Sa muling pag-ihip ng malamig na hangin, kasabay nun ang pagtanggap ni Fourth sa nakahain kong kamay. Inilagay niya iyon sa kaniyang dibdib at kinuha ang isa para maging kapares sa isa niyang kamay. Titig na titig lamang kami sa isa’t-isa habang nagsisimula kaming gumalaw. Ang buwan ang nagsilbing liwanag namin at ang hampas ng alon at ang tunog ng pag-ihip ng hangin ang nagsisilbing musika.
Ramdam ko ang kakaibang pakiramdam sa dibdib kagaya ng dati sa tuwing kasama ko siya. Ang kaibahan nga lang, mas malalim ito ngayon.
“Mabuti at nakapunta ka,” panimula ko.
“Hindi puwedeng hindi,” mahina naman niyang sagot habang nasa akin pa rin ang tingin. Marahan niya akong iniikot at muling hinawakan sa bewang bago muling gumalaw sa pagsayaw.
“Narinig ko ang nangyari. Are you okay now?”
Tumango ako. “Na-trauma ako dahil sa nangyari pero ayos na naman. Uuwi ka ba ulit ng Maynila bukas?” Gusto kong makiusap na huwag muna pero magiging makasarili ako kapag ginawa ko ‘yun. Nasa Maynila siya nakatira. Doon din siya nag-aaral. Napakagat labi ako dahil sa dumaan na sakit sa dibdib. Hindi mabubura ang katotohanan na nasa Maynila ang buhay niya.
“Yeah,” parang nanghihina niyang sagot habang nakatingin ang mga mata sa labi ko. “I am your first dance,” sambit niya at muli akong iniikot. Marahan niyang hinapit ang bewang ko palapit sa kaniya.
“And I will be the last,” mahina niyang bulong saakin na para bang isinusumpa niya iyon at iyon talaga ang mangyayari.
Tiningnan ko ang sarili sa salamin. Suot ko ang kulay asul na gown na kumikinang sa liwanag. May binago lamang sila kanina dahil hindi ko nagustuhan ang idinagdag na disenyo.
“Ysa?” boses iyon ni Dani. Bumukas ang pinto ng silid at dumungaw siya roon.
“Handa ka na? Kailangan mo nang lumabas in 3 minutes. Sa labas na kami maghihintay,” aniya at agad na umalis.
Muli akong humarap sa salamin at huminga nang malalim. Sana ay muli ko pang makasayaw si Fourth bago matapos ang gabing ‘to. Gusto kong kumpirmahin ang nararamdaman.
Naririnig ko na ang boses ng host kaya hinanda ko na ang sarili sa paglabas.
“Let us welcome, our debutant for tonight! Anastasia Ysabelle Dela Merced!”
Dahan-dahan akong naglakad sa pulang tela na nakahanda sa daan. Nakatapat sa ’kin ang ilaw. Malakas silang nagsipalakpakan nang tuluyan na akong lumabas. Napangiti ako nang makita si Josh na naghihintay sa dulo. Ang guwapo niya rin. Tamang-tama lang ang binili ko para sa kaniya.
“Happy Birthday,” mahina niyang sambit nang makalapit ako. “Mas lalo ka pang gumanda”
“Salamat. Ang guwapo mo rin,” mahina kong halakhak. Iginiya niya ako sa gitna kung saan may nakahandang upuan na para lamang sa ’kin.
“Enjoy your night, Ysa,” aniya matapos akong tulungang makaupo.
“Once again, good evening, everyone! We‘d want to thank everyone who came out to support our birthday girl on this special day. As they say, you only turn 18 once. Tonight is the night to make a big and loud toss for our charming debutante who has grown into a fine lady. This is a special occasion in her life, and she appreciates your presence.”
At doon na nga nagsimula ang pinakamahabang gabi ng buhay ko. May mga sinabi pa ang host sa pag-welcome sa mga importanteng bisita ni papa habang ako naman ay iginagala ang paningin sa maraming tao para hanapin si Fourth.
“We know that most of you are already hungry so may I ask all of you to stand up so we can have our prayer before we eat”
Tumayo ang lahat kaya ganoon rin ang ginawa ko.
“Father in heaven, the birth of your son’s name Jesus Christ has brought Mary and Joseph in a tremendous joy. We thank You in a special way for Ysabelle, whose birthday we celebrate today. May she develop in Your hope and faith. Always bless her with Your love. Bless us, Holy Father, and assist us all to honor and glorify You through Jesus Christ our Lord. Amen.”
“Amen,” pag-uulit ng lahat.
“Enjoy the foods, everyone!”
Nakangiti kong pinanuod ang lahat na kumuha na ng mga nakahandang pagkain. Nakita ko pa si Manong na nagtitinda ng mga street foods sa school namin. Kumaway siya kaya kinawayan ko rin.
Buti at nakarating siya ngayon. Isa siya sa mga bisitang isinulat ko.
“Psst!”
Binalingan ko si Dani.
“Gorgeous!” papuri niya at ngumiti.
“Ikaw din naman,” mahina kong sagot.
“Sus! Mas lamang ang kagandahan mo. Nagugutom ka na ba? Kumain ka muna kaya? Mahaba-haba pa ang gabi mo”
Mas lalo pa akong napangiti sa pag-aalala niya. “Ayos lang. Busog pa naman ako.”
“Ikaw ang bahala. Kakain muna ako. Just call my name when you need me and I’ll be there,” sabay kindat niya sa ’kin. Bahagya akong tumawa. Kahit kailan talaga...
May iilan pang lumapit sa ’kin para bumati at para magpasalamat sa pag-imbita ko sa kanila.
Nang magsimula ulit ang party. Pinamigay muna ang mga nakahandang giveaways. Sinigurado naman nina tita na mabibigyan ang lahat.
At ngayon, magsisimula na ang pinakahihintay ko. Ang pagbibigay ng 18 candles. Unang lumapit si Jessie, kaklase ko rin at katabi ko palagi sa upuan. Mabait siya at nakakasundo ko rin paminsan-minsan. Sumunod si Sanah, Xylona, at iba ko pang kaklase. Ang iba ay anak ng mga bisita ni papa. Mababait din sila kaya nakakasundo ko rin sa tuwing bumibisita sila saamin.
Huling dalawang kandila na lang. Lumapit si Dani habang hawak-hawak ang kandila. Ngumuso pa siya nang tuluyang makalapit.
“Welcome to legality, my dearest sister!” panimula niya matapos maibigay sa ’kin ang kandila. Agad naman iyong kinuha ng katabi ko at inilagay sa isang stand kung saan iyon dapat ilagay.
“Now that you’re finally 18, I guess puwede na tayong mag bar, right?” sabay tawa niya at tingin kina papa at tita. Nagsitawanan naman kaming lahat.
“But seriously, gusto kong magpasalamat sa pagtanggap mo sa aming dalawa ni mama sa buhay mo. I know hindi iyon naging madali sa ‘yo dahil mahal na mahal mo ang mama at papa mo”
Naiiyak akong umiling. Noong una silang ipinakilala sa ’kin ni papa, alam kong mabubuting tao sila kaya hindi na ako nahirapang tanggapin sila nang buo. Mas inisip ko rin ang kasiyahan ni papa kaya wala akong naging reklamo sa naging desisyon niya.
“Now I want to wish you a happy life! Continue being a kind-hearted woman, and be happy always. Huwag mong kakalimutan na nandito lang kami palagi para suportahan ka sa kahit anong desisyon mo sa buhay. I know you’re smart enough to choose a great man to love kaya hindi na kita papakialam diyan. I just hope na hindi ka niya sasaktan dahil masasakal ko siya sa leeg. That’s all, I love you!”
Niyakap niya ako nang mahigpit kaya gumanti rin ako ng yakap.
“I love you, too” mahina kong bulong sa kaniya bago pa man siya tuluyang lumayo at bumalik sa inupuan kanina. Lahat ay muling nagpalakpakan.
Ang huli ay si tita Dette. Hindi naman mahaba ang sinabi niya. Katulad ni Dani, nagpasalamat lamang siya sa pagtanggap ko sa kanilang dalawa ni Dani at hiniling ang pagpapatuloy sa pagiging mabuting tao.
“The 18 roses signify the debutante’s coming of age. Now’s a chance for the chosen men to have a short dance with our lovely Ysabelle. So what are we waiting for? Ladies and gentlemen, the 18 roses with our beautiful debutante!”
Sa pagtayo pa lang ni papa, naiiyak na ako.
Tumayo ako para salubongin siya. Ibinigay niya ang hawak na rosas sa ’kin at hinawakan ako sa bewang para isayaw. Nagsimulang tumugtog ang paborito nilang kanta ni mama. Personal na request ko ang kantang “This I promise You.”
Hindi nagsalita si papa. Nakatingin lamang siya sa ’kin at patuloy akong isinasayaw.
“You’re beautiful like your mother, nak,” mahina niyang sambit bago tuluyang lumayo sa ’kin para makalapit si Drake, kaklase ko rin. Sumunod sa kaniya sina Kyle, Kio, Daniel, James, Lander, at ang iba ko pang kaklase at kakilala. Pati ang mga lalaking anak ng mga inimbitahan ni papa ay isinayaw rin ako. Tatlo rosas na lamang ang hindi pa naibibigay.
Nakangiting ibinigay ni Cavin sa ’kin ang rosas na hawak at tuluyang pumalit kay Sean.
“Finally, I’ve been waiting for this,” mahina niyang halakhak. “Ang ganda mo ngayon, Ysa. I mean, maganda ka naman palagi pero mas lalong lumitaw ang ganda mo ngayon”
“Salamat, Cav. Ang guwapo mo rin,” papuri ko rin sa kaniya. Hindi iyon biro, ang guwapo niya rin ngayon.
“Damn, gusto pa kitang makasayaw pero parang nagmamadali na ang kaibigan mo,” tawa niya at sumulyap kay Josh. Bahagya na rin akong tumawa bago siya tuluyang pinalitan ni Josh.
“Sobrang ganda mo, Ysa,” nahihiya niyang saad habang nagsasayaw kami.
Marahan akong tumawa. “Hindi ko alam kung ilang beses ko na iyang narinig ngayong gabi”
“Totoo naman kasi,” ngiti niya.
Sa lahat, si Josh ang pinakamalapit kong kaibigan. Nang una ko siyang makilala noon, hindi niya pa alam na anak ako ng Mayor. Akala ko iiwasan niya ako dahil dun pero nang malaman niya ‘yun, inamin niya sa ’kin na nabigla siya pero nangako rin siya na walang halong kahit ano ang ipinapakita niyang kabaitan sa ’kin.
Ang huling may hawak ng rosas ang nagpagulat sa ’kin. Kasabay ng pagtunog ng bagong kanta ay ang paglakad niya palapit sa ’kin. Binitawan ni Josh ang kamay ko at tumabi.
Isinayaw niya ako katulad ng pagsayaw niya sa ’kin kanina sa tabing dagat. Ang akala ko, iyon na ang magiging una at huling sayaw namin.
“H-Hi,” kabado kong ngiti. Ang mga mata niya at katulad lang din kanina, nakatitig sa ’kin habang marahan akong isinasayaw.
“Hindi ko alam na ikaw ang magiging huli kong sayaw,” pag-amin ko.
Tumaas ang gilid ng labi niya at inilapit ang mukha sa gilid ng ulo ko. Para na kaming nakayakap sa isa’t-isa.
“I already told you that I will be your first and the last,” mahina niyang bulong na nakapagpakabog nang husto sa dibdib ko.
Kumpirmado. Gusto ko na nga siya.
Patapos na ang party at nakapagbihis na rin ako nang mapagdesisyunan kong hanapin si Fourth. Desidido na akong ipagtapat sa kaniya ang nararamdaman ko bago pa man siya umuwing Maynila. Nakita ko silang nag-uusap ni papa habang nakatanaw sa dagat at may hawak-hawak na baso ng alak. Ngiting-ngiti akong lumapit para sana batiin silang dalawa ngunit napahinto ako nang lumabas ang apat na salita mula sa bibig ni papa.
“You like my daughter?”
Kumabog nang husto ang dibdib ko habang hinihintay ang sagot ni Fourth.
“Alam kong nalalapit ka na sa kaniya at ganoon din naman siya sa ‘yo. Nakita ko ring isinayaw mo siya kanina bago nagsimula ang party. Now be honest with me, Jacques. Do you like my daughter? Do you like Ysa?”
Kagat labi akong tumingin sa kung saan kami nagsayaw kanina. Hindi nga naman nakakapagtataka kung nakita kami ni papa.
Sa boses niya, hindi naman siya galit pero may kaunting pagbabanta sa boses niya.
“She’s still young, Sir” parang wala lang na sagot ni Fourth. Parang sinaksak nang ilang daang punyal ang dibdib ko. Nasa tamang edad na ako simula ngayong araw ngunit bata pa parin iyon sa opinyon niya.
“Ayaw mo sa mas bata sa ‘yo?” tanong ulit ni papa.
“Yes, I am more into mature one”
Pilit kong pinipigilan ang nagbabadyang mga luha sa mga mata ko.
“Akala ko gusto mo ang anak ko.”
Gusto ko nang umalis ngunit may parte sa ’kin ang gusto pang manatili. Gusto ko pang marinig ang iba pa niyang sasabihin.
“Katulad ng alam niyo, Sir, nag-iisa lang akong anak. I’ve been dreaming to have a little sister. Pagpasensiyahan niyo na po kung iba man ang naging dating sa inyo”
Napaatras ako sa sinabi niya. Inaalala ko ang mga ginawa niya para sa ’kin simula nang magkita ulit kami. Ang pagsagip niya sa ’kin, ang pagyayaya niya sa ’kin sumayaw, ang pagturo niya sa ’kin kung papaano lumangoy, at ang pagpayag niya sa pakiusap kong isayaw niya ako kanina.
Lahat iyon ay ginawa niya dahil lang sa nakikita niya ako bilang nakababatang kapatid? Mabilis kong pinunasan ang mga luhang tumakas mula sa mga mata ko bago pa man tumakbo palayo sa kanila.
Paulit-ulit kong naririnig ang mga sinabi niya habang tinatahak ko ang daan pabalik sa silid na nakalaan para sa ’kin. Mabilis kong isinara ang pinto at sumubsob sa kama para umiyak.
“She’s still young, Sir”
“Yes, I am more into mature one”
“Katulad ng alam niyo, Sir, nag-iisa lang akong anak. I’ve been dreaming to have a little sister. Pagpasensiyahan niyo na po kung iba man ang naging dating sa inyo”
Masakit pala. Nasabi na ito sa ’kin ni mama noon pero hindi ko inakalang ganito pala kasakit. Akala ko, matatapos ang gabing ‘to na matatanggap ko kung ano man ang sasabihin ni Fourth sa plano kong pag-amin. Ngunit mas mabuti nang hindi nangyari iyon. Dahil nasisiguro kong mas masakit pa sa nararamdaman ko ngayon ang mararamdaman ko kapag sinabi niya ang mga salitang ‘yun nang harap-harapan.