Eliza's POV
Tumakbo na ako palabas ng opisina ni Keanne.
Hindi ko na alam kung saan ako papunta Ang gusto ko lang makaalis na kaagad dito. Kailangan kong lumayo.
Habang palabas ng building, bumabaha naman ang luha sa aking mga pisngi. Hindi ko na inintindi ang mga matang napapalingon sa akin, ang mga taong nakakasalubong ko. Wala na rin akong pakialam kahit pa makita nilang umiiyak ako.
Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa nalaman ko.
Buong buhay ko, naniwala akong mababait ang tunay kong mga magulang. Lumaki akong payapa ang isip, naniwala akong minahal rin nila ako ngunit sa nalaman ko, sigurado akong hindi man lang nila ako naisip bago sila gumawa ng ikasisira nila.
Bakit hindi man lang sinabi ni Mommy sa akin 'to?
Bakit ngayon ko lang nalaman 'to? Pinaniwala nila ako sa isang kasinungalingang paulit-ulit nilang sinasabi sa aking mahal ako ng tunay kong magulang.
Isang napakalaking kasinungalingan.
Ramdam ko ang paninikip ng dibdib ko sa galit. Galit para sa tunay kong magulang ganoon din sa mga umampon sa akin.
Nakakahiya pala ang buhay ko.
Murderer pala ang tunay kong mga magulang.
Paulit-ulit iyon sa isip ko, parang sirang plaka na ayaw tumigil. Gusto kong sumigaw ngunit hindi ko magawa.
Hindi ko ito matatanggap.
Hindi ko namalayang nakaakyat na pala ako sa rooftop. Parang kusa na lang akong dinala ng mga paa ko dito. Hindi ko naramdaman ang pagod habang inaakyat ang mga hagdan. Parang may humihila sa akin paakyat dito.
Sinalubong ako ng malamig na hangin ng tuluyan akong makarating sa rooftop.
Napahawak ako sa dibdib, pilit pinapakalma ang sarili kong humihikbi na ngayon habang nakatanaw sa ibaba.
Gusto kong sumigaw ngunit hindi ko pa rin magawa kahit na nandito na ako sa itaas. Walang makakarinig sa akin dito. Gusto ko lang naman ilabas ang sakit na nararamdaman ko ngayon.
Inihakbang ko ang mga paa para sana umupo at dumungaw sa ibaba ngunit hindi iyon natuloy dahil may narinig akong ingay sa likuran ko.
"Ma'am..."
Napalingon ako ng makarinig ng boses.
Dalawang lalaki ang tumambad sa akin.
"Ma'am, huwag niyo na ho subukan na umakyat diyan." saway nito sa akin.
"Ano bang pakialam niyo?" inis na tanong ko sa mga ito.
"Kami po ang mananagot kay Mr. Salvatorri kapag may nangyari sa inyong masama."
Natawa ako. Tawa na may kasamang hinanakit. "Ang sabihin niyo, pinakagusto niya itong gagawin ko. Kung tatalon ako dito sigurado akong matutuwa pa siya."
"Inutusan kami ni Mr. Salvatorri na sundan kayo dito. Hindi matutuwa ang asawa niyo, Ma'am."
"Wala kayong alam."
Sinubukang lumapit sa akin ang isang lalaki. Itinaas ko ang aking isang paa. "Huwag kayong lalapit. Subukan niyong lumapit magpapakamatay ako. Tatalon ako dito." banta ko sa kanila.
"Ma'am..." kita ko ang pamumutla ng kanilang mga mukha.
"Ano pa ang hinihintay mo? Tumalon ka na."
Kaagad akong napatingin sa kinaroroonan ng boses. Nanlaki ang mga mata ko ng makitang naglalakad palapit dito si Keanne.
Bakit siya nandito?
"Bakit ayaw mo pang tumalon?" malamig niyang sabi sa akin.
Tumulo na naman ang aking mga luha dahil sa sinabi niya. Gusto niyang tumalon na lang ako dito ng tuluyan.
"Paano mo nasasabi 'yan?" pumiyok ng tuluyan ang boses ko.
Dumungaw ako sa ibaba. Sinalubong ako ng hangin kaya nililipad nito ang buhok ko at natatakpan ang aking mukha.
Nang lingunin ko si Keanne, hindi ko akalaing nakalapit na siya sa akin ng tuluyan. Hinawakan niya ang aking braso at pinisil ito.
“I won’t let you die there just like that. Sisiguraduhin kong mararanasan mo ang naranasan ko noong nawala sa akin ang mga taong mahalaga sa buhay ko. Iiyak ka ng walang luhang lumalabas sa iyong mga mata, Eliza!" madiing sabi niya sa akin tsaka niya ako pabalang na binitawan.
Tumalsik naman ako sa mga tauhan niya. Hinawakan kaagad ang kamay ko ng isang lalaki habang ang isa naman ay sa kabila kamay ko. Sinamaan ko ng tingin si Keanne na ngayon ay walang emosyong nakatingin sa akin.
"Dalhin niyo na siya sa kotse. Kaladkarin niyo kung kinakailangan." maawtoridad na utos ni Keanne sa mga ito.
Humigpit ang pagkakahawak nila sa kamay ko habang si Keanne ay nauna ng maglakad sa amin. Kinaladkad nila ako paalis ng rooftop.
"Ano ba? Bitawan niyo nga ako!"
"Sorry po, ma'am. Gusto man namin ngunit utos ni Mr. Salvatorri na dalhin ka namin sa kotse."
Wala akong nagawa kundi ihakbang na lamang ang mga paa dahil kung hindi ko gagawin sigurado akong kakaladkarin nila ako pababa nitong building.
Nang makababa kami ay kinakaladkad pa rin nila ako hanggang makarating kami sa parking lot. Nakita kong nasa ibang sasakyan si Keanne habang ako, halos itulak na nila papasok sa loob ng kotse. Umikot ang isang lalaki sa driver seat habang ang isa naman ay umupo sa tabi ko.
"Ihatid ka na namin sa bahay niyo, ma'am." sabi ng driver.
"Hindi ako uuwi sa bahay ng boss niyo!"
"Utos ni Mr. Salvatorri na ihatid ka na namin pauwi." sagot nito.
"Ayokong umuwi sa bahay na 'yon! Puwede ba ihatid niyo 'ko sa bahay ng mga magulang ko!"
"Sorry po, ma'am bilin ni Mr. Salvatorri na ihatid ka namin mismo sa bahay niya." sabi niya tsaka binuhay ang makina.
Habang umaandar ang kotse hindi ako mapakali. Nakatingin lamang ako sa labas ng bintana.
Ano pang balak ni Keanne sa 'kin? Pinakasalan niya ako para paghigantihan. Hindi ko akalaing sa loob ng tatlong taon hindi ko pa pala siya lubusang kilala.
Pagdating nga sa mansion, hanggang pagpasok ay sinamahan pa rin nila ako. Ang buong akala ko aalis na sila ngunit hindi ko inaasahang mananatili pa pala sila dito.
"Ano pang ginagawa niyo dito?"
"Hindi kami aalis dito, ma'am. Simula ngayon ay araw-araw mo na kaming makikita."
"Ano?"
Nasapo ko na lamang ang aking noo. Tinalikuran ko sila at pumasok na lamang sa loob ng mansion. Halos magdabog ang mga paa ko habang inihahakbang ito hanggang sa umakyat ako sa hagdan.
Pagpasok sa loob ng kwarto padausdos akong napaupo sa likod ng pintuan habang sinasabunutan ang sarili kong buhok.
Hindi ko inaasahang mangyayari sa amin 'to.
Anong gagawin ko?
Tumayo na lamang ako para doon sa kama umupo.
Nandito pa sa loob ng kwartong ito ang mga gamit ni Keanne. Hindi ko sinunod ang gusto niyang ilipat ang mga gamit niya ngunit ngayong nalaman ko na ang totoong dahilan ng pagiging cold niya sa akin. Balak ko ng ilabas ang mga ito at ilipat sa ibang kwarto.
Isa-isa kong kinuha ang mga gamit niya sa lagayan nito at inilagay sa malaking bag. Para madali kong mailipat. Ang mga damit niya ay ipinasok ko na rin hanggang sa matapos nga ako.
Lumabas ako ng kwarto ngunit ganoon na lamang ang pagkagulat ko ng marinig ang boses ng asawa ko.
"Eliza!" sa sigaw pa lamang niya alam kong galit na naman siya.
Natigilan ako sa paglalakad at ibinaba na muna ang dalawang bag na hawak ko.
Sa ilang sandali pa ay nasilayan ko na si Keanne. Kitang-kita ko ang matalim niyang mga tingin habang nakakuyom ang kaniyang kamao. Napaatras ako bigla.
"K-Keanne..." sambit ko habang kinakabahan. Sa hitsura pa lang niya halatang galit na.
Mabilis siyang nakalapit sa akin. Hinawakan niya kaagad ang braso ko. Pinisil niya ito.
"Anong ginawa mo sa mga gamit sa sala?" nagtatagis ang bagang na tanong niya.
Napaisip ako bigla. Anong gamit ang tinutukoy niya?
"Nasaan, Eliza?" dagdag pa na tanong niya.
"A-anong gamit ang tinutukoy mo?"
Unti-unting nag-sink in sa isip ko kung ano ang tinutukoy niyang gamit.
"Alam kong alam mo ang tinutukoy ko, Eliza!" mas dumiin ang pagkakapisil niya sa braso ko.
"Y-yon bang mga naka-display sa sala?"
"Ano pa nga ba huh?"
"I-itinapon ko na. Masyado na kasing luma."
"What the—" nasapo ni Keanne ang noo.
"Luma na kasi kaya itinapon ko na." paliwanag ko sa kaniya.
"Alam mo bang mahalaga sa akin ang mga 'yon?" umigting ang kaniyang panga.
"H-hindi ko alam."
"Goddamn it, Eliza!" dumagundong ang boses niya sa bawat sulok ng pasilyo. Ako naman ay napapikit at mas kinabahan pa. Nangangatal ang bibig ko.
"H-hindi ko naman alam. W-wala ka namang sinab—"
"Sinabi ko bang pakialaman mo ang mga gamit sa sala, huh?"
Napapikit ulit ako sa lakas ng boses niya.
Bigla niyang hinawakan magkabilaan ng braso ko. "Hanapin mo ang mga 'yon? Eliza! Huwag kang papasok dito hangga't hindi mo nahahanap lahat!" mariing utos niya sa akin.
"Gaano ba kahalaga sa 'yo ang mga gamit na 'yon at kailangan ko pang magpakahirap hanapin sa basurahan ang mga 'yon?"
"Mas mahalaga pa sa buhay mo ang mga 'yon!"
Napatulala na lamang ako.
Saan ko pa hahanapin ang mga 'yon? Sigurado akong natambakan na ang mga 'yon ng iba pang basura. Sana lang talaga wala pang kumuha ng mga 'yon.
Wala akong nagawa kundi ang lumabas ng mansion para lang hanapin sa basurahan ang mga lumang gamit na itinapon ko. Nagdala nga ako ng flashlight dahil madilim sa kinaroroonan ng basurahan. Kasama ko nga ang dalawang bodyguard ni Keanne ngunit hindi man lang nila ako tinulungan sa paghahanap.
Naaamoy ko na ang sarili kong amoy bulok. Kinalkal ko kasi ang mga basura ngunit wala akong nakita. Hindi ko alam kung tama ba itong kinakalkal ko dahil hindi ko na rin matandaan kung saan ko inilagay ang plastic bag na pinaglagyan ko ng mga lumang gamit.
Pawis na pawis na ako kahit ang lamig naman dito sa labas. Habang kinakalkal ko ang basura hindi naman humihinto ang pagtulo ng mga luha ko.
Hindi ko na yata talaga makikita pa ang mga gamit na 'yon.
Pagod na ako sa kahahanap ngunit wala akong napala. Inilawan ko ng flashlight ang suot kong relo. Alas dyes na ng gabi ngunit wala pa rin akong nakikita.
Napatingala ako sa bintana ng makitang medyo humawi ang kurtina mula doon. Natanaw ko doon si Keanne nakasilip dito sa kinaroroonan ko. Huminto ako sandali at tiningnan siya. Habang nakatanaw sa kaniya, hindi naman tumitigil ang pagtulo ng mga luha ko.
Napayuko na lang ulit ako para muli na naman maghanap.
"Ma'am, tama na raw ho iyan. Pumasok ka na raw sa loob."
Natigilan ako. Napatingin ako sa dalawang bodyguard. "Hindi ko pa nakikita ang mga gamit na pinapahanap ng amo niyo. Hayaan niyo na lang ako dito. Hindi naman ako aalis. Hahanapin ko ang mga gamit na importante sa amo niyo." habang sinasabi ko ang katagang iyon ay sumisinghot na rin ako dahil sa patuloy na pagtulo ng luha ko, tumutulo na rin ang sipon ko.
Nagpatuloy ako sa pagkalkal ng basurahan. Hindi ko na pinansin pa ang naaamoy ko balewala na lang sa akin 'yon.
"Tama na 'yan!"
Napahinto ako sa pagkalkal ng basurahan ng marinig ang boses ni Keanne. Ramdam kong naglakad siya palapit sa akin. Hindi ko na lang siya pinansin. Nagpatuloy ako sa paghahanap hanggang sa may pumigil sa kamay ko.
"I told you to stop!" mariin niyang hinawakan ang kamay ko. Tsaka ko pa lang siya hinarap.
"Hindi ko pa nahahanap ang mga gamit na pinahahanap mo."
Napatakip siya bigla ng bibig. "Ang baho mo na." patuloy niyang tinakpan ang kaniyang ilong.
"Ano naman sa 'yo kung mabaho ako? Hindi ba't ikaw ang nag-utos nito. Mas mahalaga pa sa 'yo ang mga lumang gamit kaysa sa akin na asawa m—"
Hindi ko natapos ang pagsasalita ng bigla niyang pisilin ang kamay ko.
"Sa tingin mo ba asawa ang tingin ko sa 'yo?" muli niyang pinisil ang pulsuhan ko. Ilang segundo unti-unti rin lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin. Nagbago ang awra ng kaniyang mukha.
"Since you already consider yourself my wife, Eliza, make sure you fulfill your duties to me. Go take a shower. May gagawin pa tayong dalawa."