Chapter 14

2501 Words
"GO! GO! GO" "I-SHOOT MO NAMAN! PURO KA PA-POGI!" "ANG YUMMY NYO!!!" "MINE NA SI FAFA TERRENCE!!!" Napangiwi ako at halos mapatakip na ng tenga dahil sa kabilaang mga hiyaw ng kaklase kong pumupuno sa buong gymnasium. Halos magiba rin ang inuupuan naming bleachers dahil sa halos sabay-sabay nilang pagtalon para lang maipakita ang pagsuporta sa mga kaklase namin na naglalaro ng basketball. Pagkatapos kasi ng lunch break kanina ay dito na kami pinadiretso ni Sir Rusty kaya pala ganado ang mga kaklase ko, lalo na yung mga lalaki kanina nang papunta na sana ako sa room namin. Mabuti na nga lang din ay nakasalubong ko sila kaya agad na akong isinama nila Kenya para makasabay sa kanila. Kahit simpleng physical activity lang ito ay nakakatuwa na todo-bigay pa rin ang mga kaklase kong babae, lalo na yung mga nagfefeeling babae, sa pagcheer sa mga manlalaro. Ang section lang din naman namin ang naririto sa gymnasium at ang mga lalaki lang din sa section namin ang naglalaro sa court kaya hindi pa ako makapili kung kanino ako kakampi at susuporta. Bukod kasi sa wala pa akong gaanong ka-close sa karamihan sa kanila ay nahihiya naman akong magwala dito, simpleng laro lang naman kasi. Maging sila Kenya na katabi ko ay nakikihiyaw rin habang magiliw na nanonood sa mga pawisan na manglalaro na halatang focus na focus sa paglalaro dahil wala man lang silang nililingon sa mga nakaupo rito sa bleachers. Napailing na lang tuloy ako habang mahinang pumapalakpak at suot ang isang maliit na ngiti sa aking labi. Hindi kasing-saya noong nakaraang taon pero pwede na rin dahil nalilibang ako at natutuwa akong panoorin ang mga kaibigan kong lalaki roon. At kapag sinabi kong 'mga kaibigan', hindi kabilang doon si Larren dahil boyfriend ko sya. Well, boy na friend. In-english ko lang yung 'lalaking kaibigan' para mas sosyal pakinggan. Kahit tahimik ay mabilis pa rin ang aking mata para lang masundan ang kilos nila. Ang liliksi kasi kaya gumagawa rin ito ng ingay mula sa mga sapatos nilang kumikiskis sa makintab na sahig. Ang pagtalbog ng bola ay halos hindi ko makita dahil kung kani-kanino ito napupunta sanhi ng agawan at pasahan ng mga lalaki. Ang tunog naman ng ring na pinapasukan ng bola ay parehong nakakakaba at nakaka-excite habang inaabangan ang mangyayari rito, kung makakadagdag ba ng score o hindi. Nang makita kong si Larren ang pinasahan ay mas lalo akong naging alerto. Humarang agad sa kanya si Paulo na halatang seryoso din at walang kahit na anong emosyon sa mukha habang nakatingin sa kaharap. Nakakagulat na ganoon rin ang hitsura ni Larren habang nakatingin lamang ng diretso kay Paulo. Parang wala man lang namumuong pagkakaibigan sa pagitan nila dahil sa paraan ng kanilang pagtititigan. Sa totoo lang ay mula kanina na nagsimula ang laro, kapansin-pansin na ang galing nilang dalawa. Nagkataon pa kasi na hindi sila nagkasama sa iisang team kaya kapag sila ang nagkakaharap ay mas lalong lumalakas ang hiyawan ng mga kaklase ko na tila hindi naman nila pinapansin. Para bang may mga sarili silang mundo sa mismong court kaya hindi ko malaman kung sadyang ganyan lang ba talaga sila kapag naglalaro o may kanya-kanya silang sama ng loob? Jusko. "GO PAPI PAULO!" "LARREN KAMI!" Napuno ulit ng kanya-kanyang sigawan mula sa mga kaklase ko ang buong gymnasium dahil pati ang mga natirang lalaki sa bleachers ay nakikihiyaw na rin ngunit hindi man lang natitinag ang dalawang sinusuporta nila sa court. Taimtim pa rin akong nanood sa halip na makisama sa paghiyaw nila. Ang mahina kong pagpalakpak kanina ay itinigil ko muna upang mas matitigan ang laro. Pawisan ang mga lalaki sa court dahil sigurado akong kahit covered naman ang gymnasium na ito ay naiinitan pa rin sila dahil sa aktibidad na ginagawa. Atleast ay nasusulit nila ang PE, diba? Mabuti na rin na may ganitong subject para kahit papaano ay hindi purong pagbubulakbol at pagtulog lang sa klase ang ginagawa ng mga ito. At isa pa ay nakakalibang din naman ang panoorin na seryoso sa laro ang mga lalaking puro pagpapatawa lang ang ginagawa sa classroom. Humina ang hiyawan ng mga kaklase ko nang makita ang mga sumunod na nangyari. Masyadong mabilis ang pangyayari dahil kung kanina ay si Larren ang may hawak ng bola, ngayon ay si Paulo na ang tumatakbo sa kabilang ring habang mabilis ang kilos na umiiwas sa nagtatangkang humarang sa kanya. Tangina? Paano nangyaring humaharang lang sya kanina at sa isang daplis lang ng kamay ni Larren ay naagaw nya na agad ang bola? Ni hindi ko agad na-process iyon sa isip ko pero pinilit ko pa ring isabay ang tingin sa nangyayari. Napansin ko ang pagkunot sa noo ni Larren ngunit mabilis syang tumakbo upang makahabol kay Paulo na ngayon ay papalapit na sa ring habang maingat na nagdidribble at binibigyan ng tingin ang iba pa naming kaklaseng humahabol at nagtatangkang humarang sa kanya, idagdag pa si Larren na mabilis na nakahabol at alerto syang minamata. Ilang segundo tuloy syang nag-iisip at tumitingin sa mga kasamahan na pwede nyang pasahan ngunit may mga humaharang din sa mga iyon kaya nang wala na syang choice ay nagkunwari syang tatakbo sa gilid ni Larren ngunit bigla syang umatras at pumwesto upang ishoot ang bola. Napakurap tuloy ako dahil sa may kalayuan sya sa ring ngunit dahil wala na syang iba pang pagpipilian ay ginawa nya ang imposible. "GO PAULO!!!" "PARA KAY KENYA!!!" Nagsigawan ang mga baklang nasa likod ng pwesto namin nila Kenya ngunit hindi ko na pinansin pa ang paghampas na ginawa ng babae sa mga kaibigan dahil napalunok ako nang walang alinlangang itinira ni Paulo ang bola. Kung narinig nya man o hindi ang hiyaw na iyon ay hindi ko na alam dahil pati sya ay nakaabang kung papasok ang tira nya. Sinundan ko tuloy ng tingin ang bola at alam kong hindi lang ako ang gumawa niyon dahil muling humina ang hiyawan ng mga kaklase ko para abangan ang mangyayari. Tensyonado at maagap ang mga mata ng lahat. Lahat kami ay taimtim na nanonood at nakakatawa iyon dahil para kaming nasa isa malaking kompetisyon. "AY!" "SAYANG!" Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi at napangiwi nang makitang sumablay ang tira ni Paulo. Napuno rin ng sigaw at panghihinayang mula sa mga kaklase namin ang buong gymnasium dahil sa pangyayaring iyon ngunit sa halip na pagtuunan pa iyon ng pansin ay ibinalik ko na lang ang tingin ko sa kanya. Nakita kong naikuyom nya ang dalawang kamao at hindi rin ako pwedeng magkamali nang makitang sumulyap sya sa gawi namin. Sigurado akong si Kenya ang tinignan nya kaya tinignan ko rin ito at nakitang parang hindi man lang nito binalingan ng tingin ang lalaking naghihintay sa mga mata nya. Gusto ko na lang tuloy mapailing dahil doon ngunit mas pinili ko na lang ibalik muli ang tingin sa court. Oo nga't nagpapatulong sa akin si Paulo pero hindi muna ngayong oras na ito. Wala pa akong sapat na pinanghahawakan upang manghimasok sa buhay at desisyon ni Kenya kaya mababa ang confidence kong matutulungan ko talaga si Paulo dahil sigurado akong hindi rin ako pagtutuunan ng pansin ng babae. Bakit ba kasi sa akin pa sya nagpapatulong? Mas close naman sana ni Kenya sila Trish kaya bakit hindi sya roon manghingi ng tulong? At isa pa, hindi ko hawak ang nararamdaman ni Kenya. Wala akong magagawa kung anong magiging desisyon nya pero, wala naman sigurong mawawala kung susubukan kong tumulong? Nakita ko kung paanong nakuha ni Larren ang bola mula sa pagkakasablay nito sa pagpasok ng ring at ang mabilis nyang pagtakbo sa kabila. Mabilis na sumunod sa kanya ang mga kaklase namin lalong-lalo na si Paulo na nakarecover na yata mula sa pag-iignora sa kanya ni Kenya. Pinagmasdan ko ang seryosong mukha ni Larren habang hinahangin ang kanyang buhok mula sa hangin na humahampas sa kanyang balat dahil sa ginagawang pagkilos. Kitang-kita ko mula rito ang kapal ng kanyang kilay na bahagyang magkasalubong, ang tangos ng kanyang ilong, ang mata nyang mapupungay na naglilikot upang tignan ang mga kapwa kalaro, ang bibig nyang pinkish na bahagyang nakaawang, at ang buong mukha nyang may kaunting bahid ng pawis. Lahat ng iyon ay naging daan lang para lalo akong mahulog sa kanya at kahit pilitin kong tignan sya ay wala pa rin talaga akong makitang pangit o pintas man lamang. Pumasok sa isip ko ang sinabi ni Paulo. Kung tutulungan ko sya ay tutulungan nya rin ako. Ito na nga ba ang hinihintay kong panahon para mangyari na ang dati ko pang iniisip at iniimagine lang? Ang mapalapit at mapahulog rin sa akin si Larren? Ang humigit pa sa pagkakaibigan ang relasyon namin? Wala namang mawawala kung susubukan, diba? Bumuntong-hininga na lamang ako at umayos ng upo dahil wala naman nang nakaka-excite pa sa pinapanood ko, hindi kagaya kanina na talagang tensyonado ang lahat. Inangat ko ang aking braso upang tignan ang oras mula sa wrist watch ko at napanguso nang mapansin na may isang oras at mahigit pa kami para magpalipas ng oras sa subject naming ito since dalawang subjects lang naman ang meron kami ngayong hapon at puro si Sir Rusty ang professor namin sa mga iyon. Hindi ko tuloy alam kung ikatutuwa ko bang kapag tuwing PEH na lang ang subject namin sa kanya ay hinahayaan na nya kaming magliwaliw sa gymnasium o sa room, basta related pa rin sa subject ang ginagawa kahit pa tuwing umaga lang naman sya nagbibigay ng lessons. Natigilan ako sa pag-iisip at muling napatingin sa court nang marinig ang malalakas na singhap at hiyawan ng mga kaklase ko. Nagtayuan rin ito at ang iba naman ay bumaba na ng bleachers para may kung anong gawin sa court na pinipilit ko namang silipin para malaman kung ano iyon. Nanlaki ang mga mata ko at napatayo na rin nang makitang nakadapa si Larren habang may iniinda samantalang nakahiga naman si Paulo habang nakalagay ang isang braso sa mga mata nito. Kahit kalahati lamang ang nakikita ko sa kanyang mukha ay kita ko pa rin ang sakit na nadarama nya na hindi ko naman alam kung ano. Hindi ko kasi nakita! "Next time ay pag-iisipan ko pang mabuti kung paglalaruin ko kayo o hindi. Sa ngayon ay alagaan nyo muna ang mga kaklase nyo at magpakatino. Class dismissed" Tahimik kong iniayos ang mga gamit ko sa aking bag at nag-angat ng tingin nang maramdaman ang presensya sa paligid ng inuupuan ko. Naglalabasan na ang ilan kong kaklase pero wala rito ang dalawang nadisgrasya kanina dahil dinala na nila ito sa clinic bago pa kami bumalik ulit dito sa room. Hindi katulad kanina sa gymnasium, mas tahimik at mahinahon na ang mga kaklase ko kahit pa naririnig ko naman na pinag-uusapan pa rin nila ang pangyayari kanina. Natapilisod daw kasi si Larren sa paa ni Paulo nang pinilit nitong makipagsabayan sa kanya kaya ang ending, parang namali ang tama sa paa nito at masama rin ang naging pagbagsak ni Larren nang tumama ang kanang braso sa sahig upang pigilan ang sariling malagay sa mas mabigat na aksidente. Parehas na-injured kaya tinulungan sila ng iba pa naming kaklaseng lalaki upang makarating nang maayos sa clinic. Wala na rin namang ginawa si Sir Rusty matapos iyon kundi ang sermonan kami at sabihan na baka hindi muna