Mga Ala-ala ni Andy

1414 คำ
"Natatandaan mo pa ba kung saan?" tanong ni Colonel Laxamana. Minamaneho ng colonel ang SUV sa malubak na daan na tila papalayo ng bayan, kasama sina Andy at Jang-Mi. Kahapon ay hiniling ng private investigator na bumalik sa dati niyang bahay kung saan siya lumaki kasama ang kanyang ama't ina sa paghahanap nila ng kasagutan sa alien a*******n at sa pagkatao ni Andy. Naisip ng colonel na baka sensitibo ang pagpunta nila, kung kaya't napagdesisyunan niya na silang tatlo na lamang ang pumunta. Abala rin naman si Lieutenant Esguerra sa ilang gawain kaya't iniwan niya ang kanyang kanang kamay, pero, ipinaalam naman niya ang pakay nilang tatlo at sinabing ibi-brief siya kung may madiskubre silang mga bagay. "O..oo," sagot ni Andy. "Walang masyadong nagbago sa lugar na ito." Patuloy nilang binabaybay ang daan na napapaligiran ng mga puno, sa lugar na madalang ang mga bahay. Palingon-lingon si Andy, hinahanap ang mga palatandaan ng lumipas. Ang mismong kalye na kanilang dinadaanan ay siya ring daan niya papuntang bayan noon, papasok ng eskuwela. Ang mahabang kahoy na bakod na may barbed wire. Ang kinakalawang na water tank. Ang sapa ng kalabaw. Ang malayong gulod. Lahat ng ito'y nagbabalik sa kanyang ala-ala. "Ikanan mo d'yan, pare," sabi ni Andy sa kalye na may malaking puno ng niyog. Pinihit pakanan ni Colonel Laxamana ang SUV. Ang daan ay zumigzag sa pag-iwas sa mga puno ng niyog na tila dumadami habang sila'y umuusad. Maya-maya'y lumabas sila sa isang maluwag na area na ang tanawin ay malawak na palayan. Palayan. Na tulad ng nasa panaginip ni Andy. Dire-diretso ang SUV hanggang sa tumbukin nila ang isang bahay na tila nag-iisa sa lugar na iyon. Bahay sa palayan. Bahay ni Andy noon. "Ayun," turo ni Andy. Kahoy na bakod. Mga manok sa paligid. Maliban sa pintura, halos hindi nagbago ang bahay ni Andy. Iyon pa rin ang natatandaan niya, ang naiwang imahen sa kanyang isipan nang kanyang lisanin ang Callejon. Pumarada ang SUV at nagbabaan sila. "Andy, is this your house?" tingin ni Jang-Mi sa paligid. "Yes. Before. Not anymore." Naibenta na ni Andy ang kanilang bahay at ang lupain na sakop nito matapos siyang maulila. Ang nakabili ay taga-Callejon din, isang bagong kasal na nais mamuhay bilang magsasaka. Kasama sila sa mga nawawala. Tahimik ang paligid, maliban sa naulila ring mga manok na nagsiputakan nang dumating sila. Bukas ang bakod ng bahay at pinatuloy nilang mga sarili. Bukas din ang ilang bintana at doon sumilip si Andy. Tulad ng inaasahan, walang tao sa loob. Sinubukan ni Colonel Laxamana ang doorknob at hindi niya ikinagulat na bukas ito. "Andy..." sinenyasan ng colonel ang mga kasama. Hinayaan ng colonel na si Andy ang mauna na pumasok sa bahay. After all, sa isip niya, siyang nakatira rito noon, kung sinong may karapatang unang masilayan ang loob, walang iba kundi si Andy. Bukod sa ayaw niyang may biglang bumulaga sa kanya. Bago pumasok ay binigyan sila ng tingin ni Andy. Tingin na nagsasabing hindi rin niya alam ang dapat na i-expect pagpasok. Sa loob, nag-iba ang kasangkapan pero ang simentong pader na walang pintura ay iyon pa rin. May gunita na sumalubong kay Andy pagpasok niya. Ilang libong beses ba siyang pumasok sa bahay na ito? Ilang mga tag-araw iyon? Ilang mga tag-ulan? Sa likuran niya, sina Colonel Laxamana at Jang-Mi na inikutan ng tingin ang loob. "Hindi yata na-cover ng mga tauhan ko itong bahay mo, pare," amin ng opisyal. Malayo ang bahay nila Andy kaya't hindi ito natunton pa ng mga sundalo. "Pero, kataka-takang hindi ito na-spare sa a*******n. I mean, malayo ito, pero..." "Pare naman," lingon ni Andy. "Nagtaka ka pa." Napangiti si Colonel Laxamana. "What are we looking for?" tanong ni Jang-Mi. "I can't get any readings." Tumingin sa kanya si Andy, at sinabing: "Not yet. Not here." Nilampasan ni Andy ang sala, ang kainan at kusina, maging ang mga kuwarto. Alam niyang wala silang mahahanap na mga clues doon. Alam niya kung saan meron. Dumiretso siya sa back door ng bahay kasunod sina Laxamana at Jang-Mi. Sa bintana pa lang ay tanaw na niya ang malawak na bukirin sa may bakuran. Ang palayan. Ang palayan ng kanyang Ama. Dito wala talagang nagbago. Napaka-pamilyar ng tanawain kay Andy. Parang na-preserve sa ala-ala. Ang mga puno sa paligid. Partikular ang puno ng mangga sa likod bakuran na naroon pa rin. At mananatili doon hanggang sa i-out-age niya ang lahat. Nakasisilaw ang araw. Ang palayan ay ginintuan. Nagtungo sila sa may puno at tumayo roon. "Madalas ang tatay ko dito," sabi ni Andy