Chapter 13

1089 คำ
Third Person Matapos umalis nina Daisy at Mavie, naging payapa naman ang takbo ng kanilang hapunan. Walang masyadong aberyang naganap ngunit hindi rin iyon sapat para maibsan ang bigat sa dibdib ni Serene. Kahit punô na ang kaniyang sikmura, nanatiling magulo ang kanyang kalooban. Tahimik lamang si Alex habang pinagmamasdan ang asawa buong gabi. May kung anong bumabagabag dito, iyon ang alam niya. Gusto sana niyang tanungin si Serene kung ayos lang ba ito, pero wala siyang nakitang senyales na may mali. Kalma ang kilos, walang luha, walang tampo. Ngunit dama niyang may pinipigil ito. Sa halip na mangulit, pinili ni Alex na bigyan siya ng space. Nanatili siya sa sala pag-uwi at inabala a ang sarili sa mga tawag sa telepono hanggang sa makaramdam na siya ng antok. Pumasok na rin siya sa kwarto nila at nadatnan si Serene na mahimbing natutulog na. Hindi na siya nagtaka, madalas namang maaga itong matulog. Matapos mag-ayos ng sarili, humiga na rin siya sa tabi nito. Ngunit hindi maalis sa isip niya ang bigat ng mga nangyari kanina at hindi maiwasan na kabahan. Hindi rin niya napigilan ang humanga sa asawa dahil sa naging pagdadala nito sa sitwasyon sa harap ng kanyang madrasta at stepsister. Ilang oras ang lumipas. Mahimbing na sana ang kanyang tulog nang may marinig siyang mahihinang hikbi mula sa kanyang likuran. Dahan-dahan siyang dumilat, ngunit hindi gumalaw. Pinakiramdaman niya ang paligid at doon niya napagtantong si Serene ang umiiyak. Pinakiramdaman niya ang asawa at nagtangka na aluin ito ngunit bago pa man niya iyon magawa ay naramdaman na niya ang pagkilos nito. Hindi pa man siya nakakabangon, narinig na niya ang pagbukas ng pinto ng banyo. Nilingon ni Alex ang asawa at lihim na pinanood ang bawat kilos nito. Paglabas ni Serene sa bathroom ay naglakad ito papunta sa walk-in closet. Ilang sandaling pabalik-balik ito, bago tuluyang lumabas ng kwarto. Tumayo si Alex. Kinuha ang kanyang telepono at agad na nag-utos, "Ipaalam n’yo sa akin kapag lumabas ng building si Serene," utos niya sa security team. Nagbihis ng bathrobe si Alex, at lumabas ng kanilang kwarto. Wala nang nakasinding ilaw sa paligid, isang malinaw na palatandaang wala rin doon ang kanyang asawa. Kumuha muna siya ng tubig sa kusina bago naupo sa sala, tahimik na naghihintay ng tawag mula sa mga bantay. Hindi nagtagal, tumunog ang kanyang telepono. “Sir, nasa mini gym na po si Madam,” ulat ng isa sa mga guwardiya. “Salamat,” tugon ni Alex. Tumayo siya at nagtungo sa mini gym na hiwalay sa pangunahing yunit ng penthouse. Dahan-dahang binuksan ang pinto, at agad niyang narinig ang sunod-sunod na hampas sa punching bag. Sa loob, nakita niya si Serene na halos ubos-lakas na binubuhos ang galit, sakit, at hinanakit sa bawat suntok na ibinabagsak. Sa kabilang banda, halos mapunit ang punching bag sa lakas ng kanyang mga suntok. Umuukit sa mukha ni Serene ang poot at pighati, dalawang emosyon na matagal na niyang kinikimkim. “Wala ka nang pakialam, hindi ba, Dad?” sigaw ng isip niya habang pinupukpok ang punching bag. Mas lalong sumidhi ang sakit nang maalala niya ang mga sinabi ni Daisy. Doon lang niya napagtanto kung gaano kababaw ang akala niyang hindi na siya apektado ng malamig na pagtrato ng kanyang ama. Noong bata pa siya, palagi niyang nakikita ang mga kaklase niyang babae na todo ang ngiti habang yakap ng kanilang mga ama. May mga tinatawag na “princess,” may mga tinuturuang magbisikleta, may mga sinasabihan ng “I’m proud of you.” Siya? Walang ganoon. Wala kahit katiting na pagmamahal mula sa lalaking dapat sana ay unang magtatanggol sa kanya. Sunod-sunod ang suntok. Hindi alintana ang sakit sa kanyang mga kamao. Hanggang sa isang iglap, niyakap niya ang punching bag at tuluyang bumigay ang kanyang luha. "Anak mo rin naman ako ah… Bakit hindi ko maramdaman ang pagmamahal mo?” bulong niya sa pagitan ng paghikbi. “Ano bang kasalanan ko? Isang ‘mahal kita’ lang, sapat na sana para patawarin kita. Pero bakit parang ang hirap-hirap nun para sayo?” Bumangon siya muli at ipinagpatuloy ang pagsuntok. Pinilit takpan ng galit ang sakit, itinuon sa punching bag ang galit kay Daisy, kay Mavie, at higit sa lahat… sa kanyang ama. Ilang sandali pa, halos isang oras na siyang walang tigil sa pagpapakawala ng puot. Sa huli, niyakap na lamang niya ang punching bag, dinikit ang kanyang noo rito habang humihikbi. "Mom…" mahina niyang bulong. "Bakit hindi mo ako inihanda para sa ganito? Kung meron kang gustong sabihin, bakit hindi mo sinabi? Miss na miss na kita, Mom. Sana nandito ka." Lumuhod siya, nakayakap pa rin sa punching bag, parang doon niya hinuhugot ang lakas na naubos na. Uhaw siya sa katahimikan, sa kalayaang mawala kahit panandalian ang sakit sa kanyang puso. Pagod, ubos, at gutay-gutay na ang damdamin. Humiga na lamang siya sa rubber mat sa sahig ng gym. Nahihirapang huminga, pinipigilan ang muling pagsabog ng galit. Ngunit sa loob-loob niya, isang panata ang bumuo: hahanapin niya ang pumatay sa kanyang ina. At bago siya magpahinga, sisiguraduhin niyang magbabayad ang may sala. Sa pintuan, tahimik na nanonood si Alex. Hindi siya gumalaw, hindi rin nagsalita. Ngunit sa kanyang mga mata, kita ang lalim ng pag-unawa. Sa kabila ng tapang at lakas ni Serene, alam niyang may pusong durog sa ilalim ng matibay na panlabas. Lumapit siya, maingat na binuhat si Serene sa kanyang bisig. Hinagod ng tingin ang pawis at luha sa mukha nito pero hindi na niya ito ginising. Alam niyang mas kailangan nito ang tulog kaysa sa paliwanag. Dinala niya ito pabalik sa kwarto nila, dahan-dahang inihiga sa kama. Gusto sana niyang linisin ito, palitan ng damit, ngunit ayaw niyang magising ito at makipagtalo pa kinabukasan. Ang nararamdaman niya para kay Serene ay hindi awa. Mas malalim pa roon, ito ay pagkakaunawa. Pagpapahalaga. Isang pangakong sisiguraduhin niyang hindi ito masisira. Bago siya muling nahiga, tinawagan niya si Von. “Paimbestigahan mo si Serene at ang pamilya niya. Gusto kong makilala siya at ang buong pagkatao niya. Hindi ‘yung nakikita lang sa social media.” “Agad po, Sir,” tugon ni Von. Muling tumingin si Alex kay Serene, saka siya humiga sa tabi nito. Ni hindi niya inalintana ang amoy ng pawis o init ng katawan nito, ang mahalaga lang sa kanya ay asawa niya ito. At kailangan siya nito. Yumakap siya rito, mas mahigpit pa sa dati. Dahil mula ngayon, hindi lang siya magiging asawa ni Serene. Siya ang magiging sandalan nito, kakampi, at tagapagtanggol… kahit sa anong laban.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม