Naghanap agad siya ng pamunas upang punasan ang mga umapaw na sabay pero naagaw ng atensyon niya ang kanyang cellphone na basag ang screen. Hindi lang ito basta basag, parang pinukpok ng matigas na bagay at sinadyang wasakin. Napansin din niya ang bakas ng dugo dito at ilang patak ng dugo sa mesa at sahig na kanyang binaybay palabas ng pinto. Kinakabahan nitong binuksan ang pinto pero walang tao hanggang sa iluwa ng pinto si Jesa.
“Huy! Para kang nakakita ng multo.” untag niya.
Bumuga ng malalim na hininga si Janella at hindi agad nakapagsalita. Pumasok na sa loob si Jesa upang maghugas ng kamay.
“Anong nangyari sa cellphone mo?” puna nito. Noon na lang muling naglakad pabalik si Janella sa kusina. Nagtataka pa din sa nangyari sa kanyang cellphone at sa dugo na nakita nya.
“N-Nadatnan ko na lang na wasak yan paglabas ko ng CR. Kasama ko si Ares kanina e, umakyat ba sya sa rooftop?”
Nagpunas ng kamay si Jesa at humarap kay Janella tapos ay sa wasak na cellphone, kunot noo pa itong tumitig saka napansin ang mga dugo.
“Hala? Dugo ba yan? Ano bang nangyari? Wala naman si Ares sa rooftop e, kayo ngang dalawa ang magkasama dito diba?” naguguluhan niyang tanong.
“Hindi kaya naaksidente sya?” alala sabi ni Janella.
“Paano? Nahiwa sya tapos winasak nya yung cellphone mo? Impossible naman na bumagsak lang yan. Mukhang galit na galit ang pumukpok e.”
Hindi na ito nagsalita dahil tama naman siya pero mahirap naman din na mang bintang. Pinatay na ni Janella ang kalan saka kasamang umakyat sa rooftop si Jesa. Nagtatawanan pa si Jio at Sarah ng dumating sila.
“Luto na ang Sinigang, ikaw na ang mag akyat dito.” utos ni Jesa kay Jio.
“Si Ares?” tanong ni Jio saka hinanap sa paligid.
“Itatanong nga namin sayo kung nasaan siya. Bigla nalang nawala e. Hindi ba nagpaalam sayo?” ani Jesa
“Hindi. Baka naman nasa CR lang?”
“Wala. Ako ang huling gumamit ng CR. Paglabas ko wala na sya tapos sira na din itong cellphone ko.” kwento ni Janella saka naupo sa tabi ni Sarah at ipinakita ang wasak nyang cellphone.
“Hala. Sinong gumawa nito? Si Ares ba?”
“Hindi ko alam. Wala na si Ares ng lumabas ako sa CR.”
“Teka tatawagan ko. Baka may binili lang sa labas.” Ani Jio saka tumayo at kinuha ang cellphone sa bulsa. Ilang beses nya ito kinontak bago siya sinagot. Maya maya pa ay bumalik na si Jio sa amin.
“Anong sabi?” usisa ni Jesa.
“May emergency daw kaya hindi na sya nakapag paalam sa atin. Hindi din daw nya alam kung anong nangyari dyan sa cellphone mo. Nagmamadali daw siyang umalis kanina e. Pasensya na daw. Babawi na lang daw sya next time.” ani Jio.
“Kung ganun paano nawasak yan? Ibig sabihin may ibang nakapasok sa bahay mo?” takang tanong ni Sarah at tumingin kay Jio. Napakibit balikat nalang si Jio.
“Maglagay ka kasi ng CCTV sa bahay mo. Baka bigla nalang may sumakal sayo habang natutulog ka.” payo naman ni Jesa na may halong inis.
Malaking palaisipan kay Janella ang nangyari sa cellphone nya at kahit nakahiga na sya sa kanyang kama ay nag iisip pa din ito. Hindi tuloy siya makatulog.
“Hindi kaya si Luan ang may gawa? O si Santelmo? Pero bakit naman may dugo doon? Imposible naman na sugatan nila ang sarili nila para wasakin lang ang cellphone ko at tsaka isa pa, may dugo ba sila?” ani Janella habang kausap ang sarili saka nagtalukbong ng kumot.
Nagpaikot ikot na sya sa kanyang maliit na kama ay hindi pa din niya maresolba ang pagkasira ng cellphone nya. Naiinis din sya dahil mapipilitan tuloy siyang bumili ng bagong cellphone bukas dahil kailangan niya iyon sa trabaho at sa pang araw araw na lakad. Super essential na ng cellphone sa buhay ng tao kaya hindi pwedeng wala sya noon.