at tinuro ang isang bahagi. "Sa gabi, doon, tatayo siya at titingin sa langit na parang may kausap." "Posibleng nakikipag-communicate siya sa ibang aliens," muni ni Colonel Laxamana at nagsindi siya ng sigarilyo. "Siguro," sang-ayon ni Andy. "May sinabi siya sa akin noon na 'di ko naiintindihan. Pero, alam kong may kinalaman iyon sa nangyayari ngayon. Ang problema, hindi ko maalala." "Baka importante 'yon, pare," pagbuga ng usok ang colonel. "Baka sagot sa mga problema natin." Isang malaking posibilidad iyon, naisip ni Andy. Kung maaalala lang niya. Lumingon siya kay Jang-Mi na nagtatago sa araw sa ilalim ng puno. "Jang-Mi. Something happened here. A long time ago. With my father..." "Yes?" react ng Koreanang psychic. "Can you help me remember?" Agad na na-gets ni Jang-Mi ang gustong mangyari ni Andy at siya'y tumango. "Okay, come, we sit." Ininstruct ni Jang-Mi na maupo sila ni Andy sa damuhan na magkaharap na naka-Indian sit. Sinabi niya na susubukan niyang i-reach ang memories ni Andy, sa sinasabi nitong nangyari matagal na ang lumipas. Hinawakan ng psychic ang kamay ni Andy at siya'y pumikit. Si Colonel Laxaman ay nasa may tabi at nanonood. May simoy ng hangin mula sa palayan na mahinang umiihip. Ihip na mapayapa sa pandinig at malambot sa pakiramdam. Parang hele. Nag-concentrate si Jang-Mi. "Tell me. Tell me about that time. About your father," sabi niya kay Andy. "It was 1978. I was young. 17," bungad ni Andy. "Yes...you are going away," dugtong ng nakapikit na psychic. Nagulat si Andy na alam ito ni Jang-Mi. "Yes. For Manila." "You are saying goodbye. To your father." "Yes, yes. We are here outside," sabi ni Andy. Napuno ng excitement si Colonel Laxamana na nanonood with interest. Sa isip niya, daig nito ang pelikula. "Yes. I see you," sabi ni Jang-Mi. Ang bilog ng mga mata niya'y gumagalaw sa nakapikit na talukap na tila may nakikita siya...o napapanood. At nagulat sila sa sumunod na sinabi ng psychic: "And I see him." Pagdilat ni Jang-Mi ay nagka-vision siya. At naglakbay ang panahon. Nakita niya ang eksena mula sa lumipas ni Andy. Umaga ng taong 1978. Nakatayo si Andy, 18 years old, at ama niya malapit sa puno. Makulimlim. Maulap. May dala si Andy na bag at siya'y nakabihis. Ito ang araw na luluwas ng Maynila si Andy. Lumapit sa kanila si Jang-Mi at hindi siya nakikita ng dalawa. Isa siyang observer at kanyang narinig ang usapan nina Andy at kanyang ama. May luha sa mata ni Andy, parang nakikiusap, may sama ng loob. "Pero, 'Tay, bakit kailangan kong umalis?" sabi ng binatang Andy. "Para sa ikabubuti mo ito, anak," sagot ng kanyang ama. "Ayokong umalis, 'Tay," pumatak ang luha ni Andy. Hinawakan si Andy ng kanyang ama sa balikat. "Pangako mo, anak. Na hindi ka babalik anuman mangyari. Kailangan mong magtago. Huwag mong hayaang kunin ka nila." Nasa mukha ng binatang Andy na hindi niya naiintindihan ang sinasabi ng ama. Ang nararamdaman lang niya'y sakit ng kanyang puso na siya'y aalis. "Pero, 'Tay..." "Magtiwala ka sa akin, anak." At biglang nawala ang vision, at si Jang-Mi ay dumilat at kanyang nagisnan ang mga nagtatakang mukha nina Andy at Colonel Laxamana. Bumalik siyang muli sa likod-bakuran, sa palayan. "Jang-Mi, what did you see?" tanong ng colonel. Huminga muna ng malalim si Jang-Mi bago sumagot. "He was telling you something important," baling niya kay Andy. "Like he wants you to be safe." Safe. At may naalala si Andy. "O-oo. Oo! Sabi niya na kahit anong mangyari, 'wag daw akong babalik," bulalas ni Andy. "At may sinabi pa siya. Na magtago daw ako." Napatayo si Andy, sinusubukang alalahanin ang pangyayaring ilang dekada na ang nagdaan. Tumayo na rin si Jang-Mi. "Magtago? Kanino?" tanong ni Colonel Laxamana. "Kanino pa, Greg. Sa kanila. Sa mga aliens," sagot ni Andy. "The aliens?" ulit ni Jang-Mi. "Yes, Jang-Mi, my father told me to hide from the aliens." "Yes." "Kailangan ko siyang makausap, Greg," madiin na sabi ni Andy sa colonel, at tumingin kay Jang-Mi. "Jang-Mi, I must speak to my father. You must contact his spirit. Can you do that?" Mabilis na tumango ang psychic. Ramdam niya ang urgency. "Yes. Tonight. We do it here." Biglang tumunog ang cellphone ni Colonel Laxamana at kanya itong sinagot. Tawag mula kay Lieutenant Esguerra. "Tinyente..." "Sir, andito ako ngayon sa checkpoint," sabi ng tinyente sa kabilang linya. "May problema tayo dito." "Problema? Anong problema?" pagtaas ng boses ng colonel. "Sir, nandito ang media." NEXT CHAPTER: "Press Release"
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม