Chapter 16

1714 Words
Maganda ang pagbati ng araw. Banayad ang langit katulad ng mga ibon na kalmadong lumilipad sa hangin. Ang sariwang hangin sa bukid ay masarap sa pakiramdam sapagkat ang lamig na binibigay nito ay nasasapawan ng katamtamang init sa pasikat na araw. Pinatong ni Dale ang isang kamay sa bintana habang ang isa naman ay hawak ang mainit na kape. Sa halip na sa condo umuwi ay tumuloy sila sa bahay ni Reggio. "Ano sa tingin mo Sid?" Nakasandal si Sid sa pader, uminom siya sa kaniyang kape. "Sa tingin ko wala silang kinalaman sa kaso mo." "Pa'no mo nasabi?" Lumapit si Sid sa laptop niya at pinakita sa kaniya ang larawan ng kaniyang mommy at daddy sa kasal. Lumapit ako upang silipin iyon. "Una, nalaman natin na ang mom mo ay dating miyembro ng Aquarius. Simula nang makilala nito ang dad mo, tumiwalag ito sa kanila. Sa tingin mo bakit?" Umupo si Dale sa kama. Malapit kay Sid. "Dahil isang abogado si Dad. Kilala ko si Dad, alam kong hindi nito gustong malaman na ang asawa niya ay isang miyembro ng ganoong klaseng organisasyon." "Tama. Paano mo naman ipapaliwanag 'to?" Pinakita naman ni Sid ang larawan ng dad niya sa bar kung saan may kasama itong babae at lalaki. "Kasama ng dad mo si Pi, ang lider ng Pisces." Tumango siya. "Baka may inaalam lang din si Dad." Lumingin si Sid sa kaniya. "Saka si Gonzalez? Hindi ba ito ang nakita mong bumaril sa dad mo? Kasama siya ng mga lalaking nakaitim na pumasok sa bahay niyo." Tumango siya ng may pag-aalinlangan. Hindi rin siya sigurado sa nakita niya. Hindi rin siya sigurado kung si Gonzalez nga ba iyon. Pero sigurado siya na tinutok ni Gonzalez ang baril nito sa ulo ng ama. "Oo, sa kaniya sumusunod ang mga lalaking nakaitim na 'yon. Ibig-sabihin siya rin ang may pakana ng lahat." "Pero tinanggi nito na siya ang pumatay sa dad mo." Tumango muli si Dale bago uminom ng kape. Noong nakalaban niya si Gonzalez, mariin ang pagtanggi nito na hindi talaga ito ang pumatay sa dad niya. "Pero kahit anong pagtanggi niya, siya pa rin at ang kasamahan niya ang umatake sa amin." "Totoo 'yon. Sigurado ako kung bakit nila kayo inatake. Mayroon silang hinahanap sa inyo. Maaaring may tinatago ang mga ito at naroon lahat iyon sa 'drive' na hinahanap niya sa dad mo." Humiga si Dale sa kama. Ginamit niyang pang-unan ang kaniyang mga braso. "Curious din talaga ako sa drive na 'yon." Pumikit siya. Kung ano man ang nasa drive na iyon, maaaring naglalaman iyon ng mahalagang impormasyon. "Pero patay na si Gonzalez, drive ang pakay nito. Hindi niya na madadala pa ang drive na 'yon sa hukay." Naramdaman ni Dale ang paghiga rin ni Sid malapit sa kaniya pero nanatili pa rin siyang nakapikit. "Ang nakikita kong suspek sa ngayon ay 'yong mga taong may malaking motibo." "Ako rin...." "Ang Pisces," magkasabay nilang sabi. Nagkatinginan silang dalawa. Sa ngayon, ang Pisces pa lang ang nakikita nilang may malaking dahilan para patayin ang kaniyang pamilya. Posible iyon dahil sa illegal na gawain ng Pisces. Maaaring ayaw ng mga ito na kalabanin sila ng ama niya tungkol sa pagbebenta ng ilegal na droga. Napatingin silang dalawa sa pinto nang bumukas iyon. Nilabas noon ang dalagang si Celine. "Ate Dale, Kuya Sid...bumaba na raw kayo nakahanda na ang almu—" Natigilan si Angela. Gulat na gulat ang reaksyon nito nang makita silang dalawa. Doon nila napagtanto ang posisyon nilang dalawa—pareho silang nakahiga habang magkaharap. Mabilis silang bumangon. "Ah sige tara na." Lumapit si Dale kay Celine. Hinawakan niya ang dalaga sa kamay at hinila na ito palabas. "Ikaw Sid?" Lumingon si Dale sandali sa lalaking nakaupo sa kama. "Sige, bababa na rin ako." Salo-salo sa hapag sina Dale, Sid, Reggio, Aling Lolit at Celine. Tahimik ang paligid at walang nagsisimulang magsalita. Patuloy lang sila sa pagsubo ng pagkaing niluto ni Aling Lolit para sa lahat. Iba't ibang pagkain ang nasa hapag. Mga pagkaing kadalasang nakikita tuwing almusal—itlog, tinapay, hotdog at tocino. May mga prutas din tulad ng saging at mansanas. "Ahem." Napalingon ang lahat sa umubong si Reggio. Kasalukuyan nitong hinihiwa ang hotdog sa kaniyang plato. "Ang tahimik niyo. Dale, balitaan niyo naman ako sa naging lakad ninyo." "Nakita na namin ang lider ng Aquarius." Nanlaki ang mata ni Reggio. Bakas sa mukha nito ang pagkagulat. "Talaga? Maswerte kayo, kakaunti pa lang ang nakakakita sa kaniya." "Iba na ang pinuno nito." Nilunok muna ni Reggio ang pagkain sa bibig bago magsalita. "Sino?" "Ang anak nitong babae." Tahimik lang na kumakain si Celine dahil wala itong alam sa mga nangyayari. Wala itong kaide-ideya sa buhay ni Dale at sa mga plano nito. Katulad niya, tahimik lang ding nakikinig si Sid sa pag-uusap nina Dale at Reggio. Sa dulo nakaupo si Aling Lolit—katabi si Dale. Tumayo ang matanda upang magsandok ng kanin. "Aba'y nasa'n na pala ang dating lider? Patay na?" tanong ni Aling Lolit habang kumukuha ng kanin sa rice cooker. Matagal nang kasama ni Reggio si Aling Lolit kaya naman ay halos alam na rin nito ang lahat ng nangyari sa buhay ni Reggio. "Siguro...hindi naman papalit ang anak nito sa kaniya ng walang malalim na dahilan," paliwanag ni Reggio. Nagpatuloy sila sa pagkain. Pagkatapos noon ay nabalot na naman ng katahimikan sa hapag-kainan. Nabasag lang ang katahimikan na iyon nang magsalita si Celine. "Ahhmm...A-ate Dale..." Lumingon silang lahat kay Celine. "Gusto ko pong puntahan si Papa bukas." Sinubo ni Dale ang panghuling hiwa ng hotdog sa plato niya, "Sige," walang pagdadalawang-isip na sagot niya. Gusto niya ring pumunta roon para makita niya muli si Yona. Natutuwa talaga siya sa batang iyon dahil sa taglay nitong ka-cute-an. "Maaga tayong aalis." "A-Ate, Salamat po." Bukod kay Yona, nais niya ring makitang masaya ang dalaga. Alam niyang sabik na si Celine na makita ang ama. Kahit sino naman na mapalayo sa sariling pamilya ay mararamdaman iyon. Kahit na hindi naging mabuti ama nito, alam niyang mahal pa rin nito ang ama. "Okay po." Tumayo si Reggio dahil tapos na siyang kumain. "Hindi na ako sasama sa inyo bukas. May gagawin pa ako rito sa bukid." "Sige." Tumayo na rin si Dale nang matapos siyang kumain. Sinundan niya si Reggio papunta sa sala. May gusto siyang itanong dito tungkol sa kaniyang ina. "Ano 'yon?" tanong ng matanda saka lumingon sa kaniya. Napahinto siya sandali. Hindi niya inaasahan na napansin ni Reggio ang pagsunod niya rito. Mahina lang ang paghakbang niya subalit naramdaman pa rin ni Reggio ang presenya niya sa likod. Hindi rin basta-basta ang matanda. "May itatanong lang ako." Umupo si Dale sa sofa na nakaharap sa puwesto nito. Malawak ang sala sa bahay nito kaya maging ang mga gamit doon tulad ng sofa ay malalaki rin para sumakto sa laki ng sala. "Hindi ba't magkaibigan kayo ni Mommy?" Tumango ang matanda. "Oo, higit pa sa kaibigan..." Napalunok si Dale ng laway sa kaniyang narinig pero nanatili siyang tahimik para ipagpatuloy ni Reggio ang sasabihin. "Higit pa sa kaibigan ang tingin ko sa mama mo. Minahal ko siya pero hindi ako nagkaroon ng pagkakataong sabihin ang nararamdaman ko sa kaniya..." Umupo si Dale nang maayos at saka tumitig kay Reggio na patuloy sa pagkukuwento. "Nagulat ako noong ibalita niya sa akin na sila na ng daddy mo. Wala akong kaalam-alam na matagal na pala silang magkakilala." Pilit na tumawa si Reggio. "Nakakatuwa nga lang kasi...'yong araw na nagpasya akong umamin sa kaniya ay ang araw rin na sinabi niya sa akin ang tungkol sa kanila ng ama mo." Napayuko si Dale. Kahit hindi siya ang nakaranas ng nangyari kay Reggio, nasasaktan pa rin siya para rito. Nakakalungkot ang naging kuwento nito. "Pero masaya na rin ako. Nakita ko na masaya siya kaya naging masaya na rin ako para sa kaniya." Napansin niya ang namumuong tubig sa mata ni Reggio. Marahil sobra ang pagmamahal nito para sa kaniyang ina. Kung siya ang nasa sitwasyon ni Reggio, magiging masaya na rin siya kung makikita niyang masaya rin ang kaniyang minamahal. "Palagi nitong kinukwento na mabait daw ang ama mo at isang abogado. Proud na proud siya habang kinukwento niya ang ama mo sa akin..." Huminga si Reggio nang malalim. "Isang araw nagpasya ito na umalis sa Aquarius, noong una pinipigilan ko siya dahil dilekado. Ayokong mamatay siya dahil sa rules ng Aquarius. Napakahigpit kasi ng Aquarius dati...Hindi ko lang alam sa lider nito ngayon." Napahawak si Dale sa mesa. Lumalalim na ang usapan nila. Marami pa siyang gustong malaman tungkol sa kaniyang ina. "Tapos?" "Tumakas kami. Nagtago sa Aquarius. Sa huli ay sinuportahan ko rin siya sa gusto niya. Gusto niya na raw kasing magbagong-buhay kasama ng ama mo." Tumango-tango si Dale sa nalaman niya. "Totoo ba 'yong rules na kapag umalis ka sa Aquarius, papatayin ka nila?" "Iyon ang pinaniniwalaan namin. Kaya nga hanggang ngayon ay nagtatago pa rin ako. Hindi ko alam kung totoo ba iyon o panakot lang para hindi mabawasan ang miyembro nito." Napaisip siya. Kung totoong panakot lang talaga ang rules na iyon, tatanggalin na nila sa listahan ang Aquarius. Wala itong motibo para patayin ang pamilya niya. Samantala, kung totoo naman ang rules na iyon dahil sa mahigpit ang dating lider nito, maaaring ang Aquarius talaga ang nasa likod ng pagkakamatay ng kaniyang pamilya. Tumayo si Dale. Sapat na ang kaniyang narinig tungkol sa ina. Lalakad na sana siya pabalik sa kuwarto subalit natigil siya dahil sa pahabol na salita ni Reggio. "Mabuting tao ang ina mo." Lumingon siya dito at seryosong sumagot. "Alam ko." Kahit kailan ay hindi naman niya naisip na masamang tao ang kaniyang ina. Kahit pa nang malaman niyang dati itong miyembro ng Aquarius. Sigurado siyang mabuti ang mommy niya dahil sa pagpapalaki nito sa kanilang dalawang magkapatid. Sa kanilang dalawa ni Angela. Pumasok si Dale sa kuwarto niya. Pasalampak siyang humiga sa kama at pinikit ang mga mata. Marami pang misteryo sa pagkakamatay ng kaniyang pamilya. Pero naniniwala siya na balang-araw ay malalaman niya rin ang totoo. Kahit marami pa ang humadlang sa kaniya. Kahit marami pa ang magtago ng katotohanan o kahit marami pa siyang maging kalaban, hindi siya titigil. Hahanapin niya ang totoong may sala. Kahit saan pa ito magtago ay sisiguraduhin niyang mahuhuli ito upang managot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD