Maaga akong gumising para maagang makapunta ng hospital. Inayos ko ang aking sarili at pagkatapos ay kumain ng agahan.
Naglagay rin ako sa plastic ware ng pagkain para naman makakain din si Kuya Brent.
Sigurado namang ‘di pa siya kumakain dahil ugali niyang hindi mag-agahan lalo at madali siyang magmadaling pumasok sa opisina.
Sana lang talaga ay alagaan siya ng babaeng hipon na iyon!
“Aalis ka na ba, Becky?” Nilingon ko si Manang Mildred na siyang nagtanong.
“Opo!” Ngumiti pa ako sa kaniya. “Si Kuya Brent naman ang pauuwiin ko.”
Nakauunawang tumango-tango sa'kin si Manang Mildred. Tinalikuran ko na siya upang tunguhin ang pintuan.
“Mag-iingat ka sa biyahe!” habilin pa sa akin ni Manang Mildred.
“Salamat po!” tugon ko naman.
Nakita ko ang ilang sasakyan naming nakaparada sa may garahe. Lahat iyon ay pawang nasakyan ko na pero hindi ko inaral kung pa’no imaneho.
Hindi ko tinanggap ang offer noon sa akin nila mommy at Kuya Brent na mag-aral ng driving lesson dahil takot akong mabangga.
Actually sinubukan kong magmaneho, pero dahil careless ako gumalaw kaya nabangga lang ako.
Never na akong sumubok magmaneho at iyon na rin ang una’t huli kong pagsubok dahil baka biyaheng langit ang punta ko.
Nagsimula na akong maglakad palabas at nilampasan ng tingin ang sasakyang nakaparada sa garahe ng aming bahay.
Maglalakad na lang ako hanggang sa may gate ng subdivision dahil maaga pa naman.
Para lang akong nag-jogging niyon kung sakali!
“Good morning, mam!” nakangiting bati ng mga guard na nasalubong ko.
“Good morning!” ganting bati ko naman sa kanila.
Nakasakay sila sa may motorsiklo at mukhang magro-roving sa buong paligid ng subdivision.
“Kumusta na po ang kalagayan ni Mrs. Winson?” tanong ng isang guard na medyo mas bata.
Sa tingin ko ay kaedad ko lamang siya at halatang nagpapa-cute lang sa akin. Gusto ko siyang ismiran pero hindi ko magawa dahil sa kaniyang kasamang guard na halos kaedad naman ni mommy.
“Mabuti na ang kaniyang kalagayan. Salamat!” Pagtugon ko.
“Salamat sa Diyos kung gano'n,” wika ng matandang guard na totoo ang bahid emosyong ipinapakita mula sa kaniya g mukha.
Nginitian ko siya at saka magalang na nagpaalam na ako sa kaniya. “Aalis na po ko.”
Tumango-tango sa’kin ang may-edad na guard habang ang batang guard naman ay panay ang pagpapa-cute ng kaniyang mga mata. Humirit pa nga na ihatid ako hanggang sa may gate ng subdivision kahit pa nga inayawan ko.
Feeling close agad si loko sa’kin. Duh!
“Huwag na po kayong mag-abala na ihatid ako. Mas gusto ko po kasing maglakad para makapag-exercise na rin. Isa pa, malapit na ang gate.” Natatanaw ko naman talaga ang gate ng subdivision at ilang hakbang na lamang din ang layo niyon mula rito sa kinatatayuan ko.
Tuluyan akong lumayo sa dalawang guard saka naglakad ng muli patungo sa may gate ng subdivision.
Doon na ako sasakay ng taxi dahil kung sa bahay pa ay baka marami pang hingiin at itanong na kung anu-ano sa driver.
Ganoon kasi ang policy ng subdivision lalo pa at puro mayayaman halos ang mga taong nakatira rito.
Habang naglalakad ay marami akong napansing tao na pawang nagja-jogging din.
Karamihan sa kanila ay hindi ko halos mga kilala dahil hindi ko rin naman sila nakakasalamuha.
Hindi kasi ako palakaibigan sa mga kapitbahay namin dahil tanging sina Kuya Brent at Wendy lamang ang itinuturing kong mga kaibigan.
Speaking of the devil, umingay ang aking telepono at nakita ko ang pangalan ng huli na rumehistro sa screen.
“Bakit?” sagot ko sa tawag ni Wendy.
“Kumusta na si Tita Beatrice? Ngayon ko lang nabalitaan ang nangyari!” natitilihan niyang bulalas.
“At sa’n ka na naman ba kasi galing?” mataray kong balik tanong sa kaniya.
“Sa tabi-tabi lang,” nanghahaba ang ngusong tugon niya kahit hindi ko siya kaharap.
Kabisado ko na halos ang galawan ni Wendy, ultimo ang kaniyang make-face sa tuwing nagkakausap kami.
Para ko na rin talaga siyang kapatid kung tutuusin!
Napangiti ako nang maisip si Kuya Brent. Gustong-gusto ko talaga silang dalawa ni Wendy na magkatuluyan.
Kaya lang ay may umeksenang babaeng hipon.
May naglalarong kalokohan sa aking isipan kung kaya inaya ko si Wendy na magpunta ng hospital.
