NAGTUNGO si Julliana sa ospital ng kanilang unibersidad. Nasa huling taon na siya sa high school kaya iniisip na niya kung sa unibersidad na iyon pa rin siya mag-aaral ng kolehiyo. Sikat ang unibersidad nila sa pagkakaroon ng mataas na standard sa medical courses. Maraming tanyag na doktor sa Pilipinas na doon nagtapos.
She missed her father so much. Noong nabubuhay pa ito, lagi niyang sinasabi rito na nais niyang maging nurse para matulungan niya ito. Nag-init ang mga mata niya. Parang nai-imagine niya ang kanyang ama na nasa ospital na iyon, nakasuot ng white coat, at may nakasabit na stethoscope sa leeg. Ang nais sana niyang ipagkit sa isip niya na imahe nito ay iyong nakangiti ito sa kanya. Pero ang lagi niyang naaalala ay iyong duguang anyo nito na nakahandusay sa sahig. Pakiramdam tuloy niya ay hindi pa natatahimik ang kaluluwa nito kahit nahuli na ang mga pumaslang dito.
Nakatitig pa rin siya sa ospital nang may dumating na ambulansiya at isang duguang lalaki ang inilabas mula roon. Huli na para mag-iwas siya ng tingin; nakita na niya ang duguang katawan ng lalaki. Nanlamig ang buong katawan niya. Inutusan niya ang mga paa niya na kumilos at tumakbo palayo roon pero parang ayaw makinig ng mga iyon. Parang umikot ang paligid niya. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa gabi na nadatnan nilang naliligo ang kanyang ama sa sariling dugo nito. She would faint any second now, she knew.
Pero bago pa man siya mawalan ng ulirat ay may isang matangkad na lalaking humawak sa kanya at inalalayan siya. Hindi na niya nagawang tumanggi sa tulong nito dahil nanghihina na siya. Napasandal pa siya sa dibdib nito.
“Are you okay, Miss? Namumutla ka. Gusto mong dalhin kita sa loob?”
Hindi niya magawang sumagot. Umiikot pa rin ang paligid niya, nanlalamig ang mga kamay niya, at nanginginig na ang buong katawan niya. Tumaas ang isang kamay niya sa dibdib nito at dinaklot niya ang damit nito para umamot doon ng lakas. Pumikit pa siya nang mariin.
“I’m taking you inside,” anang lalaki.
Umiling siya. Ayaw niyang pumasok sa ospital. Malaki ang posibilidad na mas marami siyang makikitang dugo roon. Pakiramdam niya, kapag pumasok siya roon ay mababaliw siya.
“You need a doctor,” giit ng lalaki.
Lumunok siya. “I-I need to be a-away from here. Ilayo mo ako rito,” pakiusap niya sa nanginginig na tinig.
“Are you sure?”
Tumango siya. “Mas lalala ang pakiramdam ko kapag ipinasok mo ako riyan.” Nagpasalamat siya nang hindi na nito ipilit ang nais nito. Sa halip ay inakay na siya nito palayo sa ospital. Halos hindi niya namalayan nang dalhin siya nito sa isang sasakyan. Pinaupo siya nito sa passenger’s seat at hinayaan nitong nakabukas ang pinto sa tabi niya. Sumandal siya sa upuan at muling pumikit. Unti-unting nawala ang panginginig at panlalamig niya.
Naramdaman niyang sumakay sa driver’s seat ang lalaki. Dahil medyo nahimasmasan na siya, napagtanto niyang hindi tamang nagtiwala siya sa isang estranghero. Oo at tinulungan siya nito pero hindi iyon sapat para hayaan niya itong isakay siya sa sasakyan nito. Hindi niya ito kilala. Hindi pa nga niya nakikita ang mukha nito. Ano ang malay niya kung masamang tao ito? Baka kung ano ang gawin nito sa kanya. Sa isiping iyon ay saka siya dumilat at nilingon ang lalaki. Marahan siyang napasinghap nang makita niya ang mukha nito. Nawala ang takot niya pero bumilis ang t***k ng puso niya. Pakiramdam niya ay nakita niya ang kanyang guardian angel. Kay sarap titigan ng napakaamong mukha ng lalaki.
“Are you okay?” nag-aalalang tanong nito. Nakatingin din ito sa kanya.
“M-medyo.” Nagpasalamat siya dahil pansa-mantala niyang nakalimutan ang nakita niya sa ospital at nabaling na sa lalaki ang atensiyon niya.
“What happened in there? Talaga bang hindi mo kailangan ng doktor? You still look pale. Kanina, parang dinaig mo pa ang cadaver sa sobrang putla mo.”
“Ayoko kasing nakakakita ng duguang tao.” Unti-unti nang bumubuti ang pakiramdam niya.
Napatango-tango ito. “Takot ka sa dugo...”
Umiling siya. “No, hindi ako takot sa dugo. Takot ako sa duguang tao.”
Pinakatitigan siya nito. “You saw someone who was brutally killed or involved in a terrible accident,” he stated.
Nagulat siya sa sinabi nito. “How did you know?”
“I know the feeling,” makahulugang sagot nito.
Nawala nga ang panginginig, panlalamig, at umiikot na pakiramdam niya pero may ibang mga emosyon naman na umalipin sa kanya gaya ng anguish and devastation. Hindi niya napigilan ang kanyang mga luha. Wala siyang pakialam kung makita siya nitong umiiyak. She just sobbed unabashedly. Pakiramdam niya ay nais nang humulagpos ng iba’t ibang emosyon sa dibdib niya. Mula nang mamatay ang kanyang ama, lagi na lang siyang tulala. She never cried—not even at the funeral. Nais niyang umiyak pero hindi niya magawa. Instead, she became like a zombie. Pero ngayon ay hindi niya alam kung bakit sa harap pa ng isang estranghero niya gustong maglabas ng mga emosyon.
“Hey, what is happening to you?” natatarantang tanong ng lalaki. Tila may nais itong gawin pero hindi nito alam kung ano.
Hindi niya magawang sumagot. Sinusubukan niyang tumahan pero hindi niya magawa. Hanggang nauwi na sa hagulhol ang mga hikbi niya. Nang mga sandaling iyon niya labis na nararamdaman ang sakit na tila noon lamang tumimo sa kanyang isip. Nahihirapan na siyang huminga dahil sa pag-iyak at p*******t ng kanyang dibdib.
“Papa...” she cried in anguish. Niyakap siya ng lalaki; hinayaan niya ito. Kahit paano ay naibsan ang sakit na nararamdaman niya dahil nasa bisig siya nito.
“Hush,” paanas na sabi nito. His voice was soothing and calming. Hinaplos-haplos din nito ang likod niya. “Tahan na. Huwag ka nang umiyak. It’s going to be fine. Everything will be okay. Walang mangyayari sa `yo. Stop crying. Sige ka, baka hindi ka na makahinga niyan,” sabi nito sa masuyong tinig. Naramdaman niya na parang may hinalungkat ito sa mga gamit nito. “Here,” kapagkuwan ay sabi nito.
Napatingin siya sa isang supot na inaabot nito sa kanya. Hindi niya alam kung para saan ang supot na iyon. Parang nabasa nito ang nasa isip niya kaya pinalobo nito ang supot at pagkatapos ay itinapat nito iyon sa bibig niya. Pati ang ilong niya ay natakpan ng supot. Hindi pa rin niya maintindihan kung ano ang ginagawa nito. Hindi naman siya nasusuka kaya bakit siya tinatapatan nito ng supot. O baka nag-aalala ito na magkalat siya sa sasakyan nito.
“Breathe,” utos nito sa kanya.
Tumalima siya. Naramdaman niya na unti-unting naging maganda ang kanyang paghinga.
“Feeling better?” tanong nito.
Tumango siya. “Thank you.”
Inalalayan siya nitong sumandal sa upuan. “Dito ka muna. I’ll get you something to drink.” Bago pa man niya mapigilan ito ay nakababa na ito ng sasakyan nito.
Pumikit siya at sinubukan niyang kalmahin ang sarili. Nakakahiya siya. Masyado na niyang naabala ang lalaki gayong maski pangalan nito ay hindi pa niya alam.