"Ayos ka lang? Kamusta na yung paa mo?"
Naupo ako sa gilid ng kama ni Paulo dahil nakakainis lang na wala man lang monoblock chairs dito sa loob para maupuan. Sinabihan ko na lang din tuloy yung tatlong babae na maupo na sa gilid ni Larren na magiliw naman nilang ginawa at dito naman ako pumwesto sa kama ni Paulo dahil napansin ko na kanina pa sya tahimik.
Umayos sya ng upo pero nang balak ko syang alalayan ay tahimik lang syang umiling kaya napabuntong hininga na lang ako. Hindi sya katulad nung nakasanayan kong maloko at nagpapatawa dahil kabaliktaran sya ngayon. Masyadong tahimik at hindi ko naman malaman kung ano ang dahilan pero siguro'y dahil lang sa nangyari at dahil sa pagod sya. Hindi ko sigurado.
Tahimik ko syang pinasadahan ng tingin habang nakatingin lang sya sa ibang parte ng silid. Kinuha ko ang oportunidad na iyon upang paglandasin ang aking mata sa mukha nyang hindi mababahiran ng kahit na anong emosyon.
Ang singkit nyang mga mata na hindi ko malaman kung makikitaan ng galit o lungkot. Ang matangos nyang ilong at ang manipis nyang labi na mas kulay rosas pa yata kaysa sakin. Bumaba pa ang tingin ko sa PE Uniform nyang may kaunting lukot at bahid ng dumi pero kahit ganoon ay hindi ko man lang maamoy ang pawis nya ngayong medyo magkalapit kami samantalang ako ay saglit lang na pawisan ay ayoko nang dumikit sa tao dahil sa pakiramdam ko ay mabaho na agad ako. Nasaan na ba ang hustisya?
Napanguso tuloy ako at muling iniangat ang tingin sa kanya na ngayon pala ay nakatingin na rin sa akin dahilan para saglit akong matigilan. Nakita ko kung paanong bumaba ang tingin nya sa nguso ko bago mapangisi at mapa-iling.
Nangunot tuloy ang noo ko at wala sa sariling binasa ang sariling labi gamit ang dila dahil pakiramdam ko ay tuyo na iyon. Wala pa man din akong ginamit na liptint kanina kaya sigurado akong maputla ang labi ko ngayon.
"Ayos ka na ba kako?" tanong ko na lang ulit upang mabasag ang katahimikan sa pagitan namin. Kami lang kasing dalawa ang magkatabing tahimik dito dahil ang mga ingay lang na nagmumula kila Kenya ang pumupuno sa silid.
Nagbaba ng tingin si Paulo sa kanyang mga kamay na nakapatong sa kanyang hita. Marahan syang tumango habang nilalaro ang mga daliri ngunit napangiwi na lang ako dahil sa inaasta nya. Nakakapanibago talaga sya ngayon, eh.
Pinilit ko ang sarili na isipin ang mga nangyari kanina bago sya maging ganito. Mula sa nangyari sa stock room, sa tapat ng room nila Erich, at sa court. Lahat naman ng nangyari ay walang kakaiba, walang dahilan para gumanito sya. O baka ako lang ang nag-iisip ng ganoon?
Kung pagbabasehan ko ang mga reaksyon nya sa bawat pangyayari ay baka magkaroon ako ng clue. Ang pag-aalala at seryoso nyang mukha nung nangyari ang nakakabwisit na scenario sa stock room at dalhin ako sa clinic ay wala namang mali, natural na reaksyon sa isang kaibigan kumbaga. Sa tapat naman ng room nila Erich kanina ay wala rin namang mali ang hitsura nya para sakin kahit pa habang sinasabi nya na tutulungan nya ako kay Larren. Panghuli, ang hitsura nya kanina sa court. Ang diin ng pagkakatingin nya kay Kenya noong pumalya ang pagshoot nya ng bola. Iyon na ang huling nakita kong kakaiba nyang reaksyon bago mangyari ang insidente.
May laman ba ang pagkakasulyap nyang iyon? Ano ba talaga ang iniisip nya? Hindi ko alam pero sobrang nakaka-curious. Gusto kong magtanong kaso paano? Tsaka bakit? Anong pakialam ko?
"Edi humiram ka na lang sakin ng mga notes! Makikinig ako at magsusulat para sayo!"
