Chapter 12

857 คำ
“Magalit ng todo” daw? Aba, kung alam lang niya, kulang pa 'yon sa galit na nararamdaman ko! Gusto kong magwala, sumigaw, at ipakita sa lahat kung gaano ko siya gustong saktan. Tahimik ang mundo ko sa bahay, at kung hindi lang talaga kailangan, hinding-hindi mo ako mahahatak sa mga ganitong klaseng kainan. Pero kailangan kong pigilan ang sarili ko. Dahil tama siya, hindi naman talaga ako sasama kung tinanong niya ako ng maayos. Lumapit ang waiter at iniabot ang menu. Hindi naman ako pihikan pagdating sa pagkain kaya agad kong sinabi, “Ikaw na ang bahala na mag-order din ng para sa akin." Pagkaalis ng waiter, pareho kaming natahimik. Nagkatitigan kami na para bang may digmaan sa pagitan naming dalawa. Wala akong balak makipag-usap. Hindi ako ang unang bibitaw ng salita. Napailing siya, tapos ngumiti ng may halong pang-aasar. "Parang gusto mo na akong sakalin hanggang mamatay. Alam mo ba 'yon?" “Dahil 'yon nga ang gusto kong gawin ngayon," mariin kong sagot, hindi inalis ang tingin sa kanya. "Ganon? Gusto mong yumaman agad-agad, ha?" dagdag niya, ngayon ay mas malapad na ang ngisi, hindi ngiti, kundi ngisi ng isang lalaking sanay manukso. Umirap ako. “Ipapamigay ko ang lahat ng yaman mo sa mga nangangailangan. Para kahit papaano, may saysay ang pangalan mo.” Tumawa siya. Malakas. Lahat ng nasa paligid namin, napatingin. Pero wala akong pakialam. "Aba, look who's here?" singit ng isang boses na agad nagpataas ng kilay ko. Pamilyar. Mataray. Nakakairita. Lumingon ako, at ayun na nga, si Daisy. Syempre, nasira na agad ang araw ko. "Hindi ko inakala na magpapakita ka rito, lalo na pagkatapos ng nangyari kagabi," pang-iinis kong sambit sabay ngiti ng may kahulugan. Kita ko sa mukha ni Daisy ang pagkakunot ng noo niya. Naiinis siya. Perfect. "Napanood mo na ba ang balita? Tagumpay ang anniversary party kagabi. Lahat ng bisita, umuwi ng masaya," tugon niya na hindi nawawala ang pagkakangiti. Akala niya siguro, panalo na sila. Pero ako? Tahimik lang. Dahil alam kong doon sila magkakamali, sa pagiging kampante. "Oh my gosh! Si Mr. Alexander McGregor ba ‘yan?" tili ni Mavie, na mukhang ngayon lang nakita si Alex ng malapitan. Hindi siya pinansin ni Alex, gaya ng inaasahan. Ayon sa imbestigasyon ni Patt, hindi talaga siya nakikipag-usap sa mga taong hindi niya ka-appointment. Pero si Daisy? Hindi nagpapigil. "Mr. McGregor, hindi ko alam kung bakit mo siya kasalo sa mesa. Pero kailangan kitang babalaan tungkol sa babaeng ‘yan. Hindi siya kagaya ng iniisip mo." Tumaas ang kilay ni Alex. “At ano naman siya, ayon sa iyo?” "Mukha siyang matalino at elegante, pero sa totoo lang, wala siyang alam. Galing siya sa probinsya, at hindi niya alam ang pasikot-sikot sa lungsod." Inangat ni Daisy ang baba niya. “Tingnan mo ang anak ko, matalino, maayos manamit, edukada. Siya ang dapat mong piliin. Ako ang nanay niya, kaya alam ko.” Umayos ng upo si Alex at malamig na tinanong, “Gano’n? Ibig mong sabihin, magiging kagaya siya sayo?” Napangiti si Daisy, akala niya siguro papuri. Pero tumuloy si Alex: “Ibig sabihin, magiging kabit din siya ng ibang lalaki. Tulad mo.” Halos mapatili ako sa tawa, pero pinigilan ko. Imbes na magwala, kinuha ko ang cellphone ko at kinuhanan sila ng larawan. Tapos, saka ako tumawa. Napakaganda ng reaksyon ni Mavie. Kung ako ang nasa kalagayan niya, baka nilamon na ako ng lupa sa kahihiyan. "Alam mo ba, nandun ako sa party kagabi. At marami akong nakita." Malamig ang boses ni Alex habang bumalik sa pagtingin sa kanyang cellphone. "Tawanan niyo na ako ngayon, pero alam mo ba kung bakit kami nandito?" singit ni Daisy na may ngiting nakakaasar. Unti-unting nawala ang ngiti ko. "Para sa isang family dinner. Isang bagay na hinding-hindi mo mararanasan. Wala kang ina, at itinakwil ka pa ng ama mo." Parang binugbog ang dibdib ko. Hindi niya alam, iyon ang pinakamasakit sa lahat. Isa ‘yang taboo sa akin. Bawal pag-usapan. Pero kailangan kong pigilan ang sarili ko. Isa akong leader ng mafia. Sanay akong hindi magpakita ng damdamin. Lumingon si Alex sa akin, parang nag-aalala. Pero mabilis akong sumagot, "Kung may ina akong kagaya mo, mas gugustuhin ko pang wala na siya. At kung ang ama ko ay si LORENZO, masaya ako at wala akong kaugnayan sa kanya." Nakita ko ang galit sa mga mata nila, alam ko na hindi nila matanggap ang mga sinabi ko. Umalis silang dalawa na balot pa rin ng inis ang kalooban at talunan kasabay ng pagbabalik ng waiter dala ang aming pagkain. Tahimik kaming kumain, pero sa loob-loob ko, gusto ko na lang umuwi at mag-isa. Pero hindi ko pwedeng ipakitang nasaktan ako. Hindi ko pwedeng hayaan si Alex na isipin na naapektuhan ako ng sinabi ni Daisy. Kahit na iyon ang totoo. Tama si Daisy. Hindi ako kung sino ang pinapakita ko sa mundo. Oo, matapang ako, palaban. Pero sa likod ng lahat ng ito… isa rin lang akong babaeng nangangarap mahalin. Nais kong maramdaman ang pagmamahal mula sa mga taong dapat ay nag-aruga sa akin, mula sa ina at amang hindi ko kailanman naramdaman sa buhay ko.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม