Napamaang ako nang pagbukas ko ng pintuan ng ward ay si Stephen ang nabungaran kong nakaupo sa may tabi ni mommy.
“Anong ginagawa mo rito?” masungit kong tanong sa kaniya.
Ang kaninang magandang mood ko ay parang naging bulkan na nagsimulang umusok-usok. Inis pa lang iyan!
Akmang susugurin ko na sana siya ng bigla na lamang may umakbay sa’kin. Nakabusangot kong hinarap ang aking kuya at saka pinanliitan ko siya ng mga mata ko.
“Sinamahan niya akong magbantay kay mommy, kaya ‘wag mo siyang sungitan!” Pinandilatan niya ako ng kaniyang mga mata.
“Magpapasama ka rin lang naman pala, e ‘di sana hindi mo na ako pinauwi!” Pinaikutan ko siya ng mga mata ko.
“Becky!” saway sa'kin ni kuya.
Iningusan ko lang siya sabay alis ng kaniyang brasong nakaakbay sa’kin. Humakbang ako papunta sa kabilang bahagi ng kama ni mommy.
Hindi ako pwedeng dumiretso sa tabi ni Stephen at baka hindi ko mapigilan ang sarili kong mga kamay na batukan siya.
Matalim ang tingin ko sa kaniya nang mapansin ko ang naglalarong ngiti sa gilid ng kaniyang mga labi.
Parang sinasadya niya talagang inisin ako dahil nakikita ko ang pagkaaliw sa kaniyang mukha.
“Mukhang may dala-dala kang pagkain. Masarap ba iyan?” mapang-asar na tanong ni kuya na siyang umuntag sa'kin.
“Dinalhan ‘KITA’ ng pagkain para makakain ka ng almusal. Alam ko kasing hindi ka kakain ng pagkain mula rito sa ospital.” Pinakariinan ko pa ang salitang ‘Kita’ sabay nguso sa tray ng pagkaing inirarasyon dito sa may ward.
“Sakto iyang dala mo dahil wala pa kaming almusal ni Brent,” mapang-asar na turan ni Stephen.
Siningkitan ko siya ng mga mata ko, “hindi ka naman kabilang sa pagkaing dala ko dahil sakto lang iyan para kay kuya!” mataray ko pang sabi.
“Kasya na iyan sa amin ni Stephen. Akin na nga iyan at nang maihain na,” sagot naman ni kuya.
Parang gusto kong batukan si kuya sa pagkampi kay Stephen. Never ko siyang nakitang nakipag-share ng pagkain sa ibang tao tapos ngayon mamamahagi siya!
Hindi naman siya madamot na tao, sa totoo pa nga niyan ay mapagbigay siya. Pero ibang-iba iyon sa pakikipaghati ng sarili niya mismong pagkain.
Isa talaga iyong himala!
Pailalim kong tiningnan si Kuya Brent upang siguruhing siya pa nga ang kapatid ko.
Nakakapanibago ang ipinapakita niyang ugali at gusto kong magduda dahil lang sa magdamag nilang pagsasama ni Stephen.
Baka kasi may ipinainom na kung anong gayuma sa kaniya ang huli, kaya para siyang nahihipnotismo nito.
“What?” tanong sa'kin ni kuya nang mapansin ang pailalim kong tingin sa kaniya.
“Anong oras siya bumalik dito kagabi?” balik tanong ko naman na para bang wala sa kabilang bahagi ng kama ang taong tinutukoy ko.
“Umuwi muna siya sa kanila matapos kang ihatid sa bahay.” May napansin siguro si kuya sa ipinupunto kong tanong kaya pinitik niya ako sa noo.
“Huwag kang malisyosa dahil hindi ako kagaya ng kaibigan mo,” bulong pa niya sa likod ng aking tainga nang yumukod siya upang kunin ang baunan na hawak ko.
Bigla kong naalala si Wendy. Mayroon nga pala akong pinaplanong gawin sa kanilang dalawa ni kuya.
“Kakain muna kami ni Stephen para maiwan ko na rin kayong dalawa. May meeting pa akong kailangang harapin sa office," wika pa ni Kuya Brent.
Matining na nag-ingay sa isipan ko ang bell at sinasabi niyon na hindi matutuloy ang pinaplano ko kung walang Brent na aabutan si Wendy rito.
“Kuya, hindi mo ako pwedeng iwanan sa kaniya.” Inginuso ko si Stephen. “Wala akong tiwala sa pagmumukha ng taong iyan!”
Narinig ko ang pagpapakawala ni kuya ng malalim na buntonghininga at saka tinapik-tapik ako sa ulo na para bang isang batang paslit.
“Mapagkakatiwalaan mo si Stephen. Naihatid ka nga niya sa bahay nang maayos at walang anumang gasgas sa katawan,” wika pa niya.
“Pero, Kuya, pwede mo namang hindi puntahan at i-cancel na lamang ang mga meeting mong iyan. Ikaw kaya ang CEO ng kumpanya?!” Para akong batang paslit na nagta-tantrums.
Ang lintik na Stephen, nginitian ako nang magawi ang tingin ko sa kaniya. Matalim na irap naman ang itinugon ko sa ngiting iyon.
Hindi kami close kaya huwag siyang ngumiti sa’kin!
Narinig ko ang mahinang pagtawa nito at tila ba aliw na aliw siya sa kaniyang napapanood na drama sa pagitan naming dalawa ni Kuya Brent.
Heto namang kapatid ko, parang masaya rin sa nakikitang kasiyahan ni Stephen dahil hindi man lang niya sawayin ang lalaki.
Ang sarap talaga nilang pag-umpugin na dalawa!
“I’m here!” Sabay-sabay kaming natingin sa may pintuan ng mula roon ay malakas na nagsalita si Amy, ang babaeng hipon na gustong maging anak ni mommy.
Kumaway-kaway siya sa amin habang naglalakad na animo’y contestant sa isang beauty pageant.
Perpekto talaga ang kurba ng kaniyang katawan, huwag lang titingnan ang mukha!
“I miss you, Honey!” Napangiwi ako nang kumunyapit si bruhang hipon sa leeg ni Kuya Brent sabay siil ng halik sa labi.
Ang lakas ng loob niyang halikan si kuya na akala mo talaga’y kagandahan siya. Eew!
Tinapik ko ang isang kamay ni Kuya Brent, dahilan para malaglag sa sahig ang baunang kaniyang kinuha mula sa'kin. Nagkalayo naman sila sa isa't isa ni Amy kung kaya bahagyang itinulak ng huli ang una.
“I'm sorry, Honey, hindi ko sinasadya!” maarteng hinging paumanhin kuno ni babaeng hipon kahit pa nga alam naman talaga niya ang totoong dahilan nang pagkahulog ng baunan.
Tumaas ang isa kong kilay at ang mga mata ko’y tinitigan siya mula sa ulo hanggang paa. Hindi ko talaga malaman kung anong nakita ni mommy sa kaniya para ireto siya kay kuya.
Bukod sa katawan lang ang maganda at assets nito ay wala na akong makitang iba pang maganda sa kaniya.
“Excuse me, Bro!” Nabaling ang tingin ko kay Stephen. “Lalabas na muna kami ni Becky para makapag-usap kayong dalawa ni Amy.”
“Oh, hi, Stephen!” malanding bulalas ni Amy.
Nahagip ng paningin ko ang ginawang pagpapapungay nito ng kaniyang mga mata. Napansin ko na animo'y matagal na silang magkakilala ang isa't isa kung bumati siya.
“Hi!” tipid namang tugon ni Stephen. Iglap lang ay nakatayo na siya sa’king tabi.
“You and Becky will stay here. Kami na lang ni Amy ang aalis para diretso na rin ako sa opisina,” singit naman ni Kuya Brent.
“No!” matigas kong turan. “Ayokong maiwan sa kaniya!”
Pinanlisikan ko ng mga mata ko si Stephen nang harapin ko siya. Hindi ko man lang siya kinakitaan ng takot sa'kin, bagkus pagkaaliw pa nga ang nakikita ko mula sa kaniyang mga mata.
Inirapan ko siya saka muling hinarap si kuya Brent. “Huwag mo akong iwan sa damuhong ‘to at baka map--”
“Becky!” Natigil ako sa gagawing pagdakdak kay kuya nang tawagin ni Wendy ang pangalan ko.
“Wendy!!” natitilihan kong bulalas sabay takbo palapit sa kaniya. Nakakita ako ng kakampi sa katauhan ng aking kaibigan.
Yumakap ako sa kaniya sabay bulong, “bakit ngayon ka lang?”
“Pinagluto mo ako, ‘di ba?” pabulong din niyang tugon.
Kumalas ako mula sa pagyakap kay Wendy at binigyan ko siya ng ubod tamis na ngiti.
May pagdududa sa kaniyang mga tinging ipinukol sa’kin at alam kong nababasa niya ang iniisip kong gawin.
“Trust me,” wika ko pa pero walang tinig. Kinindatan ko pa si Wendy saka hinila na palapit sa kinatatayuan ni Kuya Brent.
“Kuya, kumain na tayo. Nagpaluto ako kay Wendy ng paborito mong nilaga,” malambing kong sabi Kay kuya.
“Nilaga?” Maarte ang pagkakasambit ni bruhang hipon sa salitang iyon. “Honey, kailan mo pa naging paborito ang nilaga?” tanong pa niya kay kuya.
Pailalim kong tiningnan si bruhang hipon at saka inirapan. Kung umasta kasi siya, akala mo talaga maraming alam sa lahat ng gusto ng kapatid ko.
“Sakto, paborito ko ang nilaga!” sabad ni Stephen.
“Exclusive for FAMILY members lang ang ulam na ‘to!” Pinakariinan ko pa ang salitang ‘family’ para ipamukha sa kanila ni babaeng hipon na hindi sila kabilang sa salitang iyon.
“Hindi rin siya kasapi,” nang-uuyam na pahayag ni babaeng hipon sabay turo kay Wendy.
“She’s exempted!” mariin kong tugon. “Si Wendy ang nagluto ng nilaga kaya sabay namin siyang kakain!” may himig inis ko pang sabi.
‘Di bale nang magmukha akong patola, ang mahalaga ay maiparating ko kay babaeng hipon ang nais kong iparating sa kaniya.
Alam niya naman kasing inis na inis ako sa kaniya tapos makikisagot pa na para bang close kami.
Budyakan ko pa siya kapag nainis ako ng husto sa kaniya!
“Don’t you worry sister in law, hindi rin naman kami kakain ni Brent dito. Sa pagkakaalam ko kasi ay may allergy ang kuya mo sa nilaga.” Mapang-asar akong nginitian ni babaeng hipon at tila ba pinamumukha sa akin na wala akong kaalam-alam tungkol sa kapatid ko.
Naikuyom ko ang mga kamao at halos madurog ang baunang kinalalagyan ng nilagang hawak ko.
“Kailan pa nagkaroon ng allergy ang kuya ko sa nilaga?” malamig kong tanong sa kaniya.
Hindi ko maalalang may allergy kaming magkapatid sa nilaga lalo na at luto ni Wendy.
“Ang init!” Bumaling ako kay Wendy na nagpapaypay ng kaniyang mga kamay sa mukha. “Bakit ang hina ng buga ng aircon? Dapat ireklamo ninyo ito sa ospital dahil naiinitan si tita.”
Pasimple niya akong pinandilatan ng kaniyang mga mata, tipong sinasabing magpreno muna ako at kumalma.
Tinikwasan ko siya ng kilay at iniiwas ang tingin ko mula sa kaniya. Isa naman pagkakamali ang ginawi kong iyon dahil ang nakangising mukha ni Stephen ang nalingunan ko.
Inismiran ko ang lalaki kaya nagawi kay bruhang hipon ang aking paningin. Sa kaniya ko talaga natukoy na sumpa ang maging hipag ko siya dahil sa pangit ng kaniyang mukha pati na ng kaniyang ugali.
Jusko! Ba’t ba kasi naglipana ang mga bwisita dito sa ward ni mommy?!