Tahimik silang lahat pabalik ng base. Laman ng mga isipan nila ang nadiskubre sa simbahan. Multo ng aliens. Alien ghosts. Sa tanang buhay nila, ngayon lang nila narinig o naengkuwentro ang bagay na ito—na ang mga aliens pala, tulad ng tao, ay may kaluluwa. Na posibleng tulad ng tao, sila rin ay may spirit world. Na sa nakita ni Jang-Mi ng kanyang third eye ay nangangahulugang ang mga nagkatawang tao ay in fact, mga aliens.
"Ano pa nga ba?" sabi ng colonel nang tanungin siya ni Lieutenant Esguerra ukol dito. "Ang mga multo ay multo ng aliens! Mantakin mo yun!"
Alas-tres na ng umaga. Maliwanag ang headlights ng SUV sa malubak na daan pabalik ng base. Nang madinig ang tungkol sa multong aliens ay nagkatinginan ang dalawang sundalo sa harapan, ang nagmamaneho at katabi nito. Sa isip nila, iba na naman ito.
Sa barracks, usap-usapan ang mga kababalaghang nangyayari, isa na ang kagaganap pa lamang, nang umano'y may nakitang multo si Pvt. Torres sa may gate. At ngayon, may dadalhin na panibagong kuwento ang dalawang sundalo na kanilang ibabahagi sa mga kasama. Multo ng aliens.
Sa tulad nilang mga ordinaryong sundalo na nasa gitna ng dramang ito, wala naman silang magagawa kundi tanggapin na lamang ang nangyayari sa araw-araw nilang nilalagi rito. Mga bagay na hindi nila maaaring ibahagi sa mga kamag-anak, maging sa mga asawa't anak, dahil mahigpit na ipinagbabawal ng command ito. Top secret. A matter of National Security. Kaya't, sila-sila na lamang ang nag-uusap at nagpapalitan ng mga kuro-kuro sa loob ng barracks, at paghandaan ang mga mangyayari sa hinaharap.
Sa kanyang upuan sa likod ng sasakyan, malalim ang iniisip ni Andy. Tinitignan niya ang dalawang kamay niya. Ang mga palad. Ang mga ugat. Tila naghahanap siya ng sign, ng clue sa sariling pagkatao. Katabi niya si Jang-Mi na nakasandal, nakapikit na nagpapahinga.
"Andy..." lingon ng colonel sa likod.
"Greg..."
"Posible ba na ang mga nawawalang bangkay ay siya mismong mga multo na nakita ni Jang-Mi?"
Naisip na ni Andy ito palabas pa lamang sila ng simbahan, nguni't hindi niya agad na nasabi.
"O-oo, Greg."
Agad na inutusan ni Colonel Laxamana si Lt. Esguerra na tawagan si Corporal Diazon at sabihing maghanda sa pagbalik nila. Na sa nalaman nila ngayon, marami silang hakbang na gagawin para malutas ang mga bagay-bagay at inatasan ang corporal na hanapin ang mga partikular na mga impormasyon at papeles.
Nang makarating sila sa base, ay naghihintay na sa kanila ang corporal. Gising na rin ang ilang mga tao, mga kasapi ng task force tulad ng NBI. Sa mesa ng meeting room, nakahanda na ang mga files at naiilawan ng table lamp.
"Wala ni isang birth certificate?" tanong ni Colonel Laxamana. Inutos niyang hanapin ang mga pagkakakilanlan ng mga nawawalang bangkay.
"Wala, sir. Hinalugad na namin buong records section ng Municipal Hall, wala kaming nakita," ulat ng corporal.
"May iba pa ba tayong impormasyon sa 17 na mga taong ito?" tanong ni Andy.
"Meron ata yung NBI," sagot ni Corporal Diazon sabay tawag sa taga-NBI na naroon.
"Inspector..."
Lumapit ang isang NBI agent na babae. Dala niya ang papel na kanyang binasa. May hitsura ito, maikili ang buhok bagama't medyo flat-chested, kaya't saglit na napatitig ang mga lalaki. Nguni't, nang magsalita'y may angas ang boses. Alam na nila.
"Sir, nag-background check kami sa 17 na lalaking sinabi nyo," umpisa ng babaeng agent. "Naging residente sila ng Callejon taong 1960. Pero, wala silang record kung saang parte ng Pilipinas sila galing. Walang baptismal records, school records, kahit na litrato nung bata sila."
Gayunpaman, humusto ng upo ang mga lalaki, stomach in, chest out. At ipinakitang mga brusko sila. Ang lalaki ay lalaki pa rin kahit na ano ang sitwasyon. Mapa-aliens, mapa-ghosts. Mapa-tibo.
At may biglang na-realize si Andy.
"Nagkakilala mga magulang ko nung 1960. At...wala akong naaalala na litrato ng tatay ko nung bata...o binata siya."
"At sa marriage certificates, lahat sila nakapagasawa sa Callejon," dagdag ng babaeng agent.
"May mga anak sila?" tanong ni Lieutenant Esguerra.
In-adjust ni Corporal Diazon ang kanyang salamin, hawak niyang ibang mga papel na may mga impormasyon, at sinabi:
"Ito sir, may mga anak, pero ayon sa hospital records, lahat namatay either during childbirth or within one year ng panganganak. Maliban sa isa..."
Napahinto ang corporal. Nagaalangan. Napatingin kay Andy. At napatingin din sa kanya ang iba. Si Andy na ang nagsabi ng obvious fact.
"Ako. Ako yung nag-iisang anak na nabuhay."
Natahimik ang lahat at nagpalitan ng mga sulyap. At inulit sa kanilang mga isipan ang lumabas na impormasyon: 17 sa nawawalang mga bangkay ay mga lalaki, isa na ang tatay ni Andy. At ang mga anak ng mga lalaking iyon ay maagang mga namatay, si Andy lang ang nabuhay at nakarating sa edad niya ngayon. 17 sa nawawalang mga bangkay ay may posibilidad na aliens na nagkatawang tao.
Tumayo si Colonel Laxamana.
"Andy..."
At kanyang sinenyasan si Andy na lumabas sila ng kuwarto.
"Carry on," sabi ng colonel sa iba habang papalabas sila ni Andy.
Nagtungo sila sa isang supply room para mag-usap. Sa nasabing kuwarto, nakaimbak ang supply ng mga pagkain, de lata, bottled water, at iba pa. Sinara ni Colonel Laxamana at ni-lock ang pintuan.
"Andy, basa mo naman kung anong nangyayari dito 'di ba?" sabi ng colonel.
"Malinaw," sagot ni Andy. "Ang 17 na nawawalang bangkay ay aliens."
"Aliens, Andy. Aliens!" bulalas ni Colonel Laxamana na mulat na mulat ang mga mata. "Aliens na mukhang tao at nag-co-exist sa mga tao. And s**t, Andy, ibig sabihin nito, may DNA ka ng alien! Ikaw!"
Sa wakas ay sinabi na rin ng colonel ang iniisip ng lahat. Ang higanteng elephant in the room kanina. Na kung ang tatay ni Andy ay alien, ibig sabihin si Andy ay hindi karaniwang tao. Iyon, ay kung mapatunayan nilang aliens nga ang mga nawawalang bangkay. Nguni't sa puntong ito, tila sigurado na sila.
Hindi alam ni Andy ang ire-react. Maya-maya'y natawa siya.
"Anong nakakatawa?" pagtataka ni Colonel Laxamana. Hindi ito ang reaksyon na inaasahan niya sa kaibigan.
"May dugo akong alien. Hindi ba nakakatawa yun? 55 years. At 'di ko namalayan," sabi ni Andy.
Maya-maya'y natawa na rin ang colonel.
"I mean, sino naman bang makakaalam, 'di ba?" sabi ni Colonel Laxamana. "Kahit si Carol siguro, sa tagal n'yong nagsama."
At nang nabanggit ng colonel ang pangalan ng kanyang ex-wife, ay biglang may na-realize si Andy at siya'y dinapuan ng kaba.
"Si Pauline! Paano kung napasa ko sa anak ko ang alien DNA?" may panic sa boses ng private investigator.
"Relax, pare," sabi ng colonel at humawak sa balikat ng kasama, "kung ako ikaw, 'di ako magwo-worry. Mukhang normal ka naman. Walang side effects. Unless, may tinatago ka. Baka may kung anong alien power ka, pare..."
Gustong matawa ni Andy sa biro ng kaibigan, pero natatabunan ito ng pag-aalala sa kanyang dalagang anak.
"W-wala. Katunayan, wala akong natatandaan na nagkasakit ako ng matindi. At wala akong anumang sakit ngayon. Wala."
"Ibig sabihin, kung ano man 'yang nasa dugo mo, pinapahaba pa buhay mo," sabi ni Colonel Laxamana. "Kaya, relax, I'm sure okay kayo ni Pauline."
Pero, hindi na mapakali si Andy sa mga kaalamang lumabas. At mga bagay sa sarili na ngayon din lang niya na-realize. At nagkaroon siya ng panibagong pananaw sa sariling pagkatao. Either maganda o masama, sa ngayon o sa kalaunan, ay nakaramdam siya ng excitement. At gusto pa niyang malaman ang lahat. Gusto niya ng mga malinaw na kasagutan.
"Greg, may hiling lang ako."
"Ano 'yon, pare?"
"Bumalik tayo sa dati kong bahay," sabi ni Andy. "Sa kutob ko'y may malalaman tayong mga kasagutan doon."
NEXT CHAPTER: "Mga Ala-ala ni Andy"