KABANATA 8
Sa araw ng birthday ni Enzo, umalis si Dad nang maaga at hindi ko alam kung saan nagpunta. Bibili siguro ng birthday cake ni Enzo. Si Ate Rose naman, naglalaba dahil maganda ang panahon ngayon. Maaraw unlike kahapon na makulimlim. Si Enzo nasa kwarto. Nasa sala naman ako with my laptop. Nasa last episode na ‘ko ng series na pinapanood ko nang may maamoy ako na nasusunog. Nagmamadali akong pumunta sa kusina at dinatnan kong malungkot na nakatulala si Mommy doon habang may hawak na papel at envelope.
“Mom!” sabi ko habang nagmamadaling pinatay ‘yung kalan dahil nasusunog na ‘yung mantika sa kawali.”
“Oh my God. Nawala sa isip ko na may nakasalang ako. Papainitin ko lang sana ‘yung mantika.” Kinuha ni Mommy ‘yung sunog na kawali at itinapat sa bukas na gripo.
“Ano po bang iniisip niyo?”
“Wala. Nakalimutan ko lang talaga.”
Tiningnan ko ‘yung hawak ni Mommy kanina na iniwan niyang nakapatong sa may lamesa.
“Nakita ko sa mga gamit niya kanina. Pakipanik mo nga sa kwarto namin. Baka mabasa rito. Magluluto na ‘ko ng handa ni Enzo.”
Sinunod ko si Mommy at pumunta ako sa kwarto nila. Akala ko nandoon si Enzo pero nang pumasok ako wala siya doon. Nakita ko lang ‘yung cellphone niya na nakapatong sa kama. Kinabahan ako. Baka lumabas na naman siya nang walang paalam. Baka kung ano na naman ang mangyari sa kanya. Umikot ako para lumabas agad ng kwarto nang bumulaga sa harapan ko si Enzo. Nagtago lang pala siya sa likod ng pinto. Sa gulat nabitawan ko ‘yung envelope na hawak ko. Tawa naman nang tawa si Enzo.
“Pasalamat ka birthday mo ngayon,” sabi ko habang pinupulot ko ‘yung envelope.
“Ate laro tayo.”
“Ano namang laro?” Naglakad ako palapit sa drawer na nasa tabi ng kama at doon ko ipinatong ‘yung envelope.
“Taguan. Ikaw taya.” Hindi ako sumagot agad. Kunwaring nag-iisip pa ng sagot. “Sige na.” Humawak pa siya sa braso ko at tumalon-talon na parang kuneho.
“Uhmm... Sige na nga. Para sa birthday boy.”
“Yes!”
Humarap na ‘ko sa pader. “Tagu-taguan maliwanag ang araw…” imbes na buwan, araw ‘yung sinabi ko. Ang aga pa kasi at tirik na tirik pa ‘yung araw. “Masarap maglaro sa dilim-diliman…” Naririnig ko pa ‘yung yabag ni Enzo. Hindi ata malaman kung saan siya magtatago. “Pagbilang kong sampu nakatago ka na…” Palayo na siya at hindi ko na marinig. “Isa… dalawa… tatlo… sampu…” Hindi ko binuo ‘yung bilang. For sure hindi na rin niya ‘ko naririnig. Hindi na ‘ko nag-abalang hanapin siya sa kwarto nila dahil sigurado akong lumabas siya ng kwarto. Sure din ako na wala siya sa kwarto ko dahil hindi ko narinig na bumukas ‘yung pintuan ng kwarto ko na katabi lang nung sa kanila. ‘Yung pintuan pa naman ng kwarto ko lumalangitngit sa tuwing nagagalaw. Imposibleng hindi ko ‘yun marinig. Kaya ang una kong pinuntahan ‘yung kwarto ni Ate Rose. “Enzo?” Sumilip ako sa ilalim ng kama at tinignan ko ‘yung cabinet pero ang laman lang noon ay mga iilang gamit ni Ate Rose. Hindi ko siya hinanap sa kwarto ni Inang dahil sure ako na hindi siya papasok doon para magtago kaya bumaba na ‘ko para doon siya hanapin. Pero wala siya sa kusina, sa banyo, sa sala, pati sa labas ng bahay.
“Mommy, bumaba po ba si Enzo?”
“Hindi.”
“Sure?”
“Hindi siya bumaba. Ikaw pa lang ang nakita kong bumaba. Bakit? Umalis na naman ba ‘yung kapatid mo?”
“Naglalaro po kasi kami ng taguan. Hindi ko siya makita.”
Isang malakas na sigaw ang narinig namin ni Mommy mula sa itaas. Boses ‘yun ni Enzo kaya nagmamadali kaming pumanik at nakasalubong namin si Enzo na nagmamadaling bumaba ng hagdan. Hinawakan siya ni Mommy para pigilan. “Bakit? What happened?”
“Mommy ayoko na po rito. Uwi na tayo Mommy. Please,” umiiyak niyang sabi.
“Why?”
“May multo. May nakita akong multo. Ayoko na po rito.”
Sa kwarto ni Inang pala nagtago si Enzo. Sa loob ng cabinet.
“Baka naman nakatulog ka lang, kakahintay na mahanap kita,” sabi ko. Pilit akong gumagawa ng dahilan para hindi na matakot si Enzo kahit na sa tingin ko may nakita talaga siya. Sa mga pagpaparamdam at pagpapakita ba namang naranasan ko nitong mga nakaraang araw, sino ako para hindi maniwala sa sinasabi niya?
“Hindi Ate. Gising ako. Narinig ko pa nga na pumasok ka sa kwarto ni Ate Rose. Tapos narinig kong bumukas ‘yung pintuan ng kwarto ni Inang.” Hindi ko binuksan ‘yung kwarto ni Inang. “Tapos tinawag mo ‘yung pangalan ko.” Hindi ko rin ginawa ‘yun. “Akala ko mahuhuli mo na ‘ko, pero pagkatapos nun, wala na ‘kong narinig. Hindi ko narinig na pumasok ka o hinanap ako.” Dahil hindi ko naman siya hinanap doon. “Lalabas na sana ‘ko, kasi ang tagal mo, pero sabi ko hindi, doon lang ako. Baka mahuli mo ‘ko. Baka nakaabang ka lang sa may pintuan.” Ni hindi ako lumapit sa pintuan ng kwarto ni Inang. “Nakaupo lang ako sa loob ng cabinet. Nakasiksik ako sa sulok. Sobrang tahimik sa loob, tapos may narinig akong parang tunog ng lumilipad na langaw sa may tenga ko. Binugaw ko lang ‘yung langaw pero hindi ko binuksan ‘yung cabinet kahit init na init na rin ako doon sa loob. Pinagpapawisan na nga ako e. Tapos parang ‘yung tunog ng langaw palakas nang palakas sa may kanang tenga ko, kaya sa inis tumingin ako sa gilid tapos doon ko na nakita ‘yung babaeng multo na nakaupo din sa loob nung cabinet. Sa kanya pala nanggagaling ‘yung tunog. Ang bilis nang buka ng bibig niya. Ang payat niya na maputla tapos nangingitim ‘yung mga mata ‘tsaka ngipin.”
“Kahawig ba ng lola mo?” Nagulat kami ni Mommy nang biglang magsalita si Ate Rose. Nasa likuran na pala namin siya. Hindi namin napansin ‘yung paglapit niya dahil ‘yung atensyon namin na kay Enzo.
“No.”
“Rose, bakit ba ipinagpipilitan mo na nagmumulto ‘yung tiyahin ko?” parang inis na tanong ni Mommy.
“Kasi siya lang naman po ‘yung namatay dito. Bakit meron pa po bang iba na pwedeng magmulto rito?”
“Wala, dahil walang multo.”
“Ano po ‘yung nakita ko Mommy?”
“Guni-guni mo lang ‘yun ‘tsaka madilim sa loob ng cabinet. Baka napagkamalan mo lang ‘yung mga nakatambak na damit sa loob na hindi ko pa naayos pagkatapos kong maghalungkat sa gamit ni Inang.”
“Yung narinig ko po?”
“Langaw. Sabi mo ‘di ba parang langaw ‘yung tunog. Maingay naman talaga ‘yun kapag napalapit sa tenga.”
Gusto kong paniwalaan ‘yung mga paliwanag ni Mommy pero hindi e. May mukha ‘yung nakita ni Enzo. Imposibleng makakita siya ng mukha ng isang babae sa kumpol ng mga damit at nagawa pa niyang i-describe. Hindi kaya si Anita ‘yun? Hindi pa rin natatahimik ‘yung kaluluwa niya kaya ginugulo niya ‘yung pamilya namin