“Ugh! Magagastusan tuloy ako- AY KABAYO!” bulyaw ni Janella ng alisin niya ang kumot sa mukha dahil bumungad sa mukha niya si Luan na nakakunot ang noong pinapanood siya.
“ANONG GINAGAWA MO DITO NG GANITONG ORAS?!” bulyaw na naman niya saka naupo sa kama.
Inis na lumayo si Luan sa kanyang kama at pumwesto sa paanan ng kama nito.
“Hindi kita macontact kanina pa. Nag-aalala ako sayo.” Tipid niyang sagot at humalukipkip. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala sa dalaga. Pinasadahan din niya ng tingin ang buong studio unit ni Janella. Para bang may kakaiba itong nararamdaman.
Kumalma na si Janella at bahagyang umirap kay Luan.
“Sira ang cellphone ko.” Sagot nito at kinuha ang cellphone sa drawer na nasa gilid ng kanyang kama.
“What happened? Binasag mo?” tanong ni Luan.
“Bakit ko naman babasagin? Namomroblema nga ako dahil magagastusan na naman ako sa pagbili ng bagong cellphone.” naiinis niyang sagot.
Tumingin ito kay Luan na ngayon ay nakasilip na sa bintana. Kumunot pa ang noo nito saka hinawi ang kurtina upang isara.
“Ako na ang bahala sa bago mong cellphone. Magpahinga ka na.” aniya saka ito naglaho na parang bula.
Takang tumingin si Janella sa kurtina saka nahiga.
“Anong problema noon?” Sambit niya.
Bumili ng kape si Janella sa coffee shop na malapit sa kanilang opisina. Inaantok pa itong naglakad dahil pasado alas tres na siya nakatulog. Para tuloy siyang zombie na naglalakad.
“Good morning. Puyat?” bati ni Sarah.
“Baka hindi nakatulog sa sira nyang cellphone.” segunda ni Jesa.
“Palaisipan kasi talaga kung anong nangyari dyan. Si Ares ba dumating na?” tanong naman ni Sarah habang inaayos ang kanyang mesa.
“Hindi pa. Wala pa nga din si Jio e.” ani Jesa
Naupo si Janella sa kanyang upuan at tinatamad na ipinatong ang bag at kape na hawak. Humikab pa ito ng buksan niya ang kanyang computer.
Ilang minuto lang ay dumating na din sina Jio at Ares. Kanina pa daw sila dumating, kumain lang daw silang dalawa ng agahan sa may tapsilogan. Inusisa nila kung anong nangyari kay Ares at kung may alam sya sa pagkasira ng cellphone ni Janella pero gaya ng sinabi nya kagabi kay Jio ay ganun pa din ang sagot nya kaya hindi na lang nila ito kinulit.
Busy sa pag aayos ng schedule si Janella sa mga parating na event at Travel Bazaar na sinalihan ng kumpanya ang ilan dito ay si Janella ang inatasa na mag ocular visit sa mga susunod na araw.
“Hi Miss Beautiful.” bati ng pamilyar na boses at ng tumunghay si Janella sa lalaking nakatayo sa harap ng desk nya ay hilaw itong napangiti.
“Santy. B-Bakit ka nandito?” kinakabahan niyang tanong saka tumingin kayna Sarah at Jesa na pasimpleng nakatingin sa kanila.
“Ah. Dumalaw lang kami. Kasama ko si Sol. Gusto ka daw nya makita.” sagot nito.
Maya maya pa ay pumasok si Sol, suot ang pulang coat na may kulay puting tshirt na panloob tapos ay naka puting jeans.
“Ohhh…”
“Gosh!”
Sabay na reaksyon ni Jesa at Sarah.
“Hi Janella.” Bati ni Sol, “May gagawin ka ba mamaya?” seryoso nyang tanong.
Nagdadalawang isip pa si Janella kung sasagot ba ito na marami siyang gagawin kahit wala naman talaga. Muli siyang sumulyap sa mga kaibigan na ngayon ay mapanghusga na siyang tinititigan.
“Bakit?” kinakabahan niyang tanong.
“Gusto sana kitang imbitahan mamaya sa bahay?”
Rinig ko na nabulunan si Jesa sa kanyang iniinom na kape.
“Ha?” tangi kong nasabi.
“Dinner mamaya sa bahay. Susunduin ka namin.” ulit nya bago ito umalis.