Chapter 17

2691 Words
Kinabukasan... Katulad ng sinabi ni Dale, maaga silang nag-asikaso para puntahan ang ama ni Celine. Kasulukuyan nilang binabagtas ang eskinita papunta sa bahay ng dalaga nang mapansin nila ang kakaibang kinikilos ng mga tao—nagtatakbuhan, nagsisigawan at natataranta sa pag-alis ng lugar. Hinawakan ni Dale sa braso ang babaeng dumaan sa gilid niya. "Anong nangyari?" "M-May mga nagpapaputok ng baril do'n." Nanginginig ang labi ng babae habang sinasabi iyon sa kaniya. Tumakbo si Dale at hinanda ang kaniyang baril. Dumiretso siya sa lugar na tinuro ng babae. Iyon din ang lugar kung saan nakatira sina Celine. Napahinto si Dale nang makita ang duguang katawan ng ama ni Celine. Subalit mas lalo siyang nagulantang nang makita rin ang wala ng buhay na si Yona. Pinaputukan niya ang lalaking nakita niyang may hawak ng baril pero mabilis itong nakapagtago sa isang pader. Mayamaya ng kaunti ay nagpaputok din ang lalaki sa direksyon niya pero dumapa siya agad. Mabilis siyang naghanap ng matataguan. "A-Ate Dale." Lumingon si Dale kay Celine. Nakatulala ito habang nakatingin sa amang nakahandusay sa lupa. "Celine! Magtago ka!" sigaw niya pero hindi ito kumikilos. Hindi pa rin nakaka-recover ang dalaga sa nasasaksihan. Tumakbo siya palapit kay Celine at niyakap ito. Dumaplis sa balikat niya ang bala na para sana sa dalaga. "Tara!" Hinatak niya si Celine papunta sa likod ng pader na malapit sa kanila. "Dito ka lang," bilin niya at saka lumabas muli sa pinagtataguan. Tumulong na rin si Sid sa kaniya. Nakipag-palitan na rin ito ng bala sa lalaki. Sinamantala ni Dale ang pagkakataong iyon upang makalapit sa lalaki subalit bago pa man siya makalapit ay isang malakas na putok ang narinig niya. Natumba ang lalaking lalapitan sana niya. Tagos ang bala sa noo nito. "Mula sa likod ang nagpaputok ng bala! Dale! Magtago ka!" Pinagulong ni Dale ang sarili upang makaiwas sa sunod-sunod na pagpapaulan ng bala. Tumayo siya at saka tinakbo ang marupok na tulay papunta sa bahay ni Celine, doon siya magtatago. Mabuti na lang at hindi bumigay ang tulay na tinawid niya. Nang makapasok ay sinandal niya ang likod sa dingding at hinawakan ang balikat. Pinisil niya iyon upang pigilan ang dugong lumalabas sa sugat. Napakuyom siya. Ang hirap kalabanin ng taong hindi naman nila nakikita. Kung alam lang sana niya kung sino ang taong nasa likod ng pamamaril. Kung alam lang niya kung sino ang kalaban nila ay malaki ang advantage nila sa laban. Matagal nanatili si Dale sa pinagtataguan. Marami nang lumalabas na dugo sa kaniyang balikat. Subalit nais man niyang lumabas ay hindi puwede dahil napaka-dilekado nito para sa kaniya. Hindi niya alam kung saan ang lokasyon ng kalaban. Ilang minuto ang lumipas bago tumigil ang putukan. "Dale." Sumilip siya sa pinto. Nakita niya si Sid na may tama rin ng bala sa hita. Akay-akay siya ni Celine. "Anong nangyari?" "Natamaan ako ng sunod-sunod na pagpapa-ulan ng bala." Sumilip ulit siya sa labas. Sinuyod niya ang paligid na maaaring pagtaguan ng kalaban nila. 