“Sigurado ka na ba d'yan sa desisyon mong 'yan? Hindi naman kita pinipigilan pero ang akin lang naman ay sana pag isipan mo muna ito ng mabuti. Hindi madali ang maging katulong sa pamilyang Ferrer, Cilla!"
Naupo ako sa tabi ni nanay at niyakap siya ng napakahigpit.
"Alam ko naman po 'yon, nay. Pero kasi hindi lang naman ito para sa akin. Gusto ko ring makatulong sa inyo ni tatay. Lalo na ngayon at manganganak na po kayo."
"Ang bata bata mo pa para isipin 'yan, Cilla. Parang hindi ko rin naman maaatim na pagtrabahuin ka doon. Lalo na at sobrang payat mo. Sakitin ka pa."
"Huwag po kayong mag alala sa akin, nay. Kaya ko na po ang sarili ko. Nakakaya ko ngang magtulak ng kariton na mas malaki pa sa akin no'ng namamasura pa ako, e. Iyong pangangatulong pa kaya! Ano ka ba! Yakang-yaka ko 'yon, nay! Wala ka bang bilib sa akin?”
“Ako ang nanay mo, Cilla kaya hindi ko maiwasan ang sarili kong mag alala sa ‘yo.”
Bumitaw ako mula sa pagkakayakap ko sa kanya.
“Wala nga siyang bilib sa akin,” sabi ko na may pagtatampo pa sa tono ng pananalita.
“Ito namang batang ‘to. Syempre bilib ako sa ‘yo. Lagi naman, e!” aniya at niyakap na ako.
Ngumiti akong ng napakalawak para ipakita kay nanay na natutuwa ako at masaya ako sa pinili kong desisyon. Kahit na sa loob loob ko ay takot ako, malungkot at punong-puno ng panghihinayang.
Sa susunod na buwan na ang kabuwanan ni nanay. At dahil manganganak na nga siya ay pinapahinto na siya ng mga amo niya sa pagtatrabaho sa mansion at anito’y maghanap raw ng kapalit niya. Kaya ako itong nagpresenta sa sarili ko. Dahil kung ako ang papalit sa kanya ay mapupunta sa akin ang sasahurin niya at hindi sa ibang tao. Hindi kasi kaya ang gastusin dito sa bahay kung si tatay lang ang magtatrabaho dahil pito kaming magkakapatid. At madadagdagan pa nga ng isa kaya kailangan ko talagang isakripisyo ang pag aaral ko para sa pamilya namin. Saka na lang ang pag aaral, kapag nakakapag ipon-ipon na. Hindi naman aalis ang paaralan.
Kinabukasan din ay agad akong inihatid ni nanay sa mansion ng mga Ferrer. Mula sa napakalaki nilang gate ay hindi ko matanaw sa loob ang mansion. Pakiwari ko’y malayo-layo pa ang daang lalakarin namin upang makarating sa mismong mansion.
At tama nga ang hinala ko, hindi lang malayo-layo. Sobrang layo. Mukhang nasa mga anim o higit pa na kilometro pa yata mula gate papuntang mansion. Pero hindi rin naman ako naburyo sa paglalakad namin ni nanay. Bagkus ay naaliw ako sa mga naggagandahang bulaklak na nadadaanan namin. May iba pang hardinero ang bumabati sa amin ni nanay.
“Mukhang mababait naman ang mga tao dito, nay!” sabi ko.
“Tama ka d’yan, Cilla. Mababait ang mga tao dito dahil mabait din ang mga amo. Pero sa lawak ng lugar at laki ng mansion ay nakakapagod ang trabaho. Marami nga kayo, pero mas marami ang trabaho. Lalo na at mahilig sa enggrandeng handaan ang mag asawang Don Elias at Donya Amelia. May isang beses nga noon na dalawang linggo na puro handaan ang nagaganap. Nakakapagod pero buti na lang malaki silang magpasahod.”
Nakarating kami ni nanay sa mansion na nakikinig lang ako sa mga kwento niya. Agad kaming sinalubong ng isang katulong. Nagpaalam lang ito saglit at pagbalik ay kasama na ang maraming katulong at ang isang napakagandang babae na sigurado kong mas matanda lang ng kaunti kay nanay. Ang mga katulong na lagpas sampu ay agad na humilera sa kanyang daraanan.
“Siya na ba ang magiging kapalit mo, Evelyn?”
“Opo, madam. Siya po ang panganay kong anak. Si Precilla.”
Nagbaba ito ng tingin sa akin. “Napakagandang bata. Parang mahihirapan akong gawing katulong ‘yan dito, Evelyn. Masyadong maganda,” nakangiting aniya.
Maging ang mahinang pagtawa niya ay kaaya-ayang pagmasdan. Ang bawat galaw niya ay parang kalkulado.
