Maaga akong bumangon upang asikasuhin ang pagkain namin ni Zoren. Kahit maliit lang ang halagang iniiwan nito, tinitipid ko iyon upang makakain pa rin kami.
Bibili ako ng isang kilong bigas at hahatiin ko iyon sa apat na takal upang makain pa namin ng apat na beses. Swerte kung tumagal pa ng ilang araw.
Sa ulam naman ay tuyo ang madalas kong bilhin o di kaya naman ay nagdidildil na lamang ako ng asin kapag ako lang mag-isa ang kakain.
Hindi ko na nagisnan pa ang asawa sa kama. Ni bakas ng hinubad niyang damit ay 'di ko rin makita.
“Pumasok na siguro siya sa trabaho,” bulong ko sa hangin.
Pagkatapos kong maligo ay nagpasya akong magtungo sa health center upang magpatingin. Gusto kong kumpirmahin kung tama nga ang aking hinala sa sarili.
Nakahanda na akong umalis ng bigla akong makaramdam nang pagkahilo. Hindi ko alam kung dala lamang iyon ng gutom o dahil totoong buntis ako.
Dahil wala na akong natitirang pera pambili ng pagkain, ang itinira kong pagkain para sa aking asawa ang aking kinain.
Tiyak na magagalit si Zoren kapag nadatnan niya na naman ang bahay na walang pagkain para sa kaniya.
"Bahala na! Uutang na lang ako mamaya kay Ate Bebang," anas ko sa isipan.
Nakadama ako ng kaginhawaan matapos kumain. Nawala ang pagkahilo ko kaya muli akong naghanda paalis.
Mula sa bahay ay nilakad ko na lamang ang patungong health center dahil sa maaga pa naman.
Pagdating ko ro'n ay binigyan ako ng numero ng mga staff at pinapila. Matiyagang naghintay ako ng ilang oras hanggang sa tuluyan na ngang tawagin ang aking numero.
"Congratulations, Ms. Laura! You're pregnant!" masayang bati sa akin ng doktor matapos nitong suriin ang mga test na isinagawa niya sa akin.
"B-buntis ako?" kandautal kong tanong sa doktor.
"Yes, Mommy!" Ibinaba ni Dok ang kamay niya sa mesa upang ilahad doon ang papel na naglalaman ng resulta ng laboratoryo na isinagawa sa akin.
Natutulalang pinagmasdan ko ang papel na inilapag niya at hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman ng mga sandaling iyon.
"Kailangan mong mag-ingat lalo na sa first trimester ng iyong pagbubuntis. Kailangan mong inumin ang mga vitamins na ibibigay ko sa iyo at bumalik ka rito sa center para sa buwanang check up mo. Kumain ka ng masustansiyang pagkain at iwasan ang madalas na pagpupuyat. Bawal sa iyong ma-stress kaya para makaiwas ka ay mag-exercise ka rin kahit na sa simpleng paglalakad lamang," mahabang salaysay sa akin ng doktor na tinugon ko naman nang pagtango ng aking uko.
Matapos maibigay sa akin ang baby book pati na ang mga libreng vitamins at gatas na aking iinumin sa araw-araw ay tuluyan na akong nagpaalam.
Kakaibang saya ang nadama ko sa dibdib nang ihaplos ko ang palad sa impis kong puson.
"Magiging nanay na ko!" naluluhang usal ko sa sarili.
Muli akong naglakad pauwi at sandaling huminto sa tapat ng simbahang nadaanan ko.
Pumasok ako sa loob at nakita ko ang binibinyagang mga bata. Nakadama ako ng inggit sa mga batang iyon dahil nakita ko kung gaano sila kamahal ng kanilang mga magulang.
Lumuhod ako sa luhurang upuan upang taimtim na manalangin. "Panginoon, maraming salamat po sa biyayang ipinagkaloob Mo, sa akin."
Hinaplos ko ang impis na puson. "Nawa'y ang mga batang ito ang daan tungo sa magandang simula ng aming pagsasama ni Zoren."
Matapos kong manalangin ay tumayo na ako mula sa pagkakaluhod at saka nagsimulang humakbang palabas.
Naglalakad na ako sa gitna ng aisle ng bigla na lamang akong makaramdam nang pagkahilo.
"Miss, are you alright?" tanong sa 'kin ng baritonong tinig.
Tumingin ako sa gawi ng lalaking nagsalita at napatitig ako sa kaniyang mga matang tila nangungusap kung tumitig. Kaypula ng kaniyang labi na wari'y ‘di man lamang nalapatan ng kahit na anong uri ng sigarilyo.
"May masakit ba sa iyo, Miss?" nag-aalalang tanong ng lalaki ang pumukaw sa aking pagmumuni-muni.
"W-wala! Huwag mo akong alalahanin, Ginoo," kiming sagot ko sa lalaki.
"Sigurado ka ba?" paniniyak pa nito.
"Oo, ayos lang ako!" patango-tango kong sagot sa kaniya.
"Jerson, kumusta siya?" sabay pa kaming napatingin sa lalaking nagsalita.
Natutuwang pinagmasdan ko ang cute na cute na batang hawak nito. Tila inaakit ako ng batang hawakan ang kaniyang kamay kung kaya hinaplos ko ang kamay nito.
"Ang cute mo naman!" pagbibigay puri ko sa bata.
"Salamat!" pasasalamat ng malamyos na tinig.
Nahihiyang binawi ko ang kamay ko mula sa pagkakahawak sa kamay ng bata at saka tumingin ako sa gawi nang nagsalitang babae.
Palagay ko ay siya ang ina ng bata dahil karga nito ang batang babae na kahawig din ng batang hinaplos ko.
"Ako nga pala si Nena!" nakangiting pagpapakilala nito.
"Laura!" Itinaas ko ang kanang kamay upang mag-wave nang pagbati.
"Nakita ka kasi namin na parang matutumba na sa paglalakad. Mabuti na lang at mabilis tumakbo palapit sa iyo si Jerson," salaysay pa nito.
Nahihiyang tumingin ako sa gawi ng lalaking tinawag nilang Jerson.
"Salamat!" pasasalamat ko sa lalaki.
"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong lamang ang itinugon niya sa akin.
"Mabuti na. Salamat ulit!" Yumukod ako sa kaniya bilang paggalang.
"Gusto mo bang ihatid ka na muna namin sa bahay mo?" tanong pa sa akin ni Nena.
"Naku, hindi! Kalabisan na masyado iyan. Isa pa, malapit lang din naman dito ang bahay namin ng asawa ko," paliwanag ko pa kay Nena.
"May asawa ka na?" Nanlalaki ang mga mata ng babae habang tinatanong ako nito.
"Oo!" tipid kong sagot sa kaniya.
"Sayang! Akala pa naman ni Jerson natagpuan na niya ang itinakdang babae para sa kaniya," mapang-asar na sabat ng lalaking bigla na lamang sumulpot mula sa kung saan.
Malakas na halakhak nila ang sumunod na pumalibot sa buong paligid.
Ipinaskil ko ang pekeng ngiti sa aking labi at saka nagpaalam na ako sa kanila.
Muli kong sinulyapan ang dalawang batang katatapos lamang binyagan.
Binigyan ko ng matamis na ngiti sa labi si Nena at saka tuluyan na akong tumalikod upang lumabas ng simbahan.
Pagsapit ko sa may pintuan ng simbahan ay nakadama akong muli nang pagkahilo. Sinikap kong isandal ang katawan sa may pader upang kumuha roon ng lakas.
Malakas na tilian ang sumunod kong narinig bago ako tuluyang nilamon ng kadiliman patungo sa kung saan.