“Lasing ka na naman!" asik ko kay Zoren, pagpasok pa lamang niya sa may pintuan.
"Ano bang pakialam mo?" inis niyang tugon sa akin.
"Asawa mo ako kaya may pakialam ako!"
"Tsk! Baka nakakalimutan mo Laura, dakilang palamunin lang kita rito." Humakbang siya palapit sa akin saka dinuro-duro niya ang sentido ko.
Napaluha ako sa kaniyang ginawa. Pakiramdam ko ay naalog ang buong ulo ko sa mariing pagkakalapat ng kaniyang daliri.
"Sana pala hindi na lang kita itinanan, puro kamalasan lang dinala mo sa buhay ko," ani pa nito saka humakbang siya papasok sa loob ng kusina.
Sa pag-aakalang si Zoren ang taong magliligtas sa akin mula sa malupit kong mundo, sumama ako sa kaniyang makipagtanan at magpakasal.
Sa umpisa ay maayos ang pakikitungo niya sa akin ngunit paglipas ng ilang buwan matapos naming ikasal ay lumabas ang tunay na ugali nito.
Ang pangako niyang pag-aaralin ako ay hindi natupad. Hindi ko na raw kinakailangan pang mag-aral dahil nasa loob lang din naman ako ng bahay.
Madalas pa kaming nagtatalo kahit wala namang kabuluhan ang aming mga pinagtatalunan. Umuuwi siyang lasing gabi-gabi at kapag hindi ako sumusunod sa kaniya ay sinasaktan niya ako.
Pilit niya akong inaangkin kahit pa nga masama ang aking pakiramdam. Para lang akong isang laruan na kung kailan niya gustong laruin ay saka niya lamang lalaruin.
Napaigtad ako sa pagkakatayo nang tumalsik sa paanan ko ang kaldero. Natutulalang pinagmasdan ko ang sumabog na kanin sa sahig pati na rin ang tuyo na siyang ulam dapat namin.
"Bw*sit na buhay 'to!” malakas na sabi ni Zoren.
Hindi ko napigilang maiyak dahil sa panghihinayang sa nagkalat na pagkain.
“Bakit iyan na naman ang pagkain na niluto mo?" pabulyaw niyang tanong sa akin.
"I-iyan lang kasi ang kayang bilhin ng perang iniwan mo," utal kong sagot sa kaniya.
"So, kasalanan ko pa pala kung bakit ganiyan lang ang pagkaing niluto mo," patuloy na bulyaw nito.
Lumapit siya sa kinatatayuan ko at saka hinaklit ng kamay niya ang buhok ko. Tila mapupunit na ang anit ko sa tindi nang pagkakahaklit doon ni Zoren.
"Hindi sa gano'n Zoren, pero wala na kasing mabibiling matinong ulam sa halagang singkwenta pesos. Sa bigas pa lang ay kulang na ang halagang iyan," nakangiwing dahilan ko sa kaniya.
"Ang sabihin mo boba ka talaga!" Mahigpit niyang kinapitan ang buhok ko at saka sinabunutan ako.
"N-nasasaktan ako, Zoren!" naiiyak kong saad sa kaniya.
"Magmula nang ikasal tayo nagkandamalas-malas na rin ang buhay ko!" mariing wika nito.
Malakas niya akong tinabig palayo sa kaniya kung kaya nalugmok ako sa sahig.
Humakbang paalis si Zoren saka tinungo nito ang pintuan. Malakas na ibinagsak niya pasara ang pinto nang makalabas doon.
Tuluyang naglandas ang mga luha sa aking pisngi. Akala ko ay tuluyan ko nang natakasan ang buhay na kinaiinisan ko noon sa pamilya ko.
Ngunit nagkamali ako!
Mas malala pa pala ang napili kong buhay kasama ni Zoren.
Gumapang ako palapit sa kalderong inihagis ni Zoren. Kinuha ko iyon saka isa-isa kong dinampot ang mga kaning nagsabog sa sahig pati na rin ang tuyo na siyang uulamin sana namin.
"Diyos ko, patawarin mo po si Zoren sa pagsasayang niya ng mga pagkain," piping dalangin ko sa Panginoon.
Nakaramdam ako nang pangangasim ng sikmura at gustong bumulwak palabas ng kung anong bagay mula sa loob ng aking lalamunan.
Mabilis akong tumakbo papasok sa loob ng kusina at saka dumuwal nang dumuwal sa may lababo hanggang sa wala na akong maisuka pa.
Nanghihinang isinandig ko ang mga kamay sa lababo upang doon kumuha ng lakas. Pakiramdam ko ay may kasunod pa ang pagduruwal kong iyon.
Binalikan ko sa isipan kung ano ang huling kinain ko na pwedeng maging dahilan ng aking pagduruwal.
Bigla kong naalala na wala pa nga pala akong kinakain mula kaninang umaga.
Muling bumaligtad ang sikmura ko hanggang sa muli akong dumuwal at tanging laway na lamang ang aking iniluluwa.
Binundol ng kaba ang dibdib ko nang maisip na dalawang buwan na akong hindi dinaratnan ng buwanang dalaw.
Wala sa loob na hinimas ko ang puson ko. "Posible bang buntis ako?"
Sunod-sunod na napalunok ako ng laway sa aking naisip. Masaya na malungkot ang aking naramdaman.
Masaya akong magkakaroon na ako ng anak ngunit nalulungkot akong isipin na mamumulat din siya sa mundong hindi nalalayo sa aking kinamulatan.
"Diyos ko, gabayan mo po ako!" nagsusumamong dalangin ko.
Inayos ko ang sarili at saka naghilamos. Hinugasan ko ang kaning dinampot ko mula sa sahig at saka isinangag ko iyon sa mantikang pinagprituhan ko ulit ng tuyo.
Nang matapos kong iluto ang sinangag ay inihain ko na iyon sa may lamesa at saka sinimulang kainin.
Nagtira na lamang ako ng makakain ni Zoren para sa pag-uwi nito. Hindi ko na hihintayin pa ang asawa at nasanay na rin ako na kung hindi gabing-gabi na siya umuuwi ay madaling araw naman.
Matapos kong malinis ang buong kusina ay pumasok na ako sa kwarto namin ni Zoren upang maghanda sa pagtulog.
Pagpasok ko pa lang sa kwarto ay agad ko nang tinungo ang kabinet upang kumuha roon ng damit pantulog.
Natabig ng kamay ko ang picture frame na nakapatong sa ibabaw ng kabinet kung kaya nalaglag iyon sa may sahig.
"Zoren..." Hindi ko alam kung anong pwedeng maging dahilan, pero ang lakas ng bundol ng kaba sa aking dibdib.
Lumuhod ako upang damputin ang picture frame na naglalaman ng wedding picture naming dalawa ni Zoren.
Dinampot ko ang nagkalat na bubog sa sahig ngunit nasugatan ako niyon.
"Aray!"
Mabilis na nagkalat ang dugo sa aking daliri, kaya dali-dali akong tumayo at nagtungo sa may kusina upang hugasan iyon sa lababo.
Matapos kong hugasan ang kamay ay kinuha ko ang medicine kit sa lagayan upang lapatan ng gamot ang sugat sa aking daliri.
Habang nilalapatan ko ng gamot ang sugat ko ay panay naman ang sigaw ng maliliit na tinig sa aking isipin.
"Magmula nang ikasal tayo nagkandamalas-malas na ang buhay ko!"
"Sana pala hindi na lang kita itinanan, puro kamalasan lang din naman ang dinala mo sa buhay ko."
"Ang sabihin mo boba ka talaga!"
"Tama na!" hiyaw ko sabay hagulgol ng iyak.
Itinaas ko ang mga binti sa upuan saka nanginginig na niyakap ko ito ng mga braso ko.
"Tama na!" patuloy sa pag-iyak kong sambit at tila isa akong batang paslit na pilit inaalo ang aking sarili.