Chapter 20

1074 Words
Nakita ko ang ama-amahan niyang nakatanaw sa amin mula sa malayo kaya hindi ko binitiwan si Laura mula sa pagkakayakap ko sa kaniya. Ramdam ko ang panginginig ng kaniyang katawan, kaya agad akong sumang-ayon nang mag-aya na siyang umuwi agad. Hindi ko alam kung tama nga ba ang naging desisyon kong isama sila rito ni Jela sa lungsod. Ngunit hindi ko naman kayang malayo sila sa’kin habang inaasikaso ko ang mga trabahong kailangan kong kaharapin dito. Hindi naman pwedeng tatakbuhan na lang namin parati ang kaniyang nakaraan, lalo na’t ipinapaasikaso ko na ang lahat ng tungkol sa kaniya upang maging maayos. “Welcome home mga anak!” mainit na salubong sa amin ni Mommy nang makababa na kami ng sasakyan. Yumakap ako sa ina matapos nitong halikan si Laura. Tahimik lamang si Laura at tila muling nagbalik ang kung anong nakatago sa kaniyang dibdib. Alam kong kahit hindi niya sabihin sa akin ay nanunumbalik ang kaniyang galit lalo pa at nakita niya ang isa sa mga dahilan niyon. “How’s your travel?” malambing na tanong ni Mommy. “Ayos lang naman po,” kiming tugon ko sa ina. “Napagod ka ba, Laura?” tanong pa ni Mommy sa dalaga. “Palagay ko, Mo-” Naputol ang sasabihin ko nang magsalita si Laura. “Maayos lang po ako. Medyo nanibago lang po ulit ako rito sa siyudad. Salamat nga po pala sa lahat ng tulong niyo sa akin,” madamdaming wika ni Laura. Nakita ko ang pagkislap ng mga luha mula sa kaniyang mga mata. Tila anumang sandali ay babagsak na ang mga iyon. “Sshh...” Lumapit si Mommy kay Laura at masuyong pinunasan ng kaniyang daliri ang mga luhang tuluyang pumatak mula sa mga mata ng dalaga. “Hindi mo kailangang magpasalamat dahil wala kaming hinihinging kapalit sa anumang tulong na ipinagkaloob namin.” “Alam mo Mommy, iyan din ang sinasabi ko sa kaniya sa madalas niyang pasasalamat sa akin. Ilang beses ko nang sinabing walang hinihintay na kapalit ang pagtulong ko, pero patuloy pa rin siyang pasalamat nang pasalamat,” saad ko naman sa ina. “Jerson...” gumagaralgal na sambit ni Laura sa aking pangalan. “Alam mo Iha, parte na kayo ni Jela ng pamilya namin. Kung pwede nga lang sana na maging asawa ka na ni Jerson, ikagagalak ko iyon ng husto,” nangangarap na wika ni Mommy. Napangiti ako sa winikang iyong ng aking ina. Natutuwa akong malaman na hindi siya kontra sa kung anuman ang maging relasyon naming dalawa ni Laura. Higit akong natutuwa dahil hindi niya na ako ipinagpipilitan pa sa ibang babaeng hindi ko naman gusto. Kahit nga minsan na siyang nagreto sa akin noon. Marahil sapat na nga sina Laura at Jela sa buhay namin. “Nangingiti ka riyan, Jerson?” tinig ni Mommy ang umuntag sa lumilipad kong diwa. Lumapit ako sa kanila saka inakbayan ko si Laura sa harapan ni Mommy. “Mom, malapit ka ng maging lola ulit.” Natawa ako sa itsura ni Mommy. “Oh my God!” masayang bulalas nito sabay takip ng mga kamay niya sa kaniyang mukha. “Is this for real?” Natatawang tumango ako bilang tugon sa aking ina. “Jerson.” Mahinang kinurot ako sa tiyan ni Laura dahilan para lalong kiligin si Mommy. Masayang