Kumakain si Ashley sa may Canteen. Siya pa rin ang pinag-uusapan ng mga studyante. Dine-dedma na lamang niya ang issue na iyon dahil alam niya sa sarili niya na hindi siya ang may gawa ng mga bagay na iyon.
"Si Jasper." wika ng isang babae. Napatingin naman si Ashley sa tinitingnan ng mga babaeng nag-uusapan at tumama ang paningin niya kay Jasper na naglalakad. Nang malapit na sa pwesto niya ay tinawag niya ito.
"Jasper." wika ni Ashley ngunit hindi siya nito nilingon at nagdere-deretso sa paglakad. Pagtataka naman ang nasa mukha niya ng mga sandaling iyon. Napatawa naman ang mga studyante at napatingin sa kanya.
"Ano ba iyan? Ano kayang problema ni Jasper? Alam na kaya niya 'yong news na kumakalat? Mas naniwala kaya siya sa mga iyon?” pag-aalala niya. “O baka naman hindi niya narinig ang pagtawag ko sa pangalan niya." bulong niya sa sarili niya at nagpatuloy na lang siya sa pagkain.
Pumunta si Jasper sa bulletin board sa may Lobby upang i-check ang mga sinabi ni Robert. Kung nandoon pa ang nakadikit na papel.
"Wala na nga ang fake news." saad ng isipan niya. Seryoso pa rin ang mukha niya hanggang sa dumating si Abigael.
"Anong tinitingnan mo diyan?" nakangiti nitong tanong sa kanya, napatingin naman siya rito.
"Wala." tipid niyang sagot at tatalikuran na sana niya ito nang,
"Wait lang, Jasper." pigil ni Abigael, huminto naman siya sa paglakad. "Alam ko naman kung anong hinahanap mo dito e." pagkasabi ni Abigael noon ay napalingon siya rito at tiningnan ng seryoso. May kinuha naman si Abigael sa bulsa nya. "Ito 'yong hinahanap mo, tama ba?" inilahad ni Abigael ang kamay niya at nakita niya ang lukot na papel sa palad nito.
"Bakit na sa'yo iyan?" napataas ang kilay niyang tanong kay Abigael.
"Kinuha ko. Nakakahiya kasi 'yong kumakalat na issue tungkol sa'yo at sa imba girl na transferee na iyon. Naisip ko, baka ikasira ng reputasyon mo bilang asset ng Campus ang ganitong issue."
Lumapit naman siya kay Abigael upang kuhanin ang papel. Binasa niya ang nakasulat FINALLY, KAMI NA NI JASPER FROM ASHLEY lalong kumunot ang noo niya.
"Alam ko namang mabait ka sa lahat ng studyante rito dahil bilang isang asset ng Campus, kailangan ay role model ka rin pero tama ba na ipaskil ang ganiyang issue para lang makilala siya at maging sikat din katulad mo." dugtong pa ni Abigael. "Hindi ko lubos maisip na 'yong pinagtatanggol mo sa akin at sa mga sossy girl ay hindi pala maganda ang ugali. Mukhang mali ka yata ng pinagtatanggol, Jasper." dere-deretsong sabi pa ni Abigael.
Sa sobrang inis ni Jasper ay nilukot niya ulit ang papel at saka itinapon. Hindi siya umimik sa mga sinabi ni Abigael, tumalikod lang siya at iniwan na ito.
Pagbalik niya sa Gym ay nakita niya si Ashley na kausap si Robert.
"Robert, nakita mo ba si Jasper? May kailangan kasi akong sabihin sa kanya."
Rinig niyang tanong ni Ashley kay Robert.
"Ah Ashley, umalis siya e. Kanina pa.” sagot naman ni Robert kay Ashley habang nagpapatalbog siya ng bola at sa paglingon ni Robert, nakita niya si Jasper na nakatayo. “O nandiyan na pala." sabay turo ni Robert kay Jasper.
Lumingon naman si Ashley at napatingin kay Jasper. Seryoso naman ang mukha ni Jasper at iniwasan niya ng tingin si Ashley.
"Ah Jasper." tawag ni Ashley nang malapit na sa kanya si Jasper ngunit nilagpasan siya nito at deretsong lumapit kay Robert.
"Pre, training na tayo." at inagaw ang bola kay Robert. Napasimangot si Ashley at pag-aalala ang nasa isipan niya. Mga ilang oras din siyang nakatayo at nakatingin kina Jasper at Robert na nagpa-praktis.
"Mukhang alam na niya 'yong kumakalat na issue. Mukhang mas pinaniwalaan niya iyon kesa ang pakinggan akong mag-explain." malungkot niyang sabi at saka tuluyan na siyang umalis sa Gym.
Pagkatapos ng training nina Jasper at Robert ay naupo muna sila sa bench.
"Mukhang iniiwasan mo na ha?" pagtatanong ni Robert.
"Akala ko, iba siya sa mga sossy girl ng Campus. Ang simple niya kasing babae at mukhang matino pero nagkamali ako." napailing siya dahil sa disappointed. Bumigat ang pakiramdam ni Jasper sa mga lumabas sa bibig niya.
"Sabi ko naman sa'yo pre. One is enough, two is too much." at uminom ito ng tubig.
"Pero alam mo pre. Kahit na gano'n yung kumakalat. Hindi ako makapaniwala na siya ang may kagagawan. Kaya hangga't hindi ko alam kung sinong may gawa, mas mabuti sigurong iwasan ko muna siya." medyo malungkot na saad niya.
"Hayaan mo na 'yan pre. Ordinaryong babae lang naman si Ashley. Kung siya man ang may gawa o hindi, hindi na big deal 'yon. Ang big deal 'yong reputasyon mo at ng Paaralan. Hindi pwedeng lumabas ang issue na 'yan." tumayo si Robert. "At isa pa, ihanda mo na sarili mo. Any moment baka ipatawag ka ni tito dahil sa issue na iyan." at saka ito lumakad. "Una na ko, pre." paalam nito.
Kinagabihan, nasa loob ng kwarto si Ashley at nagko-computer nang pumasok ang mommy niya dala ang gatas niya.
"Oh mommy." ngumiti siya ng pilit upang hindi mapansin ng mommy niya na hindi siya okay.
"Here’s your milk, iha." at naupo sa kama. Inabot naman ni Ashley at inilapag sa mesa niya malapit sa desktop.
"Thanks mom.” tanging reply niya at nagpakabusy sa pagko-computer.
“Hmmm... Mukhang may problema yata ang baby ko?" pagtatanong ng mommy niya. Tumigil si Ashley sa ginagawa niya at yumakap sa mommy niya.
"Mom" malungkot na boses. "Si Jasper po kasi, mukhang iniiwasan niya ko." malungkot niyang sabi.
"At bakit ka naman iniiwasan ng lalaking iyon?" pagtatakang tanong ng mommy niya sa kanya.
"Dahil po sa kumakalat ng balita tungkol sa'min." naluha na siya habang kinukwento ang mga nangyari.
"Meron po kasing nagdikit at nagkalat ng issue na kami na ni Jasper. 'Tapos pangalan ko 'yon nilagay na nagkalat noon. Nakalulungkot lang kasi hindi man lang niya gustong marinig ang paliwanag ko, mas naniwala siya kaagad sa post na 'yon." pagkukwento ni Ashley. Napakalas sa pagkakayap ang mommy niya sa kanya.
"Sinubukan mo bang magpaliwanag sa kanya?" tanong ng mommy niya at tumango naman siya. "Okay, hindi mo na kasalanan kung mas naniniwala siya sa mga post at sabi-sabi ng mga studyanteng nakapaligid sa kanya. Basta hindi ikaw ang may gawa at wala kang kasalanan, hindi mo na kailangang isipan pa iyon. Huwag mong masyadong pahirapan ang sarili mo sa mga bagay na hindi mo naman kontrolado. O' siya, ubusin mo na ang gatas mo at matulog ka na. Maaga pa ang pasok mo bukas." tumango na lang si Ashley. At bago lumabas ng kwarto ang mommy niya "Kung sakaling magbago ang isipan mo at gusto mo ng ipakilala ang sarili mo sa Campus, I will help you. Ang gusto ko lang, maging masaya ka sa pinilit mong choice sa buhay." wika ng mommy niya at saka sinarado ang pinto. Ininom na niya ang gatas niya at pagkatapos ay may kinuha siya sa drawer niya. Nang hawak na niya ang notebook ay inilagay niya sa pahina noon ang panyo na pag-aari ni Jasper. Nagsulat siya sa notebook niya ng mga dapat n'yang gawin.
"Mae-enjoy ko rin ang High School Life ko." sabi niya sa sarili niya at saka siya huminga ng malalim.