Napatingin ako sa kanang gawi ko kung saan nakapuwesto ang apat ko pang kaibigan. Nakahalukipkip si Kenya habang nakaupo sa kanang bahagi ng kama samantalang sa dulo naman nakaupo ang dalawang sina Franches at Trish na nakangiti at nakikinig lang sa usapan nila Larren.
"Kahit wag na. Sa tamad mong 'yan, halatang maninibago ka kapag nagsulat ka ng notes" nagtawanan sila bukod kay Kenya na napangiwi at nag-ikot lang ng mga mata dahilan para mapatawa na rin ako. Napatingin din tuloy sa gawi ko si Kenya at umakto na nagtatampo kaya lalo akong napatawa.
"Pati ba naman ikaw? Ganon ba talaga ko katamad sa paningin nyo?!"
Lalo lang napahalakhak si Larren dahil sa hitsura ni Kenya at nagmistulang musika iyon sa aking tenga. Humupa na ang tawa ko at nakangiti ko na lang syang pinagmasdan. Dahil kasi sa pinag-uusapan nila ay napaisip din ako.
Paano na nga bang makakapagsulat nang maayos si Larren ngayong may tama sya sa kanyang kanang braso? Sa daming parte ba naman kasi na pwedeng mapuruhan ay yung kanan pa, pwede naman sanang kaliwa, pero mas okay talaga kung hindi na lang sya nagkaganito. Sigurado kasing mahihirapan din sya dahil kanan ang madalas nyang ginagamit sa lahat.
Napatingin ako sa braso ni Larren na may benda. Mula sa kanyang kamay hanggang sa itaas ng kanyang siko ay may balot nito. Wala naman akong gaanong alam sa mga ganyan kaya hinihiling ko na lang na sana ay hindi naman ganoon kalala ang nangyaring ito sa kanilang dalawa.
Makalipas ang ilang sandali ay pumasok na si Nurse Rhea sa silid habang may dalang mga folders na binaba nya agad sa kanyang desk. Lumingon sya sa amin suot ang kanyang malamlam na ngiti at lumapit upang abutan ng gamot ang dalawang lalaki.
"Inumin nyo 'yan pagkatapos nyong kumain ng hapunan upang mabawasan ang pamamaga sa braso at paa nyo. Kung maaari ay magpabili pa kayo ng ganyan sa mga parents nyo upang bumilis ang paggaling ninyo" muli syang bumalik sa kaninang pwesto at may kinuha pang ibang folders sa cabinet naman na nasa ilalim ng kanyang desk. Nilibot nya ang paningin sa amin habang pinagpapatong-patong ang mga ito.
"Pwede na rin kayong umuwi at sa bahay nyo na ipahinga iyan, may aasikasuhin pa kasi ako sa Faculty. Basta ang tatandaan nyo lang ay wag na ninyong masyadong ipagkikilos 'yang mga tama nyo para hindi na lumala, okay?"
"Tulungan ka na po namin, Ma'am! Sabay-sabay na po tayong lumabas" maagap na sambit ni Trish at tumayo na silang dalawa ni Franches upang lapitan ang ginang samantalang hinintay naman ni Kenya na makatayo nang maayos si Larren bago tulungang isabit ang strap ng bag sa kaliwang balikat nito.
"Selena, tara na" pag-anyaya ni Kenya nang marating nila ang b****a ng silid kaya't tumayo na rin ako para makasabay. Sa isip ko kasi ay balak kong tulungan si Larren sa bag nya para hindi na sya mahirapan kung nakasukbit lang ito sa balikat nya at isa pa ay para rin sa isang lalaking tahimik dito na sigurado akong kakailanganin din ang tulong ko sa paglalakad.
Nilingon ko si Paulo at tinaasan sya ng kilay upang ipahiwatig sa kanya na kailangan na rin naming sumabay sa paglabas ngunit napatingin ako sa kamay nya na nakahawak na ngayon ng mahigpit sa dulo ng T-shirt ko. Kumunot tuloy ang noo ko dahil doon pero hindi nya inalis ang pagkakahawak nya, sa halip ay mahina nya akong hinila at binalingan ng tingin si Nurse Rhea na maagap palang nag-aabang sa amin.
"Pwede po bang hintayin ko muna dito yung Ate ko? Sya po kasi yung tinawagan ko para sunduin ako ngayon" wala na akong ibang nagawa kundi ang mapabuntong-hininga na lang nang makita kong tumango na ang ginang.
Ano pa ba ang ibang magagawa ko ngayon kung ang paraan ng paghawak nya sa dulo ng suot kong damit ay parang bata na ayaw magpaiwan sa magulang?
Binalingan ko ng tingin si Larren na ngayon pala ay nakatingin sa kamay ni Paulo sa damit ko dahilan para mapakurap-kurap ako at dahan-dahang alisin ang pagkakahawak nito. Tangina, baka iba pa ang isipin nya!
"Una na kami, Selena!" pagbasag ni Kenya sa katahimikan sa pagitan namin samantalang nakita ko naman na inayos pa ni Larren ang pagkakasabit ng bag nya sa kanyang balikat.
Hindi ko naiwasan ang mapahakbang papalapit para tulungan sya pero ngumiti lang sya sa akin at saglit na sinulyapan si Paulo bago ako muling titigan. Halos malusaw ako sa titig na iyon, samahan pa ng ngiti nyang lalong nakakapagpahulog sakin.
Alam ko naman na paulit-ulit lang ang mga pinapakita nyang ganoong kilos at ang epekto niyon pero hindi ko alam kung bakit parang laging bago ang dating nito sakin. Laging nakakakilig, kadalasan pa nga ay nakakamatay. Jusko.
"Ingat sa pag-uwi"
Simula nang umalis ang mga kasama namin ay wala akong kibo at nananatili lang ang munting ngiti sa aking labi. Pilitin ko mang alisin iyon ay bumabalik din naman agad kapag naaalala ko ang ngiti at ang sinabi ni Larren kanina.
I wonder, alam nya kaya na ganito kalakas ang epekto nya sa akin? Na matagal bago maalis sa isip ko yung mga simpleng salita at kilos nya? Na halos hikain ako sa kabog ng dibdib ko? At halos isipin ko na may zoo sa loob ng tyan ko dahil sa pagwawala nito? Hays, Larren. Sana naman alam mo para mabawas-bawasan mo ang pagbibigay ng dahilan para mas lalo akong mahulog sayo.
"Tsk, lakas ng tama"
Nag-angat ako ng tingin kay Paulo na ngayon lang yata bumalik sa tamang katinuan. Nakangiwi ito ngayon sa akin at napapailing pa bago mag-iwas ng tingin. Inismiran ko na lang tuloy sya at umayos ng upo sa kamang kanina lang ay hinihigaan ni Larren. Medyo naaamoy ko pa nga rito ang mabangong pabango ng lalaki kaya parang gusto ko na lang din humiga.
"Oh? Baka naman masagot mo na ngayon yung tanong ko kung ayos ka na ba?" sambit ko habang marahang inaayos ang bedsheet. Hindi ko man nakikita si Paulo ay ramdam ko ang mga tingin nya. Marahil ay pinapanood nya ang ginagawa ko.
"Oo naman. Malayo sa bituka" ramdam ko ang pagyayabang sa tono ng boses nya kaya't hindi ko naiwasan ang magtaas ng isang kilay bago sya tuluyang harapin.
"Malayo sa bituka pero kung magdamdam ka kanina ay akala mo kang pipi na namatayan" prangka kong sambit na bahagya nyang ikinangiti.
Ipinatong nya ang kanyang kamay sa tabi nya na tila sinasabing doon ako umupo pero hindi ako gumalaw. Aba, mahirap na. Magkaibigan kami at tsaka, malinis pa ako no!
"Dito ka, may ikukwento ako" sabi nya pero marahas akong umiling.
"Hindi ako bingi, maririnig kita mula rito" ibinaling ko ang tingin sa ibang parte ng clinic para iwasan ang nakangisi nyang mukha. Kita mo na? Sino ba ang magtitiwala sa ganyang pagmumukha?! Punyeta.
"Dali na kasi" pamimilit nya pa pero paulit-ulit lang akong umiiling habang kung saan-saan bumabaling ng tingin.
Jusko! Bakit ba kasi hindi pa ako sumabay kila Kenya kanina? Tsaka bakit ako pumayag na kaming dalawa lang dito?! For Pete's sake, we're opposite genders!
Dito na ba matatapos ang maliligayang araw ko? Iiyak na ba ko? Hihiyaw? Hihingi ng tulong? Tatakbo? Pero teka, baldado sya ngayon kaya wala syang magiging laban sakin. Pwedeng-pwede ko syang patayin gamit yung mga kagamitan dito sa clinic! At sasabihin kong self-defense lang iyon!
"Aray, putangina!" para akong nagising sa katotohanan nang makaramdam ng malaki at malambot na bagay sa mukha ko. Unan man 'yon, malakas pa rin ang impact kasi mukhang may sama ng loob yung nagbato.
"Ano ba?!" malakas na bulyaw ko kay Paulo habang nakahawak sa ilong ko. Tangina, hindi na nga katangusan, mapapango pa yata dahil sa ginawa nya!
"Ikaw kasi! Halatang may iba kang iniisip!" sigaw nya pabalik kaya nanlaki ang mga mata ko at sya naman ang binato ng unan na agad nya namang nasalo.
"Anong ako? Baka ikaw! Ikaw yung nakaisip na may iniisip ako eh!" binato ko ulit sya nung isa pang unan na ginamit ni Larren kanina pero nasalo nya lang ulit kaya mas lalo akong nainis. Pakiramdam ko ba'y ang tanga-tanga ko sa part na 'yon.
"Hoy, obvious naman na may ibang laman yung utak mo dahil namumula ka!" sya naman ang gumanti ng bato at talagang dalawa agad ang hinagis nya kaya mabilis akong tumayo para maiwasan iyon.
"Bakit ba kasi kailangan pang tumabi dyan, eh may ikukwento ka lang naman pala?!"
"Kasi ipapamasahe ko yung paa ko!"
Natigilan ako dahil sa inihiyaw nya at pagkalipas ng ilang sandali ay hindi ko naiwasan ang mapa-buga ng hangin dahil sa pinaghalong gulat at inis.
"Saan ka ba talaga kumukuha ng tapang ng hiya?" nakangiwi kong tanong pero ang loko, umirap pa! Sya pa talaga ang may ganang magtaray?!
"Para ka namang others! Sige na, may ikukwento rin ako!"
Ilang minuto pa ay napairap na lang ako nang makita ko ang sarili na marahang pinipindot ang paligid ng namamagang parte sa paa nya. Oo, pinipindot lang! Aba, sino ba kasi sya para bigyan ko pa ng package deal sa pagmamasahe?
Hindi naman na nya iniintindi iyon dahil abala sya sa pagkukwento kung bakit daw ba sya tahimik mula pa kanina. Interesado naman ako kaya nakikinig na lang din ako kaysa mainip lang kaming dalawa rito dahil sa tagal ng susundo sa kanya.
"Para talaga kay Kenya yung three-points na 'yon kaso hindi pumasok. Nakakahiya tuloy" sambit nya na tinawanan ko agad kaya lalong nangunot ang kanyang noo.
"Hayaan mo na, hindi naman sya nakatingin" sabi ko na parang gusto ko na lang din bawiin kasi bigla syang natahimik. Pumaskil man ang ngiti sa labi nya ay hindi naman ako tanga para hindi mapansin ang kaibahan rito.
"Ano ba kasing istorya nyo? Bakit kayo naging ganito bigla? Eh sa paraan nang pagsagot nyo kay Ma'am dati, parang may pinagsamahan naman kayo" litanya ko pero nang mapansin na matagal bago sya makasagot ay inunahan ko na rin sya. Baka kasi isipin nya na sobra na akong madaldal at grabe manghimasok sa buhay ng iba.
"Ayos lang pala kung hindi mo-"
"Akala ko naging kami noon"
Natahimik ako sa panimula nya. Nakayuko sya at pinagmamasdan ang mga daliri na nilalaro ang isa't-isa habang ako naman ay napatigil na sa ginagawang pagpindot sa kanyang paa. Gusto kong magfocus sa pakikinig dahil mukhang seryoso talaga sya.
"Nung nakita ko si Kenya nung pasukan? Iba yung tama sakin. Para bang love at first sight, ganon" bumuntong hininga pa sya habang umuusbong ang maliit na ngiti sa kanyang labi. Yung totoong ngiti talaga.
"Nagkakilala kami nang mabuti kasi lagi kaming natyetyempo na magkagroup sa activities o kaya naman ay dahil sa mga kaibigan na nagkaka-ayaan. Sa tuwing magkakasama kami, lagi ko ngang napapansin na madaming tumitingin sa kanya at hindi naman ako tanga para hindi isipin na gustong pumorma nung mga tuod na 'yon. Kaya makalipas ng halos dalawang buwan, sinubukan ko nang manligaw. Hindi pala sinubukan, talagang niligawan ko sya at hindi ako tumigil hangga't hindi sya napapasakin."
"Lagi akong nakabuntot sa kanya, sa kanilang magkakaibigan. Inaaya ko syang kumain sa labas pero ang ending, kasama rin yung sila Trish. Tinatabihan ko sya lagi sa classroom tsaka dinadalan ko rin ng pagkain lalo na kapag may okasyon o party, hindi sya mawawalan ng regalo mula sakin. Kapag nakita kong malungkot sya? Ako agad yung lalapit para lang mapasaya ko sya kasi ganoon yung sa tingin kong tama, yung normal na pagpapakita kung gaano ko sya kamahal. Kaso siguro, may kulang pa rin. O baka, sumobra masyado"
Nawala ang ngiti ko nang dahil sa sinabi nya nung dulo. Naramdaman ko pa naman ang sinseridad nya sa mga salita nya at talagang hindi ko maiwasan ang makaramdam ng labis na kasiyahan para kay Kenya dahil meron palang isang Paulo na gumagawa ng mga ganitong bagay para sa kanya. Deserve na deserve nya ang lalaki kahit pa medyo loko-loko ito dahil kitang-kita ko naman sa mukha nya na talagang seryoso sya.
Pero hindi ko rin maisip kung bakit naman nalagay sila sa ganitong alanganin. Paanong baka kulang o sobra? Ano ang ibig nyang sabihin?
"Nung unang pagkakataon na sinabi nyang gusto nya na ako, talagang hindi ko alam kung paano akong magdidiwang sa saya. Simula nung araw na iyon, hindi na ko humiling ng kahit na ano mula sa kanya. Yung masuklian nya yung mga I love you's ko, tanggapin nya nang buong-buo yung mga regalo ko, sabay kaming kumain sa cafeteria, hayaan nya akong ihatid at sabayan sya sa pag-uwi at pag-pasok. Doon palang ay sobrang saya ko na. Kuntento na ko, eh" saglit syang tumigil at tumingin sa mga mata ko.
"Pero Selena, hindi ko alam kung bakit bigla syang nagbago"
Kusang lumapat ang kamay ko sa kanyang likod nang mapangiti sya nang mapait at mapayuko. Hindi sya umiiyak pero sobrang ramdam ko yung lungkot na bumabalot sa pagkatao nya sa mga oras na ito. Nawala bigla ang munting ngiti sa labi nya kanina habang binabalikan ang mga alaala nila dahil nang marating nya na ang hangganan nito ay hindi na yata magaganda pa.
"Nanlamig na sya sakin, sa amin. Hindi nya man direktang sabihin pero yung mga kilos nya na yung nagpapakita. Nilalayuan nya na ako kapag nagtatangka akong lumapit sa kanya, lagi na syang may mga rason kapag gusto ko syang makasama, hindi nya na rin tinatanggap yung mga binibigay ko, at hindi nya na ako kinausap mula noon"
"Ang duga, sobra. Wala akong kaalam-alam. Hindi ko alam kung saan ako nagkamali para magkaganon sya tapos ngayon na nagkita na ulit kami, malalaman ko na hindi nya pala talaga tinuring na relasyon yung sa amin noon, na nagising na lang daw sya bigla na ayaw nya na, na nagsawa na sya."
Sandali ulit syang nanahimik habang nakayuko at nakakuyom ang mga kamao samantalang ako ay matyagang naghihintay sa mga nais nyang ilabas na hinanakit at sama ng loob. Ito lang kasi ang maiaalay kong tulong sa kanya, ang makinig at samahan sya sa mga oras na ito. Hindi ko man alam kung may iba pa syang pinagsasabihan pero ang importante ay mapunan ko ang tungkulin ko bilang kaibigan, para maramdaman nyang may masasandalan at maaasahan pa rin sya.
Matapos ng ilang buntong hininga na naririnig kong ginagawa nya ay nag-angat sya ng tingin sa akin. Ngayon ay may halong determinasyon at pagiging pursigido ang mga mata nya. Halatang nakapag-isip at nakapagdesisyon na.
"Pero kung gagawin ko ulit yung panliligaw ko dati, sigurado akong makukuha ko ulit sya at ngayon, wala na akong balak na hayaan pa syang makawala"
|||||
SELENAPHILE