Price TagUpdated at Mar 24, 2022, 19:33
Ako si Devine Clemente. Kung tatanungin mo kung maganda ako, ang isasagot ko, hindi... Hindi ka nagkakamali.
Maihahanay ang mukha ko sa mga may titulo na ng prestigious beauty pageant - joke lang, bago pa may mag-react.
Ang totoo, sakto lang ang ganda ko. Tipikal na Pilipina. Medyo mataray pero nasa lugar. Lahat ng klase ng tao ay kaya kong pakisamahan.
Ako ang may hawak ng 'Miss Friendship' sa aming barangay. Kahit kung tutuusin ay taklesa ako. Dahil madalas ay sadyang hindi ko marendahan ang bibig ko lalo na't may mga bagay akong napapansin na hindi kanais-nais sa paligid. Prangka ako at medyo mapanglait. Sanay na lahat ng mga kalugar ko sa akin. Tipong kahit harapan kong sinasabi sa isang kakilala na may hawig ang boyfriend niya sa logo ng Lacoste ay babalikan lamang niya ako ng ngiti.
Totoong tao lang ako. At sa pagiging totoo ko ay alam ko kung sino ang mga taong nagmamahal din sa akin ng totoo.