Chapter 4

1086 Words
Chapter 4 Bitbit ang isang malaking bag at isang sombrero ay pumara ako ng isang tricycle na papadaan pero ni isa ay walang nagpasakay. Buhay nga naman. Ba’t ba ang sama sa akin ng lahat ng bagay? Napabuntong-hininga na lang ako at nag-umpisa nang maglakad. Maaga pa naman. Hindi naman ako mauubusan ng masasakyang bus sa PITX kung sakali mang tanghaliin ako ng dating. Habang naglalakad ay nakayuko lang ako. Wala naman na akong maihaharap sa ibang tao. Tama si Papa, isa akong disgrasyada. Kung nakinig lang sana ako kay Mama, siguro wala akong ganito katinding problema. Muli akong napabuntong-hininga. Ano bang ginawa ko sa sarili ko? Sa ilang minuto nang paglalakad ay napunta na ako sa sakayan ng jeep. Tinignan ko ang text ni Ate. Kailangan ko raw sumakay ng jeep papuntang Pasay at sumakay ulit ng bus papuntang PITX.  Buong byahe, wala akong inaalala kundi ang problema ko. Paano na ang buhay ko? Paano na ang pangarap ko pati na rin ang magiging buhay ng anak ko? Sigurado naman ako na hindi panghabang buhay ay nasa puder ako ni Tita. Hindi pwede na lahat ng pangangailangan ko ay sa kanya ko lang iaasa. Bakit ba kasi ngayon ko lang ‘to naisip? Hindi lang si Mama ang nasaktan ko kundi pati na rin ang mga taong umaasa sa ’kin. Matalino naman ako pero bakit ako biglang naging bobo pagdating sa ganito? “Ikaw, bata! Hindi mo ako madadala sa pagiging tulala mo riyan! Magbayad ka!” Hinugot ko sa bulsa ang natitira kong barya. Hangga’t sa maaari ay ayaw kong gamitin ang binigay ni Ate kung meron pa naman ako. “Pasensya na po,” hinging paumanhin ko. “Tignan n’yo nga ang traffic! Mamayang alas-singko pa tayo makakarating sa Pasay tapos hindi pa kayo magbabayad. Aba’y maawa naman kayo sa ‘ming mga driver!” bunganga ng driver sa harap. Napairap na lang ako. Nagbayad na ako’t lahat-lahat, hindi pa rin siya tumigil sa pagngalngal. Nakakapikon. Baka sa kanya ko pa mabaling ang iniisip ko ngayon at masagot ko pa. Nilagay ko na lang ang earphone ko sa tenga. Mainit na rin at sinabayan pa ng init ng ulo ko. Baka mas lalong wala akong magandang magawa ngayong araw. Muli akong napahawak sa tyan ko. Paano ko nga ba bubuhayin ang anak ko nang mag-isa at walang tulong mula sa kahit na sino? Ngayon pa nga lang ay umaasa pa rin ako sa tulong ng mga magulang ko. Ilang oras din ang lumipas bago kami nakarating sa Pasay. Nakaramdam na rin ako ng gutom at hilo dahil sa init ng panahon kanina habang nasa Parañaque. Samantala, dito sa Pasay ay malakas na ang hangin at may malalaking butil ng ambon ang bumabagsak. Tumakbo na lang ako papunta sa pwedeng masilungan at tatawid papunta sa ministop. Kailangan kong magtipid, mas lalo na ngayon. Bumili ako ng makakain na makakawala ng gutom ko. Medyo marami na rin ang mga tao sa loob. Malakas ang ulan at ang iba ay mas pinili na rito sa loob sumilong. Ang mga estudyante naman ng Arellano ay naghaharutan na sa daan kasama ang mga kaibigan. Nakakainggit sila. Mga walang problema at hindi kailangang takasan ang mundo na meron sila. Hindi katulad ko na maagang nagkamali at ngayon, walang magawa kundi sisihin ang sarili kahit alam ko na walang magagawa ang pagsisi ko na ‘yon. Nandito na ‘to. Wala na akong magagawa kundi ang umisip na lang ng paraan para maayos ‘to. “I love you.”  Napatingin ako sa dalawang estudyante, magka-holding hands at nakangiti sa isa’t-isa. I love you? Lecheng I love you na ‘yan. Dahil sa pagmamahal na ‘yan, akala ko tunay pero peke lang pala. Parang siya. Nasaan na ngayon ‘yong pangako n’ya na hindi ako iiwan? ‘Yong pangako n’ya na sabay naming kakaharapin ang mga problema? Wala. Wala siya ngayon. Wala siya sa tabi ko kung kailan sobrang kailangan ko siya—namin ng anak n’ya. Tinalikuran n’ya lang ako at hindi na ulit nagparamdam. Napailing na lang ako. ‘Yong nararamdaman ko ngayon, parang gusto na ring lumabas dahil sa sobrang lungkot ng ulan na pumapatak. Ang lungkot… dahil ang taong pinangarap kong makasama habang-buhay ay mas pinili na talikuran kami–kami ng anak n’ya. Matapos kong kumain ay agad na akong tumayo. Binalot ko ang cellphone ko sa mga gamit ko na naka-plastic sa loob. Sasabayan ko muna ang ulan. Gusto ko siyang sabayan, dahil kung hindi ko pa ilalabas ang luha na naiipon sa mata ko at sakit sa puso ko ay baka mabaliw na ako. Baka tuluyan na akong masiraan ng bait dahil sa lahat ng nangyayari. Nakayuko lang akong naglalakad, walang paki kung pinagtitinginan ako ng lahat sa daan. Wala na akong pakialam. Habang naglalakad ay hawak ko lang ang tyan ko, kung nasaan ang anak ko. Ang anak ko na mag-isa kong bubuhayin. Kahit mahirap, alam ko naman na may awa pa sa ‘kin ang kapalaran. “Tulungan ko na po kayo!” sigaw ko sa isang matanda na natapon ang dalang mga pinamili n’yang prutas. Bakit nandito pa siya? Kung kailan pagabi na at malakas pa ang ulan? Dinampot ko isa-isa ang mga prutas na nagkalat. Basa na rin naman ako at wala na ‘yon sa ’kin. Marami ring bitbit ang matanda at wala ni isang kasama. “Ito na po.” Inabot ko ang mga mansanas sa kanya. Umiiyak lang siya na parang may problema ring kinakaharap. “Ano pong problema?” tanong ko sa kanya. Umiling lang siya bago ngumiti sa ’kin at kinuha ang mga mansanas na nasa kamay ko. “Naalala ko lang ang anak ko sa ’yo. Katulad na katulad mo siya pero naging takot ako para ipaglaban siya sa ama n’ya.”  Napataas naman ang kilay ko. Akmang tatayo na sana ako para magpatuloy maglakad. Siguro, katulad ko naging malaki rin ang naging kasalanan ng anak n’ya para magalit ang asawa n’ya. Sino ba namang magulang ang basta na lang magagalit kung wala namang maling ginagawa? “Gano’n po ba? Ako po, ayos lang sa ’kin ‘yon. Kasalanan ko naman.” Pilit akong ngumiti bago akmang maglalakad na nang unti-unting dumilim ang paligid ko, kasabay ng hilo at pagod ngayong araw. Mama, tulong.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD