Mabilis lang ang naging biyahe namin. So far, so good, hindi naman kami naaksidente sa kotse niya. Na-enjoy pa ni Kokoy ang first time niya sa kotse kaya si Alejandro, ang yabang yabang na naman niya.
Akala niya makakapuntos siya sa hiram niyang kotse.
Pagkatapos maiparke ang kotse, bumaba kami sa isang sosyaling steakhouse. Hindi ito 'yong pinakamamahalin pero ito na 'yong pwede na kaso makikita pa rin na mahal ang mga presyo.
Disenyo palang, halatang hindi ko na afford.
"Sure ka na dito?" Tanong ko kay Alejandro habang nasa harapan kami ng restaurant.
"Oo" huminga si Alejandro ng malalim. "Kaya ng bulsa ko" tinapik niya ang bulsa niya.
"Hmm..." gusto ko sabihin na niloloko ko lang siya pero gusto ko pa makita kung talagang pinaghandaan niya talaga. "Sige, tara na? Pasok na?"
"Oo nga papasok na!" Ngumiti siya pero halatang peke iyon.
Naglakad na kami papasok. Hawak ko ang kamay ni Kokoy na busy lang libutin ang tingin sa paligid.
Magaan at maaliwalas ang ambiance ng paligid. Magaganda rin ang mga interior. Gawa sa magandang klase ng kahoy ang lamesa at upuan.
Wow.
Ang ganda pa din.
Minsan lang ako makapasok sa isang restaurant.
"Good evening ma'am and sir. Table for?" Iyon ang salubong sa amin na waiter.
Lumingon ako kay Alejandro. Siya dapat sumagot.
"Mesa para sa tatlo lang 'pre" sagot niya habang kumakamot sa batok.
Mahina akong humagikhik lalo na nang makita ko ang mapanghusgang tingin ng crew.
Napatingin sa akin si Alejandro kaya tinakpan ko ang bibig. Nakakatawa siya e.
"Mayroon po kayong reservation?" Tanong ulit nito.
"Wala. Pwede naman walk in di'ba 'pre?"
"Ofcourse sir. This way po..."
Giniya kami ng crew sa isang table na may apat na upuan.
Pinaghila ako ni Alejandro ng upuan.
"Para sa maganda" giit niya at kumindat pa.
Inirapan ko siya bago ako umupo.
"'Tol dito ka" pinaghila din ni Alejandro ang anak ko.
Tahimik lang si Kokoy, halatang hindi sanay sa lugar.
"Here's the menu" nilapag ng crew ang isang malapad na menu booklet.
Kinuha ko iyon at binuksan.
Sinilip ko saglit si Alejandro at nakita kong nakatingin siya sa menu na hawak ko.
"Ahmm pwede patingin muna?" Tanong niya sa akin.
"Sabi mo kaya ng bulsa mo hindi ba?" Ngumisi ako.
Nakita ko ang paglunok niya. "Sige. Bilhin mo ang gusto mo ganda"
Mas lalo gumagana 'yong pagkademonyo ko. Hindi ko alam kung bakit natutuwa akong nawawala 'yong yabang niya.
Ginusto mo 'to. Patunayan mo.
"Sa appetizer, isang garlic bread tsaka onion rings tapos isang ribeye steak at T-bone Steak"
"Ano pong doneness ng steak natin natin ma'am?"
"Ha? Doneness?"
May ganoon ba? Hindi ko alam.
"Yes. Mayroon po tayong rare, medium rare tsaka welldone"
Hala. Wala akong alam.
"Ahmm...ano po ba mare-recommend niyo?"
"Pinaka-better po ay medium rare kasi mas malasa at makatas. Juicy ba"
"O-osige ayon na lang"
"Okay. Anything pa ma'am? For side dishes po? Ano pong gusto niyo?"
"Rice na lang. Tapos sa beverages ay ice tea na lang"
"Dessert?"
"Hmm sundae tsaka brownies"
"That's all po ma'am?"
"Opo"
Tumingin ako kay Alejandro at nakita kong natutulala na ito. Parang may binibilang siya sa kaniyang kamay.
"Ikaw? Ano sa'yo?" Tanong ko.
Lumunok ulit si Alejandro bago tumingin sa waiter. "Tubig na lang ako 'pre"
Tumaas ang kilay ko. "Sure ka?"
"O-oo naman" nauutal nitong sambit habang nagpupunas ng pawis.
Pawis-pawisan siya kahit ang lakas ng aircon dito.
Hmmm...kaya niya kaya bayaran 'yon lahat?
Medyo pinagpapawisan na rin kamay ko.
Baka naman hindi kami makauwi nito ah?
"Wala na pong idadagdag?" Tanong pa ng waiter.
"O-okay na 'yon 'pre" sabat ni Alejandro, pinipigilan na akong magsalita. "Tama na ang dagdag"
Napahagikhik ako ng lihim.
Tss. Yabang mo kanina ah?
"Wait for a couple of minutes. We will serve your order" ngumiti ang waiter bago nito kinuha 'yong menu at umalis.
"Wooh" pinupunasan ni Alejandro ang pawis niya "Init dito ah?"
"'Yong pitaka mo rin ba?" Tanong ko.
"Hindi ah?" Umupo siya ng tuwid. "Tingin ko kasiya 'to"
"Hmm.." tumango ako. "Sabi mo ah?"
"Oo naman!" Taas noo niyang sambit. "Ayos ba dito? Nagustuhan mo ba?" Pag-iiba niya ng usapan.
Actually, hindi pa ako nakakapasok sa ganitong klase ng restaurant. Kalimitan mga fastfood ang napapasukan ko. Hindi rin naman kasi karangyaan ang pamilya namin pero nakakaraos kami araw-araw. Kumbaga may kaya lang.
"Oo. Salamat sa pagtupad" bukal sa loob kong sambit.
Hindi ko aakalaing totohanin niya at...aaminin kong namangha ako doon.
Talagang nag-ipon siya para sa date na ito.
Nasilayan ko ang pag-ngiti ni Alejandro. "Dapat may kiss ako e" asar niya.
Pinanlakihan ko siya ng mata at tumingin sa anak kong busy maglaro sa cellphone ko.
Mukhang busy ito sa panonood.
Ngumisi lang si Alejandro at sumipol sipol habang naghihintay ng order.
Pagkarating ng order ay natakam ako sa itsura ng steak. Umiinit pa iyon nang ilapag. Ang sosyal ng disenyo ng mga pagkain.
"Enjoy your meal" magiliw na sambit ng waiter bago ito umalis.
Si Kokoy ay inunang kainin 'yong onion rings tsaka 'yong ice cream.
Hindi ko na siya masuway kasi kinakain na niya. Susubuan ko na lang.
"Kumain na kayo" giit ni Alejandro habang ininom 'yong tubig niya na maraming ice.
Mukha naman siyang kaawa-awa.
"Asus" siningkit ko ang mga mata bago ko tinulak 'yong isang t-bone steak na in-order ko. "Kumain ka na rin"
"Sa inyo 'yan" tinulak niya ulit pabalik kaya binalik ko ulit sa kaniya.
"Huwag ka na nga pakipot. Inorder ko talaga 'yan para sa'yo"
Matagal siyang tumitig sa akin bago tumapat ang tingin niya sa pagkain.
"Iniisip mo ako?" Madamdamin niyang sambit.
Nadidiri ko 'syang tiningnan. "Baka naman umiyak ka pa?"
"Hindi naman" humawak siya sa dibdib. "Nahulog lang ako sa'yo ulit"
"Bakit ka naman nahulog kay nanay 'tol?" Sabat ni Kokoy na sobrang inosente ng tanong.
Napatawa si Alejandro bago lumingon sa aking anak. "Ang bait ng nanay mo e. Nahuhulog ako"
"Po? Anong connect?"
"Kami ng nanay mo. May connection"
Ngumiwi ako.
"Sure ka ba na sa akin ito? Paano si Kokoy?" Tanong niya pa ulit.
"Kasiya na ito sa amin", turo ko sa ribeye steak. "Hindi 'yan malakas kumain"
"Kung ganoon..." kinuha niya ang kubyertos at kaagad na sumandok ng kanin at 'yong t-bone steak.
Pagkanguya niya ay nanlalaki ang mata niyang tumingin sa akin.
"Masarap" sambit niya.
"Malamang. Steak 'yan e"
"Sh*t sarap talaga."
Magana at tila nagmamadali siyang kumain. Tuwang tuwa at napapapikit pa siya kada subo.
"Dahan-dahan ka naman. Kumain ka naman ng sosyal" suway ko.
Parang ginugutom ko siya sa paraan ng pagkain niya e.
"Sowy" puno ang bibig niyang bigkas. "Hindi pa accho kumain.." nilunok niya ang kinakain. "Wala pa akong kain kanina pang tanghali"
"Ano?" Suminghal ako bago ko naibaba ang kubyertos kong hawak.
"Baka kasi kulangin itong dala ko kaya tiniis ko na muna" medyo nahihiya niyang sambit.
Umawang ang bibig ko. "Paano kung hindi kita ni-order ah?"
"Okay lang. Masaya na akong busog ka" kumindat siya bago muling bumalik sa pagkain.
Napailing ako habang tinititigan siyang lumamon.
Hindi ko namamalayan, umuusli na pala ang ngiti sa aking labi.
Kahit kailan talaga....
Mas lalong umunat ang aking mga labi.
Corny niya talaga.