“Ang aga naman!” reklamo nito.
“Gusto mong bumawi sa'kin ‘di ba? At saka tirik na po ang araw!” kumbinsi ko pa sa kaniya.
“Oo na! Magpapaalam lang ako kay mommy!” maktol nito at natitiyak kong nakasimangot na rin ang bruha.
“Wendy...”
“Parang gusto kong kabahan sa tono nang pananalita mo,” napapalatak na tugon ni Wendy.
“Grabe ka naman mag-isip, wala pa nga akong sinasabi!” kunwari’y may hinampo kong sabi.
Lihim akong napahalakhak sa naiisip na tagpo sa hospital. Siguradong hindi na naman mailarawan ang hilatsa ng pagmumukha ni Kuya Brent kapag nakita si Wendy.
“Nagiging ganiyan ka lang kalambing sa akin kapag may pinaplano kang hindi maganda o kaya nama’y maalalang kalokohan iyan!” napapalatak nitong sabi.
Napahagikhik ako dahil natumbok niya ang aking plano, pero siyempre ide-deny ko pa rin iyon.
“Grabe ka. Gusto ko lang naman sanang mag-request ng lutong ulam mo. Alam mong favorite namin ni mommy ang bawat ulam na dinadala mo sa amin,” may hinampo kuno kong sabi.
Narinig ko ang paghugot niya ng isang malalim na hininga. Tila problemado na siya sa mga narinig buhat sa'kin.
“Kayo lang namang dalawa ni tita ang may gusto sa ulam na niluluto ko. Ni hindi nga appreciated ng masungit mong kuya ang effort ko. Mabuti pa si babaeng hipon, kahit walang effort ay panalo lagi ang beauty sa paningin ng kuya mo.” Kahit hindi ko nakikita si Wendy ay alam kong nagtatampo siya.
Noon pa naman ay ramdam ko na ang pagpapapansin niya sa aking kapatid. Nga lang hindi siya pansin nito. Ewan ko nga kung bulag ba talaga si Kuya Brent o sadyang taong bato lamang.
“O siya, paglulutuan ko muna kayo ni tita ng nilaga para makahigop-higop kayong pareho ng mainit na sabaw," wika ni Wendy na pumukaw sa’kin.
“Yehey! Tiyak na matutuwa sa iyo si mommy!” nasisiyahang bulalas ko.
“Natutuwa sa’kin o sadyang wala lang talaga siyang magawang paraan para alisin ako sa buhay mo dahil kaibigan mo ako?” natatawa niyang tugon.
“You really know my mom!” Nakitawa rin ako sa kaniya.
“Galingan mo kasing magpa-impress kay mommy para makuha mo pa si Kuya Brent kay hipon,” sulsol ko pa.
“F*ck that hipon girl!”
Hindi ko na napigilan pa ang sariling tumawa ng malakas dahil sa sinabing iyon ni Wendy.
Bawat nasasalubong kong tao ay puro nakatingin sa’kin at tila inaaral kung nasa tamang katinuan pa ako.
“Wendy, sasakay na ako ng taxi. Ibaba na natin itong tawag. Sa hospital na tayo magkita. Huwag mong kalimutan iyong ulam!” sunod-sunod kong sabi sa kaniya.
“Okay. Ingat sila sa iyo!” tatawa-tawa niyang tugon.
“Huwag mong lagyan ng gayuma ang ulam dahil kaming dalawa ni mommy ang kakain niyan!”
“Loka! Ano naman palagay mo sa’kin, trying hard sa kuya mo? Maraming lalaki ang nagkandarapa sa’kin, noh!” Pagtataray nito.
“Pinapaalala ko lang!” natatawa kong turan.
“Duh!” Kahit ‘di ko kaharap si Wendy ay paniguradong umiikot-ikot na ang kaniyang mga mata.
Natatawang pinatay ko na ang linya ng aming tawagan para makapagpara ng taxi. Mabuti na lamang at mabilis akong nakasakay kaya nagpahatid na ako sa ospital.
Hindi alam ni kuya na papunta ako dahil hindi ko siya tinawagan. Saka sa pinaplano kong gawin para sa kanila ni Wendy ay ‘di ko na muna pauuwiin siya.
Kailangang magkapalagayan na sila ng loob para hindi na si babaeng hipon ang maging hipag ko.
Alam kong hindi papayag si mommy sa aking plano, pero malay natin biglang magkaroon ng milagro at siya na mismo ang mag-udyok kay kuya na si Wendy ang pakasalan, basta tuloy lamang ako sa pangungumbinsi.
Operation alisin si babaeng hipon sa buhay ni Kuya Brent!
Teka, parang gusto ko rin gawin iyon sa napipintog kong pagpapakasal. Kung makukumbinsi ko si mommy na huwag nang pakasalan si Stephen ay hindi siya ang magiging asawa ko.
Sasabihin kong ibang lalaki ang mahal ko at ipakikilala ko kay mommy para pumayag siya.
Nangingiting tumingin ako sa paligid na parang baliw habang may papitik-pitik pa sa aking mga daliri na nalalaman.
Tama! Ikakasal ako sa ibang lalaki at hindi kay Stephen!