Sabado ng madaling araw nang makabalik sina Dale at Sid sa Pilipinas. Kasama nila sa kanilang pag-uwi sina Zach at Ziah.
Ilang araw na paghahanda ang ginawa nila bago nagpasyang simulan nina Sid at Dale ang kanilang pinaplano.
Tinawagan ni Dale ang taong kumontak kay Zach at nagpakilalang miyembro siya ng Aquarius. Sa plano nila, papalabasin nilang isa si Dale sa mga aaklas sa Aquarius. Magiging makatotohanan lang iyon kung magbibigay siya ng kapani-paniwalang impormasyon sa kausap.
"Kung totoong gusto n'yong pabagsakin ang Aquarius...mas maganda kung tatapusin niyo ang pinuno nito," pangungumbinsi ni Dale.
"H'wag kang mag-aalala, iyon talaga ang plano."
Gusto niyang kuhain ang tiwala ng taong kausap. Kaunting pang-uuto pa ay mapapaikot niya na ito.
Bago niya tawagan ang lalaki, sinigurado muna nilang lahat na hindi sila mate-trace ng kausap.
Sinubukan nilang gumamit ng espesyal na spyware para ma-locate ang kausap subalit mukhang matalino rin ito. Nag-iingat din ang taong iyon katulad nila.
"Bukas...pupunta kami sa Hollen Hotel. May kikitain si Boss. Maghanda ka. Tatawagan kita 'pag nandon na kami."
"Paano naman ako makakasiguro na nagsasabi ka ng totoo?"
"Gusto mo bang mapatay ang lider ng Aquarius o hindi?"
"Oo, gusto ko."
"Kailangan mong magtiwala."
Binaba ni Dale ang phone at tumingin sa tatlong kasama. Nagtanggal ang mga ito ng ear bud. Nakikinig din ang tatlo sa pag-uusap nila ng lalaki.
"Bukas, kailangan nating maghanda. Hindi natin alam ang mangyayari," sabi ni Dale. Umupo siya sa sofa at uminom ng kape.
"Are you sure na gagana 'to? Mukhang matalino rin ang lalaking 'yon. Uubra ba talaga 'to?" tanong ni Ziah. Halata sa pananalita nito ang pag-aalinlangan sa mga plano nila.
"Basta, ano man ang mangyari, manatili kayo sa plano," bilin ni Sid. Nakasandal si Sid sa pader. Hindi katulad ni Ziah, kampante si Sid na magagawa nila nang maayos ang plano.
Alam na nina Zach at Ziah na plano ni Dale na magpakita sa lalaki. Magpapanggap siya na 'siya' ang lider ng Aquarius. Siya ang magsisilbing decoy para ma-locate ang lalaki.
Lumingon si Dale kay Sid. Alam niyang napakadilekado ng plano nila. Maaari siyang mamatay sa gagawin niyang iyon pero wala na silang ibang pagpipilian pa.
"Magtiwala ka, gagana 'to."
Mahirap alamin ang posisyon ng mga sniper lalo na kung malawak ang lugar, kaya naman maaga pa lang ay inalam at inaral na ni Sid ang posibleng lugar na pagtataguan nito.
Sa tulong ng Boomerang o gunfire locator, malalaman nila ang pinagmulan ng bala. Mayroon itong pitong maliit na microphone sensor na tumutulong para masukat ang sound waves na nilikha ng pagbaril.
Kinabukasan nang makarating sina Dale, Sid, Zach at Ziah sa Hollen Hotel, inayos nila agad ang kanilang mga gagamitin katulad na lamang ng baril, sniper scope at ang gunfire locator.
Nakahanda na rin ang kanilang mga sarili. Lahat sila ay nakasuot ng bulletproof vest at cap para sa kanilang proteksyon. Hindi nila alam ang maaring mangyari kaya kailangan nilang mag-ingat. Nasa paligid lang ang kalaban at anumang oras ay maaari sila nitong barilin mula sa malayo.
"Nakahanda na ang lahat."
Tinawagan ni Dale ang kausap niya.
"Nandito na kami," bungad niya.
"Andito na rin ako kanina pa. Nasa'n kayo banda?"
Tumingin si Dale sa mga kasama upang iparating sa mga ito na simulan na nila.
Tumango si Sid at sinimulang kalikutin ang Boomerang. Pumunta na rin si Zach at Ziah sa kani-kanilang puwesto.
Sina Zach at Ziah ang magsisilbing tagapagmasid o watcher sa paligid. Sila ang titingin kung may kahina-hinalang pagkilos silang makikita. Dala-dala nila ang sariling telescope para obserbahan ang nasa malayo.
"Sa likod, nakakulay pula ang target mo," sabi ni Dale sa kausap.
"Copy."
Lumabas si Dale at naglakad papunta sa likod ng hotel. Bukod sa hotel na pinasok nila, marami pang ibang gusali ang naroroon at isa sa mga gusali na iyon ang maaring lugar na pinagtataguan ng lalaki.
Nilibot niya ng tingin ang paligid. Pinili talaga nila ang lugar na iyon dahil hindi masyadong matao. Perpektong lugar iyon para gawin ang plano nila. Wala ring mga cctv at guwardiya sa paligid dahil sa bandang likod iyon ng hotel, parte na hindi masyadong binibigyan ng atensyon.
Inayos ni Dale ang suot na ear bud. Kailangan niya iyon para magkaroon siya ng contact sa iba lalo na sa instruction na ibibigay ni Sid kapag na-trace niya na ang pinagtataguan ng kalaban.
Inikot niya ang suot na bulletproof cap. Kahit nakasuot siya ng cap na iyon, hindi pa rin siya kampante na magiging ligtas siya sa ganoong lagay. Wala pa ring kasiguraduhan na hindi siya matatamaan ng bala, paano kung sa bandang likod siya puntiryahin? Paano kung sa kaliwang bahagi ng kaniyang ulo? Hindi niya alam ang puwedeng mangyari.
Nakahanda na silang lahat sa kani-kanilang posisyon. Hinihintay na lang nila ang pagputok ng baril at pagtama nito sa decoy na si Dale.
Huminga si Dale nang malalim. Aminado siyang kinakabahan sa mangyayari. Nakasalalay sa gagawin niya ang pagtatagumpay ng plano nila.
Handa na rin si Sid sa puwesto niya. Sa oras na magpaputok ang lalaking kausap, malalaman na niya ang lokasyon nito.
Nagbaba si Sid ng tingin. Nasa taas kasi siya nakapuwesto kaya madali lang para sa kaniya na malaman ang nangyayari sa ibaba.
Makalipas ang isang minuto, malakas na putok ng baril ang narinig nila. Napalingon sina Zach at Ziah kay Dale na bumagsak sa lupa.
"Ngayon na!" sigaw ni Sid. "Sa 2nd floor ng Mega Hotel, kaliwa!" dugtong ni Sid nang malaman niya ang eksaktong posisyon ng sniper.
"Dale!" Nakaramdam ng takot si Ziah nang makitang hindi gumagalaw si Dale sa lupa. Usapan nila na kapag sinabi ni Sid ang lokasyon ng sniper ay agad itong tatayo upang puntahan iyon. Hindi kaya patay na si Dale? Bakit hindi ito gumagalaw?
Tumakbo si Ziah papunta sa direksyon ni Dale. Halos talunin na niya ang hagdan sa pagmamadali. 'Hindi puwedeng mamatay si Dale dahil kailangan pa nila ito!'
"Ziah, sandali!" pigil ni Sid.
Hindi pinansin ni Ziah ang boses ni Sid sa ear bud na suot. Gusto niyang makasigurong buhay pa si Dale dahil ito ang maaring makatulong sa kanila.
"Dale?"
Tinihaya ni Ziah ang nakadapang decoy sa lupa pero laking-gulat niya nang malamang hindi iyon si Dale. Isa lamang iyong human size mannequin na parehong-pareho sa hulma ng katawan ni Dale.
"Sid, nasa'n siya?" tanong niya kay Sid subalit hindi nito sinagot ang tanong niya.
"Umalis ka sa lugar na 'yan! Dilekado!" utos ni Sid sa linya.
"Ziah, makinig ka kay Sid!" sabi rin ni Zach na kanina pa nag-oobserba at nakikinig sa mga nangyayari.
Dala na rin ng takot, sumunod na lamang si Ziah sa utos nina Sid at Zach. Tumakbo siya papasok ng hotel at nagtago roon.
Nagpunta si Sid sa second floor ng Mega Hotel. Pinasok niya ang nakabukas na pinto ng isang kuwarto. Doon ay nakita niya si Dale at ang isang lalaking wala ng buhay.
Nakabulagta ang lalaki sa sahig at may tama ng baril sa noo. Nasa tabi nito ang Barrett M82—isang semi-automatic rifle.
Dumating din sina Zach at Ziah sa loob ng kuwarto. Bakas ang pagtataka sa mukha ng mga ito.
"What happened?" tanong ni Zach.
"Pagdating ko, wala na siya," sagot ni Dale.
"Dale, ba't 'di mo sinunod ang plano?" tanong ni Ziah.
"Ito talaga ang plano..." sabat ni Sid at saka sumandal sa pader. "Kaso hindi ko inaasahan na mangyayari 'to." Malalim na nag-isip si Sid habang tinitingnan ang lalaking nasa sahig.
"Pero pa'no nangyari 'yon?" Hindi kumbinsido si Ziah sa nangyari. Nagtataka siya kung sino ang naglagay ng decoy roon.
"Nakalagay na ang decoy na 'yon bago pa pumunta roon si Dale," paliwanag ni Sid.
"Kailan pa 'yon nandoon?" tanong muli ni Ziah.
"Kahapon pa. Matagal na namin pinag-aralan ni Sid ang lugar na'to." Si Dale naman ang sumagot kay Ziah.
Wala sa plano nina Sid at Dale na patayin ang lalaki. Gusto nila itong mahuli ng buhay upang tanungin. Nagtagumpay nga sila sa plano na malaman ang lokasyon nito pero bigo silang tanungin ito. Hindi na nila magagawa pang makakuha ng impormasyon sa lalaki dahil patay na ito.
Bumaba silang lahat upang tingnan ang decoy. Lumapit doon si Sid at tiningnan iyon nang mabuti.
"Base sa angulo at posisyon ng bala sa ulo ng decoy..." Tumayo si Sid at tumingin sa kanila. "Hindi ito tumutugma sa lokasyon kung nasaan ang lalaki. Hindi galing doon ang bala kundi sa ibang direksyon."
"Sigurado ka ba Sid?" tanong ni Dale.
Tumango si Sid. Noong nasa silid pa sila, tinandaan niya ang uri ng rifle na gamit ng lalaki. Hindi rin iyon tumutugma sa balang tumagos sa ulo ng mannequin. Kaya sigurado na siyang hindi ang lalaki ang bumaril doon kundi may iba pa. At maaring ang tao ring iyon ang pumatay sa lalaki.
Lumakad si Sid palapit sa isa pang balang nakita niya sa malayo. Gumamit siya ng panyo upang tingnan iyon.
'Tama nga siya, dalawang tao ang nagpaputok ng baril.'
Tumingala si Sid upang tingnan ang pinanggalingan ng isa pang bala. Ang balang hawak niya ay ang galing sa lalaking natagpuan nilang patay. Ang bala namang tumagos sa ulo ng decoy ay galing sa lugar na tinitingnan niya.