Sa sobrang inip na naramdaman ko, naisipan kong magluto sa may kusina. Hindi ako maaaring manatili sa loob ng silid habang naghihintay lang kung kailan muling aalis kasama si Calvin.
Ilang buwan na rin akong nakakulong dito sa bahay niya pero ngayon ko pa lang naisipang gumawi sa may kusina upang magluto.
Magmula nang iuwi niya ako rito ay para na akong nawalan ng ganang gumalaw-galaw at lalong wala akong amor na umikot sa loob ng kaniyang pamamahay.
Ni hindi ko nga pinagkakaabalahang kilalanin ang mga tauhang panay lang labas masok sa loob ng pamamahay na ‘to kahit pa nga ipinakilala naman ako sa kanila ni Calvin.
Iginagalang ako ng mga tauhan dito na animo ay isa rin sa kanilang mga amo na kailangang pagsilbihan kahit pa nga pinipigilan ko na rin sila kung minsang gawin iyon.
‘Di naman nila kasi ako amo at lalong hindi ako bisita sa lugar na ‘to upang ituring na espesyal. Ni wala nga akong ambag sa pasahod sa kanila tapos ay isasali nila ako sa pagseserbisyuhan.
Sa pagkakataong ito ay sinadya kong gumawi ng kusina upang masilayan ang itsura niyon.
Ang kusina ang paborito kong bahagi ng bahay dahil doon ako madalas tumambay sa tuwing wala akong gawa o lakad.
Ang pagluluto ang hobby ko sa tuwing wala akong magawa sa loob ng bahay namin. Madalas akong gumawa ng eksperimentong putahe na madalas wala sa listahan ng cooking recipe ng aking ina.
Kinalaykay at hinalukay ko ang loob ng refrigerator saka nagpakaabala sa pwede kong maluto. Ibinuhos ko ang buong atensyon sa lahat nang nakita kong sangkap na ngayon ay sinimulan ko ng ayusin.
Isinalang ko ang kaldero sa ibabaw ng kalan. Inilagay ko sa loob niyon ang mga sangkap na hiniwa-hiwa ko para maluto.
Hinahalo-halo ko na ang kumukulong pagkain nang mahagip ng paningin ko ang pot holder na naipit at naapoy na dahil nasa bandang pwetan iyon ng kaldero.
Walang pag-aatubiling hinawakan ng kamay ko ang hawakan ng kaldero ng walang sapin saka mabilis kong hinila ang pot holder mula sa pwetan niyon.
“Aaghh!” hiyaw ko ng maramdaman ang matinding init ng kaldero na dumampi sa ‘king braso.
Nanigas ako sa pagkakatayo ng mula sa likurang bahagi ng katawan ko ay bigla na lamang sumulpot si Calvin.
“Show me your arm!” matigas niyang utos sa ‘kin.
“Ha?” Narinig ko naman ang kaniyang sinabi pero nagmaangmaangan pa rin ako dahil sa biglaang pagsulpot niya.
“You heard what I’ve said. Don’t make me repeat myself, Mia.”
Mariin niya nang binabanggit ang pangalan ko kaya tiyak iba na ang ibig sabihin niyon.
Iyon ang palatandaan para sumunod na ako sa kaniya!
Dahan-dahan kong itinaas at ipinakita sa kaniya ang braso kong napaso ng mainit na kaldero.
Marahan naman niyang itinaas iyon sa tapat ng kaniyang mukha at saka buong ingat na hinaplos.
Masuyong dinala niya ako sa tapat ng lababo saka binuksan ang gripo para isahod ang ngayon ay namumula ko ng braso.
Ipinikit ko ang mga mata ko nang maramdaman ang matinding hapdi sa balat dulot nang paglapat ng tubig sa napasong bahagi roon.
‘Di ako nakarinig ng anumang salita o reaksyon mula kay Calvin kung kaya muli kong idinilat ang mga mata ko upang silipin siya.
Isang pagkakamaling aksyon dahil sa ngayon ay titig na titig na pala siya sa aking mukha.
“Who told you to cook?” nagtitimpi ang tono ng kaniyang tinig nang itanong iyon sa ‘kin.
Nagdadalawang-isip ako kung dapat ko bang sagutin ang kaniyang tanong o hahayaan na lamang siyang mag-isip.
Kung hindi ko sasagutin ang kaniyang katanungan ay tiyak na magagalit na naman siya sa’kin. Kung sasabihin ko naman sa kaniya na ako mismo ang may kagustuhang magluto sa kusina ay baka isipin niya namang may plano akong lasunin siya.
“Mia?” untag sa’kin ng tinig ni Calvin.
“Ako mismo ang nagkusang magluto, pasensiya na.” Tinangka kong bawiin ang braso mula sa kaniyang kamay na nananatiling nakahawak ngunit hindi niya naman iyon pinakawalan.
Napalagok ako sa sariling laway saka pilit na binabawi ang braso mula sa kaniya.
Namagitan ang katahimikan sa aming dalawa at pakiwari ko tuloy ng mga sandaling ito ay ang hangin lamang ang tanging kakampi ko.
“You’ll never get these kind of bruises if you not cook, Mia.”
Nag-angat ako ng tingin sa mukha ni Calvin dahilan para ako’y higupin ng kaniyang mga mata.
“Pasensiya na—”
“Next time be careful.” Putol niya sa aking sasabihin.
Napasinghap ako nang hapitin niya ang baywang ko kung kaya napalapit ako sa kaniyang katawan.
“You’re going to tell me if you want to cook. Uutusan ko si Manang Sonia na samahan ka para hindi ka na muling mapaso.”
Naamoy ko ang mabango at mainit niyang hininga na humahalo sa hangin padapyo sa ‘king ilong.
“Sh*t!” matigas niyang mura dahilan para mapakurap ako sa mga mata ko. “You're seducing me the way you look at me.”
Napaawang ang labi ko sa kaniyang winika. Hindi ko lubos maintindihan ang ibig niyang ipabatid gayong wala naman akong ginagawang pang-aakit katulad ng kaniyang akusasyon sa akin.
Bumibigat ang kaniyang paghinga at sa bawat pagsabay niyon sa hangin ay ramdam kong mayroon iyong nais ipahiwatig.
Nanigas ang katawan ko at bago pa man ako makatingin sa direksyon ng kaniyang mukha ay mahigpit niya na akong nayakap.
His manly scent immediately greeted my nose. Ang mabango niyang amoy na lihim kong hinahanap sa tuwing wala siya sa paligid.
“You’re trembling, Mia. Did I scare you?” pabulong niyang tanong sa likod ng aking tainga.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tumalon sa tuwa ang puso ko kahit pa nga kani-kanina lamang ay pilit kong kinukumbinsi ang sarili na isa siyang kaaway na may halimaw na pagkatao.
Dahan-dahang bumaba ang kaniyang mukha sa ‘king mukha. Nadarama ko ang mainit niyang hininga na animo humihilamos lamang sa pisngi ko.
Ang kaniyang mga titig na tumitimo sa ‘king mukha lalo na ang mga mata niyang nangungusap at isinasalamin ang isang pagnanasa ay tila gutom na nagbabanta.
Sumasabay ang pintig ng aming mga puso sa isang ritmo na umaalingawngaw sa tumitinding tensyon.
Ang matinding intimasyon ng sandali sa pagitan naming dalawa ay siyang dahilan ng panginginig ng mga tuhod ko.
Ito rin yata ang dahilan kung bakit pumipintig ang lihim na pagnanasa sa kaibuturan ng aking pagkatao.
“Marry me Mia, and I’ll promise you won't regret that.”
Isang malalim na buntonghininga ang kumawala mula sa ‘king labi kasabay ng pagbabalik realidad.
Buong pwersa ko siyang itinulak sa matigas niyang dibdib saka umatras palayo mula sa kaniya.
“Hinding-hindi ako magpapakasal sa isang lalaking walang puso lalong-lalo na sa iyo, Calvin!”
Marahil ay hindi siya makapaniwalang sasabihin ko iyon sa kaniya. Matalim ang mga matang tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa.
Dahan-dahang umatras muli papalayo sa kaniya ang mga paa ko. Naisiksik ko sa may gilid ng refrigerator ang sarili kung kaya na-corner ako roon.
Nasaksihan ko ang tipid na pagngiti mula sa kaniyang labi at nagbubunyi iyon sa nagawa kong katangahan.
“You’re mine, Mia!” Nagsimula siyang humakbang papalapit sa’kin. “Sa ayaw at sa gusto mo, akin ka lang!”
Matapos sabihin ni Calvin ang mga katagang iyon ay isang malakas na halakhak ang kaniyang pinakawalan.
Nanginginig na napadikit ako sa may pader at saka lihim na naibulong sa hangin ang pangungusap.
“Calvin is a real monster man!”