Magkaharap sina Sid at Dale. Pareho nilang sinusukat ang isa't isa. Nakahanda na sila sa laban subalit pareho silang naghihintayan kung sino ang unang susugod.
"Mauna ka na," utos ni Dale kay Sid. Katulad ng lagi niyang ginagawa, ugali talaga ni Dale ang mang-utos.
Sa pagkakataong iyon ay hindi sumunod si Sid sa sinabi ni Dale, "Hindi, mauna ka na." Hindi rin kasi nito ugali ang nauunang sumugod sa laban.
"Ikaw ang bahala." Tumakbo si Dale papunta kay Sid. Nagpakawala siya ng suntok subalit binaba niya agad iyon nang mapansin ang gagawing pagsalag ni Sid. Sa halip na suntok ay nagpakawala siya ng sipa upang patamaan ang tuhod nito.
Tumalon si Sid kaya naiwasan niya ang sipang iyon ni Dale.
Dahil sa pag-iwas ng lalaki, tumama sa hangin ang paa niya. Ayaw niyang masayang ang sipa na pinakawalan kaya sa halip na ibaba ang paa, kinabig niya pakaliwa ang paa sa direksyon ng lalaki.
Tinuhod ni Sid ang paa niya kaya napaatras siya nang kaunti.
'Muntik na siya! Hindi nga siya nagkamali, totoong magaling si Sid makipaglaban.'
"Kaya lalo akong nagtataka kung bakit ka ganiyan kagaling," sabi ni Dale at saka pumorma muli.
"Papuri ba 'yon o paghihinala?" Tipid na ngumiti si Sid. Hinihintay nitong mauna muling sumugod ang babae.
Tumakbo si Dale. Umikot siya at pumuwesto sa likod ni Sid. Nagawa naman niyang pumunta sa likod ni Sid pero laking-gulat niya nang makaikot agad ito upang humarap sa kaniya. Halos sabay lang sila ng galaw.
Ang suntok niya na para sana sa likod ni Sid ay walang kahirap-hirap nitong nasalag gamit lamang ang kamay.
"Mabilis ka," papuri ni Dale. Binawi niya ang kamao sa palad ng lalaki.
Umatras siya nang kaunti para makabwelo muli sa pagsipa subalit paulit-ulit lang iyong nasasalag ni Sid gamit ang mga kamay, maging ang mga paa.
Nag-back-flip siya. Kailangan muna niyang dumistansiya sa lalaki dahil masyado nang maliit ang kaniyang galaw. Ayaw na ayaw niyang maging limitado ang kaniyang galaw sa tuwing nakikipaglaban. Malawak naman ang silid na iyon, kaya puwedeng-puwede nila iyong sakupin sa pakikipaglaban.
Tumayo nang tuwid si Sid. Hinihintay ang muling pagsugod ni Dale.
"Bakit?" tanong nito dahil umatras siya.
"Wala, tuloy lang."
Hindi na muna siya gumalaw sa puwesto. Hinintay niyang si Sid ang maunang sumugod. Napansin niya kasi na siya na lang ang laging nauuna. Puro depensa lang ang ginagawa nito kanina pa.
"Ikaw naman." Gusto niyang malaman ang ilan sa moves nito. Mabuti iyon upang mapag-aralan niya kung paano ito lumaban.
"Sabi mo eh."
Akala niya tatakbo si Sid para sugurin siya. Hindi ito tumakbo sa halip ay naglakad lang ito palapit sa kaniya.
Nagtaas siya ng kilay pero hindi niya inaasahan ang sunod na ginawa ni Sid.
"Expect what is unexpected," makahulugang sabi ni Sid habang nakatingin sa kamao nito na malapit sa kaniyang tiyan.
Kung tinuloy ni Sid ang suntok na iyon, marahil umaaray na siya sa sakit.
Ang pagkakamali lang niya ay masyadong naging malaki ang ekspektasyon niya sa gagawin ni Sid. Akala niya ay kakaibang galaw ang ipapakita nito kaya hindi niya inasahan na simpleng suntok lang ang gagawin ng lalaki.
"Hindi lang lakas ang kailangan, kailangan din ng talino."
Naalala niya ang sinabi sa kaniya ni Benjamin. Parehong-pareho ang sinabi ni Sid sa sinabi sa kaniya noon ni Benjamin.
Bilin ni Benjamin sa kaniya, 'Hindi lang lakas at bilis, kailangan mo ring isahan ang kalaban.'
Katulad na lang ng laban nila ni Sid, inisahan siya nito sa pamamagitan ng pinakitang simpleng galaw. Marahil alam nito ang tumatakbo sa isip niya. Alam nito na naghihintay siya ng kakaibang galaw. Sa totoo lang, ang akala niya talaga ay iikot, sisipa o kaya naman sa likod siya pupuntiryahin ni Sid. Hindi niya talaga inaasahan na sa harap lang siya nito balak suntukin.
Nagbaba siya ng kamao. Natapakan man ang pride niya sa labang iyon, kailangan niyang aminin na natalo siya. Nalinlang siya ni Sid. Aaminin niyang magaling si Sid sa pagkakataong iyon.
"Aminin mo, sino ka ba talaga?"
Sa sandaling laban na iyon ay napansin niya ang pagkakatulad ni Sid kay Benjamin. Ang pigura ng katawan nito, ang paraan ng pagsalag nito sa mga suntok at sipa niya at ang pagiging misteryoso nito ang lalong nagbigay sa kaniya ng ideya na maaaring si Sid at Benjamin ay iisa.
Lalong pang tumindi ang paghihinala niyang iyon dahil sa sinabi nito sa kaniya. Pero paano? Tanda niya ang boses ni Bemjamin. Sa boses pa lang ni Bemjamin ay makikilala niya na ito agad. Kung si Sid ay si Benjamin, dapat pareho rin sila ng boses. Maliban na lang kung binabago ni Benjamin ang paraan ng pagsasalita nito sa tuwing kaharap siya.
"Benjamin?" panunukat niya sa lalaki.
"Huh?" tanong nito. Bakas ang pagtataka sa mukha ni Sid. Kinuha nito ang pitsel sa ref at nagsalin sa baso.
"Hindi na mahalaga kung sino ako, basta palagi akong nasa panig mo." Tuloy-tuloy nitong tinungga ang malamig na tubig sa kaniyang baso. Nang maubos ang tubig, napalakas ang pagbaba nito ng baso sa glass na mesa. Nagkaroon iyon ng maliit na sira.
"Hindi mo maiaalis sa akin na hindi magtiwala sa'yo...hindi ko nga alam kung taga-sa'n ka."
"Malalaman mo rin sa tamang oras."
Lumapit si Dale kay Sid upang kuhain sa tabi nito ang pitsel. Nauhaw rin siya sa naging laban nila ni Sid.
Kung iisa lang ang katauhan ni Sid at ni Benjamin, walang kaso iyon sa kaniya. Magpapasalamat pa nga siya dahil naging malaking parte ng buhay niya si Benjamin. Ang dami na nitong tinulong sa kaniya.
Tumingala siya upang makita ang mukha ni Sid. Binalik nito ang suot na jacket na tinanggal nito bago sila maglaban. Binalik din nito sa tainga ang palaging suot na hikaw. Ginto ang hikaw nito, maliit lang kaya hindi niya masiyadong makita ang mga detalye.
"Ba't lagi mong suot 'yan?" tanong niya. Mas mukhang bagay pa rito ang hikaw kumpara sa kaniya. Wala kasi siyang suot na hikaw dahil hindi naman siya mahilig sa mga accessories sa katawan. 'Sagabal lang iyon sa pakikipaglaban niya.'
"Kung hindi lang kailangan, hindi ko rin ito isusuot."
Nagtaka siya sa sinabi nito.
"Paanong hindi kailangan?"
Tumikhim si Sid. "Para malaman mo na ako 'to."
Lalo siyang naguluhan sa sinabi ni Sid. Makikilala niya naman ito kahit walang suot na hikaw. 'Pang-porma lang ata 'yon, hindi na lang aminin."
Umupo siya sa sofa at binuksan ang telebisyon. Nilaro-laro niya ang remote nang wala siyang makitang magandang show. Nakakabagot ang araw na ito sa kaniya dahil para lang silang nakakulong sa isang hawla. Hindi kumpleto ang araw niya kapag hindi siya lumalabas o nakikipaglaban man lang.
Wala rin naman siyang hilig manood ng kung ano-anong palabas tulad ng romance at teens love story. Manonood lang siya kung may saysay ang palabas na iyon o kaya naman kung tungkol iyon sa mga maiinit na balita sa lipunan—reyalidad, krimen at korupsiyon. Wala rin siyang interes sa mga buhay ng artista o mga sikat na personalidad liban na lang kung ang taong iyon ay may kinalaman sa politika.
Pinatay niya ang telebisyon nang magsawa siya sa kalalaro ng remote. "Matutulog lang ako," paalam niya kay Sid saka binagsak ang katawan sa sofa.