"Nanood ka ng Bb. Pinas kagabi, 'no! Panda 'yang mukha mo eh!" bungad ni Avianne sa akin nang magkita kami sa loob ng classroom.
"Oo, ang ganda nga no'ng nanalo eh." Humikab ako.
Nagsidatingan na rin ang ibang mga kaklase namin sa Philosophy. Late na akong dumating pero mas late pa nga ang professor namin. Dalawampung minuto na kasi ang lumipas pero hanggang ngayon ay wala pa rin siya rito.
Idinukdok ko ang mukha ko sa desk at pinagmasdan si Avi na ngingiti-ngiti pang nagtitipa sa cellphone. Napairap ako. Isang buwan pa lang ang lumipas magmula noong naging kolehiyo kami. Ilang linggo lang din pagtapos no'n ay agad din siyang nakahanap ng boyfriend. At ang malala pa, isa siya sa mga mayayabang na basketball varsity na kinababaliwan ng lahat. Unang tingin pa lang ay hindi na mapagkakatiwalaan. Well, lahat naman sila.
Papikit na sana ako para matulog nang biglang nakarinig ako ng impit na tilian mula sa mga babaeng kaklase ko.
Nandito na naman sila.
"Hi, babe!" Agad na naghugis puso ang mata ni Avi dahil binisita na naman siya ng mahangin niyang boyfriend dito.
Nag-angat ako ng tingin.
At talagang kumpleto pa sila huh.
"Oh, hi bestfriend ni Avi ko!" bati sa akin ni Augustine, ang boyfriend ng magaling kong kaibigan. Gwapo siya, medyo payat, matangkad, pero daig pa ang parrot sa kaingayan. Pati nga ang tawa niya ay umaalingawngaw talaga kahit nasa malayo. Siguro’y dati siyang may megaphone sa bunganga.
"Bakit kayo nandito, babe? Baka maabutan pa kayo ni Mr. Magtanong!"
Bahagya akong natawa. Alam kong gustong-gusto niya na nandito ngayon ang boyfriend niya, kunwari lang talaga siyang nag-aalala.
"Ah, si Mr. Magtanong ba?" Nilingon niya ang mga kaibigan. "Niligaw siya ni Heize."
Napabuntong hininga ako at muling idinukdok ang mukha at braso sa desk. Kawawang matanda, paniguradong tapos na ang period niya pagkarating dito.
"Huh? Bakit naman?" rinig kong pabebeng tanong ni Avi.
"Gusto kasi kitang makita, baby ko!" Ganito ba talaga ka-wirdo kapag in love? "'Tsaka gusto sana kasi kitang ayain mag-date."
Agad kong iniangat ang ulo ko at bored na nagsalita, "Ayokong madamay. Sawang-sawa na akong maging third wheel sa inyong dalawa." Saka muling ibinaba ang ulo sa desk.
"Hale..." si Avi, desperado ang boses.
"Ayaw,” tanggi ko.
"Hale, dali na. Sasamahan kitang mag-audition next week."
"No."
"Sumama ka na, Hale. I-rerecommend kita sa agency ng Ate ko,” sabi ni Augustine.
"I already said no."
"Manager ang Ate niya ng 'Modelo;Kultura'"
Agad akong napabangon at umupo nang tuwid. "Saan ba ang date niyo?"
Bigla akong niyakap ni Avi sa tuwa. Napabuntong hininga na lang ako nang maisip na kailangan ko na namang tumalikod sa tuwing maghahalikan sila. At kailangan ko ring makinig sa mga kwentuhan nilang masakit sa tenga. Hindi na bago sa ‘kin ang mga kaganapang gan’to, kaya’t hangga’t maaari nga ay tumatanggi ako. Pero tingnan mo nga naman at inaabuso nila ang gusto ko, ‘di ba? Wala tuloy akong magawa kung ‘di ang magtiis na lang. Iisipin ko na lang na isa na naman ‘tong win-win situation para sa aming dalawa ni Avi.
"Secret!" Tumayo si Augustine at sumaludo pa sa amin. Sinalubong siya ng mga kaibigan niyang nakangisi pa. Mukha talaga silang hindi mapagkakatiwalaan.
"Hale! Thank you!" Niyugyog ako ni Avi nang tuluyan na silang mawala sa paningin namin.
Nagbuntong hininga ako. "Keep your promise."
Matapos ang sunod-sunod naming klase ay nagpunta na kami sa Cafe Hub ng university. Doon daw kasi gustong makipagkita ni Augustine bago kami magpunta sa date nila. Kung hindi lang talaga strict ang magulang ni Avi ay malamang, hindi ko na kailangan pang sumama sa kanila. Hindi kasi pumapayag ang mga iyon sa mga lakad ni Avi hangga't hindi nababanggit ang pangalan ko. Kumbaga kinabitan na nila kami ng magnet para 'di kami mawalay sa isa't-isa. Ako nga lang ang naghihirap dahil sa mga araw na 'yon ay kinakailangan kong patakan ng holy water ang mga mata ko.
"Avi ko!" Automatic na naging puso na naman ang tenga ni Avi nang marinig ang nakakainis na boses ng boyfriend niya.
Lumingon kami sa direksyon niya at gano'n na lang ang gulat ko nang makitang may mga kasama pa siya. Oo, tama, kasama niya ‘yung ulupong niya. At ang malala pa, lahat sila ay may mga kasama pang ibang babae.
"I missed you, baby ko!" Nag-iwas ako ng tingin.
SA HARAP KO PA TALAGA HUH?
"Hello, Hale!" Tinanguan ko lang siya. "Dinala ko rin pala 'tong mga kaibigan ko kasama ang mga girlfriend nila."
"Okay lang, babe! Mas masaya ang quadruple date!"
Avi, manhid ka na ba? Kung sa inyo pa nga lang ni Augustine ay nagdurugo na ang mga mata at tenga ko, dito pa kaya sa dagdag na tatlong couple sa harap ko!
"Okay lang ba sa ‘yo, Hale?" tanong ng boyfriend niya, naniningkit pa ang mga mata.
Naku! Kung 'di ko lang kailangan ang recommendation mo, baka ipinakulong ko na kayo!
"Yeah whatever." Umirap ako at sumakay sa van na dala niya.
"Uh, excuse me, Miss? Pwedeng sa likod ka na lang? D’yan kasi kami ni Heize eh!" Napamulat ako nang may nagsalitang babae mula sa labas ng van.
Napako ang tingin ko sa kasama niya. Nakakainis. Nakakainis dahil napapahiya ako! Bakas sa ngisi niya ang pang-aasar sa akin. Nakapamulsa pa ang kanang kamay niya habang ang isa naman ay nakahawak sa bewang no'ng babae.
"Sorry? Nauna ako rito." Muli akong pumikit.
"Ano bang problema mo? Sabing d’yan kami eh!"
Dumilat ako at humalukipkip. Bakit ako ang mag-a-adjust? Marami pa namang upuan ah!
"Bakit ba gusto niyo rito? Dahil madilim at nasa dulo?" Namula ang pisngi no'ng babae. "Sorry pero alam ko na ang balak niyo. You probably think na pwede kayong makapag-'damoves' sa spot dito, but you know, pwede naman kayong magpahatid sa Motel dyan sa kabilang kanto."
Mas lalo pang namula ang pisngi ng babae at nauna na sa pag-upo sa pang-unang row. Ang lalaking kasama niya naman ay nakapamulsa lang sa labas at nakangisi pa habang nakatingin sa akin. Inirapan ko lang siya at muling pumikit.
Kawawang babae, mukhang mapapalitan na siya next week.
Buong araw ay wala na akong ibang ginawa kung ‘di ang pandirian ang mga nakikita at naririnig ko. May mga nahagip pa akong mga 'damoves' nila na hindi naman dapat pinapakita in public. Sadyang mga uhaw lang talaga ang laman nila. Lalo na ang lalaking 'yon.
Kilala ang lalaking 'yun magmula noong tumapak ako sa Maple University. Bukod sa gwapo 'raw' siya at sikat, ay linggo-linggo rin siya kung magpalit ng babae. Syempre ay nagiging sikat din 'yung mga nagiging girlfriend niya dahil pihikan daw siya sa babae. Tanging 'yung mga sobrang ganda at sexy lang daw ang pinapatulan niya.
'Kala mo naman sobrang gwapo.
"Hale! Nood tayo ng practice game nila!"
Kasalukuyan akong nasa library pero bigla ay sumulpot sa tabi ko si Avi. Syempre ay talagang lumalapit siya sa tuwing kailangan ng back up papunta sa boyfriend niya. Ewan ko ba rito, hindi ko naman dala ang mga paa niya.
"Ano ba ‘yan, nagbabasa ako eh." Napakamot ako sa ulo habang hinihila ni Avi ang kamay ko.
Halos wala ng mga estudyante sa mga tambayan, panigurado ay halos lahat ng mga ‘yon ay naroon sa court para manood ng basketball game. Ayon kasi sa sabi-sabi ay walang tapon sa mga players. Kumbaga lahat ay magagaling, at lahat din ay maibubuga pagdating sa mukha.
Nahiya naman ako. Sa ugali ba, may maibubuga sila? Sa yabang siguro ay meron. Lalo na ang lalaking ‘yon.
"Dali na kasi! Nandun daw si Jarron eh. 'Yung 4th year na may crush sa ‘yo? Naaalala mo ba?" nanlalaki ang matang sabi niya.
"Hindi nga ako interesado sa lalaki, Av." Umirap ako, pilit kinukumbinsi ang kaibigan na ni katiting ng diwa ko ay wala akong itutuon sa mga ‘yon.
"Whatever, tara na nga!"
Pagkarating namin doon ay marami na ring mga babae ang nanonood. 3rd year vs 4th year pa ang laban kaya nakaupo pa sa benches ang pinakamamahal ni Avianne. Nagtatalunan na rin ang mga audience dahil dikit ang score ng magkalaban. Patapos na rin ang 3rd quarter pero mukhang mag-ta-tie pa sila.
