Sa bawat araw na lumilipas, mas lalo kong nararamdaman kung paanong unti-unting humihigpit ang gapos ng kalungkutan sa puso ko. Parang nabubuhay ako pero hindi ko alam kung para saan. Wala si Calix. Wala akong lakas. Wala akong saysay.
Simula nang dalhin ako ni Papa dito sa Switzerland—na para bang pinatapon ako sa malayong mundo na walang liwanag—pakiramdam ko, unti-unti akong namamatay. Ang mga bintana ng kwarto ko ay laging nakasara. Ang mga dingding, tila yumayakap sa akin pero hindi para damayan ako, kundi para ikulong.
Alam kong may buhay sa loob ko. Araw-araw kong hinahaplos ang tiyan ko at iniisip kung kanino siya magmamana—kung sa mga mata ba ni Calix o sa ngiti ko siya kukuha. Sa gitna ng dilim na kinulong ako, siya lang ang tanging liwanag ko. Ang anak naming ni Calix… ang pruweba ng pagmamahal namin.
Pero habang lumilipas ang mga araw dito sa Switzerland, mas lalo akong nalulunod sa lungkot at kawalan. Wala si Calix. Wala akong karamay. Ang bawat umaga, paulit-ulit. Tahimik. Mabigat. Kinikimkim ko ang bawat galit, kirot, at takot—dahil alam kong hindi ako puwedeng magpakatanga. Pero ano ba talaga ang saysay ng pagpipigil kung ang puso mo naman ay durog na durog?
Hindi ako kumakain ng maayos. Madalas, hindi ako natutulog. Paulit-ulit lang akong umiiyak sa tabi ng kama habang hawak ang ultrasound photo na kinuha namin ni Calix bago ang lahat ng ito. May larawan siya doon—liit pa niya, pero buhay siya. Buhay.
Hanggang isang umaga, ginising ako ng sakit sa puson. Matindi. Parang may humihila sa kalamnan ko mula sa loob. Nagmamadali akong bumangon pero may mainit na likidong gumuhit sa pagitan ng hita ko. Nang tingnan ko, may dugo.
Napahawak ako sa tiyan ko.
“Hindi… hindi pwede…”
“Yaya!” sigaw ko. Nanginginig ang boses ko, nangingisay ang katawan ko.
Dinala nila ako agad sa ospital. Sa bawat pag-ikot ng gulong ng stretcher, bawat liwanag ng ilaw sa kisame, para akong nilulunod sa takot. Hindi ko mapigilan ang mga luha ko. Kinakausap ko siya sa isip.
‘Anak, please… lumaban ka… please…’
Pagkalipas ng ilang oras, pumasok ang doktor sa kwarto ko. Iba ang tingin niya. Malambing. Maingat. Parang alam niyang hindi basta sakit lang ang dala niya.
“Miss Sarmiento,” bulong niya, “I’m sorry. You’ve miscarried.”
Hindi ko na narinig ang sumunod niyang sinabi. Tumingin lang ako sa kisame, habang ang mga luha ko ay walang habas na bumagsak. Parang may humugot ng kaluluwa ko mula sa katawan ko. Ang pinakamamahal kong anak… ang bunga ng pagmamahalan namin ni Calix… wala na siya.
Nang umuwi kami, tahimik si Yaya Bel. Ako? Hindi ko na kinayang humikbi. Wala nang tunog ang sakit ko—puro pighati na lang ang natira.
Sa loob ng kwartong ‘to, nalibing ang anak ko. Wala man lang akong nagawa. At ang pinakamasakit sa lahat?
Hindi alam ni Calix.
Hindi niya alam na hindi na siya magiging ama.
Isang buwan na ang lumipas. Isang buwang paulit-ulit kong sinasabi sa sarili kong okay na ako, pero tuwing sumasapit ang gabi, bumabalik lahat. ‘Yung sakit. ‘Yung alaala. ‘Yung pangungulila.
Wala na ang anak ko. Wala si Calix. At nandito ako ngayon… isang katawan na lang ang natira.
Nawalan ako ng malay. Sumuka ako ng dugo noon, at akala ko simpleng pagod lang. Pero kinabukasan, nasa ospital na ako. Dinala ako ni Yaya Bel nang hindi ko na talaga kaya.
Paggising ko, may nagpakilalang Dr. na nakatao sa harap ng hospital bed ko.
Si Dr. Andre Del Mundo.
Suot ang malinis na white coat, seryoso ang ekspresyon habang kausap ang isang nurse. Matalas ang mga mata niya, pero hindi malamig. Para siyang taong nasanay na humawak ng sakit—hindi lang sa katawan, kundi pati sa puso.
“Ms. Sarmiento?” tanong niya nang magtama ang mga mata namin.
Napatingin lang ako sa kanya. Hindi ako nakasagot. Parang wala akong boses, parang natuyo na ‘yung damdamin ko.
“I’m Dr. Del Mundo. You were brought here after collapsing due to stress-induced physical trauma. Dehydrated ka rin. But more importantly… we need to address your emotional condition.”
Wala akong sinagot. Pero hindi rin siya umalis.
Mula noon, nakita ko na siya halos araw-araw. Kasama siya sa mga rounds. Minsan, sumasabay siya sa sessions ko. Hindi siya ‘yung tipo ng doktor na puro clinical terms lang ang alam. Nakikinig siya. Tahimik. Maingat magsalita. Tila naiintindihan niya kung gaano ka-buo ang isang puso… bago ito tuluyang mabasag.
At nang tanungin ko kung bakit parang sobra siyang invested sa case ko, napangiti lang siya. Mahina.
“Dahil hindi ka lang pasyente, Gia,” aniya. “Anak ka ng isa sa mga pinaka-influential na negosyante sa Pilipinas. Pero higit pa doon… dahil nakita ko kung paanong isang tao—isang babae—ay nawasak nang tuluyan. At ayokong pabayaan ka.”
Doon ko lang nalaman… pag-aari ng pamilya nila ang ospital. Del Mundo Medical Group. Kilalang-kilala sa buong Europe.
At siya? Isa sa mga tagapagmana.
Pero hindi siya nagyayabang. Wala sa kanya ‘yon.
Wala sa kanya ‘yung tingin ng iba. Ang tanging inaalala niya lang ay ako—kung kumakain ba ako. Kung natutulog ba ako. Kung nakakahinga pa ba ako.
At habang paulit-ulit niyang sinasabi na ligtas ako rito, hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko…
Safe nga ba ako?
O isa na naman ba siyang paraan ni Papa para kalimutan ko si Calix?
At mas malala pa—bakit kahit gaano ka-gentle si Andre… hindi pa rin siya si Calix?
Ilang linggo na rin mula nang una akong dumaan sa therapy. Pero ngayon lang ako piniling i-one-on-one ni Dr. Andre Del Mundo sa isang private room na may malaking bintanang tanaw ang mga bundok ng Switzerland.
Tahimik ang paligid. Halos marinig mo ang paghinga mo.
"Let’s begin where you’re most comfortable," mahinahon niyang sabi habang nilalapag ang tablet sa gilid. “No pressure, Gia. You lead the pace.”
Umiling ako. “I don’t even know where to begin.”
“Then start with what hurts the most.”
Napakagat ako sa labi. Tumingin ako sa labas ng bintana. Puting-puti ang paligid. Malamig. Pero sa loob ko, parang disyerto.
“Ang anak ko,” bulong ko. “Hindi ko man lang siya nahawakan. Wala man lang… paalam.”
Hinintay ko ang judgment, o kahit anong klaseng reaction sa mukha ni Andre. Pero wala. Tahimik lang siya. Nakikinig.
“At ‘yung tatay ko…” tuloy ko, boses ko nanginginig, “Ginawa niya lahat para sirain ako. Para mawala ‘yung taong mahal ko. At pinaniwala niya ako na ginamit lang ako ni Calix.”
Napatigil ako. Nanginginig na ang kamay ko. Naramdaman ko ‘yung mga luhang pilit kong nilulunok nitong mga nakaraang linggo. “Pero hindi ko siya kayang paniwalaan. Kahit sinasabi ng lahat… alam ko sa puso ko… mahal ako ni Calix.”
“Then why didn’t you fight harder?” tanong ni Andre, walang halong panunumbat. “Do you feel guilty for not doing enough?”
Tumango ako, walang lakas.
"Every night, iniisip ko kung paano kung nakatakas ako. Paano kung hindi ako nagpatalo kay Papa? Paano kung pinaglaban ko si Calix?"
Hindi ko na napigilan ang iyak ko. Bumuhos siya—tuluyan. Para akong batang nawalan ng laruan, pero ang totoo, buong buhay ko ang nawala.
“You're not weak, Gia,” marahang tugon ni Andre. “You were trapped. And you’re still healing. Hindi mo kailangang pahirapan ang sarili mo habang binubuo mo ulit ang sarili mong pagkatao.”
“Pero ‘yung baby ko…” bulong ko, halos wala nang boses.
Tumahimik siya. Hindi agad sumagot.
Pagkatapos ng ilang sandali, kinuha niya ang isang tissue box at itinulak sa akin. “You lost something no one should ever lose alone. Hindi ito madaling kalimutan. Pero hindi rin ito dapat ikulong sa loob.”
Tumingin ako sa kanya. Sa dami ng mga sinabi niya, ‘yon lang ang tumagos.
Hindi mo kailangang kalimutan, pero hindi mo rin kailangang mag-isa.
At sa unang pagkakataon simula nang mawala si Calix, naisip kong… baka, kahit papaano, may tao pa rin na handang lumaban para sa akin.
After two years, masasabi kong... siguro nga, okay na ako. Hindi pa rin perpekto, pero salamat kay Andrei, sa bawat session, sa bawat oras na tiniyaga niya akong buuin mula sa pagkawasak. Sa kanya ko natutunang tumayo ulit, huminga ulit... mabuhay ulit.
Tungkol kay Calix... Unti-unti ko na siyang binubura sa alaala ko. Sa lahat ng sakit, sa bawat halik, sa bawat pangakong tila naging abo. Lalo na noong dumating sa akin ang mga divorce papers—kompleto, pormal... at may pirma ni Calix.
Doon tuluyang bumagsak ang huling piraso ng pag-asa ko. Totoo nga. Pinaglaruan lang niya ako. Lahat ng sinabi niya... kasinungalingan. Habang ako, buo ang paniniwala, siya pala, matagal nang bumitaw.
Kaya pinilit ko na lang mahalin ang tahimik kong mundo rito sa Switzerland. Kung saan walang alaala ng kanya. Kung saan ako ay ako... kahit wasak.
Kahit parang pinagbagsakan ako ng langit at lupa noon, hindi pa rin doon nagtapos ang lahat. Sa impluwensya at kapangyarihan ni Papa, nagawan niya ng paraan na makuha ang records ko sa New York—Diploma, transcripts, lahat. Kaya teknikal na, nakatapos ako ng pag-aaral doon.
Sa loob ng two years si papa busy sa expansion. Nag-expand siya ng operations dito, at gaya ng inaasahan, ako ang inilagay niyang mamahala. Walang tanong. Walang pagpipilian. Basta sinabi lang niya sa akin: “Simulan mo na ang trabaho mo bilang isang Sarmiento.”
Ang Sarmiento Holdings ay isa sa pinakamalalaking konglomerado sa Pilipinas. Ang pangunahing negosyo namin ay nasa Real Estate at Luxury Hotels, na may headquarters sa Bonifacio Global City, Taguig.
Under sa amin ang high-end residential and commercial real estate developments—mga exclusive village, skyscrapers, at business districts. Pero ang pinaka-pinamumukod-tangi sa lahat ay ang Liora Hotels & Resorts, ang luxury hotel brand ng Sarmiento Holdings. Pinagkakaabalahan ito ngayon ni Papa—isang hotel chain na pinagsasama ang modernong elegance, Filipino heritage, at world-class service.
Ang pangalan nitong “Liora” ay nangangahulugang “liwanag”—isang simbolo ng ginhawa, karangyaan, at prestihiyo. Sa ngayon, meron na kaming 50 branches sa Pilipinas at 20 pa sa Southeast Asia.
At dito sa Switzerland, sinimulan na rin ang unang Liora property sa Europe. Ako ang namamahala. Ako ang mukha ng expansion.
Isa itong bagong simula... Kaya habang pinipilit kong kalimutan ang lahat ng sakit, itinulak ko na rin ang sarili kong magpatuloy. Nag-enroll ako sa Master’s degree, tinanggap ang posisyon, at binalot ang sarili sa trabaho.
Ito na ang bagong buhay ko.
Tahimik. Malayo. At kung minsan, parang walang kaluluwa.
Tahimik ang buong executive floor habang abala ako sa pag-review ng quarterly reports. Sa labas ng floor-to-ceiling window, tanaw ko ang snowcapped Alps—maaliwalas, pero malamig. Tulad ng panahong ginugol ko rito.
Biglang kumatok ang assistant ko.
“Ma’am, si Dr. Del Mundo po. Nasa reception,” aniya.
Napatigil ako sa pagsusulat. Hindi ko naman siya inaasahang bibisita ngayon. Pero agad kong sinabi, “Pasok mo siya.”
Ilang saglit lang, bumukas ang pinto at pumasok si Andrei—suot ang kanyang dark grey coat, dala ang paborito niyang ngiti.
“Still buried in numbers, I see,” bati niya habang naglalakad papalapit sa mesa ko.
Napangiti ako, kahit papaano. “Gano’n talaga kapag CEO ng branch.”
Nilapag niya ang dalang paper bag sa mesa ko. “Lunch. Alam kong nakalimutan mo na naman.”
Tiningnan ko siya, nagtataka. “May sakit ba ‘ko? Bakit ka nagho-hospital rounds dito?”
“Wala. Pero bilang dati mong psychiatrist, may karapatan akong mangialam minsan,” aniya, may biro sa tinig pero may sinseridad sa mga mata.
Napabuntong-hininga ako at pinisil ang sentido ko. “I’m fine, Andrei.”
“Alam ko. Pero ‘di ibig sabihin noon ay hindi ka dapat alagaan.”
Tahimik akong napatingin sa kanya. Sa dalawang taong dumaan, naging malaking bahagi siya ng paggaling ko. Mula sa therapy sessions hanggang sa simpleng tahimik na presensya niya tuwing gabi ng matinding pag-iisa.
“Gia…” Tumigil siya saglit. “Pwede bang minsan… hindi ka maging CEO, hindi ka maging anak ni Ramiro, hindi ka maging babae na nasaktan—p’wede bang minsan lang… maging ikaw lang?”
Muli akong tumitig sa kanya, pero hindi ako nakasagot. Hindi dahil hindi ko alam ang sagot—kundi dahil natatakot pa rin akong damhin ang mga bagay na matagal kong itinulak sa likod ng puso ko.
Tumayo siya at dahan-dahang lumapit. “Wala akong hinihinging kapalit. Gusto ko lang tandaan mo—nandito lang ako.”
Pagkasabi niya no’n, iniwan niya sa mesa ang lunch bag, sabay lakad palabas ng opisina.
Habang papalayo ang yabag niya, saka lang muling bumigat ang dibdib ko. Hindi dahil nasasaktan ako—kundi dahil may taong handang magmahal kahit hindi ako buo. At hindi ko pa alam kung handa akong tumanggap ulit.