chapter one
MAY mga collection ako ng perfume. Pangalanan mo lahat at meron ako n'yan - Bvlgary, Chanel, Dolce&Gabbana, Prada, Gucci, at marami pa.
Hindi ako mayaman pero afford ko ang bumili ng mga 'yan.
Oops! Wait lang, hindi totoong branded ang lahat ng gamit na meron ako. Sa madaling salita, peke ang halos lahat sa mga gamit na pag-aari ko.
Tulad na lang ng suot ko ngayong blouse at jeans na ang tatak ay 'Guess?' But, in fairness, ang pagkakalapat ng mga damit sa magandang hubog ng katawan ko ay hindi mo basta mababakas na imitation, puwera na lang kung imbyerna ka sa akin at susuriin mong mabuti.
Minsan ang pagsusuot ng mga peke ay nasa mga tao lang 'yan na mataas ang kompiyansa at magandang magdala ng kanilang sarili.
May mga taong nagsusuot nga na libo ang halaga ng damit pero kung titingnan mo, mas maganda pang ipasuot iyon sa pulubi.
Ako si Devine Clemente. Kung tatanungin mo kung maganda ako, ang isasagot ko, hindi... Hindi ka nagkakamali.
Maihahanay ang mukha ko sa mga may titulo na nang malaking beauty pageant - joke lang, bago pa may mag-react.
Ang totoo, sakto lang ang ganda ko. Tipikal na Pilipina. Medyo mataray pero nasa lugar. Lahat ng klase ng tao ay kaya kong pakisamahan.
Ako ang may hawak ng 'Miss Friendship' sa aming barangay. Kahit kung tutuusin ay taklesa ako. Dahil madalas ay sadyang hindi ko marendahan ang bibig ko lalo na't may mga bagay akong napapansin na hindi kanais-nais sa paligid. Prangka ako at medyo mapanglait. Sanay na lahat ng mga kalugar ko sa akin. Tipong kahit harapan kong sinasabi sa isang kakilala na may hawig ang boyfriend niya sa logo ng Lacoste ay babalikan lamang niya ako ng ngiti.
Totoong tao lang ako. At sa pagiging totoo ko ay alam ko kung sino ang mga taong nagmamahal din sa akin ng totoo.
Isa na ang bakulaw na ito na si Matthew. Guwapo 'tong best friend ko. Papasang artista. Partners in crime kami nito sa halos lahat ng aspeto.
Dumiretso siya sa kusina namin at hinalungkat ang laman ng mga kaldero.
Kanin-lamig na lang ang nadatnan niya pero nagawa pa rin niyang patusin.
Nagsindi siya ng isang stick ng sigarilyo. At sa bawat pagsubo niya ng kanin ay sinasabayan niya iyon nang paghitit mula sa yosi.
Puwede palang i-ulam ang usok ng sigarilyo?
Pagkuwan ay natawa ako. Wala siyang diperensya sa pag-iisip. Alam kong ang intensyon n'ya lang ay patawanin ako.
Nagawa ko siyang punahin.
"Ayos ang trip mo ngayon, pards, ah. Ang aga mo na namang sininghot ang arinola ng lola mo kaya hayan ang tama sa 'yo."
Natawa siya sa sinabi ko. Tumingin lang siya sa akin at nagpatuloy sa tila maganang pagkain.
"Oh, magandang umaga sa inyo mga bata," agaw eksena ng aking ina na si Bella. Ang mudra ko, kung makatawag sa amin ng 'bata' para kaming nasa Batibot. Kagagaling lamang ng mahal kong inay sa paglalako ng mga paninda nitong gulay na nasa bilao.
Dalawa lamang kami ng aking ina na magkasama sa munti naming tahanan. Bagaman lumaki ako na walang ama ay kontento naman ako sa buhay.
Si Matthew naman, tanging ang Lola Carmen nito at nakababatang kapatid na babae na si Amelia ang tanging kapamilya.
Kapwa payak lamang ang estado ng aming pamumuhay.
Pero sintaas ng Mount Everest ang mga pangarap namin ni Matthew sa buhay. Minsan ay sabay kaming nangangarap sa bubungan namin na balang-araw ay mararanasan din namin ang mahiga sa salapi.
Gustung-gusto ng aking mudra na nasa bahay si Matthew. Palibhasa'y sadyang makuwento at makuwela ang lalaki. At sa tuwina, nababanat ang kulubot na mukha ng aking ina na mas kulubot pa yata sa ampalaya sa tuwing napapatawa ito ng mga biro ni Matthew.
May dalang pansit si mudra at inihain niya iyon sa amin ni Matthew.
"Oh, 'ayan, iyang pansit na ang ulamin mo. Itabi mo na lang 'yang sigarilyo mo para may ulamin ka pa sa inyo mamaya," sabi ko.
"Bakit, p'wede na bang i-ulam ang sigarilyo ngayon?" takang tanong ng mudra ko na parang batang inosente. Muntik pang lumuwa ang mga mata sa laki.
Iminuwestra naman ni Matthew ang ginawa niya kanina. Sumubo ng kanin at sabay humitit muli ng yosi.
"'Lokong batang 'to," natatawang komento ni mudra. "Kung sana ay may 'pleybor' na adobo o kaldereta 'yang sigarilyo, baka puwede pa." Minsan si mudra ay nahahawa na sa pagiging palabiro ni Matthew.
Napuno ng tawanan namin ang loob ng bahay namin na para kaming tatlong mga baliw.