Nathaniel's POV
Maaga akong pumasok dahil kokopya ako ng notes kay Vince. Nakakapagtaka lang dahil wala pa rin siya hanggang ngayon. Ang kumag na 'yon talaga. Paasa!
Lagot siya sakin kapag nakita ko siya.
Nasa loob na ako ng klase ngayon at tulala lang habang nakatingin sa labas. Hindi ko pinapansin o kinakausap man lang ang mga kaklase kong active na active sa pakikipagdaldalan. Nakakasawa rin kasi. Tsaka, non-sense ang nagiging usapan.
Para akong nakikipag-usap sa istatwa.
"Nathaniel?"
Nilingon ko ang katabi kong tumawag sakin. Ang babaeng ito. May hindi siya sinasabi sakin. Ramdam kong matagal na siyang may itinatago. Hindi ko batid kung tungkol saan pero alam kong meron. Dahil napapansin kong tila hindi siya kumportable kapag kaharap ako. Weird.
Gusto kong malaman ang nalalaman niya.
"Bakit Diana?"
Binigyan ko siya ng isang matipid na ngiti. Sinubukan kong makipagtitigan sa kanya subalit umiiwas siya ng tingin.
Sinsabi ko na nga ba.
"Nabalitaan mo na ba ang nangyari? Maraming nawawalang mga estudyante."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Sino naman kaya ang may pakana non? May hindi talaga tama sa paaralang ito. Konti pa lamang ang nalalaman ko pero handa akong alamin ang lahat hanggang sa makakaya ko. Hindi maaaring maging mangmang ako sa mga pangyayaring nagaganap dito. Dahil buhay ang magiging kapalit nito. Kailangan matigil na kung ano ang mga kababalaghang nangyayari. Hindi kami maaaring mamatay lahat dito.
Hindi talaga.
"Seryoso ka? Anong usap-usapan? Nahanap na ba ang mga nawawalang estudyante?"
Hindi ko mapigilan ang kabahan habang hinihintay ang sagot niya. Masyado ako nitong pinag-aalala. Nakakairita. Bakit nangyayari 'to? At sinong walangya ang may kagagawan nito? Ano namang kailangan niya sa mga estudyanteng iyon?
Bwisit.
"Usap-usapan sa buong school na may kinalaman sa pangyayari ang guro nating si Mr. Alfredo. Ayokong paniwalaan pero mukhang totoo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap ang mga nawawalang estudyante." halos pabulong na niyang sabi sakin. Maingat siya. Kapansin-pansin iyon sa kilos niya.
"Nakalimutan kong sabihin. Nawawala ang kaklase nating si Vince. At kutob ko, may kinalaman dito si Mr. Alfredo." dugtong niya.
Natigilan ako dahil sa mga nalaman ko. Ang mga nangyayari ngayon, nakakabigla. Parang kahapon lang magkasama kami ni Vince tapos ngayon nawawala na siya. Kaya pala hindi ko siya nakita kaninang umaga.
'Yon pala ang dahilan.
Napaayos ako bigla ng upo nang makitang pumasok na si Mr. Alfredo sa loob ng klase. Nilapag niya lang ang dala niyang gamit sa lamesa at ngitian niya ako na labis kong ikinataka. Tila may gusto siyang ipahiwatig sa kanyang ginagawa. Ang problema'y hindi ko mawari kung ano ito. Mahirap talaga basahin ang tumatakbo sa isip niya.
Kakaiba siya sa lahat ng gurong nakilala ko.
"Wag mo siyang titigan." rinig kong bulong ni Diana sa tabi ko.
Inalis ko na tingin ko kay Mr. Alfredo gaya ng sabi niya. Napangiwi ako bigla. Hindi ko talaga maintindihan ang babaeng ito. Nahihiwagaan ako sa kanya.
Ano bang nalalaman niya?
Mr. dela Costa's POV
Nakakatuwang pagmasdan ang mga hangal na kabataan na ito na nakakulong na ngayon sa isang hawla. Hindi ko maiwasan ang mapangisi habang iniisip ang mga pangyayari. Kung papaanong nakumbinsi silang sa impyernong paaralan na ito mag-enroll. Mga mangmang! Wala silang kaalam-alam na naghukay lang sila ng kanilang libingan. Dahil ang paaralang ito ay pinamamahayan ng mga maligno. Ako? Isa ako sa kanila. Isa akong maligno na kinatatakutan sa lahat.
Demonyo.
"Pakawalan mo kami dito!"
"Sinungaling ka!"
"Anong balak mong gawin sa amin dito?"
"Magbabayad ka sakin kapag nakalabas ako dito!"
Dahil naririndi na ako sa mga kung anu-anong pagrereklamo nila, ay nagpalit na ako ng wangis. Mula sa pagiging isang normal na tao hanggang sa anyo ko na isang demonyo.
Matakot na sila.
"Hindi ako natatakot sa'yo! Demonyo ka talaga!"
Ang tapang naman ng isang 'to. Kung hindi ako nagkakamali, Vince ang pangalan niya. Kaklase niya ang isang estudyanteng kinaiinisan ko. Si Nathaniel. Ang binatang iyon, dapat siya ang nakakulong ngayon dito. Ngunit alinsunod sa utos ng aking pinuno, ang kaklase niyang si Vince ang nandirto. At kinakalaban ako nito.
Kailangan niyang maparusahan!
"Katapusan mo na."
Lumakad ako papalapit sa hawla. Umaatras ang mga kabataang nakakulong roon maliban sa kanya. Napangisi ako dahil sa tuwa. Mapapaslang ko na ang maingay na ito.
Dahan-dahan kong iginala ang kamay ko sa katawan niyang hindi na niya maigalaw. Mukhang takot na takot na siya. Nakakaawa naman.
Nang makapili na ako ng parteng gusto ko ay saka ko ito tinusok ng aking mahahabang kuko. Ang pagsirit ng masaganang dugo... napaka-sarap sa pakiramdam.
Dinukot ko na ang kanyang puso at ipinakain ito sa alaga kong maligno na nasa gilid lang ng hawla. Kanina pa ito nag-iingay. Kailangan niya ng makakakain.
Umalis na ako ng lugar na iyon at nagpalit nang muli ng wangis.
Hindi maaaring malaman ng kahit na sinong estudyante ang tunay na anyo ko. Dahil oras na malaman nila, papaslangin ko sila.
Hintayin na lang nila ang itinakdang araw.
Rebecca's POV
Recess na. Ngunit wala akong gana lumabas ng klase. Ewan ko nga ba kung bakit ganito yung pakiramdam ko. Nakakaewan. Ganito ako simula pa kahapon. Para akong nanghihina. May kung ano na hindi ko maipaliwanag. Letche.
Nakakapanghina ang katahimikan.
Bukod tanging ako na lamang ang naiwan sa klase namin. Badtrip. Dati sanay ako na ako lang mag-isa. Ngunit simula nang mag-aral na kami rito ng mga kaibigan ko, ang dami kong ipinagbago.
Takot ako mapag-isa.
Kinabahan ako bigla nang kumalabog ang pintuan. Biglang may nagsara ng pinto. Sino ang may kagagawan non? Ayokong takutin ang sarili ko pero minumulto ata ako sa mga oras na ito. Letche.
Kailangan ko nang makalabas ng klase.
"Rebecca. Kamusta?"
Kilala ko ang boses na iyon. Kay Leonora. Pero may kakaiba sa tono ng pananalita niya. Parang hindi siya ang kaklase ko. Isa siyang huwad.
Pinagmasdan ko lang ang Leonorang nasa harapan ko. Hindi ako maaaring matakot. Mukhang wala namang gagawing hindi maganda sa akin ang mapanggaya na ito.
Anong tunay na katauhan niya?
"O-okay lang ako. Kailangan ko nang lumabas. Sige, mauna na ako."
Akmang hahakbang na sana ako palabas ng klase nang tumawa siya. Bigla na lamang sa isang iglap, hindi ko maigalaw ang mga paa ko. Bwisit. Anong nangyayari sakin ngayon?
'Tigilan mo ang pag-iisip ng hindi maganda Rebecca! Hindi ka pa mamamatay!' sabi ko sa isip ko habang nakatingin sa mga mata niya.
Nginisian niya lang ako.
Kitang-kita ng dalawang mga mata ko nang magpalit siya ng wangis sa harapan ko. Mula sa pagiging si Leonora, ginaya naman niya ako. Kinilabutan ako bigla dahil sa sobrang takot.
Naglaho na lang siya bigla sa harapan ko na parang bula. Habang naiwan ako sa loob ng klase na tulala.
Ano ang tunay na wangis niya?