'Sino ba ang mga 'yon?' "Andiyan pa kaya sila?" tanong niya. Hindi alam ni Dale kung nag-iisa lang ang taong nagpakawala ng sunod-sunod na bala. Hindi niya alam kung nag-iisa lang ba ito o may kasama pang iba. "Mukhang wala na." Lumabas si Dale at nakita si Ed na hawak-hawak ang kapatid na si Yona. Dumikit na sa damit nito ang dugo mula sa katawan ng kapatid. Naawa siya kay Ed at nalulungkot din siya para kay Yona. Napakawalang-awa ng gumawa nito sa bata. Ang bata pa ni Yona para mamatay. Wala pa itong kamuwang-muwang sa mundo. Kung sino man ang may gawa ng bagay na iyon, balang-araw ay mananagot din ito. Ginawi niya ang tingin sa ama ni Celine. Wala na rin itong buhay at naliligo sa sariling dugo. "Papa," sabi ni Celine. Tumakbo ito sa ama saka iyon mahigpit na niyakap. Nalulungkot din si Dale sa sinapit ng ama ni Celine. Alam niya ang nararamdaman ngayon ni Celine dahil naranasan niya rin ang mawalan ng mahal sa buhay. Sabik pa naman ang dalaga na makita ang ama ngunit ito ang sasalubong sa kaniya. Samantala, habang nagluluksa sina Ed at Celine, dumating naman ang isang patrol. Nilabas non ang dalawang pulis. "Dale, may pulis." Lumingon si Sid kay Dale. "Kumilos ka lang ng normal." Sa totoo lang ay ayaw talaga ni Dale ang ma-involve sa pulisya dahil alam niyang mauungkat ang nangyari sa pamilya niya noon. Ayaw niyang mangialam ang mga pulis sa ginagawa niyang paghahanap sa totoong pumatay sa kaniyang pamilya dahil alam niyang magiging limitado ang kaniyang galaw. Siya mismo ang lulutas sa kasong iyon. Hindi niya iyon iaasa sa pulisya dahil mabagal ang aksyon ng mga ito. Subalit kahit anong iwas niya, darating talaga sila sa puntong iyon. Lumapit ang dalawang pulis sa kanilang dalawa. "Anong nangyari rito?" "May bigla na lang nagpaputok sa lugar na 'to," pagsisinungaling ni Dale. Umarte siyang nanghihina upang makita ng mga pulis ang tama niya sa balikat. Mabilis siyang inalalayan ng dalawang pulis. "Dalhin mo sila sa hospital," utos ng isang pulis sa kasama. Ang tinutukoy nitong dadalhin sa hospital ay silang dalawa ni Sid. "Sige po." Dinala sina Sid at Dale sa hospital ng isa sa mga pulis na dumating. Sina Ed at Celine naman ay wala pa rin sa sarili dahil sa nangyari. Hindi pa sila makausap nang matino. Magkasama sina Sid at Dale sa isang kuwarto. Habang nagpapahinga ang dalawa, pumasok ang dalawang pulis sa loob. Iyon din ang dalawang pulis na pumunta sa lugar nina Celine. "Kumusta kayo?" tanong ng pulis na balbas-sarado. Nakapamewang ito habang kaharap sila. "Okay naman na," sagot ni Dale. "Ako nga pala si Officer Ronald, puwede ko ba kayong ma-istorbo sandali? " "Sige," tipid na sagot ni Dale. "Oo nga pala, anong pangalan mo?" "Dale." Lumingon si Officer Ronald kay Sid. "Eh ikaw?" "Sid." Tumikhim muna si Officer Ronald bago magsalita. "May kilala ba kayo na maaaring gumawa nito?" Nagkunwaring walang alam si Dale. Ang totoo ay mayroon siyang pinaghihinalaan na maaaring gumawa noon. May hinala siya na ang pumatay sa ama ni Celine at kay Yona ay maaaring konektado rin sa pagpatay sa kaniyang pamilya. Nagpanggap si Dale na sumasakit ang balikat. Mabilis namang lumapit ang dalawang pulis sa kaniya. "Officer Ronald, sumasakit pa rin ang tama niya sa balikat." "Sige magpahinga muna tayo. Pero kailangan naming hingin ang ilan sa information niyo...para sa takbo ng kasong ito." Lumapit si Officer Ronald sa kaniya at bumulong. "Sa palagay ko ay may tinatago kayo." Nakangisi ito habang sinasabi iyon. Palihim na napakuyom si Dale. Makahulugan ang sinabi nito. Mukhang naghihinala ito sa kanila. Lumabas na sina Officer Ronald at ang kasama nito nang matapos kuhain ang ilan sa mga detalye ng kanilang buhay. Peneke ni Dale ang ilan sa kaniyang mga impormasyon. Lalong-lalo na ang pangalan ng mga magulang niya. Kapag nalaman ng mga ito ang kaugnayan niya sa pumanaw na pamilya, paniguradong mangingialam ang mga ito. Kapag nangyari 'yon, siguradong maaapektuhan din ang paghahanap niya sa taong pumatay sa pamilya. "Sid, ikaw na bahala." Ipapaubaya niya na ang paggawa ng pekeng dokumento kay Sid. Tutal, maaasahan naman doon si Sid. "Para mas maging kapani-paniwala ang impormasyon na binigay mo, dapat makita rin nila ang social life mo." Tama si Sid. Simula kasi nang mamatay ang pamilya niya, pagsasanay na lang ang inaatupag niya. Hindi siya nagpatuloy sa pag-aaral at wala rin siyang trabaho. Ang tanging inaasahan niya lang ngayon ay ang nakukuha niyang pera sa bank account niya. "Sige." Mukhang kailangan niyang baguhin ang routines niya para maniwala ang mga pulis na iyon na isa lamang siyang pangkaraniwang mamamayan. Pagkaalis nila sa hospital na iyon ay sisimulan niya nang maghanap ng trabaho para makumbinsi si Officer Ronald. Yumuko si Dale. Naalala niya si Yona. Bakit kailangang mamatay pa ang bata? Bakit kailangan pang madamay si Yona? Gunusot niya ang bedsheet. Hindi niya makakalimutan ang batang iyon. Minsan pa lang sila nagsama pero mahalaga na sa kaniya ang bata. Ito na nga ba ang iniiwasan niyang maramdaman! 'Tumigil ka na! Kung hindi ka titigil, madaday ang mga taong malapit sa 'yo!' May kinalaman ba ang sulat na natanggap niya sa pagpatay kay Yona at sa ama ni Celine? Pinatay ng mga ito ang dalawang inosenteng tao para patigilin siya sa paghahanap sa taong pumatay sa kaniyang pamilya. Tumayo siya. "Sid, aalis na tayo." Kung inaakala nilang susuko siya ay nagkakamali ang mga ito. Hinding-hindi siya titigil sa paghahanap ng katotohanan. "A-Ate Dale." Kasalukuyang kumakain sina Dale at ang iba pa sa bahay ni Reggio. Nadagdagan ang grupo nila ng isa dahil sa pagsama ni Ed. Matapos mamatay ni Yona ay Wala nang ibang inisip si Ed kundi ang hanapin ang taong pumatay sa kapatid. "Bakit?" Isang linggo na ang nakalipas matapos ang pangyayaring iyon subalit parang bago pa rin ito sa kanila. Hindi pa rin nawawala ang sakit sa mga puso nila lalong-lalo na sina Ed at Celine. "Gusto ko pong matutong makipaglaban." Magkatulad ng nararamdaman sina Ed at Celine. Galit at lungkot ang nangingibabaw sa dalawa. "Tuturuan kita. Pero sigurado ka na ba?" tanong ni Dale. Nasanay siya na siya ang tinuturuan. Ngayon ay dumating na ang araw na hindi na siya ang estudyante, siya na ngayon ang magtuturo. "Opo," sagot ni Celine. "Sige, pero hindi ako magiging mabait sa 'yo." Tumayo si Dale at nakipagtitigan kay Celine. Nakita niya naman na buo na ang pasya ng dalaga. Ito na ang pagkakataon niya na ibahagi sa iba ang natutunan kay Benjamin. "Bukas, magsisimula na tayo." Kailangan niya ring gawin iyon para maipagtanggol ni Celine ang sarili mula sa iba. Hindi habang buhay ay may taong tutulong sa kaniya. Hindi rin habang buhay ay kasama niya ang dalaga para maipagtanggol ito. Bumalik si Dale sa kuwarto. Sumunod sa kaniya si Sid. "Ano 'yon?" Sumandal si Sid sa pader. "Gusto raw tayo bisitahin ni Officer Ronald. May itatanong daw siya tungkol sa nangyaring barilan sa Josefa street." Nanatiling nakatingin si Dale sa labas ng bintana. "Ang totoo ay pinaghihinalaan niya talaga tayo." "'Yon din ang palagay ko." "Hindi nila puwedeng malaman kung sino ako. Sagabal lang sila sa paghahanap ko." "Naayos ko na ang dokumento at ang personal profile mo. Nahanapan na kita ng trabaho sa kakilala ko." Humarap siya kay Sid na nakaharap na sa laptop. "Anong trabaho?" "Gym instructor." Bahagyang ngumisi si Sid. "Hinanapan mo talaga ako ng trabaho na related sa pagpapalakas." "Gusto mo ba ang pagluluto? Kung gusto mo hahanapan kita ng restaurant na ikaw ang chef," pagbibiro ni Sid. "O kaya Zumba instructor." Seryoso siyang tumitig sa lalaki. "Tss. Huwag na. Okay na 'yon." Tama lang din ang napili ni Sid na trabaho para sa kaniya. Saktong-sakto sa abilidad niya. At isa pa, anong alam niya sa pagluluto at pagsasayaw? Ang alam niya lang gawin ay ang makipaglaban at magpalakas. Sa lahat ng trabaho, ang pagiging gym instructor ang bagay sa kaniya. "Eto, tingnan mo." Hinarap ni Sid ang laptop sa kaniya. "Hinanapan din kita ng bahay na malapit sa trabaho mo." Simple lang ang bahay na napili ni Sid. Dalawang palapag at gawa sa kahoy. Makaluma ang disenyo ng bahay na 'yon. Nagpaalam muna sina Sid at Dale sa lahat. Pupuntahan nila ang gym kung saan magta-trabaho si Dale. "Oh Sid, andiyan ka na pala!" Lumapit ang isang babae sa kanila na nasa mid-thirties na ang edad. Niyakap nito nang mahigpit si Sid. "Kumusta ka? Ngayon ka na lang ulit nakapunta rito ah." Matagal nang hindi nagpupunta sa gym si Sid kaya natuwa talaga ang babae nang makita ito muli matapos ang dalawang taon. Makikita sa katawan ng babae ang pagiging batak nito sa work-out. Kung hindi nga lang mahaba ang buhok nito ay aakalain ni Dale na lalaki ang lumapit sa kanila. "Teka, siya na ba 'yon?" Tumingin sa kaniya ang babae. "Ako nga pala si Rebecca. Kaibigan ni Sid." Nakipag-kamay ito sa kaniya. "Dale," pagpapakilala rin niya. Matapos ang saglit na pagpapakilala at pag-uusap ay pinakita sa kanila ni Rebecca ang buong gym. Ang mga kadalasang customer doon ay lalaki. Bibihira lang ang naliligaw na babae upang mag-work out doon. May mga matatagal na members na rin ang gym na iyon. "Huwag kayong mag-alala nasabihan ko na sila," sabi ni Rebecca na ang tinutukoy ay ang pagpapa-alala sa mga miyembro at instructor na ilihim na bago lang siya doon. "Mabuti naman," tipid na sagot niya. Kumpleto ang gym sa equipments—training bench, dumbbell, barbell, pull-up at iba pa. Tinuro rin sa kanila ni Rebecca ang kailangan nilang gawin tulad ng basic instruction sa mga new member. Pinaliwanag din sa kanila ang tungkol sa membership form, mga benefits at rewards kapag naging loyal ang customer sa gym. "Maliwanag ba?" Si Rebecca ang may-ari ng gym. Kung walang ginagawa ay isa rin siya sa nagiging instructor ng mga members. Dahil palaging laman ng gym, naging hasa at develop na rin ang kaniyang katawan. "Oo, maliwanag," sagot niya. "Madaling umintindi ang girlfriend mo Sid ah," natatawang sabi ni Rebecca. "Magkaibigan lang kami," magkasabay na sagot nila. Dumarami ang pumapasok sa loob kaya nagsimula na rin sila sa trabaho. Kilala ang gym na iyon. Nag-iisa lang iyon sa lugar kaya dinadayo ng maraming tao. "Dale, Sid. May pulis sa labas." Tumigil silang dalawa sa ginagawa nang pumasok sina Officer Ronald at ang isa pang pulis na palagi nitong kasama. "Dito ka pala nagta-trabaho," simula ni Officer Ronald. "Bakit?" tanong ni Dale. "Kailan pa kayo rito?" Tumingin si Officer Ronald kay Rebecca. "Ikaw ang may-ari nito diba?" "Oo. Dalawang taon na sila rito," sagot ni Rebecca. Pinag-krus ni Officer Ronald ang kamay at malalim na nag-isip. "Nagtataka kasi ako kung paano kayo nakarating sa Josefa Street...ang layo nito sa lugar na 'yon." Tumingin si Officer Ronald sa kanila na para bang nanunubok. Ngumisi si Dale. "Tss...dinalaw namin do'n ang tatay ni Celine." "Bakit? Kaano-ano niyo ba sila?" Kinuha ni Dale ang dumbbell at sinimulang gamitin iyon. "Tito ko." Tumango-tango si Officer Ronald at tiningnan ang profile ni Dale. Nakahinga nang maluwag si Dale. Mabuti na lang ay inaral niya ang pekeng profile na ginawa ni Sid. Kinabisado niya pa ang bawat detalye roon para hindi siya magkamali. "Pero..." Humawak si Officer sa baba at tumingala. "Base sa nalaman namin, kasama mo raw si Celine sa bahay mo?" "Oo," sagot niya habang patuloy sa pag-dumbbell. "Bakit?" "Tss. Sinasaktan siya ni Tito." "Ayon naman pala, bakit kailangan niyo pang dalawin ang ama ni Celine doon? Dahil sa sinabi mo, maaaring may motibo ka sa pag-patay sa ama niya. Puwedeng ginawa mo iyon dahil sa galit mo rito." Sinusubukan sila ni Officer Ronald. Alam iyon ni Dale base sa pag-ngisi nito sa kanila. "Maganda sana kung totoo ang sinasabi mo. Masaya ako kung mangyayari 'yon...Isa pa, hindi ko pipigilan si Celine na makita ang ama niya," sabi niya rin. Sinusubukan niya rin ang galing ng officer. Lumingin si Officer Ronald kay Sid. "Ikaw naman Sid...bakit kasama mo si Dale ng oras na 'yon? Kaano-ano mo ba siya?" "Kaibigan." "Hindi nga? Kaibigan lang ba talaga?" singit ng pulis na kasama ni Officer Ronald. "Manahimik ka, Gorrilla!" saway ni Officer Ronald. "Sir, Gorrillo po." Nangamot ito ng ulo at nagpatuloy na lang sa pagsusulat. Ito ang tagasulat ng mga impormasyong sinasabi nila. Matapos ang ilang mga tanong ay umalis na rin ang dalawang pulis. "Matalino ang Officer Ronald na 'yon," sabi ni Sid. "Kaya kailangan nating mag-ingat sa kaniya." Dumiretso sina Dale sa bahay na nahanap ni Sid para sa kanilang dalawa ni Celine. Pinalabas kasi ni Sid sa profile niya na magpinsan sila ni Celine. Doon niya na lang tuturuan ang dalagang makipag-laban tutal malayo rin naman sa mga tao ang lugar na iyon. Mapuno at madamo rin ang paligid. Tamang-tama lang upang magsanay. "Magaling ka talaga pumili Sid," papuri niya kay Sid nang matapos niyang tingnan ang loob at labas ng bahay. Bukas na bukas ay lilipat na sila ni Celine doon. "Eh, ikaw sa'n ka?" Sinuot ni Sid ang hood ng jacket. "May nahanap na rin akong bahay. Medyo malayo nga lang dito sa inyo." Tumango-tango siya. Wala na pala siyang dapat alalahanin dahil naayos na ni Sid ang lahat. "Pupunta na lang din ako rito paminsan-minsan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD