KABANATA 12
Nang sumunod na araw, palabas na sana kami ni Enzo nang bahay para maghanap ng computer shop nang dumating ‘yung private nurse ni Mommy. Maliit na babae siya. Tingin ko nasa mid-20s ‘yung edad. Una kong napansin sa kanya ‘yung malaking balat sa kaliwang pisngi niya. Pinakilala siya sa ‘min ni Dad. Her name is Linda. Mukha naman siyang mabait, pero hindi ko pa nakausap nang matagal kasi umalis na rin kami agad ni Enzo. Nangulit na kasi si Enzo na pumunta na ng computer shop.
Naglakad-lakad kami sa labas pero wala kaming nakitang computer shop. “Wala atang computer shop dito,” sabi ko kay Enzo. Napagod na rin ako sa paglalakad kaya pinara ko na ‘yung unang tricycle na nakita ko. “Kuya, pakihatid naman kami sa malapit na computer shop dito.”
“Sige po Ma’am,” bibong sagot nung tricycle driver.
Inii-start na ni Kuya ‘yung tricycle niya nang may mapadaang lalaki, “Tsk, tsk. Ba’t mo sinakay ‘yan?”
“Ha?” nagtatakang tanong ng tricycle driver. Mukhang hindi ata siya tiga-rito dahil hindi niya alam ‘yung tungkol sa galit ng mga tiga-rito sa pamilya namin.
“Tara na po kuya.” Nilakasan ko ‘yung boses ko. “Nagmamadali po kami.”
“Opo.”
“Ingat ka!” sigaw nung lalaki bago pa kami makaalis. Buti na lang hindi na nag-usisa pa ‘tong tricycle driver at tuluyan na kaming umalis.
***
“Ang layo naman pala ng computer shop dito Ate. Akala ko naligaw na tayo e. Ang tagal ng byahe,” sabi ni Enzo habang papasok kami sa nag-iisang computer shop na nakita namin.
Pagpasok namin iisa lang ‘yung tao sa loob; ‘yung babaeng bantay ng shop.
“Kayo ‘yung nakatira doon sa bahay ni Inang Luring ‘no?” tanong niya sa ‘min. Tumayo pa siya at naglakad palapit samin.
“Kami nga. Bakit mo natanong?”
“Nakita ko kayo do’n,” nakangiti niyang sagot. “Pero hindi ako taga do’n. Nadadaanan ko lang ‘yung bahay niyo kapag nagba-bike ako papunta sa bahay ng mga pinsan ko.”
“Hindi na ba parte ng El Ciego ‘to?”
“Hindi. Ibang bayan na ‘to. Liblib ‘yung lugar niyo.”
“Kaya pala.” Napatango-tango na lang ako. Kaya pala ang layo ng biniyahe namin papunta rito. “Buti kinakausap mo kami. Mukhang ‘di ka ata takot or galit sa ‘min.”
Natawa siya sa sinabi ko. “Hindi naman kasi ako naniniwala sa tsismis.”
Ngumiti ako.
“Ako nga pala si Joyce. Kayo ano’ng pangalan niyo?”
“I’m Gwen and ito namang brother ko si Enzo.”
“Hi,” nakakaway na sabi ni Enzo.
“May tanong pala ‘ko, pero huwag niyo sanang masamain.”
“Bakit? Ano ‘yun?”
“Naputulan ba kayo ng kuryente?”
“Hindi. Bakit?” Nagtaka ako sa tanong niya.
“Wala lang. May isang gabi, napadaan ako sa inyo, ang dilim. Patay lahat ng ilaw. Hindi ko nga makita ‘yung bahay niyo e.”
“Nagpapatay talaga kami ng ilaw sa gabi. Para tipid,” palusot ko dahil never naman kami nagpatay ng lahat ng ilaw kapag gabi. Bukas palagi ‘yung ilaw sa may hallway at ‘yung isang ilaw sa may kusina. Medyo dim nga lang kasi yellow ‘yung bumbilya pero for sure kita pa rin ‘yun sa labas ng bahay. And ako personally hindi ako natutulog na patay lahat ng ilaw kaya palaging bukas ‘yung lampshade sa gabi. Hindi ko kasi gusto ‘yung sobrang dilim. Feeling ko nilalamon ako nang dilim.
“Ate binubuksan mo ‘yung lampshade sa gabi ‘di ba?” singit ni Enzo sa usapan.
“Mahina naman ‘yung ilaw ng lampshade. Tipid pa rin ‘yun sa kuryente ‘tsaka hindi kita sa labas,” sabi ko. “Maiba ako. Nagpi-print ba kayo rito?” Tanong ko para maiba ‘yung usapan.
“Oo. Ano’ng ipapa-print, ‘tsaka ilan?”
Nilabas ko ‘yung phone ko at pinakita ‘yung flyer na ginawa ko. “Ito. Fifty copies.”
“Cute ng aso niyo. Paano nawala?”
“Nakalabas ng bahay.”
“Mababalik ‘to sa inyo. Wala namang kumakain ng aso doon kaya hindi maasusena ‘to. Malamang may nakakita na neto at ginawa nang alaga. Cute e, ang taba.”
“Narinig mo ‘yun Ate? Mahahanap natin si Hunter,” tuwang-tuwang sabi ni Enzo.
“Oo, mahahanap natin siya,” sabi ko nang may pilit na ngiti sa labi. Parang gusto ko nang tumuloy sa pet shop at humanap ng kahawig ni Hunter at ibigay kay Enzo.
***
Nang mapa-print na namin ‘yung flyers, bumalik kami agad para masimulan na naming ipamigay, kahit wala naman talagang asong dapat hanapin. Pero para kay Enzo, sige, go lang.
Sa umpisa ipinamigay namin ‘yung flyers sa mga nakakasalubong namin kaso hindi naman nila pinapansin at kinukuha ‘yung inaabot namin. Titingnan lang nila kami tapos lalagpasan na. ‘Yung iba naman kukunin ‘yung papel pero itatapon lang din. Ang dami na ngang nagkalat na flyers sa kalsada kaya may nagreklamo nang nagkakalat lang daw kami ng basura.
“Ate napapagod na ‘ko. Hindi naman nila tayo pinapansin,” malungkot na sabi ni Enzo.
“Okay lang ‘yan. Baka hindi lang talaga nila nakita si Hunter.” Patong-patong na ‘yung mga kasinungalingan ko. Dinampot ko uli ‘yung mga flyers na nagkalat at pinagpagan dahil nadumihan na. “Idikit na lang natin ‘to sa mga puno, para lahat ng dadaan makita ‘to.”
“Wala naman tayong pandikit.”
“Uwi tayo sa bahay. Alam ko meron si Dad.”
***
Nasa gate pa lang kami ng bahay naririnig ko na ‘yung sigaw ni Mommy, kaya tumakbo na kami ni Enzo papasok ng bahay. Sinalubong kami ni Ate Rose kaya tinanong ko agad sa kanya kung ano’ng nangyayari.
“Nag-aaway ang Mommy at Daddy mo dahil doon sa private nurse na dumating.”
“Bakit po?”
“Pinagseselosan ng Mommy mo.”
“Po? Bakit?”
“Hindi ko rin alam. Basta ang narinig ko lang sabi ng Mommy mo, porke daw ba maganda at sexy ‘yung nurse ipagpapalit na siya. E hindi naman sexy at maganda ‘yong nurse. Tapos tinatawag na Anita ni Mommy mo ‘yong nurse, e ‘di ba Linda naman ang pangalan non?”
“Nasan na po ‘yung nurse?”
“Hindi ko alam. Umalis na ata. Pinagbabato ata ng Mommy mo kanina. Hindi ako sigurado. Hindi ko nakita. Nasa banyo kasi ‘ko, naliligo. Ang dinatnan ko na lang itong mga basag na bote ng pabango sa kwarto nina Mommy mo. Akala ko nga tapos na ‘yong away pero may continuation pa pala. ‘Yan nagsisigawan na naman.”
“Ate maghihiwalay ba sila?” umiiyak na tanong ni Enzo.
“Hindi. Normal lang ‘yan sa mag-asawa. Minsan may hindi napagkakasunduan kaya pinagtatalunan.”
Akma akong papanik para puntahan sina Mommy pero pinigilan ako ni Ate Rose. Umiling siya. “Hayaan mo na muna sila. Hayaan mong mga magulang mo ang umayos ng problema nila. Mabuti pa lumabas na lang uli kayo. Pagbalik niyo tapos na ‘yan.”
“Hindi Ate Rose. Kailangan ko silang kausapin.” Alam kong hindi na normal ‘yung mga kinikilos at sinasabi ni Mommy. Sabi niya sa ‘kin wala siyang kilalang Anita, pero bakit ngayon may Anita siyang binabanggit? Ibig sabihin ba nito, totoo nga ang kutob ko na nangsisinungaling siya sa ‘kin? At bakit bigla na lang siyang nagselos nang walang dahilan? Never naging bayolente si Mommy kahit gaano pa siya kagalit. “Kayo na lang po’ng sumama kay Enzo na magdikit nung mga flyers. Pakikuha na lang po sa mga gamit ni Dad ‘yung glue. Alam ko po meron siya.”
Pumanik na ako at hindi na napigilan pa ni Ate Rose. Habang papalapit ako sa kwarto nila palakas nang palakas ‘yung mga boses nila.
“Wala nga akong ginagawang masama! Kinuha ko ‘yung private nurse para bantayan ka!”
“Hindi! Iba ‘yung pakiramdam ko. Alam ko niloloko mo ‘ko. Kabit mo ‘yung babaeng ‘yun!” Sigaw ni Mommy habang umiiyak.
“Hindi ko nga kilala ‘yun. Ni-refer lang sa ‘kin sa ospital kahapon. Kinuha ko siya para maging private nurse mo, para alagaan ka tapos ganun ‘yung ginawa mo? Paano kapag may makaalam nito?!”
“At ipinagtatatnggol mo pa talaga ‘yung babae mo? Gaano na kayo katagal na magkarelasyon ni Anita ha?”
“Hindi ko pinagtatanggol. Gusto ko lang malaman mo ‘yung pagkakamali mo. At sinong Anita ‘yang pinagsasabi mo?”
“Kunwari ka pang hindi mo kilala! Sa dinami-dami nang pwede mong kabitan, matalik na kaibigan ko pa! Ano? Iiwan mo na ‘ko?! Sige, magsama kayo! Kampihan mo ‘yang kabit mo!”
“Honey, please stop this non sense! Ano bang pinagsasasabi mo? Bakit ba ako ang inaaaway mo, ‘di ba dapat magkakampi tayo? Nangako tayo sa hirap at ginhawa magkasama tayo. Hindi kita iiwan. Kahit kaaway mo na buong mundo, kakampi mo pa rin ako.”
“Mom, Dad,” sabi ko nang makarating na ako sa tapat ng nakabukas nilang pintuan habang umaagos na ang luha ko. Sabay silang napatingin sa ‘kin. Si Dad hindi maipinta ‘yung mukha. Gulat na gulat.
Lumapit si Mommy sa ‘kin at niyakap ako nang kaliwang kamay niya. “I’m sorry Gwen that you have to witness these. I promise I will do anything to protect this family. Walang sino man ang makakasira sa ‘tin.”
“Gwen, let me explain.” Lumapit na rin si Dad sa ‘kin.
“I know Mommy. I know,” sabi ko kahit na alam ko na si Mommy at kung ano mang nangyayari sa kanya ngayon ang dahilan ng kaguluhan sa pamilya namin. “I’ll protect this family too, kaya mag-uusap po muna kami ni Dad.”
“Of course, you can talk to your father,” sabi niya tapos binitawan ako at naglakad papunta sa kama at saka nahiga nang patalikod sa amin ni Dad.
Lumabas si Dad ng kwarto nila at isinarado ‘yung pintuan. “Where’s Enzo?” tanong niya agad sa ‘kin habang naglalakad kami palayo sa kwarto nila.
“Pinasamahan ko po kay Ate Rose para magdikit nung mga flyers.”
“Narinig ba niya kami ng Mommy mo?”
Tumango ako.
“I’m sorry Gwen.”
“No Dad. I know it’s not your fault,” sabi ko.
Habang pababa na kami ng hagdan may dumating na bisita. “Tao po?” sabi nito habang nakasilip sa bintana na malapit sa may pintuan.