kami payagang maglaro sa susunod na meeting namin dahil sa nangyaring insidente. Tahimik man ang mga kaklase ko ay ramdam ko pa rin ang pagtutol at panghihinayang nila. Ako naman ay walang pakialam sa pinag-uusapan nila at pilit na bumabalik sa aking isipan ang namimilipit sa sakit na si Larren. Gusto ko na syang mapuntahan sa clinic. "Pupunta ka bang clinic?" tanong ni Kenya na kasamang nakatayo nila Trish sa paligid ng inuupuan ko. Pagkatapos kong ayusin ang bag ay tumayo na rin ako kaya gumilid sila upang makadaan ako. "Oo, gusto ko lang makita kung ayos na ba yung mga kaibigan ko-" "Naku, wag mo na kaming paandaran. Alam naman namin na si Larren lang ang pupuntahan mo roon" naniningkit ang mga matang sinabi ni Trish na tinawanan naman ng dalawa kaya kahit wala akong ganang makipagbiruan ay gumawa na lang din ako ng isang pekeng ngiti. Baka mapahiya pa. "Tara na, sasamahan ka namin saglit pero uuwi na rin kami kaagad" sambit muli ni Kenya kaya tumango na lang ako sa kanila at nauna nang maglakad papalabas ng classroom. Wala naman silang ginawa sa daan kundi ang mag-usap tungkol sa kung anu-anong bagay na hindi ako makarelate kaya mabuti na lang din na nangunguna ako sa paglalakad para hindi ako magmukhang out of place. Hindi rin naman nila ako tinatawag at pinapansin dahil kapag may nadadaanang kakilala ay humihinto sila saglit para magkamustahan. Napabuntong hininga na lang tuloy ako. Perks of being a friendly extrovert. "Ayos ka na?" mahina kong tanong nang makaupo ako sa gilid ng kama na hinihigaan ni Larren. Katabi lang nito ang kay Paulo ngunit tahimik lang itong nakatingin kay Kenya na kay Larren naman nakamasid, ganoon rin sila Trish at Franches. Nakita kong ngumiti si Larren kahit hindi nakatingin sa akin kaya hindi ko maiwasan ang pamulahan ng mukha. Napayuko tuloy agad ako nang dahil doon. Ano ba naman ito?! Ngiti nya lang tapos nagkakaganito na ako?! Iba na! Malala na yata talaga ang tama ko sa isang 'to! Kailangan nya na talaga akong panindigan! "Naku, dito nyo pa talaga napiling magdate kahit madaming nakaabang sa inyo" nang-aasar na singit ni Trish kaya nagtawanan silang apat, kasama si Larren, na naging dahilan ng mas lalong pag-init ng mukha ko. Nakakahiya! "Oh, kamusta ka na? Ayos na ba 'yang braso mo?" tanong ni Kenya habang nakahalukipkip at nakatayo sa paanan ng kama ni Larren, katabi ang dalawa pang kaibigan. Nakakahiya man pero tinanggap ko na rin ang bulong nila na ako na daw ang umupo sa tabi nito dahil wala naman na akong pupwestuhan pang iba at hindi na rin ako umangal kasi nung pagpasok namin ay nakita kong nakangiti na rin agad ang lalaki habang nakatingin sa amin. Edi syempre, sa halip na manghina ang tuhod ko sa pagtayo at matunaw na lang bigla sa pwesto ko, pinilit ko nang maupo sa gilid nya pero may sapat na espasyo pa rin sa pagitan namin para hindi naman sya mailang o masikipan. "Ayos lang, medyo masakit pa rin pero kaya namang tiisin-" "Kaya mo nang igalaw? Paano kang makakapagsulat o makakagawa nang maayos nyan?" hindi ko napigilan ang magbigay ng pag-aalala sa aking tono kaya nakita kong muli syang napangiti bago ako tignan na halos magpatunaw ulit sa akin. "Ayos nga lang po, wag ka na mag-alala. Ako pa ba?" sagot nito at bahagyang ginulo ang aking buhok. Saglit akong natigilan at parang umakyat ulit ang dugo ko sa aking mukha, dahilan ng biglaang pag-init nito. Sigurado akong pulang-pula na ang mukha ko pero wala akong magawa kundi ang kagatin ang pang-ibabang labi upang mapigilan ang impit na tiling gustong lumabas mula sa aking bibig. Aaminin ko na. Crush na crush ko na talaga si Larren. ||||| SELENAPHILE
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD