"May problema ho ba, Papa?" tanong ni Nick nang ipatawag siya ng ama sa opisina nito alas sais ng umaga. "Sit down, Nick." Kilala niya ang Papa niya na kapag pinapaupo siya nito sa sofa ay mahabang usapin ang mangyayari. Wala siyang ideya kung ano ang dapat nilang pag-usapan dahil maayos naman ang kalagayan ng hacienda at malayo pa ang anihan ng palay. Ang kalahati kasi ng lupain ng mga Esquivel ay natataniman ng palay, ang ikatlong hati ay maisan, at ang iba ay mahabang parang para sa mga alagang hayop tulad ng baka at tupa. Naroon na rin ang malawak na manggahan na sinisilungan ng mga ito. Napilitan siyang umupo at isandal ang likod sa sofa. Katatapos niya lang magkape at papunta na siya sa bukid. Wala siya sa kundisyon dahil madaling-araw na siyang nakatulog kaiisip sa pagsigaw niya

