Chapter 2: Her work
“WALA ka na bang naiwan, hon?” tanong ko sa asawa ko. Na ngayon ay nakahanda na nga talaga siya para sa pag-alis niya. Nakasuot na siya ng itim na office attire.
Lumapit ako sa kanya para ayusin ang kurbata niya at pumulupot naman sa aking baywang ang matitipuno niyang braso.
“Parang hindi ko gusto ang umalis. Mas gusto ko ang makasama na lamang kayo rito ni LZ,” sabi niya at napabuntonghininga pa siya.
“Ako rin naman,” pag-amin ko. Simula pa kahapon na sinabi niya sa akin na pupunta sila sa Pangasinan ay parang hindi ako panatag na aalis talaga siya kahit business trip pa nila iyon. Ewan ko ba sa sarili ko kung bakit nagiging negative ako ngayon.
“But I need to, wife. Para ito sa inyo ng anak nating si LZ,” aniya at masuyong hinalikan ang aking noo. Napangiti ako sa ginawa niya at iniyakap ko ang braso ko sa kanyang leeg.
Sinalubong naman niya ako ng mariin na halik na agad kong tinugunan. “Mag-iingat ka roon,” ani ko nang pakawalan na namin ang isa’t isa. Hinaplos pa ng hinlalaki niyang daliri ang gilid ng labi ko. He was catching his own breath too.
“Kayo rin dito ni LZ. Mahal na mahal kita, Bythesea. Mahal ko kayo ni LZ. Tandaan mo na kung wala kayo ay wala rin ako ngayon,” habilin pa niya na ikinatango ko. “Huwag niyo akong ihatid. Ayokong makita niyo akong umaalis,” paalala pa niya. Natawa na lamang ako.
“I love you too, hon. Hihintayin ka namin ni LZ,” saad ko.
“Tatawag ako kapag nakarating na kami roon, okay?”
“Sige, hihintayin ko ang tawag mo.”
Sinunod ko nga ang sinabi sa akin ng asawa ko at hindi na namin siya hinatid pa kahit hanggang gate kang naman kaming dalawa ni LZ.
Inaamin ko talaga na kakaiba ang pakiramdam ko habang iniisip ko na aalis siya. Sanay naman na ako palagi siyang umaalis dahil sa business trip nila pero hindi ngayon na hindi talaga ako mapapakali.
Pero ilang minuto lang ang nakalipas ay tumawag naman siya sa akin at kahit papaano ay gumaan ang bigat sa dibdib ko. Narinig ko na ang boses niya, na nasisigurado kong maayos naman siya. Hihintayin ko naman ang pangalawang tawag niya mamaya para mas mapanatag ako.
Inasikaso ko naman ang anak ko, pinaliguan ko muna siya. May pasok kasi ako ngayong araw. Isasama ko muna siya ulit. Hindi naman siya maingay sa loob ng classroom namin. Siya lang talaga ang pinagkakaguluhan ng mga estudyante ko.
Puting polo shirt na may blue stripe ang pinasuot kong pang-itaas ni LZ at asul na shorts din, itim na rubber shoes.
“Sama ako sa ‘yo ulit, Mom?” inosenteng tanong niya sa akin na tinanguan ko lang din.
“Yes, son,” sagot ko.
“Kailan po ako mag-school, Mom?” tanong pa niya. Hindi na ito ang unang beses na nagtanong siya sa akin. Maraming beses na. Three years old pa lamang siya at excited na talaga siyang mag-aral.
“Soon, anak. Dapat ay six or seven years old ka na,” ani ko at ipinakita ko pa sa kanya ang mga daliri ko.
“Ahh...” tumatangong tugon niya.
“Ahh...” panggagaya ko sa kanya na ikinabungisngis niya, lumilitaw na naman ang maliliit niyang ngipin. Marahan kong pinisil ang magkabilang pisngi niya at hinalikan ko rin iyon.
