MISTRESS-2

1049 Words
Palabas na siya ng university nang makita ang ama sa may kabilang kalsada, nakasakay ito sa kotse. Kumaway ito sa kanya. Ngumiti siya sa ama at kumaway din, saka tumawid ng kalsada para puntahan ang ama. Agad siyang sumakay sa passenger seat at mabilis na pinaandar ng ama ang sasakyan. Iniiwasan pa rin nilang may makapuna sa kanila. "Kumusta ang pag-aaral mo?" tanong ng ama sa kanya. "Ok naman po, Dad. Nasasanay na po ako sa mga bago kong kaklase, pati na sa unibersidad," sagot niya habang nakatingin sa labas ng bintana. Pinagsasawa ang mga mata sa magandang kapaligiran ng San Miguel. "Mabuti naman. Maaga natapos ang trabaho ko sa hardware kaya may oras tayo para kumain muna sa labas." "Kumusta po si Tita Asena?" "She's fine and actually may good news ako kaya sinundo kita para kumain sa labas." "Ano po 'yon?" excited na tanong niya sa ama. "Doon ko na sasabihin sa iyo," nakangiting sagot ng ama. "Sige po." Halatang masaya at kontento na ang ama sa bagong buhay nito. Deserved naman ng ama kung nasaan ito ngayon. Isa pa, hindi naman nagkukulang sa kanya ang ama, kaya wala siyang dapat ikatampo. Ginagawa naman lahat ng ama para sa kanya. Nakarating sila ng ama sa karatig bayan sa San Sebastian. Hindi kasi sila basta-basta pwedeng kumain sa kung saan-saan, baka may makakilala sa ama. Pumasok sila sa isang kilalang restaurant. May mga iilang tao sa loob at nakakasigurado siyang walang nakakakilala sa ama sa loob, kaya ligtas para sa kanila ang kumain doon. "Ano po 'yung good news, Dad?" excited na tanong niya sa ama habang kumakain. "Excited ka ah," biro ng ama at nagpunas ng bibig. Uminom muna ito bago muling nagsalita. Nag-abang naman siya rito. "Buntis ang Tita Asena mo, magkaka-anak na kami," masiglang balita ng ama. Hindi siya agad nakasagot. Nanatili siyang nakatingin sa ama. Magkakaanak ang ama sa asawa nito, mabubuo na ang pamilya nito. Hindi niya alam kung ano ang isasagot at kung ano ang mararamdaman. "Magkakaroon ka na ng kapatid, Bianca," masiglang patuloy ng ama. "Wow," sagot niya at pilit na ngumiti. "Congratulations po, Dad, sa inyo ni Tita Asena," sabi niya sa pinasiglang tinig. Hindi kasi siya ngayon sigurado kung masaya nga ba siya para sa ama, ngayong mabubuo na ang pamilya nito. Bigla siyang nakaramdam ng pag-aalala para sa sarili. Kung ano ang mangyayari sa kanya pag dumating na ang anak ng ama sa asawa nito. Napatingin siya sa ama na maganang kumakain. Halata niyang masaya ang ama. At sana, siya man ay maging masaya para sa ama. Nag-taxi siya pauwi ng Tragora Condominium. Hindi kasi siya pwedeng ihatid ng ama roon, baka may makakita sa kanila. Bago sila naghiwalay ng ama, nagsabi na ito na kailangan nilang mag-ingat ngayon, dahil mas lalong hindi pa daw ngayon ang tamang panahon para ipakilala siya kay Asena. Alam naman niya 'yon. Ayaw niyang makaapekto siya sa pagdadalang-tao ng asawa ng ama. "Excuse me," tinig ng lalaki ang nagpahinto sa kanya sa may lobby ng condo. Sinulyapan niya ang lalaking nakatingin sa kanya. Kumunot ang noo niya habang nakatingin sa gwapong lalaki. Oo, gwapo ito, at may malakas na appeal—'yan ang unang napansin niya sa kaharap. Tila namukhaan niya ang lalaki. Ito yata ang nakasabunggo niya sa entrance ng building noong isang araw. Oo, ito nga 'yong lalaki. Hindi basta-basta nakakalimutan ang ganito kagwapong mukha pag nakasalubong mo. Matangkad ang lalaki, may pagka-tan ang kulay ng balat. Gwapo— as in gwapo, 100% or more. Appeal same sa kagwapuhan nito. Manipis ang mga labi, matangos ang ilong, at ang mga mata nito ay titig na titig sa kanya. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang obvious na pagsuri nito sa kanya. Maganda naman ang suot niya. Uso ang ganitong pormahan sa San Miguel University—tight skinny jeans and loose crop top na sumisilip ang flat niyang tiyan. Isa pa, maganda siya, 'yan ang pagkakaalam niya. "Do I know you?" tanong niya sa lalaki. Kanina pa kasi siya sinusuri nito at masyado itong obvious. Ewan niya, pero kumabog ang dibdib niya. Bigla siyang kinabahan sa gwapong kaharap. Humakbang ang lalaki palapit sa kanya. Naamoy tuloy niya kung gaano ito kabango. Amoy mayaman ito. Mukha naman itong mayaman sa tindig pa lang at pananamit nito. Mukhang hindi naman nalalayo ang edad niya sa edad nito. He is attractive, to be honest. "No," sagot nito na walang emosyon. At tinitigan siya muli sa mga mata. Pakiramdam niya, hihimatayin yata siya sa mga titig nito. Hindi niya first time makakita ng gwapo, pero ito ang unang beses na may tumitig sa kanya nang ganito. "I'm Liam Villanueva," pakilala ng lalaki sa pormal na tinig. Lumalim ang kunot sa noo niya at napatitig sa gwapong kaharap na ilang hakbang lang ang layo sa kanya. "Can I talk to you?" tanong nito. "About what?" "About Bernard." "Bernard?" kunot-noong tanong niya, kasabay ang pagkabog ng dibdib niya nang marinig ang pangalan ng ama. "Bernard Titular," patuloy ng lalaki. Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang pangalan ng ama. "You are Bianca Tuazon, right?" tanong nito sa kanya. Tuazon ang apelidong dala niya, apelido ng kanyang ina, dahil 'yon ang narehistro sa ospital. At dahil hindi naman kasal ang Daddy niya sa Mommy niya, hindi na napalitan pa ang apelidong dala niya. Napalunok siya at napatitig sa lalaki. Bigla niyang naalala ang pangalang sinabi nito: Liam Villanueva. Villanueva ang apelido ni Asena, ang asawa ng Daddy niya. Na-kwento ng ama noon na may kapatid na lalaki si Asena. Hindi kaya ang lalaking kaharap niya ay kapatid ng asawa ng kanyang ama? Muli niyang tinignan ang lalaking kaharap, at pakiramdam niya hindi siya makahinga sa tensyon habang nakatingin sa mga mata nito. Nakita niyang napatiim-bagang ang lalaki at dumilim ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. Napalunok siya at wala sa sariling napaatras ng isang hakbang. Maaari bang ang lalaking kaharap niya ngayon ay ang kapatid ng asawa ng Daddy niya? At bakit galit ang mga mata nitong nakatingin sa kanya? Kilala ba siya ng lalaki bilang anak ng asawa ng kapatid nito? Hindi ba't naging maingat naman sila ng ama para walang makatuklas dito sa San Miguel sa tunay nilang relasyon? Eh bakit nasa harapan niya ngayon si Liam Villanueva na tila may galit kung titignan siya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD