Napangiti ako nang makita si CJ na buntot nang buntot sa ina ni Jordan. Sinadya kong sundan sila hindi para umeksena at agawin ang lalaki sa babae, kundi para makalaro ang bata. Sakto namang sa bahay nila CJ sila nagtungo kaya may pagkakataon akong makuha ang iba kong gamit doon. Nakakahiya naman kung naroon pa rin ang mga gamit ko gayong matanda na ako para magbakasyon pa tuwing summer. Mga tatlumpung minuto muna ang hinintay ko bago tuluyang bumaba at saka nag-doorbell sa may gate. “Good morning, Manong!” bati ko sa gwardiyang nakatalaga. “Good morning, Ms. Stella. Pasok ka po!” Agad na binuksan ng gwardiya ang malaking bahagi ng gate upang maipasok ko ang sariling sasakyan. Nagpasalamat muna ako sa kaniya bago ako bumalik sa sasakyan at saka pinaandar iyon papasok sa may gate.

