KABANATA 9
“Mommy.”
“Gwen, huwag ngayon. Birthday ng kapatid mo. Ayokong magtalo tayo.” Tama si Mommy. Kailangan naming gawing masaya itong araw na ‘to para kapag naisip ni Enzo ‘tong 8th birthday niya hindi multo ang maalala niya. “Ituloy mo na lang ‘yang pagbabalot ng lumpia.”
“Opo.”
Habang abala kami sa kusina. ”I’m back!”
“Daddy!” Tumatakbong lumapit si Enzo kay Dad na may hawak na malaking box ng cake.
“I got your birthday cake!”
“Chocolate?”
“Yep! Your favourite.”
“Cake lang po Daddy?” Mukhang may hinahanap si Enzo.
“Yeah. Why?”
Umiling lang si Enzo at saka bumalik sa sala para maglaro.
“I got the puppy.” Bulong ni Dad. “Nasa kotse. Natutulog.”
Pigil na pigil ‘yung excitement ko. Gusto ko na makita ‘yung puppy kaya binilisan ko ‘yung pagbabalot ko ng lumpia para maluto na agad at maumpisahan na ‘tong birthday celebration ni Enzo. Halos lahat kasi naluto na ni Mommy, itong lumpia na lang ang hindi pa.
Matagal ko na rin gustong magkaroon ng alagang aso after mamatay ‘yung huli naming alaga na si Ginger 3 years ago. Ngayon kasi na college na ‘ko, I can’t have a pet dahil hindi ko rin maasikaso. Kapag may pasok kasi, sa dorm ng school ako nag-stay and pets aren’t allowed and weekends lang ako umuuwi sa bahay and minsan nga hindi pa ‘pag sobrang daming ginagawa sa school. Lalo na I’m on my third year this coming schoolyear. Start na ng thesis at mas magiging busy ako. But now na mag-eight years old na si Enzo, maybe naisip nila Dad na he can take the responsibility na to have a pet and I’m really happy for him kasi ang tagal na rin niyang nire-request ‘yun kina Dad. Five years old palang ata siya ‘yun na ang hiling niya but raising a pet is a big responsibility. Hindi pwedeng matutuwa ka lang sa umpisa pero kapag ayaw mo na hindi mo na aalagaan. Pets aren’t toys.
“Happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday, happy birthday Enzo!” Pagkatapos naming kumanta, dahan-dahang lumabas ng bahay si Dad nang hindi napapansin ni Enzo, para kunin ‘yung puppy na nasa loob ng kotse.
“Let’s light the candles na!” sabi ni Mommy. Umarte pa siya na kunwaring ayaw masindihan nung mga kandila dahil ang tagal bumalik ni Dad. Pero nang nang makita niya na pabalik na si Dad, hawak ‘yung cage, sinindihan na niya ‘yung kandila.
“Make a wish!” sabi ko.
“Sana pagbigyan na ako ni Mommy at Daddy na magkaroon ng pet dog!”
Pagka-ihip ni Enzo sa kandila, kinalabit siya ni Dad sa balikat, “Enzo.”
Paglingon ni Enzo, at pagkakita doon sa puppy, nagtatalon at nagsisigaw siya sa tuwa. Hindi ko alam kung anong breed nung puppy pero super cute niya and ang ganda ng kulay. Mixed siya ng white brown ang black. Super cute and ang taba-taba. “Can I hold him? Can I Dad? Can I?”
Nakakatawa ‘yung reaction ni Enzo. Nanlalaki ‘yung mata niya na nakatitig doon sa tulog na puppy, tapos naka-close ‘yung kamay niya na parang gigil na gigil na siyang hawakan ‘yung bago niyang alaga.
“Of course.” Ibinaba ni Dad sa sahig ‘yung cage para mabuksan. Dahan-dahan namang kinuha ni Enzo ‘yung natutulog na puppy pero nagising nang buhat na niya. And masyado atang na-overwhelm ‘yung tuta sa dami namin na nakapalibot sa kanya kaya nagsimula siyang umungot at tumahol sa ‘min. Pero hindi nakakatakot ‘yung tahol. Cute.
