Chapter 18: Shot
“NO! Huwag ka nang lumapit pa rito!” sigaw ko sa boss ko nang makitang patakbo siyang lumapit sa kinaroroonan ko at nakita ko na lang siya na hawak ang baril niya. Nakikipagpalitan na rin siya ng putok.
Naramdaman ko ang pagkirot sa tagiliran ko, pero hindi ko na iyon masyadong pinansin pa. Ang atensyon ko ay nasa mga kalaban ko, para bigyan ng proteksyon si Sir Vladimier.
Nang kapwa na kami nakaluhod at nagkukubli sa likod ng sasakyan, malamig niya akong tinitigan.
“You’re so hotheaded, Chendra! I told you not to fúcking leave the building, pero hindi ka talaga nakikinig!” Ramdam ko ang inis at galit niya, sa boses pa lamang niya.
“Eh ikaw rin naman! Dapat hindi ka na sumunod pa sa akin. Iniwan mo pa ang fiancé mo!” sigaw ko pabalik sa kaniya.
“Seriously? Ngayon pa kayo mag-aaway gayong nasa peligro pareho ang mga buhay ninyo?” narinig kong komento ni Klein.
“We need backup, Mr. Klein,” sabi ng katabi ko. Siya pa ang unang nakaisip no’n.
Bago pa nga lang dumating ang backup namin ay umalis na ang kalaban namin.
“Kami na ang bahala. Umalis na lang kayo riyan, C,” utos ni Klein sa kabilang linya at nahila na agad ako ni Sir Vladimier.
Nagpaubaya naman ako at saka ko lang mas naramdaman ang kirot sa tagiliran ko. Diniinan ko ito, ramdam ko ang init nito na parang nasusunog. Subalit sinikap ko pa ring maglakad upang makaalis na kami rito.
Binuksan niya ang pinto sa passenger seat at agad na akong sumakay. Umikot na siya sa kabila.
Hindi ko na magawa pang ikabit ang seatbelt at nang mapatingin ako sa kamay ko ay napuno na ito ng dugo.
“Shít,” mahinang mura ko. Pinapaandar na niya ang sasakyan nang lumingon siya sa ’kin.
“Are you alright, Chendra?” he asked me. Sasagot na nga sana ako nang hindi okay ay hinawakan niya ang kaliwang kamay ko. Napamura siya nang makita ang dugo sa palad ko, dumulas kasi iyon. “May tama ka ng baril?!”
“Kaya ko pa, mag-drive ka na lang, sir,” usal ko. Tinulak ko pa ang kamay niya.
***
Sir Vladimier didn’t take me to the hospital; instead, we went to his unit, and he didn’t let me walk anymore. He carried me in his arms after wrapping me in his coat.
Pagkababa niya sa akin sa kama, nagmamadali siyang tumakbo papunta sa banyo. Alam ko na kung ano ang kukunin niya roon, kaya’t pagbalik niya, bitbit na niya ang medicine kit.
“Hindi naman sana malalim ’yan... Sana daplis lang, Chendra,” seryoso niyang sambit. Hinawi niya ang coat na nakabalot sa akin at ginupit ang suot kong puting longsleeves. Nasa kaliwang tagiliran ko ang sugat. Pero ang akala niya, daplis lang.
“Shít…”
Agresibo na ang paghinga ko at unti-unti na ring nagdidilim ang paningin ko.
“Tawagin mo na lang si Jamie… kaya niya akong gamutin,” sabi ko, subalit umiling lang siya.
“Marami ka ng nawalang dugo, Chendra. Kaya kitang gamutin. Kompleto ang gamit ko rito. Nag-aral din ako ng medisina. Alam ko kung paano tanggalin ang bumaon na bala sa tagiliran mo. Ang kailangan ko lang ngayon ay tiwala mo.”
“I trust you,” mabilis kong sagot. Napakagat siya sa labi. Kita ko sa mga mata niya kung gaano siya nag-aalala para sa akin.