Suot ko rin uniform namin sa ACU, ang light pink na blouse and slacks. Ang buhok kong lagpas balikat ay hinayaan ko rin itong nakalugay. Kinuha ko ang handbag ko at pati na ang backpack ni LZ. Nasa loob naman na ang cellphone at wallet ko.
“Let’s go, son,” pag-aaya ko sa kanya at naglahad ako ng kamay. Patalon-talon pa siya nang hawakan na niya ang aking kamay.
May sarili akong sasakyan kaya hindi naman ako mahihirapan pa. Madalang ko nga lang itong gamitin dahil palagi akong hatid-sundo ng asawa ko. Kahit minsan ay napapalayo siya sa kompanya niya. Basta magkasabay lang kaming papasok sa trabaho namin at uuwi.
Nang nasa labas na kami ng anak ko ay may huminto naman na isang pamilyar na sasakyan. Bumaba ang bintana nito at sumilip ang kapatid ni Lucas.
“Tita Civana!” tuwang-tuwang sambit ni LZ sa pangalan ng tita niya. Kumaway ito sa amin at binuksan ang pintuan ng kanilang sasakyan.
“Hi sa poging pamangkin ko na si Louie Zhi. Kumusta, LZ?” malambing na tanong ni Ate Civana. Siya ang nag-iisang kapatid ng asawa ko.
“I’m good po, Tita Civana!” hyper na sagot pa ni LZ at nakipag-apir naman sa kanya ang Tita Civana niya.
“Ngayon ang alis ng kapatid ko. Aba, ang lokong ‘yon, Bythesea, binalaan pa ako na kung pababayaan ko raw ang mag-ina niya ay lagot daw ako. Sino ba ang mas matanda kaysa sa aming dalawa?” namimilog ang mga matang saad niya na ikinatawa ko lang.
“Masyado lang po talagang overprotective ang asawa ko, Ate Civana,” ani ko.
“Mabuti ay hindi ka nagsawa sa pagmumukha ng kapatid ko at sa ugali niya, hm,” sabi pa niya.
“Ate naman,” ani ko. Tumingin naman ako sa kotse niya. “Sino pala ang kasama mo, Ate?” tanong ko dahil hindi man lang bumababa ang driver niya.
“Ang Ate Marylyn mo ‘yon, Bythesea. Hoy, Mary! Ano pa ang ginagawa mo riyan at bakit hindi ka bumababa?! Batiin mo ang poging pamangkin ko!” Malakas na natawa si LZ nang sumigaw ang tita niya. “Nag-iinarte ang Ninang Marylyn mo, LZ.”
Bumaba naman si Ate Marylyn at una niyang nilapitan si LZ. Pinaghahalikan niya ito sa pisngi.
“Tatlong araw lang tayong hindi nagkita, LZ ay na-miss ka na agad ni Ninang,” aniya at binuhat pa niya ito. “Tapos ang pogi pa rin. Sabihan ko nga ang asawa ko na gumawa ulit kami ng baby, tapos kung maglilihi na ako ay hihiramin ko ang inaanak ko sa Mommy at Daddy niya. Iuuwi ko muna sa bahay,” pagbibiro pa niya.
“At ano naman ang gagawin mo sa pamangkin ko, aber?” tanong ni Ate Civana sa best friend niya. Pinagkrus pa niya ang magkabilang braso niya sa kanyang dibdib.
“Tititigan ko lang araw at gabi, magdamag pa,” sagot ni Ate Marylyn at habang sinasabi niya iyon ay seryoso niya ngang tinititigan ang mukha ng aking anak.
Aliw na aliw lang sa kanila ito at walang ginawang iba kundi ang tumawa.
“Ginawa pang manika ang pamangkin ko. Ay, baka mali-late na si Bythesea sa klase nila. Naku, naku... Napapahaba ang chikahan natin. Bythe, kami na muna ang bahala sa anak mo,” ani Ate Civana at napatingin ako sa anak ko.
“Ayos lang ba na kina Ate Civana at Ninang Marylyn ka muna, son?” tanong ko sa kanya at tumango naman siya.
“Opo, Mommy...”
“Don’t worry, LZ. Nasa bahay ang mga pinsan mo at ang anak ng Ninang mo. May kasama ka roon,” ani Ate Civana.
“Sige po, Tita Civana.” Napangiti naman ako nang sumenyas siya sa akin. Mabilis siyang ibinaba ng Ninang niya at patakbong lumapit sa akin.
Sinalubong ko naman siya at lumuhod para yakapin siya. “Behave ka lang, anak,” malambing na sabi ko at hinalikan ko ang tuktok ng ulo niya.
“Okie-dokie, Mommy ko,” sagot pa niya.
***
Pagdating ko naman sa university ay todo bati naman sa akin ang mga estudyante. Kaya buhay na buhay agad ang atmosphere sa paligid pero nang maalala ko naman ang pag-alis ng asawa ko ay tila binabagabag na naman ako. Nahuhulog ako sa malalim na pag-iisip.
Napatingin ako sa langit. Maaliwalas naman siya, maganda ang panahon. Magandang panoorin si haring araw.
“Kayo na po ang bahala sa asawa ko. Huwag niyo po siyang pababayaan,” piping dasal ko saka ako nagsimulang maglakad at tinungo ko ang faculty room.
Mamaya pang 8:30AM ang klase ko kaya may sapat na oras pa ako para sa paghahanda. Inayos ko muna ang mga papeles ko sa table.
“Good morning, Ma’am Bythesea,” bati sa akin ng co-teacher ko. Na si Ma’am Giannis, nasa mid-40s na siya.
“Good morning din po, Ma’am Giannis,” bati ko pabalik sa kanya.
Iilan lang ang mga professor sa loob pero sunod-sunod na rin nagsidatingan ang iba.
“Alam niyo ba ang balita?” tanong pa nila.
“Ano’ng balita naman iyon?”
Hindi naman sila mahirap pakisamahan dahil mabait at friendly silang lahat. Maliban sa isang baguhan na teacher galing pa sa America. Mas bata iyon ng dalawang taon kaysa sa akin.
“Si Ma’am Nermiza, nag-resign na raw ito. Kahapon pa siya nag-submit ng resignation letter niya sa president’s office.” Napahinto ako sa ginagawa ko nang marinig ko ‘yon.
Nag-resign na agad si Ma’am Nermiza? Two months pa lang siya rito, ah.
“Talaga namang hindi magtatagal ang maarte at malanding babaeng iyon. Salamat naman, makakahinga na ako ng maluwag.” Natawa ang mga kasamahan namin dahil sa sinabi naman ni Ma’am Jessica.
“Magdahan-dahan ka po, Ma’am Jessica. Baka may makarinig sa atin. Dahil malakas iyon sa presidente ng university natin.”
“I wonder kung kaano-ano ba siya nito.”
“Tama na po, masyado talaga kayong curious sa buhay ni Ma’am Nermiza. Ang mahalaga po ngayon ay wala na siya rito. Hindi na siya magiging banta pa sa inyo,” sabat ko na agad naman nilang sinang-ayunan.
“Ma’am Bythesea. Ang asawa mo ang pinakaguwapo na dumadayo sa university natin. Alam kong mahal na mahal ka ni Sir Lucas, pero kapag nagpakita sa akin ang babaeng iyon na may binabalak na masama sa inyo ay kakalmutin ko ang pagmumukha no’n.” Napatango ako at natawa na rin.
Hindi naman lingid sa kaalaman ko iyon. Matagal ko nang napapansin ang pasimleng pagpapansin ni Ma’am Nermiza sa asawa ko. Mabuti na lamang ay walang pakialam sa kanya si Lucas.
Saka isa pa hindi siya papatulan no’n. Mahal ako ng asawa ko at hindi niya magagawang palitan lang kami ni LZ sa katulad ng babaeng iyon.
“Mauuna na po ako, magsisimula na rin ang klase ko,” paalam ko sa kanila.
“Sige, Ma’am. Goodluck,” sabay-sabay na sabi pa nila.
“Goodluck din po sa inyo,” nakangiting tugon ko naman.