“Mommy, Daddy, thank you so much po!” Full smile si Enzo at hindi maitago ang saya.
“You’re welcome sweetie pero put him down na muna, para makakain na tayo,” sabi ni Mommy habang akmang aabutin ‘yung puppy pero bigla uli ‘tong tumahol.
“Ayaw niya ata sa ‘kin,” natatawang sabi ni Mommy kaya si Enzo na lang ang nagbalik sa cage.
“Ganyan din siya sa ‘kin kanina. Ayaw ata sa matanda.”
“Hindi pa ‘ko matanda Hon. Kalabaw lang ang tumatanda.”
“Of course. Mukha ka pa ring 25 sa paningin ko,” sabi ni Daddy sabay halik sa gilid ng ulo ni Mommy. “Let’s eat?”
Pagkatapos naming kumain, nakipaglaro kami ni Enzo kay Hunter. Hunter ang ipinangalan ni Enzo doon sa puppy. Grabe ang energy ni Hunter, walang tigil sa kakatakbo kaya pagkatapos noon, pagod silang dalawa ni Enzo. Sa upuan na nga nakatulog ‘yung kapatid ko, kaya binuhat na lang ni Dad papanik sa kwarto nila. Si Mommy nasa taas na rin. Si Ate rose nasa kusina. Naririnig ko pa ‘yung kalampag ng mga hinuhugasan niyang mga kutsara’t plato. Ako nag-stay muna sa sala habang si Hunter nasa kandungan ko at tulog. Hindi pa ako makatulog kaya palipat-lipat lang ako ng channel hanggang sa may makita akong palabas na old horror movie, about zombies. Hindi naman masyadong nakakatakot lalo na obvious na fake ‘yung prosthetics sa mukha and ‘yung blood, pero nung biglang tumahol si Hunter para akong nagka-mini heart attack, lalo na nang tumingin ako sa gilid ko kung saan siya nakaharap at tumatahol. Si Mommy kasi tahimik na nakatayo sa gilid ko.
“Mommy, tinakot niyo naman po ako. Hindi ko napansin ‘yung paglapit niyo. Hindi ko rin narinig na bumaba kayo,” sabi ko nang nakahawak pa sa dibdib ko. Si Hunter tahol pa rin nang tahol.
“Hindi ka pa ba papanik?”
“Mamaya na po. Tapusin ko lang po ‘yung movie.” Naumpisahan ko na kasi and tingin ko malapit na ring matapos.
“Okay. Put him back sa cage ha?” Tinuro niya si Hunter. “Para ‘di manira.”
“Yes po.”
Nang umalis at pumanik na uli si Mommy, tumigil na rin sa pagtahol si Hunter at umayos na uli ng higa sa hita ko. Nang matapos ko ‘yung movie, ibinalik ko na siya sa cage niya at saka ako pumanik na sa kwarto ko.
Nang nasa kwarto na ako, hindi pa rin ako makatulog. Dahil kaya sa softdrinks na ininom ko kanina? Medyo napadami ata. Paikot-ikot ako sa kama ko nang may marinig ako na umuungol na parang binabangungot. Sobrang tahimik pa naman kaya dinig na dinig ko. Parang galing sa kwarto nina Mommy. Tapos nasundan ‘yun ng sunod-sunod na sigaw kaya napabangon ako at tumakbo papunta sa kwarto nila.
“Hon, gising! Hon!” Narinig kong sigaw ni Dad.
“Mommy, Dad, Enzo!” sigaw ko habang kumakatok. Si Enzo na umiiyak ang nagbukas ng naka-lock na pinto. Pagpasok ko sa kwarto nila, nakita kong gising na si Mommy. Parag hinahabol niya ‘yung hininga niya. Yumakap siya kay Dad. Para siyang takot na takot.
“Breathe and relax. Masamang panaginip lang ‘yun,” sabi ni Dad kay Mommy. “Gwen, tubig,” utos naman niya sa ‘kin.
Lumabas ako ng kwarto nila at nakasalubong ko si Ate Rose na patakbong papunta sa ‘min. “Ano’ng nangyari?”
“Binangungot po si Mommy,” sagot ko at dumeretso na ‘ko nang baba para kumuha ng tubig. Si Hunter na nasa baba, tahol din nang tahol. Naramdaman at narinig siguro niya ‘yung nangyari sa itaas. Ang talas pa naman ng pakiramdam at pandinig ng mga aso.
Nasa harap ako ng nakabukas na refrigerator at kumukuha ng tubig nang maramdaman kong parang may dumaan sa likuran ko. Lumingon ako pero wala naman akong kasama. Mag-isa lang ako sa kusina. Si Hunter, tumatahol pa rin. “Wala naman siguro siyang nakikita,” bulong ko, para pakalmahin ‘yung sarili ko, pero wala ring saysay dahil nakaramdam pa rin ako ng takot, kaya nagmadali na ‘ko sa pagkuha ng tubig para makabalik na ‘ko sa itaas.
Pagkasarado ko ng pintuan ng ref., muntik ko nang mabitawan ‘yung baso dahil bigla na lang nagsalita si Ate Rose sa likuran ko at tinawag ‘yung pangalan ko.
“Ate Rose naman, para kang si Mommy. Tinatakot niyo naman ako. Huwag naman kayong bigla-biglang sumusulpot.”
“Pasensya na. Kukuha din sana ako ng tubig.”
“Sige po, kuha na kayo. Papanik na ‘ko,” sabi ko at pagkatapos iniwan ko na siya. Hanggang sa pagpanik ko naririnig ko pa ring tumatahol si Hunter, pero maya-maya tumigil na rin. Baka binigyan ni Ate Rose ng pagkain.
Umupo ako sa gilid ng kama at inabot ko kay Mommy ‘yung tubig na ininom naman niya agad.
“Thank you.”
“Ano pong napaginipan niyo?” tanong ko.
Umiling si Dad, na parang sinasabing huwag na akong magtanong. “Gwen, doon muna si Enzo sa kwarto mo,” sabi niya sa ‘kin, kaya tinulungan ko si Enzo na bitbitin ‘yung mga unan niya papunta sa kwarto ko.
“Ate natakot ako. Akala ko ‘di magigising si Mommy,” sabi ni Enzo habang inaayos ‘yung unan niya sa kanang side nung kama.
“Huwag mo nang isipin ‘yun. Masamang panaginip lang ‘yun. Kahit sino naman pwede managinip nang ‘di maganda. Basta pray na lang bago matulog.”
Nakahiga nang patalikod si Enzo sa ‘kin. Nakaupo naman ako sa kama at nakikinig ng music sa cellphone ko dahil ‘di pa ako makatulog uli. Maya-maya bumangon at naupo si Enzo sa kama at tumingin sa ‘kin.
“Ate nagugutom ako.”
“Akala ko tulog ka na.”
“Samahan mo ‘ko sa baba.”
“Ayoko tinatamad ako.”
“Dali na Ate,” niyugyog niya nang niyugyog ‘yung balikat ko. “Natatakot ako e.” Hindi ko masabi sa kanya na kaya ayoko na ring bumaba kasi natatakot din ako. Kung sana nandoon pa si Ate Rose okay lang, kaso nakita ko si Ate Rose na pabalik na sa kwarto niya kanina nung papunta kami rito sa kwarto ko. “Dali na ate. Kukuha lang ako ng cake tapos panik na tayo.”
“Matamis ‘yun.”
“Kahit tinapay na lang na may peanut butter or cheese. Sige na Ate.” Naawa naman ako sa kanya. Mukhang gutom talaga siya kaya kahit ayaw ko, sinamahan ko siya para kumuha ng pagkain.
Nang nasa kalagitnaan na kami ng hagdan, “Si Mommy,” sabi ni Enzo habang nakaturo sa babaeng nakaupo at nakaharap sa dining table. Hindi namin kita ‘yung face dahil nakatalikod siya sa ‘min. Nakasuot siya ng night gown na parang si Mommy tuwing matutulog. Hindi ko lang sure kung same sa suot na night gown ni Mommy ngayon, kasi hindi ko matandaan kung ano’ng suot niya nang makita ko siya kanina. Hindi ako sure kung white, light yellow or light peach. Habang nakatingin ako doon sa babae, napansing ko na parang may something weird sa kanya. Hindi siya naka-steady nang upo, she’s rocking back and forth and hindi naman ganoon si Mommy kung maupo. Hinawakan ko ‘si Enzo sa balikat. “Wait.”
“Why?”
Hindi ko sinagot ‘yung tanong niya instead tinawag ko nang Mommy ‘yung babae. Hindi ito lumingon. Nanatili lang siyang nakaupo. “Mommy?” tawag ko uli.
“Kids.” Nagulat kaming pareho ni Enzo. Sabay na sabay pa ‘yung pagtaas ng balikat naming dalawa, pati paglingon namin kay Dad. “Ano’ng tinitingnan n’yo d’yan?”
“Si Mo—“ Hindi ko na natapos ‘yung sasabihin ko dahil pagtingin ko uli sa dining area wala na doon ‘yung babaeng nakaupo.
Si Enzo napakapit nang mahigpit sa braso ko. “Ate.”
“Bakit?” Nagtatakang tanong ni Dad.
“Dad, nakita po namin si Mommy na nandoon kanina,” sabi ni Enzo habang nakaturo kung saan namin nakita ‘yung babae.
“Kayong mga bata kayo. Gabi na tinatakot niyo pang mga sarili niyo,” sabi ni Dad at saka diretsong bumaba ng hagdan papunta sa kusina.
Sinundan namin siya ni Enzo. “I swear Dad, kahawig ni Mommy ‘yung nakita namin.”
“The last time I checked, nandoon sa kwarto namin ang Mommy niyo, bago ako bumaba. Kaya imposible ‘yang sinsabi mo Gwen.”
“So sino or ano po ‘yung nakita namin?”
“Antok lang ‘yan,” tinapik ako ni Dad sa may balikat. “Dapat kasi natutulog na kayong dalawa. Bakit nandito pa kayo sa baba?”
“Kukuha po ng pagkain,” sagot ni Enzo.
“Okay, get your food tapos sabay-sabay na tayong pumanik.”
Nagpunta sa banyo si Dad. Ginawan ko naman ng peanut butter sandwich si Enzo habang kumukuha siya ng gatas sa ref. Pagkatapos sabay-sabay na kaming pumanik na tatlo.
“Ate ‘yung nakita natin kanina baka siya din ‘yung nakita ko sa loob ng cabinet ni Inang,” sabi ni Enzo habang kumakain. Hindi ko siya nasagot dahil malalim ang iniisip ko. Hindi kaya si Anita ‘yung nagpapakita sa ‘min? Pero ano’ng rason niya para magpakita? At bakit sa aming dalawa ni Enzo? Hindi naman niya kami kilala. Kung totoo man ‘yung mga sinabi nung babaeng nakausap ko noong isang araw. “Ate, anong iniisip mo?”
“Wala. Ubusin mo na ‘yang kinakain mo.” Hindi ko pwedeng sabihin kay Enzo ‘yung tungkol kay Anita. Lalo pa’t hindi pa naman ako sigurado kung totoong may Anita na naging parte ng nakaraan ng pamilya namin. Ayokong mag-iba ‘yung tingin niya kina Mommy at Inang. Masyado pa siyang bata. Baka hindi niya maintindihan.
“Pero ate tingin mo tama ako? ‘Yung nakita natin kanina, siya din ‘yung nakita ko sa cabinet?” Mukhang hindi siya titigil hanggang hindi ako sumasagot.
“Hindi ko alam. Hindi ko naman nakita ‘yung nakita mo sa cabinet ni Inang, ‘tsaka huwag na natin ‘tong pag-usapan. Sige ka, baka magpakita na naman sa ‘tin, e duwag ka naman.”
“Papakagat ko siya kay Hunter.”
“Walang silbi ‘yung pangil ni Hunter.” Bigla kong naisip si Hunter. Hindi man lang siya tumahol kanina. Pinipili ba niya ang tatahulan o mahimbing na mahimbing lang ang tulog?