Hindi niya maiwasan ang manginig at kabahan habang nakaupo, katapat ang lalaking kanina pa titig na titig sa kanya. Nanginginig ang mga kamay na dinampot ang baso ng tubig.
Niyaya siya ng lalaki sa isang coffee shop sa loob ng condo para mag-usap. Nais man niyang tumanggi para makaiwas, hindi niya nagawa. Kaya kahit takot na takot, sumama na siya.
"Obviously may idea ka na about Bernard Titular," sabi ng lalaki sa kanya.
"I-I don't know him," sinubukan niyang mag-deny kahit nanginginig ang tinig.
"Liar," agad na sagot ng lalaki sa kanya.
"I know who you are, Bianca, and I know kung ano ang relasyon mo kay Bernard!" mariing akusa nito, sa galit na tinig.
Nakakasigurado na siyang alam ng lalaking ito kung sino siya, at hindi ito ang tamang panahon para mabunyag ang lihim ng ama sa asawa nito, lalo na't magkakaanak na ang mga ito.
"I don't know what you're talking about, Mr.," sabi niya sa pilit na pinatatatag ang boses.
Akmang tatayo na siya para makaiwas nang biglang hawakan ng mahigpit ng lalaki ang kamay niyang nasa mesa, para pigilan siya sa pag-alis.
"Stay!" mariing utos nito sa kanya.
Napalunok siya at napasulyap sa kamay niyang mahigpit na hawak ng lalaki. Agad naman 'yong binitiwan ng lalaki nang mapansing hindi na siya aalis.
"We need to talk, Ms. Tuazon. Marami kang dapat ipaliwanag," sabi ng lalaki at inilapag ang brown envelope na bitbit nito.
Napatingin siya sa envelope. Kumunot ang noo niya.
"Anong ibig mong sabihin?" kunot-noong tanong niya, at aaminin niyang nakakaramdam na siya ng takot sa gwapong kaharap. Nai-intimidate siya rito.
"See for yourself," sabi nito at iniusog sa harapan niya ang envelope.
Matagal niyang tinitigan ang envelope at sinulyapan ang lalaking kaharap. Nahuli niya itong nakatitig sa kanya. Doble-doble tuloy ang kabog ng dibdib niya—takot sa laman ng envelope at kaba sa gwapong lalaking kaharap.
"Open it," utos nito sa kanya at hinila ang basong nasa tabi nito.
"Ano ba 'to?" tanong niya na hindi magawang hawakan ang envelope. Ewan niya, pero nakaramdam siya ng takot at panganib sa kung ano man ang nasa loob ng envelope.
"Bakit hindi mo buksan para malaman mo," sagot nito sa kanya.
"Sino ka ba?"
"I am Liam Villanueva," confident na sagot nito.
Nagpakilala na ito kanina. Villanueva ang apelido ni Asena. Posible kayang ang kaharap niya ngayon ay ang kapatid ni Asena?
"Buksan mo na," muling utos nito sa kanya habang hindi inaalis ang mga mata nito sa kanya.
Ewan niya, pero hindi niya mapigilan ang panginginig ng mga kamay. Nais man niyang mag-relax, patuloy pa rin ang panginginig ng mga kamay niya. At alam niyang nakikita ng lalaking kaharap ang panginginig niya.
Dinampot niya ang envelope at kinapa ang laman noon sa loob. Kumunot ang noo niya nang mahawakan ang tila mga photo paper—posibleng larawan ang laman ng envelope. Anong klaseng larawan naman kaya?
Sinulyapan niya ang lalaki na naghihintay sa kanya. Kinuha niya ang isa at inilabas. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang siya ang nasa larawan at ang Daddy niya. Kuha ang larawan sa condo building niya. Papasok silang mag-ama sa loob.
Nanginginig ang mga kamay na nabitawan niya ang larawan. Sinulyapan ang lalaking kaharap na nakatiim-bagang habang masuri siyang tinitignan. Masamang tingin ang pinupukol nito sa kanya.
"Tignan mo lahat!" mariing utos ng lalaki.
Napaptakip siya sa sariling bibig at iniling ang ulo. Alam na kaya ng lalaking ito ang relasyon nilang mag-ama? Ito marahil ang kapatid na lalaki ni Asena na nabanggit ng kanyang ama. Pero anong ginagawa nito? Pinasusundan ba nito ang Daddy niya?
Hindi ito ang tamang panahon para lumantad siya at makilala ni Asena. Nagdadalang-tao si Asena at baka makasama rito pag nalaman ang tungkol sa pagkakaroon ng anak ng pinakasalan nito.
"Tignan mo lahat!" pigil-galit na muling utos ng lalaki at hinila ang brown envelope. Inisa-isa nitong inilabas ang mga larawan sa harapan niya.
"Tignan mo!" mariing sabi nito.
Natigalgal siya sa mga nakitang larawan. Halatang pinasusundan ng lalaki ang Daddy niya. Maraming kuha sa condo, papasok at palabas silang mag-ama. May mga kuha sa unibersidad kung saan palihim siyang sinusundo ng ama. Pati ang palihim na pagkikita nila sa San Sebastian ay may kuha ng larawan.
"Don't even try na mag-deny pa. For sure kilala mo ang lalaking kasama mo sa mga larawan," matigas na sabi ng lalaki sa kanya.
Hindi siya sumagot. Wala siyang dapat sabihin sa lalaking ito. Masisira ang pamilyang binubuo ng ama. Siya, ok lang kahit mag-isa na lang matapos magka-pamilya ang ama. Kaya naman niya ang sarili, sanay siyang mag-isa. Huwag lang sana ang kanyang ama na ngayon pa lang nakakaramdam ng kaligayaan sa buhay.
Siya, bata pa siya, kaya pa niyang ayusin ang buhay niya. Pero ang kanyang ama, hindi na pabata. Kaya nga masaya siya nang makilala nito si Asena. Kwento kasi ng mga tiyahin niyang nag-aalaga sa kanya, mula daw nang mamatay ang kanyang Mommy sa panganganak sa kanya, wala nang ibang babaeng kinasama ang Daddy niya—until Asena. Kaya alam niyang mahal ng Daddy niya si Asena, at ayaw niyang siya ang maging dahilan sa pagkasira ng samahan ng mag-asawa.
Handa nga siyang maglahong parang bula para lang lumigaya ang kanyang ama.
"Pinasusundan mo ba kami?" garalgal na tanong niya.
"Obviously, yes!"
"Bakit?" galit na tanong niya sa lalaki. "Sino ka para pasundan kami?!"
Nagulat siya nang hilahin ng lalaki ang kamay niya sa mesa. Mahigpit ang pagkakahawak ng lalaki roon, at nasasaktan siya.
"Lower your voice," banta nito. Napalakas kasi ang boses niya sa pinaghalong takot at kabang nararamdaman.
"Kung ikaw, sanay ka sa eskandalo, huwag mo kaming idamay," patuloy nito.
"I am Liam, at kapatid ko ang asawa ng lalaking kasama mo sa larawan. Kaya may karapatan akong alamin kung ano ang relasyon n’yong dalawa ng bayaw ko!" sagot nito na pigil ang boses, halatang ayaw nitong may makarinig na iba sa pinag-uusapan nila.
"Bitiwan mo ako!" mariing sabi niya at pilit na hinihila ang kamay, pero hindi iyon pinakawalan ng lalaki.
"Tell me, Ms. Bianca Tuazon, are you Bernard’s mistress?"