NAGLAKAD kami patungo sa isang maliit na eskinita na nasa isang metro lang ang lapad. May isang malaking bahay sa gawing kanan ng daraanan at sa gawing kaliwa naman ay mga simpleng bahay lang. May nakaharang na mataas na pader sa bawat gilid at may malaking puno ng manga sa gawing kaliwa. Pinagmasdan ko lang si Gio na naglalakad sa aking unahan habang nasa likuran ko sina Nana Andeng at Raffy. Nabanggit ni Gio na si Nana Andeng ay nasa sixty-five years old na ngunit may kalakasan pa rin habang ang kaniyang apo na si Raffy ay nineteen years old na. Nang marating naming ang gawing dulo ay namangha ako sa aking nakita. May tatlong bahay lang kasi ang nakatayo roon at kitang-kita ko ang malawalak na sakahan. Nang daanan namin ang isang bahay ay kumaway ang mga tao sa labas kay Gio at ngumiti