Maingat pero mabilis ang mga kilos niya. Ramdam ko ang lamig ng antiseptic sa balat ko habang nililinis niya ang aking sugat. Napapapikit ako sa hapdi, ngunit tiniis ko.
Ayokong maging sagabal sa ginagawa niya. Kahit hindi siya nagsasalita, ramdam ko ang tension sa bawat galaw niya.
Nakita ko kung paano niya dinisinfect ang mga gamit—seryoso, focus na focus, para bang isang doktor na sanay na sa ganitong sitwasyon. Huminga siya nang malalim at hinawakan ang kamay ko.
“Sandali lang, Chendra… kakayanin mo ’to,” bulong niya. Tumango lang ako, kahit medyo nahihilo na ako sa sakit at sa pagod. Ramdam ko nang gumalaw ang forceps sa sugat ko, pilit inaalis ang bala. Napakagat ako sa labi para hindi mapasigaw. Ang hirap. Ang sakit.
Ilang minuto ang lumipas bago ko maramdaman na medyo gumaan na. Narinig ko siyang huminga nang malalim, tanda na natapos na niya ang pinaka-critical na parte.
Tiningnan ko siya—pawisan, subalit may determinasyon pa rin ang mukha.
Nilinis niya ulit ang sugat ko, tinahi ito ng sobrang ingat at pagkatapos ay binalutan ng gasa.
“Done,” narinig kong sabi niya, halos pabulong. Hindi ko na namalayan ang sumunod na mga galaw. Basta naramdaman ko na lang na may malamig na hangin mula sa aircon, komportable ako sa pagkakahiga. Ramdam ko pa rin ang kirot, mas nangingibabaw na ang antok at pagod. Narinig ko pa siyang bumulong ulit. “Thank you for trusting me, Chendra.”
Hindi ko na nagawang sumagot. Dahan-dahan nang dumilim ang paligid.
Pagmulat ng mga mata ko, madilim pa rin ang paligid. Iba na ang pakiramdam ko, mas mabigat, mas mainit. Para akong sinisilaban mula sa loob. Basang-basa ng pawis ang noo ko at nanginginig ang buong katawan ko kahit hindi malamig sa kuwarto. Kanina ay okay pa naman ako, ngunit ngayon. Hays...
“Ugh…” napaungol ako, pilit bumabangon pero parang pinipigilan ako ng sarili kong katawan.
Agad akong napapikit ulit nang makaramdam ako ng hilo. Ilang saglit lang, narinig ko ang pinto na bumukas.
“Chendra…” malalim, puno ng pag-aalalang tawag niya. Lumapit siya sa akin at agad niyang dinampi ang palad niya sa noo ko. “Nilalagnat ka.” Hindi ko na masyadong makita ang mukha niya.
Nararamdaman ko lang ang pagmamadali sa kilos niya. Narinig ko ang lagaslas ng tubig at mayamaya’y malamig na bimpo ang dumampi sa noo ko.
“Tsk… Sabi ko na nga bang lalagnatin ka,” narinig kong bulong niya habang pinupunasan ang leeg at braso ko. “You lost a lot of blood. Your body’s reacting.”
“Yeah,” mahina kong sambit.
May gamot siyang pinainom sa ’kin, kahit medyo hirap akong lumunok. Tinulungan niya ako, sinusuportahan ang ulo ko ng isa niyang kamay, habang hawak ang baso sa kabila.
“Kaunti lang, please. Para bumaba ang lagnat mo,” pakiusap niya. Sumunod ako, kahit nahihirapan.
“Stay with me, Chendra. Kailangan mo lang magpahinga. Ako na ang bahala sa ’yo.”
At sa gitna ng pagkalito at pagkahilo, sa init na bumabalot sa katawan ko, at sa malamig niyang tinig na puno ng pag-aalala… doon ako muling pumikit.
