KABANATA 13

1769 Words
KABANATA 13 Si Dad ang nagbukas nang pintuan. Nasa likuran niya lang ako. “Sino po sila?” tanong ni Dad sa matandang lalaki na hindi ko rin kilala. “Ako si Adolfo. Isa akong mangagamot. Pasensya na kayo sa biglaang pagpunta ko rito. Hindi sana ako nakakaabala.” “Hindi naman po, pero ano pong sadya niyo rito? Si Inang Luring po ba? Kasi kung siya po, wala na po si Inang. Patay na.” “Kaya pala may mabigat akong naramdaman nang mapadaan ako rito. May kaluluwang hindi matahimik.” “Po? Ano’ng ibig niyong sabihin?” Wala siyang sinabi. Bigla na lang siyang naglakad papasok ng bahay at pinagmasdan ang buong paligid. “Hindi maganda ang pakiradam ko. May napapansin ba kayong kakaibang nangyayari rito?” “Paano niyo po nalaman?” singit ko sa usapan nila. “Gwen,” saway ni Dad. “Ikuha mo na lang si tatay ng maiinom.” Hindi na ‘ko kumibo. Papunta na sana ako sa kusina nang makita kong pababa ng hagdan si Mommy. Hawak niya at inaalalayan ‘yung kamay niya na may sugat. Hindi ako makadiretso sa kusina kasi tinitingnan ko kung ano’ng gagawin niya. May takot na kasi ako sa mga ikinikilos niya. Wala sana siyang gawing masama sa matanda naming bisita. Dahan-dahan at tahimik siyang naupo sa tabi ni Dad. “Magandang hapon po,” bati ni Mang Adolfo na nginitian lang niya. “Asawa ko po pala,” pakilala ni Dad kay Mommy. “Hon, siya si Mang Adolfo. Napadaan lang siya. Makikiinom lang.” “Parang hindi ‘yun ang narinig ko.” Tiningnan ni Mommy si Tatay Adolfo. “Gusto ko pang marinig ang mga sasabihin niyo. Interisado ako,” nakangiting sabi ni Mommy. “Mabigat ang pakiramdam ko sa bahay na ito. Huwag mo sanang mamasamain, ano’ng nangyari diyan sa kamay mo?” “Bakit biglang napunta sa ‘kin ang usapan?” matapang na tanong ni Mommy. “Patawad. Hindi ko naman nais manghimasok.” Ang bilis nang pangyayari. Kanina lang nagngingitian pa sila ngayon mukhang may namumuo nang tensyon. Kaya nagmamadali akong nagtimpla ng juice sa pitsel at kinuha ko ‘yung isang box ng ensaymada at dinala ko agad sa kanila. Mabuti na lang at kasama nila si Dad na nag-iba ng topic.   “Matagal na po kayong manggagamot?” tanong ni Dad. “Dise-siete pa lang ako’y nanggagamot na ako. Nananalantay sa aming dugo ang pagiging manggagamot.” Napatingin si Mang Adolfo sa ‘kin nang inilalapag ko na ‘yung pagkain sa lamesitang nasa harapan nila. “Ano’ng pangalan mo hija?” Hinawakan niya ‘ko sa braso at bigla na lang siyang napaliyad at parang nangingisay at tumirik pa ang mga mata. Natakot ako kaya pilit kong tinanggal ‘yung kamay niyang nakahawak sa ‘kin pero ang higpit nang pagkakakapit niya. Pagkatapos nang ilang segundo napabitaw siya sa ‘kin at bumagsak pasandal sa upuan ‘yung walang malay niyang katawan. Natulala kami sa nangyari. Napatitig lang kami sa matandang albularyo. Alam kong buhay pa siya dahil kita ko ang pagtaas baba ng dibdib niya. Humihinga pa siya. Naghihintay kami sa susunod na mangyayari nang biglang pumasok ng bahay sina Ate Rose at Enzo. “Ate Rose ‘di pa po ‘ko tapos.” Napalingon ako sa kanila. Nakita ko si Enzo na nakasunod kay Ate Rose habang hawak pa ang ilang piraso ng flyers. Habang si Ate Rose naman, nakahawak sa tiyan ang isang kamay habang sa kabila’y hawak niya ‘yung glue na ginamit nilang pandikit sa flyers. “Bunso, ang sakit na talaga ng tiyan ko,” sabi ni Ate Rose at saka niya ipinatong sa lamesa ang hawak na glue at tumakbo papunta sa banyo. Nagulat si Enzo at napatingin sa lugar namin habang ako naman ay napabalik ang tingin kay Mang Adolfo nang bigla na lang itong humugot ng hininga. Nanlalaki ang mga mata niyang nakabukas na. Kita ang takot sa mga ‘yun. “Umalis na kayo rito. Nasa panganib kayo. May pumatay! May mamamatay!” Natakot ata si Enzo kay Mang Adolfo dahil bigla na lang siyang sumigaw nang malakas at nagtatakbo papanik sa itaas. “Sundan mo’ng kapatid mo,” utos sa ‘kin ni Dad. Mabilis akong umakyat sa itaas para i-check si Enzo.  “Enzo?” Nakita ko siyang nakaupo at nakasandal sa kama. Mahigpit ang yakap niya sa unan. “Okay ka lang?” “Ate may nakita ako kanina. Nasa pagitan niyo nung matanda.” “Hindi ka doon sa matanda natakot?” Mabilis siyang umiling. “Ano ‘yung nakita mo? Sino?” Ang dami kong tanong pero sa totoo lang nilalamon na ‘ko nang takot, kaya naupo na rin ako at tumabi sa kanya sa kama. “Hindi ko alam kung sino. Walang mukha. Para anino na parang usok na nag-shape na tao. Tapos para siyang nakaharap sa ‘yo. Isang dangkal lang ang layo.” “Ano’ng itsura? I mean, hugis babae, lalaki?” “Hindi ko alam. Ayaw ko na isipin.” Lalo niyang hinigpitan ‘yung yakap sa unan. Narinig ko naman ‘yung tunog nang kotse ni Dad kaya tumayo ako at dumungaw sa labas ng bintana. Palabas na ‘yung kotse at nakita kong katabi ni Dad sa harap si Mang Adolfo. “Dito ka lang muna. Bababa lang ako.” Pagtayo ko sa kama, hinawakan ako ni Enzo sa braso. Umiling siya, “Huwag ka na bumaba. Wala akong kasama.” “Sumama ka na lang sa ‘kin.” Umiling siya uli. “Ayoko. Baka nandon pa ‘yung multo.” Naupo na lang uli ako sa kama. Maya-maya narinig kong may naglalakad sa labas ng kwarto. Huminto siya sa tapat ng pintuan namin. Ine-expect ko na may kakatok sa pinto o magbubukas nito, pero wala. “Mommy? Ate Rose?” Silang dalawa lang naman ang natirang kasama namin sa bahay dahil kaaalis lang ni Dad. Walang sumagot kaya tumayo uli ako at pinigilan na naman ako ni Enzo. “Ate.” “Wait lang. Titingnan ko lang,” sabi ko at binitawan naman niya ‘ko kaya nakalakad ako palapit sa pinto. Binuksan ko ito pero wala naman akong nakitang tao sa labas. Tumingin pa ako sa magkabilang gilid ko at wala talagang tao. Walang Mommy. Walang Ate Rose. “Ate?” Nilingon ko si Enzo nang tawagin niya ‘ko. “Sino ‘yun?” tanong niya. “Tara sa baba. Mag-meryenda raw tayo sabi ni Ate Rose.” Napakamot sa ulo si Enzo. “Parang hindi ko naman siya narinig.” “Pababa na kasi siya nang hagdan, ‘tsaka sinenyas niya lang sa ‘kin. Tara na. Tayo ka na d’yan,” pagmamadali ko sa kanya dahil sa sobrang takot. May babae kasing nakaupo sa kama. Nakayuko ito at natatabunan nang magulong buhok ‘yung mukha. “Tara na. Bilis. Sige, iwan kita d’yan,” pananakot ko sa kanya kahit na ako ‘yung totoong takot na takot. “Sige na nga,” napipilitan pa niyang sabi. Pigil hininga ako nang pababa na siya ng kama dahil konti na lang magtatama na ‘yung mga balikat nila. Nagtagal pa sa pagkakaupo si Enzo sa kama dahil sinuot pa niya ‘yung sapatos niya and swear parang gusto ko na siyang paglakarin nang nakaapak palabas ng kwarto dahil kitang-kita ko pa rin ‘yung babae sa tabi niya. “Ate parang ang lamig,” sabi pa niya sa ‘kin. “Uulan ba?” tanong pa niya. “Baka. Matagal ka pa? Gutom na ‘ko.” “Hindi ko matanggal ‘yung pagkakabuhol e,” sagot niya habang nakayuko at pilit tinatanggal ang pagkakabuhol ng sintas para maisuot niya ‘yung paa niya sa sapatos. Hindi na ‘ko nakatiis pa kaya buong tapang akong lumapit sa kanya at lumuhod sa tapat niya para tulungan siyang magsapatos. Hindi ko mapigilang mapasulyap sa gilid ko kung saan kita ko ‘yung maputlang binti at paa at maiitim na kuko ng babaeng katabi niya. Dinig na dinig ko pa ang pagbulong nito ng mga salitang hindi ko naman maintindihan. Nang matapos kong ayusin ‘yung pagkakasuot ng sapatos ni Enzo, halos hatakin ko na siya palabas. Hindi ko na ring nagawang isarado pa ‘yung pintuan dahil ayoko nang lumingon pa at makita ‘yung babae sa kama. “Ate gutom ka ba o natatae? Para kang si Ate Rose kanina. Madali nang madali,” sabi ni Enzo habang pababa kami ng hagdan. Nakasalubong namin si Mommy. “Mommy, bakit po umalis si Dad kasama ‘yung matanda?” tanong ko pero hindi niya ako pinansin. Parang hindi niya kami nakita ni Enzo. Para lang kaming hangin na dumaan sa tabi niya. Dirediretso lang siyang naglakad papanik ng hagdan. “Galit pa ata si Mommy sa ‘kin,” bulong ni Enzo na nasa tabi ko. “Baka pagod lang o may masakit sa kanya.” Pagkatapos naming magmeryenda ni Enzo, balik kami sa pagdidikit ng mga pictures ni Hunter sa labas. “Hinahanap niyo pa ‘yan. Patay na ‘yan.” Halos mahulog ang puso ko sa sinabi ng batang nasa likuran namin. Hindi ako nagulat sa biglaan niyang pagsasalita kundi dahil sa sinabi niyang patay na si Hunter. May alam ba siya? Nakita ba niya? Bago pa ‘ko makasagot sa sinabi niya, nakita ko na lang siyang nakaupo sa kalsada. Itinulak siya ni Enzo. “Bawiin mo ‘yung sinabi mo! Bawiin mo!” Nagulat ako sa naging reaksyon ni Enzo. Kita ko ‘yung galit sa mga mata niya. Bago pa lumaki ‘yung gulo hinila ko na siya palayo, pauwi sa bahay. “Ba’t mo ginawa ‘yun?” sabi ko sa kanya habang papasok kami ng gate. “Hindi ka pa ba nagtanda sa nangyaring gulo doon sa baranggay?” Hindi siya sumagot pero nakita ko ang pagbaba’t taas ng mga balikat niya. Pagharap niya sa ‘kin umiiyak na  siya. “Buhay pa si Hunter ‘di ba? Hindi pa siya patay.” Napahinto ako sa paglalakad. Naawa ako sa kapatid ko. Naapektuhan na rin siguro siya ng mga nangyayari sa ‘min. Inakbayan ko siya at saka hinigit palapit sa ‘kin. “Buhay si Hunter. Mahahanap natin siya. Kung hindi man, baka hindi talaga siya para sa ‘tin at kailangan natin iyong tanggapin.” Tumango siya habang humihikbi pa at nagpupunas ng luha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD