KABANATA 7
“Ang tagal mong nawala. Saan ka galing?” tanong ni Mommy pagkadating ko sa bahay.
“Naglakad-lakad lang po.” Hindi ko masabi sa kanya ‘yung totoo. Hindi ko pa siya matanong dahil nasa tabi niya si Enzo. Kaya ko pa namang maghintay hanggang mamaya. Kaya ko pang kimkimin ‘tong nararamdaman ko.
Habang kumakain kami ng tanghalian, ang tahimik namin. Parang malaking kasalanan ang magsalita. Mabuti na lang nagsalita si Enzo. “Mommy, tomorrow’s my birthday. Ano pong handa ko?”
“Anything you want. Just tell me, lulutuin namin ni Ate Rose para sa ‘yo.”
“Spaghetti, cake and fried chicken!”
“Copy that Sir!”
“Yey!”
“Can I invite my friends?”
“Sorry anak, pero malayo sila masyado. Hindi sila makakapunta. Hayaan mo sa next birthday mo magpa-party tayo. Invited lahat ng friends mo. Okay ba ‘yun?”
“Yes Mommy.”
I wished na sana kapag ako naman ang nagtanong kay Mommy, kausapin at sagutin din niya ako nang maayos tulad kay Enzo. I know hindi kasing simple ng mga tanong ni Enzo ang mga tanong na meron ako, pero kailangan ko ng sagot, kasi kung hindi, it will hunt me for the rest of my life.
Napatingin sa ‘kin si Mommy. “Why Gwen? May sasabihin ka?” tanong niya. Napatitig kasi ako sa kanila ni Enzo at halata siguro sa mukha ko na may iniisip ako.
Umiling na lang ako at tinuloy ang pagkain.
“Can you help me later sa garden?”
I said yes. Pagkakataon ko na ‘yun para kausapin siya.
Habang binubungkal namin sa lupa ‘yung mga halamang patay at tuyo na, tinanong ako ni Mommy, “Gwen I know you to well. Is there something bothering you? Tungkol pa rin ba ‘to sa kahapon?”
Bago ako magsalita, tumingin muna ako kay Ate Rose. Mukhang abala naman siya sa ginagawa niyang pagbubungkal. “Earlier when I went out, may nakausap po ako.”
Hindi ko pa natatapos ‘yung sasabihin ko, nagsalita na agad si Mommy. “Kung ano mang mga sinabi nila, huwag mong paniniwalaan. Kami ang pamilya mo Gwen. Bakit kailangan mo pa silang kausapin?”
“‘Coz I need answers na hindi niyo maibigay.”
“Wala akong dapat sabihin. Wala akong dapat ipaliwanag. Sinabi ko nang walang katotohanan ‘yung mga sinasabi nila. Are my words not enough para mawala ‘yang mga gumugulo sa isip mo?”
“Hindi ko po kasi maintindihan kung bakit sila galit sa ‘tin. Imposibleng walang dahilan kaya ako na ang humanap ng sagot sa mga tanong ko. Mommy , sino po si Anita? Ano’ng kinamatay niya? May alam po ba kayo? May kinalaman ba si—.” Hindi ko na naituloy ‘yung sasabihin ko. Masakit para sa akin na kwestyunin ang sarili kong pamilya. Ang pagdudahan sila.
“Wala akong kilalang Anita. Kung sino man ‘yang nakausap mo, gumagawa lang siya ng kwento.” Kilala ko si Mommy. Hindi siya makatingin nang diretso kapag nagsisinungaling siya. Kaya alam kong may itinatago siya sa ‘kin. Kung ano man ‘yun, gagawa ako ng paraan para malaman.
***
Tahimik lang akong nakahiga sa kama at nag-iisip ng sunod kong gagawin para makahanap ng sagot sa mga tanong tungkol sa pamilya ko at kay Anita nang tumunog ‘yung cellphone ko. Hindi ako makapaniwala na may pumasok na text message at galing pa kay Liam. ‘Yun nga lang sobrang igsi ng message niya at isang Hi lang. At talaga atang nananadya ang signal sa lugar na ‘to dahil hindi ako maka-send ng reply.
Maya-maya may narinig akong tunog ng tricycle sa labas. Sumilip ako at may tricycle na nakaparada sa harap namin. May matandang babae na bumaba mula roon. Siya siguro ‘yung mandarasal. Hindi ko na hinintay na tawagin ako ni Mommy at kusa na akong bumaba para sumali sa padasal na para kay Inang. Thankful ako na may tao pa rin pala sa lugar na ‘to na hindi galit sa ‘min.
Inayos namin ‘yung mga upuan sa harap ng poon at nagsindi ng kandila si Mommy. Isa-isa naman kaming binigyan ng folder nung matanda. Nang buklatin ko ‘yun may papel na naka-fastener sa folder. Mga dasal at kanta ata ang nakasulat rito.
‘Yung matanda ang namuno ng dasal. Madali naman sundan ‘yung nakasulat sa papel dahil nakalagay naman kung kailan kami sasagot. Halos kauumpisa palang namin nang biglang mamatay ‘yung sindi ng kandila kaya tumayo si Ate Rose at sinindihan ‘yun uli. Nakailang posporo rin si Ate Rose bago niya nasindihan ‘yung mitsa ng kandila.
Ipinagpatuloy namin ang pagdarasal pero maya-maya ay may narinig kaming kalabog sa itaas. Wala namang nandoon dahil lahat kami’y nasa ibaba. Napatingin kaming lahat sa itaas ng hagdan at napatigil sa pagdarasal ‘yung matanda.
“Rose pakitingnan mo nga kung ano ‘yun. Pakisarado na rin ‘yung mga bintana dahil ang lakas ng hangin sa labas. Mukhang uulan.” Mahinang utos ni Mommy at sumunod naman agad si Ate Rose.
Pagbaba ni Ate Rose tiningnan siya ni Mommy at tinaasan ng kilay na parang naghihintay ng sagot. “Wala naman po Ma’am. Wala pong nalaglag,” sabi ni Ate Rose.
Pagkasabi noon ni Ate Rose bigla namang natumba ‘yung kandila at dumampi ‘yung apoy sa sapin ng poon kaya nagliyab ito at napatayo kaming lahat. Nagmamadali namang kinuha ni Dad ‘yung natumbang kandila at hinipan. Si Ate Rose nagmamadaling kumuha ng tubig sa banyo at ibinuhos sa nasusunog na tela. Mabilis namang naapula ‘yung apoy.
Akala namin doon na matatapos pero bigla na lang nalaglag ‘yung krus na nakapako sa pader na nasa itaas ng poon at tumama sa mga rebulto ng mga santo kaya nahulog at nabasag ang ilan sa mga ‘yun.
“Mamaya niyo na ayusin ‘yan. Tapusin na natin ang dasal,” sabi nung matanda kaya itinuloy namin ang pagdarasal. Habang nagdarasal kami napansin ko na bumilis ‘yung pagsasalita nung matanda, hindi na katulad kanina na dahan-dahan lang at mararamdaman mo ‘yung bawat salita sa dasal. Siguro nang dahil sa takot gusto nang matapos nang mabilis nung matanda ‘yung padasal.
Pagkatapos magdasal, inabutan ni Mommy ng sobre na may lamang pera ‘yung matanda. Nagpasalamat ito at nagmamadaling umalis. Sinimulan naman namin ni Ate Rose na linisin ‘yung mga nagkalat na mga basag na rebulto. Tutulong din sana sa ‘min si Enzo pero pinigilan ko kasi baka masugatan pa siya. “Kami na lang dito. Doon ka na lang sa sala,” sabi ko na sinunod naman niya.
“Natatakot na ‘ko sa bahay na ‘to talaga,” sabi ni Ate Rose. “Minumulto ata talaga tayo ng lola mo.”
“Rose.” Narinig pala siya ni Mommy.
“Sorry po Ma’am.”
“Tao po.” Napatingin kaming apat sa labas nang marinig namin ang boses ng isang lalaki.
“Ako na ang lalabas,” sabi ni Dad.
Dalawang lalaki ‘yung dumating. Pareho silang nakasuot ng t-shirt at maong pants. ‘Yung isa may hawak na leather pouch. Hindi dinig sa loob ng bahay kung ano’ng pinag-uusapan nila. Bumalik na lang kami sa paglilinis ni Ate Rose habang si Mommy nakatanaw sa labas.
“Mommy, sino po ‘yun? Kilala niyo?” tanong ko habang kinukuha ko ‘yung mga nakapatong na rebulto ng mga santo sa poon para matanggal ‘yung nasunog na mantel.
“Hindi. Ngayon ko lang sila nakita,” sagot ni Mommy at saka ako tinulungan sa pag-aalis sa mga rebulto isa-isa. Nang umalis na ‘yung mga lalaki at pumasok na uli sa loob ng bahay si Dad, nilapitan siya agad ni Mommy. “Ano’ng sabi?”
“Gusto raw makita ‘tong bahay. May nakapagsabi kasi sa kanila na binebenta natin ‘to. Sabi ko saka na nila tingnan kapag naayos na natin.”
“That’s good news. Hindi ko in-expect na may magkaka-interes agad dito bahay.”
“They asked about the price. Sabi ko pag-uusapan natin.”
“Yeah. The price.” Natawa si Mommy. Nangiti naman ako. Tinatanong kasi nila ‘yung presyo it means, interisado talaga sila na bilhin ‘tong property. At kapag nabili agad ‘to, we can all go back to Manila. “Hindi pa nga natin napag-uusapan kung magkano natin ‘to ibebenta. Kailangan siguro natin pumunta sa munisipyo para malaman natin kung magkano ang market value nito.”
“Let’s do that. Pagkatapos ng birthday ni Enzo.”