niyakap kami nito saka mainit na binati. Sumigaw pa siya upang tawagin si Daddy Benjamin. Humahangos na bumaba si Daddy Benjamin mula sa ikalawang palapag ng bahay at dali-daling lumapit sa amin. “What happen?” tarantang tanong pa nito. Si Mommy lang talaga ang taong nakakapagpadulot ng katarantahan sa aking ama-amahan. Ni hindi nga siya takot sa baril kahit itutok mo sa kaniya, pero kapag si Mommy na ang nag-ingay, tiyak talaga agad ang pagsunod. “Magiging Lolo ka na ulit!” masayang kwento ni Mommy. Napakamot sa ulo si Daddy Benjamin sabay harap sa aming dalawa ni Laura. “Binabati ko kayo mga anak!” bati sa amin ni Daddy Benjamin sabay tapik sa’king balikat. “Mommy, pwede na rin ba akong mag-asawa?” singit ni Benjie na kalong pa rin sa kaniyang mga bisig si Jela. “Hindi!” matigas na tugon ni Mommy. “Pero bakit po?” nakaingos na tanong ni Benjie. “Masyado ka pang bata, Benjie!” nandidilat ang mga matang tugon ni Mommy. Nagtawanan lamang kami sa bumusangot na anyo ni Benjie. Matapos kong iabot kay Mommy ang mga pasalubong, sabay-sabay naming inubos ang nilutong pagkain nito. “Babalik ka na ba sa trabaho, Jerson?” kapagkuwan ay tanong sa akin ni Daddy Benjamin. “May project po na gustong i-open ang mga kaibigan ko. Gusto sana nilang i-top up sa foundation mo po iyon, kung iyo pong pahihintulutan,” turan ko sa ama-amahan. “Oo naman. Bakit hindi?” “Pero kinakailangan ko po roon nang makakasamang mag-a-assist kaya kinukuha ko po si Laura bilang aking sekretarya.” “Maganda iyan at least malilibang si Laura sa mga bata,” sabat naman ni Mommy. “Mga bata?” kunot-noong tanong ni Laura. “Akala ko sa opisina mo ako magiging sekretarya?” Hinawakan ko ang kaliwang kamay niya saka masuyong pinisil iyon. “Sa opisina ko, ikaw magtatrabaho bilang sekretarya ko. Roon ako mag-oopisina sa itatayo nating foundation dahil gusto kong maging hands on sa pagtayo niyon,” salaysay ko sa kaniya. Taimtim na tumitig siya sa aking mga mata kaya nababanaag ko ang lungkot na nagtatago roon. Ayoko siyang ipahiya sa harapan nina Mommy at Daddy Benjamin, kaya pilit kong ipinaintindi sa kaniya ang trabahong ibinigay ko. Alam kong gusto niyang maghiganti sa mga taong umapi sa kaniya, ngunit hindi ko iyong mapapahintulutan sapagkat ayokong mapahamak siya. Sapat na ang nakaraan upang balikan pa at kaharaping muli. Ang pagtanggap ang gusto kong ipaunawa kay Laura upang tuluyan niyang kalimutan ang poot sa kaniyang dibdib. Alam ko kung pa'no nasaktan si Mommy noon nang lokohin siya ng tunay kong ama. Kaya ayoko nang maulit pa ang kwentong iyon kay Laura dahil nandito ako para sa kaniya. Lubos ang galit na bumabalot sa pusong nasaktan, ngunit walang patutunguhan iyon dahil muli lamang masasaktan ang mga puso. “Kung gano’n ay susuportahan na lamang kita sa mga plano mo.” Matamis na ngumiti ako kay Laura saka niyakap ko siya ng mahigpit. Alam kong hindi madaling maghilom ang pait ng nakaraan, pero sapat na ako bilang gamot sa nasaktan niyang puso at iyon ang patutunayan ko sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD