Lumuwas kami ng siyudad upang ipaalam sa kaniyang mga magulang ang tungkol sa aking kalagayan.
Masayang-masaya siya na makasama kami ni Jela kaya naman walang pangambang ipinagkatiwala ko sa kaniya ang lahat.
“Hindi ko hahayaang masaktan pa kayo ni Jela,” paulit-ulit niyang pangako sa’kin nang nasa Isla Dahu pa lamang kami.
‘Di mapagsamantalang tao si Jerson kahit pa nga kusang naghuhubad na ako sa kaniyang harapan upang subukin ang katatagan niya.
Hindi ako nagkamali nang pagtitiwala sa kaniya at hindi rin naman niya ako binigo.
“Welcome home, Laura!” malambing na bulong sa akin ni Jerson sa likod ng aking tainga.
Nakahapit ang isang kamay niya sa aking baywang habang karga naman ng kabilang braso niya si Jela.
Masuyong kumapit ako sa kaniyang damit saka inihilig ko ang ulo ko sa kaniyang balikat.
Para kaming isang pamilya kung pagmamasdan.
“Let’s go!” aya sa amin ni Benjie na siyang sundo namin.
Inalalayan muna akong sumakay ni Jerson sa loob ng sasakyan at saka niya iniabot sa akin si Jela.
“Welcome back, Ate Laura!” masayang sambit ni Benjie.
“Thank you!” nahihiyang turan ko sa binata.
Naikuwento na sa akin ni Jerson na si Benjie ang kasama niya noong makita niya kami sa hospital.
Nagpapasalamat talaga ako at sila mismo ang nakatagpo sa amin noon. Marahil kung hindi nila kami nakita ni Jela, malamang palaboy-laboy na lamang kami sa kalsada ngayon.
Inihilig ko ang ulo ko sa balikat ni Jerson at saka bumulong ng salita.
“Thank you!” madamdamin kong bigkas sa kaniya ng mga kataga.
“For?” tanong naman niya sa akin.
“Para sa lahat!” makabagbag damdamin kong tugon sa kaniya.
“Hayan ka na naman!” masuyong hinagod niya ang buhok ko saka nilingon ang kaniyang kapatid na siyang naging driver namin.
“Dumaan ka na muna ng mall Benjie at may bibilhin lang ako para kanila Mommy.”
“Sure!” agad namang sagot ni Benjie sa kaniyang kuya.
Napansin ko ang ‘di pagkakahawig masyado sa itsura nina Benjie at Jerson.
Halos nakuha kasi ni Benjie ang itsura ng kanilang ama, bukod sa pagiging tahimik na ugali nito. Si Jerson ang napansin kong nagmana sa ugali ng kanilang Daddy Benjamin.
Mapagmahal, maalaga at tahimik na tao na parang may kung anong itinatago sa kanilang mga sarili. Iyan ang mga katangiang napansin ko sa kanila.
“We’re here!” malakas na sabi ni Benjie.
Sumilip ako sa labas ng bintana at namangha ako sa laki ng gusaling nasisilayan ko.
Sa tinagal nang pananatili namin ni Jerson sa Isla Dahu, talaga nga naman nakakapanibago ang muling magbalik sa lungsod.
Pumarada ang sasakyan namin sa may parking lot at sabay-sabay kaming bumaba roon.
Magkahawak kamay na pumasok kami ng mall ni Jerson habang kalong naman ni Benjie si Jela.
Nahihiya man akong ipahawak sa binata si Jela, ngunit nagpumilit naman siyang gawin iyon.
Magmumukha raw kasi siyang chaperon namin kung bubuntot lamang siya.
Wala naman daw siya sa mood lumayo pa sa amin ng kuya niya at baka maghanapan lang daw kami pagkatapos.
Dinala kami ni Jerson sa isang boutique at saka pinapili ako ng mga damit ma gusto kong bilhin.
Pinigilan ko siya sa kaniyang nais dahil hindi naman ako mahilig sa mga luho. Sapat na sa akin ang mga damit na dala namin at siyang susuutin ko sa ilang araw naming pamamalagi rito. Maaari ko naman iyong labhan kung sakali.
“Mamili ka na at baka magtagal din tayo dahil tiyak na hindi papayag si Mommy na sandaling panahon lamang tayong manatili sa kanila,” nakangiti niyang sambit.
“Pero...” Pinasadahan ko ng tingin ang halaga ng damit at nalula ako sa halaga niyon. “Pwede ko namang labhan na lamang ang mga sinuot ko ng damit.”
Matamang tinitigan niya ako kasabay nang pagsilay ng matamis na ngiti mula sa kaniyang labi.
“Laura, gusto ko sanang makasama ka sa trabaho. Gusto kong makita ka sa bawat oras, kaya gusto ko sanang kuhanin ka na sekretarya ko sa opisina.”
Napasinghap ako sa kaniyang sinambit at hindi ko alam kung ano ang aking isasagot.
“Naku Ate Laura, pumayag ka ng maging sekretarya ni Kuya kung ayaw mong mapikot iyan ng mga empleyada niya,” singit naman ni Benjie na kasalukuyang nilalaro si Jela.
Malungkot na tumitig ako sa mga mata ni Jerson saka pilit inarok ang katotohanan doon sa mga inilahad sa akin ni Benjie.
“Huwag kang maniwala riyan kay Benjie, puro kalokohan lamang ang mga ipinapahayag niya.”
“Naku Ate Laura, sa akin ka maniwala dahil kung naaalala mo si Kuya Seb, tropa iyan sila sa kalokohan,” natatawang komento pa ni Benjie.
“Benjie!” saway ni Jerson sa kaniyang kapatid.
“Baby layo muna tayo kina Mommy at Daddy mo, baka magkagiyera!” mapang-asar na pahaging ni Benjie.
Matalim na pinukol ng tingin ni Jerson ang papalayo niyang kapatid.
“Tinatanggap ko na ang alok mo,” mahinang saad ko.
Nakita ko ang pagsilay ng matamis na ngiti sa kaniyang labi saka kinabig niya ako upang yakapin.
“Thank you!” pasasalamat niya sa’kin saka kinintalan ako ng masuyong halik sa noo.
Naramdaman ko ang labis na kasiyahan sa kaniyang puso kaya nasiyahan na rin ako sa aking naging pasya.
Labis-labis ang tiwala ko kay Jerson dahil alam kong hindi siya katulad ng walanghiyang si Zoren.
Si Zoren na walang sinabi sa yaman, kagwapuhan at ugali ni Jerson.
Gumanti ako ng yakap kay Jerson at dahil sa ginawa kong pagtingin sa kabilang gilid ay nakita ko ang isang taong nakatitig sa akin mula sa malayo.
Taong pinakaiiwasan kong makita sana dahil alam kong muling manunumbalik ang sakit sa aking dibdib.
“Papa...” usal ko sa aking isipan
Gusto ko sana siyang lapitan at yakapin nang mahigpit tulad ng dati kong ginagawa dahil bigla akong nakadama ng pangungulila mula sa kaniya bilang aking ama.
Ngunit bigla rin sumambulat sa isipan ko ng katotohanang hindi ko nga pala siya tunay na ama, kaya nga hinayaan niya lang ako noong ipagtabuyan ng walanghiya niyang asawa.
Muling bumangon ang nakatagong galit sa kaibuturan ng aking puso nang makita ko ang paglapit sa kaniya ni Tiya Dolores.
Nilulukob ng panibugho ang puso ko dahil sa pagkakita sa taong walang ibang ginawa sa buhay ko kundi ang saktan lamang ako.
“Why are you shaking?” tinig ni Jerson ang umuntag sa lumilipad kong diwa.
“Pwede bang umuwi na tayo?” pakiusap ko sa kaniya.
“Sure, bayaran lang muna natin itong mga pinamili ko.” Naglakad kami ni Jerson patungong counter area na nananatiling nakayakap lamang siya sa akin.
Ni hindi man lang siya kumalas mula sa pagyakap sa akin hanggang sa tuluyan kaming makalabas ng mall kasama nina Benjie at Jela.
“Are you okay?” may pag-aalalang tanong lang niya ng nasa loob na kami ng sasakyan.
Tumango-tango lamang ang ulo ko bilang tugon sa kaniyang katanungan, pero ramdam ko pa rin sa aking katawan ang panginginig na dulot ng sobrang galit sa dibdib ko.
“Maghihiganti ako!” tanging salitang nasambit ko at gusto kong gawin ng mga sandaling iyon.