Chapter 1
Pinagmasdan ko ang sarili sa salamin at napangiti ako nang makita ang kaakit-akit kong anyo.
Ito ang araw ng kasal namin ni Zoren, kaya naman labis ang saya ko dahil sa wakas ay tinupad na niya ang pangako niya sa aking pakakasalan ako.
Dumako ang mga mata ko sa suot kong kwintas sa aking leeg. Bigay niya iyon sa akin noong panahong inaaya niya akong sumama sa kaniya na makipagtanan.
"Sumama ka sa akin, Laura!" aya sa akin ni Zoren.
"Natatakot ako, Zoren!" nalilitong sagot ko sa kaniya.
"Wala kang dapat ikatakot Laura dahil mayroon akong sariling bahay at magandang trabaho. Kayang-kaya kitang buhayin at tinitiyak ko sa iyong mamumuhay ka bilang isang reyna sa loob ng ating tahanan."
Nalilitong tumingin ako sa kaniyang mukha at nakita ko ang kaseryosohan sa kaniyang sinabi.
"Pero hindi pa ako tapos sa pag-aaral ko, Zoren" Ipinatong niya sa bibig ko ang kaniyang dalawang daliri sa kamay.
"Ipagpapatuloy mo ang pag-aaral mo, pangako!" Kinabig niya ako palapit sa kaniyang katawan at saka mahigpit na niyakap niya ako.
"Natatakot ako, Zoren. Hindi ba't parang ang bata ko pa para sumamang makipagtanan sa iyo?"
"May tiwala ka naman sa akin, 'di ba?" Itinaas niya ang ulo ko paharap sa kaniyang mukha.
Tumango ako bilang tugon sa kaniyang tanong.
"Sumama ka sa akin, Laura. Pangako, hinding-hindi ka magsisisi sa pagsama mo sa akin."
"Zoren..." nalilitong usal ko.
"Pakakasalan kita, Laura!" pangako pa niya sa akin. "Ikaw, ako, kasama ng magiging mga anak natin ay masayang mamumuhay magpakailanman."
Dala nang pagrerebelde ko sa pamilya, hindi na ako nagdalawang isip pa na sumama kay Zoren.
Kagaya nga nang ipinangako sa akin ni Zoren, makalipas ang isang buwan naming pagsasama ay itinakda ang aming kasal.
Muli kong tinitigan ang sariling replika sa harap ng salamin at tila nakita ko roon ang nakangiting mukha ng namayapa kong ina.
Marami sa mga nakakakilala sa aking ina ang nagsasabing kamukha ko raw siya. Mula sa kaniyang mga pilikmata hanggang sa mapupulang mga labi nito ay namana ko raw ang lahat ng iyon. Sinasabi nga nila na ako raw ang half version ni Mama.
Hindi ko naiwasang mapaluha nang maalala ko ang namayapang ina.
"I miss you, Mama!" piping bulong ko sa hangin.
"Laura?" tawag sa akin ni Rachel mula sa likuran ng pinto kasabay nang pagkatok roon.
"Sandali lang!" pasigaw kong anas sa kaibigan.
Kumuha ako ng tissue paper upang punasan ang mga luhang nagkalat sa aking pisngi.
Humakbang ako palapit sa may pinto at binuksan ko iyon upang harapin ang kaibigan ko.
"Halika na, Laura! Baka mahuli pa tayo sa kasal niyo ni Zoren," aya sa akin ni Rachel.
Siya ang kinuha ko bilang isa sa mga saksi sa kasal namin ni Zoren dahil siya lang ang nakauunawa sa akin sa tuwing naglalabas ako ng hinanaing sa kaniya.
"Sandali at kukunin ko muna ang pouch ko." Akmang tatalikod na ako nang sumabit ang buhok ko sa suot kong kwintas.
"Kung kailan naman nagmamadali tayo, saka pa talaga sumabit ang buhok mo sa kwintas," naiiling na wika ni Rachel.
"Pakitulungan mo nga akong alisin ito para makaalis na rin tayo," pakiusap ko sa kaibigan.
Tinulungan ako ni Rachel na alisin ang sumabit kong buhok sa kwintas ngunit hindi naging madali.
Naisip kong hubarin na lamang ang kwintas upang lubusang maalis ang pagkakabuhol ng buhok ko roon.
Pareho kaming napasinghap sa gulat ni Rachel ng bigla na lamang napigdas ang kwintas kahit hindi pa namin iyon nahahawakan.
"Oh my, God!" bulalas ni Rachel saka nag-antandang krus. "Diyos ko, Laura! Isang masamang pangitain!"
"Ano ka ba naman Rachel, ang tanda na natin para maniwala pa sa mga kasabihan," suway ko sa kaibigan.
Hindi ko alam kung si Rachel nga ba ang pinaglulubag ko ang kalooban o ang sarili ko mismo. Bigla na lang din akong kinilabutan sa 'di malamang dahilan.
"Alis na nga tayo!" Tinalikuran ko si Rachel upang lumapit sa kabinet kung saan nakapatong ang pouch ko.
Yumukod ako upang damputin ang nalaglag kong gamit sa sahig. Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang pagkapunit ng suot kong damit.
"God!" nahihintakutang bulalas ni Rachel.
Agad siyang tumakbo palapit sa akin saka mahigpit akong niyakap nito.
Gusto ko nang maiyak ng mga sandaling iyon ngunit pinili ko pa rin kumalma.
"Rachel, pakitulungan mo naman akong tahiin itong damit ko," gumagaralgal ang boses kong pakiusap sa kaibigan.
"O-oo!" naiiyak niya namang tugon.
Ilang sandali pa at naging abala na kaming dalawa sa pagtahi ng damit kong nasira.
Nang matapos kaming dalawa ni Rachel, mabilis kaming lumabas ng bahay at saka nagpara ng taxi. Sa kasamaang palad, naipit kami ng trapik sa daan.
"Late na tayo, Laura!" nag-aalalang wika ni Rachel.
May isang oras na akong late at panay na rin ang tawag sa akin ni Zoren sa cellphone.
"Nasaan ka na ba, Laura?" may bahid inis ng tanong ni Zoren mula sa kabilang linya.
"Malapit na!"
"Ga'no na ba kalapit ang malapit na iyan? May isang oras ka ng late at nakakahiya na sa judge na magkakasal sa atin," naiinis ng wika nito.
"Naipit kasi kami sa traffic. Pero malapit na talaga kaming dumating diyan ni Rachel. Pasensiya na!" hinging paumanhin ko kay Zoren.
Narinig ko ang paghugot nito ng malalim na buntonghininga. "Ikaw ang ikakasal na parang hindi excited sa araw ng kaniyang kasal."
Pinatay na ni Zoren ang tawag niya matapos sabihin sa akin ang mga katagang iyon.
Gusto kong maiyak dahil pakiramdam ko ay pagkamalas-malas ko. Nataon pang sa araw ng kasal ko nangyayari ang lahat.
"Laura..." Nilingon ko ang kaibigang si Rachel at nakalahad ang isang palad na may hawak na panyo.
"Salamat!" Inabot ko ang panyo mula sa kaniyang kamay.
"Huwag ka sanang magagalit sa sasabihin ko, pero sigurado ka na ba talaga sa desisyon mong magpakasal?" tanong sa akin ni Rachel.
"Ano ang ibig mong sabihin?" balik tanong ko naman sa kaniya.
"Baka naman kaya nangyayari sa iyo ang mga kamalasan ay dahil pilit kang inililigtas sa mas malalang kamalasan na maaari mong sapitin sa hinaharap," paliwanag pa sa akin ni Rachel.
"Matagal na akong minamalas magmula nang mamatay ang aking ina. Si Zoren lang ang taong tumulong sa akin na makabangon at muling mahalin ang sarili ko. May tiwala ako sa kaniya at wala akong nakikitang dahilan para hindi ko siya pakasalan," seryosong turan ko sa kaibigan.
"Kaibigan mo ako Laura at alam mong nag-aalala rin ako sa iyo. Masyado pa tayong mga bata para sa buhay na gusto mong pasukin. Pero kung desidido ka na talaga, nandito lang ako lagi para suportahan ka."
"Rachel..." Naluluhang niyakap ko ang kaibigan at saka nagpasalamat sa kaniya.
"Tandaan mo Laura, hindi pag-aasawa ang sagot sa isa mo pang problema," bulong pa sa akin nito habang masuyong hinahagod ang aking likuran.
"Alam ko, Rachel! Alam ko!" sagot ko sa kaibigan. "Pero kailangan kong panindigan ang desisyong ito."