HINILA NIYA SI ASULA papunta sa isang sulok ng cottage para doon siya lumikha ng lagusan. Sasamahan niya itong pumunta sa bayan para mamili ng mga pagkain na gusto nitong bilhin. Sakto at may dala naman siyang saktong pera na nakatago sa bulsa ng kaniyang cloak.
Hindi maalis-alis sa kaniyang isipan ang pagtulong sa kaniya ni Apolo. Akala na niya talaga ay kakalimutan nito ang pagkakaibigan nilang dalawa dahil sa kanilang kanya-kanyang misyon. Laki ang tuwa niya nang tulungan siya nito tungkol sa nangyari kanina kay Asula.
“Sa susunod sabihan mo ako kung may balak kang lumabas mag-isa. . . para naman masigurado ko ang kaligtasan mo. Lalo na ngayon na malapit sa iyo palagi ang kamatayan.”
Pagkapasok na pagkapasok nila ni Asula sa lagusan niyang ginawa ay lumipas lamang ang segundo at napunta sila sa likuran ng tindahan. Sabay silang naglakad papasok ng palengke.
Sumalubong sa kaniya ang maingay na mga tindero't tindera. Maging ang mga nagtsi-tsismisan at mga namimili.
“Sabihin mo sa akin kung bakit nalalapit ako sa kamatayan, Wave. Kung bakit kailangan mo akong iligtas. Kung bakit misyon mo ako. . . siguro naman oras na para sagutin mo na ang lahat ng mga tanong na bumabagabag sa isipan ko. Karapatan kong malaman kung ano ang totoo.”
Napatigil siya sa paglalakad nang marinig ang sinabing lahat na iyon ni Asula. Hindi niya inaasahan na tatanungin iyon sa kaniya ng babae.
Pero hindi niya pwedeng sagutin ito ngayon.
Kailangan niya munang makausap muli si Geoban at ang matanong si Apolo bago niya ipaliwanag ang lahat kay Asula.
Hinarap niya si Asula saka niya ito hinawakan sa braso at idinikit sa kaniya. Pinasabay niya ito sa kaniyang paglalakad. Kung titingnan ay para lamang silang magkasintahan na may parehong damit na suot.
“Saka ko na lang ipapaliwanag sa iyo ang lahat. . . kapag makausap ko na si Geoban at si Apolo.”
Tumigil siya sa harap ng isang pwesto ng matandang babaeng nagtitinda ng karne. “Ang kailangan natin ngayon ay ang bumili ng pagkain. Gaya ng gusto mong mangyari kanina.”
Huminga ng malalim si Asula. Wala na siyang magagawa kung ayaw sa kaniya sabihin ni Wave ang lahat ng katotohanan. Hindi na lamang niya ito pipilitin. Hahayaan na lamang niya na ito ang kusang magsabi sa kaniya ng lahat. Hindi naman siyang mapilit na tao at may respeto naman siya sa lalaki.
Tumingin na lamang siya sa paninda ng matandang babae saka pumili ng sariwang karne ng baboy.
Bumili siya ng isang kilo at binayaran naman iyon ni Wave.
Napangiti siya sa kakulitan ng kaniyang isip. Sa isipan niya'y isa silang mag-asawa ni Wave. Nagbabalak siyang magluluto para rito at sinamahan siya nitong mamalengke. Totoo naman ang dalawang huling nangyayari. Pero ang nauna'y walang katotohanan. Hindi sila mag-asawa ni Wave ni hindi nga siguro sila magkaibigan. Iyon ang tingin niya. . . pero para sa kaniya'y kaibigan ang turing niya kay Wave. . . o sobra pa nga ba doon. Ewan niya.
Ngiting-ngiti siya sa kapilyuhang binuo sa isip. Hindi na niya pala napapansin ang pagtawag sa kaniya ni Wave sa kabilang estante ng mga gulayan. Hindi man lang niya namalayan na kanina pa pala siya parang timang na nakatayo habang ngingiti-ngiti.
“Naku, Asula! Maghunos dili ka!” bulong na pasigaw niya sa sarili.
“Saan gusto mong bilhin na gulay?” tanong sa kaniya ni Wave nang tuluyan na siyang makalapit rito.
“Iyang cabbage na lang saka ampalaya. Siguro kumakain ka naman niyan?” sagot niya rito.
Ngumiti ito saka tumango. “Naman. . . wala naman akong pili.”
Nagpatuloy lang sila sa pamimili hanggang sa matapos na sila. Balak na nilang umuwi sa resort nang makasalubong nila si Apolo sa isang eskeneta. Nakatalukbong rin ito ng cloak tulad nila. Bigla siyang napaatras at napatago sa likod ni Wave. Hindi niya alam pero natatakot talaga siya sa lalaking ito simula noong gumawa ito ng apoy.
“Apolo. . . anong ginagawa mo rito?” Nilingon siya ni Wave saka hinawakan sa kaniyang braso.
Parang pinaparating nito sa kaniya na huwag siyang mag-alala, at andoon ito para protektahan siya kung anoman ang mangyari sa mga oras na iyon.
“Kailangan natin mag-usap. Kung gusto mong malaman na rin ni Asula ang lahat, isama mo pati siya. Walang malay si Geoban sa lugar na pinang-iwanan ko sa kaniya. Kailangan natin siyang matanong sa lalong madaling panahon. Bago pa tayo mabuking ni Haring Araw at ni Sun.”
Tumango si Wave bagaman nag-aalinlangan kung isasama ba niya si Asula o hindi.
Naramdaman naman iyon ni Asula. Sa mga oras na ito ay hindi niya kailangan maging mahina. Para matapos na rin ang lahat ay kailangan niyang harapin ang lahat ng panganib na nakatuka sa kanila. Isa pa nakasalalay ang kaligtasan niya sa misyon na ito.
Napansin niya ang pagtingin sa kaniya ni Wave. Nahihinuha niyang hinihintay nito ang sagot niya bago ito pumayag sa gusto ni Apolo.
Tumango siya rito. “Sasama ako. . . karapatan ko rin malaman kung ano ang nangyayari at kung ano ang dahilan sa likod ng lahat nang ito.”
Ikinumpas ni Apolo ang kamay nito saka naglikha ang apoy nito ng lagusan. Hawak-hawak siya sa kamay ni Wave bago sila sabay na pumasok.
Napunta sila sa isang abandonadong silid. Tangin ang ilaw lamang ang nagmumula sa iisang bintana roon. Walang kagamitan sa loob ng silid na iyon kundi isa lamang mesa at isang upuan. . . kung saan may isang lalaking nakaupo roon habang nakagapos at walang malay.
Nakilala agad nila ni Wave ang naturang lalaking iyon. . . si Geoban.
“Anong ginawa mo sa kaniya?” tanong ni Wave sa matalik na kaibigan.
“Pinatulog ko lamang siya. Sigurado mayamaya'y magkakamalay rin siya. Samantalahin natin ang oras na mag-usap nang masinsinan na wala pa siyang malay. Para mamaya'y matanong na natin siya ng dapat nating itanong sa kaniya.”
Lumikha ng alon mula sa kamay si Wave saka ikinulong si Geohan sa loob niyon. Nagmistula iyong barrier at kahit sino man ay walang makakapasok. at paniguradong hindi rin makakalabas kung sino man ang nasa loob ng bilog na alon na iyon.
Humakbang papunta sa isang pinto si Apolo at sumenyas ito na sumunod silang dalawa ni Wave. Hindi mapigilan ni Asula ang magduda. . . pero panatag ang loob niya dahil alam niyang hindi siya pababayaan ni Wave.
. . .