman na talaga ang ginagawa ko tuwing katabi ko siya. Iba nga lang ngayon dahil medyo na-occupy ng sinabi niya ‘yung utak ko. Pakiramdam ko'y lumulutang ang utak ko sa ere dahil kung ano-ano na ang naiisip ko.
"Mabuti at hindi romance ang pinabili mo.” ngumisi ako at pineke ang paglilipat ng pahina.
"May pinabili akong dalawa pero alam ko namang ayaw mo kaya 'di ko na dinala."
Kinalkal niya ang bag niya at inilabas ‘yung dalawang pocketbooks na pinahiram ko sa kanya noon. ‘Yung isa ay galing sa library at ang isa naman ay galing sa akin. Hindi na talaga ako magtataka kung gustuhin man nitong maging detective pagdating ng panahon.
"Yeah, ikaw na lang ang magbasa tutal ikaw ang baliw sa pag-ibig dito." Mahina akong humalakhak.
He scoffed. "Tss. Tumigil ka nga!" Nangiti ako habang paulit-ulit na binabasa ang unang paragraph. "By the way, nag-almusal ka ba?"
"Hindi. Natakot akong ma-late eh," sagot ko nang hindi inaalis ang paningin sa libro.
"Sige." Nilayasan niya ako.
Nag-angat ako ng tingin at pinagmasdan ang likod niya mula sa labas. Nang mawala siya sa paningin ko ay ibinalik ko na sa unang page ang libro. Naka-sampung page na ako pero ni isa sa mga ‘yun ay hindi man lang pumasok sa isip ko. Kumbaga nagiging peke lang ang pagbabasa ko rito sa library nang dahil sa kanya. Imbes kasi na isaisip ko ang kwento ay ang mga kwento niya ang naiintindihan ko.
"Bakit mo binalik?"
Napahawak ako sa dibdib nang biglang sumulpot sa likod ko si Aziel. Nang lingunin ko siya ay nahuli ko siyang nakangisi habang tinintignan ang librong hawak ko.
"May binanggit kasi sa chapter 2 na nasa chapter 1," palusot ko at muling yumuko sa libro.
"Okay. Sabi mo eh." Humalakhak siya at nagpunta sa table nila.
Muntik na akong mabuking! Kung sakaling malaman nga niya ang ginagawa ko ay baka isumbong niya ako kay Heize. Baka kung ano pang isipin ng isang ‘yun. Baka isiping niyang niloloko ko lang siya sa pagbabasa ko. Pero kasalanan niya naman kung bakit eh!
"Kumain ka na muna. Makakapaghintay naman 'yang libro mo." Ramdam ko ang pag-upo ni Heize sa silyang katabi ko. Iniabot niya rin ang isang value meal na galing sa isang fast food chain.
"Ikaw? Wala kang binili para sa ‘yo?" takang tanong ko.
Ngumisi siya inilabas mula sa kanyang bag ang isa pang paperbag na katulad ng sa ‘kin. "Tinago ko, baka may mamburaot sa daan eh." Saka niya inginuso ang tatlong kaibigang nakatitig sa amin.
Umiling ako. "Sana binilhan mo na rin sila." Napakagat ako ng labi nang makitang may fries pang kasama.
"Hindi naman sila kasama sa budget ko." Tumawa siya.
So ako kasali? Gano'n ba?
Lumipas pa ang mga linggo na gano'n ang laging nangyayari sa amin. Ang kinaibahan nga lang ay siya na ngayon ang nagpapahiram sa akin ng mga libro. Ang sinasabi niya'y ipinapabili niya iyon sa Mama niya pero kahit bago ay gusto niyang ako ang unang gumamit no'n. Saka na lang daw niya babasahin kapag tapos ko na dahil doon daw siya sanay.
"Nasa Book 1 pa lang ako. Anong babasahin mo?" tanong ko habang tutok sa binabasa.
"Secret."
Sinara ko ang libro at tumingin sa kanya. "Nahihiya ka bang sabihin na romance novel ang binabasa mo?"
He smirked. Katulad ng ngisi niyang nakakainis, ‘yung nanghuhusga. "Natapos ko na ‘yun. Ayaw mo talagang basahin?"
"I'm still not interested, Heize." Ibinalik ko ang paningin sa libro.