“Daddy.” Hindi magawang makahakbang ni Beverly papalapit sa kaniyang ama dahil sa takot na baka may makakita sa kanilang magkasama. Pero sa loob niya ay gustong-gusto na niya itong yakapin at hagkan. Sabik ang kaniyang mga kamay na mahaplos muli ang mukha ng daddy niya. Makausap ito at sabihin ang mga nangyari sa kaniya sa loob ng nakalipas na bente kuwatro oras. Ngunit binabagabag siya ng damdamin dahil maraming tanong ang pumapasok sa kaniyang isipan. Paano kung galit siya sa akin dahil hindi ko itinuloy ang kasal? Iyon kaagad ang pumasok sa kaniyang isipan. “Heto na pala ang pina-deliver ng anak kong si Leticia. Pasok kayo,” utos ni Leonard sa dalawa. Naunang pumasok si Lance sa loob habang si Beverly naman ay naiwan pa sa may pintuan at pinagmamasdan ang kaniyang ama na nakayuko.