***
Nagising ako kinabukasan, ramdam ko pa rin ang kirot ng tagiliran ko dahil sa aking sugat. Ngunit masasabi kong maayos na ang kalagayan ko. Nakararamdam lang ako ng panglalagkit sa katawan. Hanggang sa bumukas ang pinto at pumasok si Jamie. May suwero rin ako sa kaliwang pulso.
“Okay ka na ba, C?” nakangiti niyang tanong. Hindi ko siya nakikitaan ng pag-aalala, dahil alam kong masaya siyang nakitang gising na ako.
“Yes, ano na ang nangyari?” tanong ko at nang pinilit kong bumangon ay tinulungan niya ako. Nilagyan pa niya ng unan ang likod ko para maging komportable ako.
“Okay na ang lahat, C. Pinapaimbestigahan na namin ang nangyari kahapon. Nagsalita agad si Sir Vladimier, na may hula siya. Na baka plano raw iyon ng fiancé niya. Magbibigay ng espesyal na misyon ang superior natin. Kailangan ka namin, kaya magpagaling ka na muna.”
“Sige, salamat.”
“Alam ko kung bakit sinunod mo pa rin ang gusto mo na lumabas kahit nararamdaman mong may mali. Para lang mapatunayan mo na may kinalaman ang fiancé niya,” sabi pa ni Jamie at hindi na ako nagsalita pa.
Hindi nagtagal ay pumasok ang dalawang lalaki sa kuwarto ko. Nang makita ako ng boss ko ay parang nakitaan ko pa siya ng relief sa mga mata niya.
“C, maayos na ba ang pakiramdam mo?” Si Klein, marahan lang akong tumango. “Mabuti na lang okay ka na. Hinintay ka lang namin ni Jamie na magising para makaalis na rin kami. Magaling ang doktor mo,” aniya at tiningnan pa niya ang tinutukoy niyang doktor ko.
Ako nga rin ay namangha, hindi ko akalain na marunong palang siyang gumamot. Hindi lang sa simpleng sugat. Kaya niyang tanggalin ang bala sa katawan ng tao.
Sa akin lang ito nakatingin. Nakasuksok ang magkabilang kamay sa bulsa ng cargo pants niya. Hindi ko magawang tagalan, kaya minabuti ko na lang na tumingin sa ibang direksyon.
“Oh siya, aalis na kami, C. Usap na lang tayo mamaya,” paalam ni Jamie. Tanging pagtango na lang ang ginawa ko.
“Mag-iingat ka na sa susunod, C,” paalala naman ni Klein. Nakaakbay siya sa nobya nang lumabas na silang dalawa. Sumunod nga lang ang lalaking gumamot sa akin.
Nakahinga ako nang maluwag. Kakaiba ang aura niya ngayon, parang ang bigat ng presensiya niya.
Tiningnan ko ulit ang suwero sa aking pulso. Gusto ko sanang tanggalin. Ngunit alam kong may magagalit.
Akala ko nga ay hindi na babalik pa rito ang kasama ko sa condo na ito. Pumasok nga siya na bitbit na niya ang tray.
“Nagluto ako ng lugaw, Chendra. Kumain ka muna,” aniya at umupo sa gilid ng kama ko. “Iinom ka pa ng gamot.” Nabigla pa ako nang hinipo niya ang noo ko. “Ang bilis din palang bumaba ang lagnat mo. Maputla ka pa rin, kaya kailangan mo talagang magpahinga.”
“Thank you,” sabi ko lang. Napapikit ako nang pitikin niya ang noo ko.
“Pasaway.” Napahimas na lang ako sa akin noo at napailing. “Kumain ka na at ubusin mo ’yan,” utos niya. Malamig pa ang boses.
Sinunod ko naman siya, tahimik niya lang akong pinapanood. Good thing na hindi niya naisipan na subuan ako. Dahil mas lalo akong maiilang.