"Woo! Go 4th year!" sigaw pa ni Avi.
Nangunot ang noo ko dahil sa lakas ng sigawan sa paligid. Kung sana'y hinayaan na lang ako ni Avi na manatili sa library ay tahimik na sana ang buhay ko.
"Jarron! Nandito si Hale Santiago na crush mo!" Nanlaki ang mata ko nang marinig ang malakas na sigaw ni Avi. Agad din akong nakarinig ng bulungan mula sa mga babaeng malapit sa amin. Wala na akong nagawa pa kung ‘di ang yumuko nang dahil sa hiya.
Malapit kami sa mga players kaya panigurado ay narinig din nila 'yon. Napapikit na lang ako sa inis nang marinig ang kantyawan ng mga 4th year. Pati nga ang mga bangkong 4th year ay nakita ko pang nagtawanan at naghiyawan. Samantalang ang mga babae naman sa tabi ko ay halos patayin na ako sa tingin.
"Hindi mo naman kailangang sabihin pa 'yon," saway ko habang pilit na iniiwasan ang titig ng mga nakarinig sa sinabi ni Avi kanina.
"Jarron! Galingan mo para kay Hale!" sigaw pa niya, hindi pinapansin ang pagkainis ko.
Napailing na lang ako at nagdiretso ng tingin. Nahagip pa ng paningin ko si Heize na nakataas ang kilay sa akin at may hawak pang bottled water sa kamay. Ngumisi siya pero ramdam kong sarkastiko 'yon, hindi ko alam kung nang-aasar ba iyon o nanghuhusga. Umiwas agad ako ng tingin dahil nakaramdam ako ng pagkaasiwa.
"Si Chelsea Yael daw ang bagong girlfriend ni Heize," bulong ni Avi. Agad kumunot ang noo ko.
"Hindi ba bago lang sila no'ng babae niya nung nakaraan?"
"Oo, 'di raw marunong humalik kaya inayawan niya."
Siraulo. Ang babaw naman ng dahilan niya. Halatang tawag ng laman lang ang rason sa pag-gi-girlfriend.
Natapos ang laro at nanalo ang 4th year, at syempre, hindi ako nakawala sa pang-aasar ni Avi. Hinila pa nga niya ako papunta sa direksyon ng mga nagpapahingang 4th year, saka niya ako malakas na itinulak papunta kay Jarron. Nasubsob tuloy ako sa kanya!
"Sorry, tinulak ako ni Avi." Yumuko ako at pinulot ang mga gamit kong nagsipaglaglagan. Mariin akong napapikit dahil ang mga ballpen ko ay nagsipaggulungan na sa iba’t-ibang direksyon. Pati ang mga libro at notebook kong dala ay niyakap na ng sahig. Nakakahiya. Alam kong marami ang nakasubaybay sa amin ngayon.
"It's okay, Hale." Nagbuntong hininga ako nang tumulong siya sa akin kaya mas lumakas na naman ang kantyawan. "Are you okay?"
"Yes." Sabay kaming tumayo. "Thank you." Ngumiti ako at hinanap si Avi na nangunguna pa sa pakikipaghiyawan.
"Avi," seryosong sabi ko.
"Eto naman! 'Di mabiro!" Humalakhak siya at hinila pa ako papalapit sa mga 2nd year na kasama ng boyfriend niya. As usual, kumpleto ang mga ulupong. Kaya naman hindi na magkaugaga ang mga baliw na fans nila sa kaka-cheer sa kanila.
"Manliligaw mo 'yon, Hale?" tanong ni Aziel, nagsisintas pa ng sapatos.
"No." tipid kong sagot.
Ayaw ko silang kausapin, 'no!
"Sus, 'di raw. Ang balita ko nga ay may gusto sa ‘yo 'yon," singit naman si Maximus.
Tumaas ang kilay ko at pinasadahan sila ng tingin. Nanunuya ang tingin sa akin nila Maximus at Aziel, busy naman sa harutan si Augustine at Avi, at sarkastiko na namang nakangisi sa akin si Heize.
"Oh? Nabalitaan mo?" Tumango siya. "Eh may nabalitaan ka bang pinatulan ko siya?"
Humalakhak ang mga nakarinig sa aming kasama rin sa basketball team. Sina Avi naman ay napalingon pa at nagpigil ng tawa. Tanging itong lalaki lang talaga ang hindi nagpapalit ng ekspresyon sa akin. Para bang hinuhusgahan niya talaga ako kahit wala naman akong ginagawa.
"You hate men, don't you?" bigla ay tanong ni Heize.
Nagsipaglingunan din sa kanya ang iba, lalo't hindi nito inaalis ang paningin sa akin.
"To be more specific, I hate men LIKE YOU." Ngumisi rin ako nang sarkastiko pagkatapos diinan ang panghuling mga salita.
"Really?" Dinilaan niya ang labi niya. "Let's see, then."