“Naku po, madam! Magaling naman po itong anak ko sa gawaing bahay. Kaya alam ko pong hindi po kayo mamomroblema sa kanya dahil nagkukusa po siya at madaling turuan.”
“Kung ganoon ay mabuti. Pero paano ang pag aaral niya?”
Nagkatinginan kami ni nanay. Hindi ko akalaing itatanong iyon ng donya.
“Pansamatala po siyang tumigil sa pag aaral.”
Kita ko ang agad na pinaghalong pagkadismaya at lungkot sa mga mata ng donya. Pero agad rin iyong nawala at muling ngumiti sa akin.
“Huwag kang mag alala, Evelyn. Kapag nagustuhan ko ang paninilbihan niya rito ay ako mismo ang magpapaaral sa anak mo.”
“Talaga po, madam? Naku! Nakakahiya po pero maraming maraming salamat po.”
Sa sobrang tuwa ni nanay ay paulit-ulit siyang yumuko na animo’y sinasamba ang donya. Kulang na nga lang ay hagkan niya ang mga paa nito.
Hindi rin nagtagal si nanay at agad niya rin akong iniwan. Ang kanilang mayordoma ay agad akong dinala sa magiging higaan ko at pagkatapos ay agad na inisa-isa sa akin ang mga gawaing nakatoka sa akin. Inilibot din ako nito sa mansion at wala pa nga kami sa kalahati ay napagod na ako dahil sa sobrang laki.
Sa totoo lang ay ngayon lang ako nakapasok sa ganitong klase ng bahay. Mula sa bulwagan ay sasalubungin ka ng napakalaking sala na may mataas na kisame. May malaking pailaw sa pinakagitna nito na nakalimutan ko na kung anong tawag. Pakiramdam ko ay mahihirapan ang kung sinumang maglilinis dyan. Kaya siguro sabi ni nanay mahirap ang trabaho dito. Sa magkabilang gilid ay may napakalaking hagdan, ang sabi ng mayordomang si Lola Conchita ay papunta daw ‘yon sa master’s bedroom.
Sa iilang parte ng malawak na sala ay may nakita akong mga daanan papunta sa kung saan. Isa roon ang pinasukan namin ni Lola Conchita. Napakaganda ng daang tinatahak namin. Nakasalamin ang bawat gilid at para kaming naglalakad sa napakalaking aquarium na punong-puno ng mga isda.
“Ang ganda!”
“Maganda talaga dito, Precilla. Isa pa lang ang nakikita mo at hindi pa ang iba. Sigurado akong matutuwa ka kapag naikot natin ang buong mansion.”
“Saan po ba tayo papunta?”
“Sa extended house ng anak nina Donya Amelia at Don Elias.”
Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Lola Conchita noong una pero kalaunan ay naintindihan ko rin, lalo pa at nakita ko kung ano ang extended house na sinasabi niya. Hindi lang kwarto ang meron ang anak nila, may isang buong bahay ito!
“Ito ang pagmamay-ari ni Sir Thunder. Wala masyadong naglalagi na katulong dito dahil ayaw niya sa maraming tao. Isa pa at hindi naman siya palaging nandito. Nasa ibang bansa siya at doon nag aaral.”
Ang sunod naming binaybay ay ang daang may sariling garden. Hindi katulad sa nauna ay hindi nakasarado ang magkabilang gilid nito. Kumpara din kanina ay mas malaki ang isang ito at sa kabilang gilid ay palabas na yata ng mansion dahil malawak na hardin na ang nakikita ko.
“Papunta ‘yan sa backyard. Nandyan ang garden at ang swimming pool. Dyan madalas nagpapaparty si Sir Jacob. Ang pangalawang anak ng mag asawang Ferrer. Tamang-tama at nandyan siya ngayon sa bahay niya. Ipapakilala kita.”
Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan.
“Huwag kang mag alala dahil hindi naman ito strikto si Sir Jacob, mabait siya kumpara kay Sir Thunder,” sabi ni Lola Conchita na tila yata naramdaman ang kaba ko. Tumango ako at tahimik na lang na sumunod sa kanya.
Tatlong katok ang ginawa ni Lola bago binuksan ang pintuan. Nasa pintuan pa lang ay tanaw ko na ang binatang nakasandal sa sofa habang umiinom ng wine sa kopita. Wala siyang pang itaas na damit at dahil sa posisyon niya ay mas napapakita ang iilang matitigas na bahagi ng kanyang tiyan. Iyan ba ‘yong sinasabi ng mga kaibigan ko na abs? Ngayon lang ako nakakita ng gano’n. Wala kasing gano’n si tatay dahil malaki ang tiyan niya. Ang mga kapatid ko naman ay mas bata pa sa akin at wala ring mga gano’n. Bagkus ay ribs ang nakikita ko sa kanila.
Ang sa binatang ito ay iba. Hindi ko alam pero masarap tingnan ang sa kanya.